Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XVII

Ang periya sa Kiyapo

Ang gabí’y magandá at ang anyô ng̃ liwasan ay lubháng masayá. Sa pagsasamantalá sa masaráp na simoy at maníngning na buwan kung Enero ay punông-punô ang periya ng̃ taong ibig makakita, mákita at makapaglibáng. Ang mg̃a músika ng̃ mg̃a kosmorama at ang ilaw ng̃ mg̃a parol ay siyang nagbibigáy galák at kasayahan sa madlâ. Mahahabàng hanay ng̃ mg̃a tindahan, nagniningning̃ang aliyamás at mg̃a pangkulay, lantad sa tíng̃ín ay may mg̃a kumpol-kumpol na pelota, mg̃a máskarang nang̃akatuhog sa matá, mg̃a larùang lata, mg̃a tren, karrong maliliít, kabayong maliliít na napagágalaw, mg̃a sasakyán, mg̃a bapor na may kanikaniláng maliliit na kaldera, mg̃a pingánpinganang maliliit, mg̃a beléng mumuntì na kahoy na pino, mg̃a manikàng gawâ sa ibáng lupaín at gawâ dito, ang mg̃a una ay masasaya at bulháw at ang mg̃a hulí ay mg̃a walâng katawatawa at mapagnilay na warìng mg̃a maliliit na babaing may gulang, sa piling ng̃ mg̃a batàng nápakalalakí. Ang tugtóg ng̃ mg̃a tambol na maliliít, ang kaing̃ayan ng̃ mg̃a trompetrompetahang lata, ang tugtuging ng̃ong̃ò ng̃ mg̃a kurdiyon at mg̃a organillo ay nagkakahalòng warì’y tugtugan sa karnabal, at sa gitnâ ng̃ lahát ng̃ iyon ay paroo’t parito ang makapal na tao na nang̃agtutulakán, nagkakabunggùang ang mukhâ’y nang̃akaling̃ón sa mg̃a tindahan kayâ’t madalás ang untugan at kung minsán ay katawatawa. Napipilitang pigilan ang takbó ng̃ mg̃a kabayo ng̃ mg̃a sasakyán, ang tabi! tabi! ng̃ mg̃a kotsero ay nádiding̃íg na sunódsunód; [159]nang̃agkakasalúsalubong ang mg̃a kawaní, mg̃a militar, mg̃a nag-aaral, mg̃a insík, mg̃a dalagindíng na kasama ng̃ kaniláng mg̃a iná at ali, nang̃agbábatián, nang̃agkikindatan, masasayáng nagtutudyuhan.

Si P. Camorra ay nasa karurukan ng̃ kaniyang kaligayahan sa pagkakita ng̃ gayóng karaming magagandáng dalaga; nápapatigil siya, nápapaling̃ón, itutulak si Ben-Zayb, mapapapaaták, sumusumpa’t aniya’y: at iyan, iyan, manghihitit ng̃ tintá? at doon sa isá ¿anó ang masabi mo? Sa kaniyang kagalakan ay hindî na pinupupô ang kaniyáng kalaban at katunggalî. Tinitingnán siyang maminsan minsan ni P. Salvi, ng̃unì’t hindî niya pinápansín si P. Salvi, kundî bagkús pa ng̃âng binubunggô ang mg̃a dalaga upang masagì silá, na kinikindatan at tinititigan ng̃ titig na may palamán.

¡Puñales! ¿Kailan kayâ akó magiging kura sa Kiyapô?—ang tanóng sa sarili.

Si Ben-Zayb ay biglâng nakabitáw ng̃ isáng tung̃ayaw, nápalundág at pinigilan ang kaniyang bisig; sa gitnâ ng̃ kagalakan ni P. Camorra ay kinurot siya. Dumarating ang isáng nakasisilaw na binibining pinagtitingnanan ng̃ lahát ng̃ taong nasa liwasan; dahil sa hindî magkasiya sa kagalakan si P. Camorra ay pinagkámaláng bisig ng̃ dalaga ang bisig ni Ben-Zayb.

Ang binibini’y si Paulita Gómez, ang makisig sa madlâng makisig na sinusundán ni Isagani; sa likurán ay sumusunod si aling Victorina. Ang dalaga’y nagniningning sa kagandahan; ang lahát ay nápapatigil, ang mg̃a liíg ay bumabaluktot, napapahintô ang mg̃a usap-usapan, sinusundán ng̃ mg̃a paning̃ín at si aling Victorina ay tumatanggáp ng̃ mg̃a magalang na batì.

Ang suot ni Paulita Gomez ay barò’t panyông pinyá na binurdahan, ibá kay sa isinuot ng̃ umagang iyon sa pagparoón sa Sto. Domingo. Ang nang̃ang̃aninag na habi ng̃ pinya ay nagbibigáy ng̃ lalòng gandá sa kaniyáng ulo, at ang mg̃a pilipinong nakakamalas ay iginagaya siya sa buwang nalilibid ng̃ maputî’t manipís na ulap. Isáng sayang sutlâ na kulay rosa, na nagkakutonkutong mainam ang ayos sa pagkakápigil ng̃ kaniyáng muntîng kamáy, ay nagbibigay dilág sa kaniyáng tuwíd na ulo, na ang mg̃a kilos na inaayusan ng̃ malambót na liig ay nagpapahayag ng̃ pananagumpay na lubós ng̃ kataasan at kalindîán. Si Isagani’y [160]warìng hindî nasisiyaháng loób; nayayamót siya sa gayóng karaming matá, karaming mg̃a talogigì na tumatanáw sa kagandahan ng̃ kaniyáng iniibig: ang mg̃a ting̃ín ay inaakalà niyang nakaw, at ang mg̃a ng̃itî ng̃ dalaga’y inaarì niyang pagtataksíl.

Nang makita ni Juanito ang binibini ay pinaglalò ang kakubâan at nagpugay: sinagót siya ng̃ pasumalá ni Paulita, at tinawag siya ni aling Victorina. Si Juanito ang kaniyang kinikiling̃an at sa ganang kaniya ay ibig pa itó kay sa kay Isagani.

—¡Anóng gandáng dalaga! ¡Anóng gandá!—ang bulóng ni P. Camorra na sumilakbó ang kalooban.

—¡Padre ang tiyan mo pò ang kurutin at bayaan ninyó kamí!—ang payamót na sabi ni Ben-Zayb.

—¡Anóng gandáng dalaga! anóng gandáng dalaga—ang ulit—at ang lumíligaw ay ang nag-aaral na kilalá ko, ang nanulak.

—¡Mapalad siyá at hindî taga roon sa bayan ko!—ang patuloy pagkatapos na iniling̃óng makailan ang ulo upang sundán ng̃ ting̃ín ang binibini. Ibig ibig nang iwan ang kaniyáng mg̃a kasama at sundán ang dalaga. Nahirapan si Ben-Zayb bago siyá napahinuhod.

Si Paulita ay patuloy sa paglakad at nakita ang kaniyáng magandáng anyô at ang kaniyáng muntîng ulo, na mainam ang pagkakápusód, na malindíng gumágaláw.

Ang ating mg̃a nagliliwalíw ay patuloy sa kaniláng paglakad na ang parìng artillero ay nagbúbuntóng hining̃á, at nakasapit silá sa isáng tindahang nalilibid ng̃ mg̃a nanonood na madalîng sila’y linuwagan.

Yaón ay isáng tindahan ng̃ mg̃a mumuntîng larawang kahoy, na gawâ dito, na nagpapakilala sa sarìsarìng lakí at anyô ng̃ mg̃a ayos, lahì at mg̃a paghahanap buhay sa kapulùan, mg̃a indio, kastilà, insík, mestiso, prayle, klérigo, kawaní, kapitán sa bayan, nag-aaral, sundalo at ibp. Dahil mandín sa ang mg̃a artista ay may hilig sa mg̃a parì, na ang mg̃a kutón ng̃ mg̃a habito ay siyáng naaayos sa kaniláng mg̃a kagawìan sa pagyarì, ó dahil sa ang mg̃a prayle, sa pakikihimasok nitóng lubhâ sa mg̃a lipunang pilipino’y nakapagpapaulap sa pag-iisip ng̃ eskultor, magíng alín man sa dalawáng kadahilanan, ang katunayan, ay marami ang [161]kaniláng kawangkî, na mabuti ang pagkakayarì, anyông anyô, at itinátanghál silá sa mg̃a dakilàng sandalî ng̃ kabuhayan, baligtád kay sa ginágawâ sa kanilá sa Europa, na doo’y inilálarawan siláng nákakatulog sa ibabaw ng̃ mg̃a barriles ng̃ alak, nang̃agsúsugál, tumútunggâ, nangaapung̃ot ó hináhaplós ang sariwàng mukhâ ng̃ isáng dalaga. Hindî: ang mg̃a prayle sa Pilipinas ay kaibá: mg̃a makikiyás, malilinis, mabubuti ang bihis, ang anit sa tuktok ay mainam ang pagkakaputol, ang mg̃a mukhâ’y ayós at maliwanag, ang matá’y mapagmasíd, anyông banal, may kauntîng pulá sa pisng̃í, may tungkód na palasan sa kamáy at sapatos na tsarol sa paa, na nakaaakit na sambahín silá at ilagáy sa birina. Kapalít ng̃ mg̃a sagisag ng̃ katakawan at kahalayang tagláy ng̃ kaniláng mg̃a kapatíd na nasa Europa, ang dalá ng̃ mg̃a nasa Maynilà ay ang aklát, ang crucifijo, ang sang̃áng sagisag ng̃ paghihirap; kapalít ng̃ panghahalík sa mg̃a mangmáng na babaing tagá bukid, ang mg̃a nasa Maynilà ay nagpapahalík ng̃ kamáy sa mg̃a batà, sa mg̃a taong may kagulang̃àn na nang̃akayukô’t halos nakaluhód; kapalít ng̃ paminggalang punô ng̃ kakanín at mg̃a kakanán na siyáng tanghalan nilá sa Europa, sa Maynilà ay mg̃a dálang̃inan, mesang aralán; kapalít ng̃ prayleng marálitâ na lumalapit sa mg̃a baháybaháy na dalá ang kaniyáng burro at ang supot upang manghing̃î ng̃ limós, ang prayle sa Pilipinas ay nagsasabog ng̃ dakótdakót na gintô sa mg̃a kaawàawàng indio......

—¡Tingnán ninyó, nárito si P. Camorra!—ang sabi ni Ben-Zayb na dalá pa ang sing̃áw ng̃ champagne.

At itinuturò ang larawan ng̃ isáng payát na prayle, na warì’y nag-íisíp, nakaupô sa piling ng̃ isáng dulang, ang ulo’y nakapatong sa palad at sumusulat mandín ng̃ isáng sermon. May isáng lámparang nakapagpapaliwanag sa kaniyá.

Ang pagkakaibayó ng̃ anyô’y ikinahalakhák ng̃ lahát.

Náramdamán ang tukoy ni P. Camorra, na nalimutan na si Paulita, at siyá namáng tumanóng:

—At ¿sino namán ang kamukhâ ng̃ larawang itó, Ben-Zayb?

At tumawa ng̃ kaniyáng tawang paleto.

Ang larawan ay isáng matandâng babaing bulág ang isáng matá, gusgusin, na nakalupasay sa sahig, gaya ng̃ mg̃a anito ng̃ mg̃a indio, na namimirinsá ng̃ damít. Ang kasangkapan [162]ay nagayahang mabuti; tansô, ang ding̃as ay palará at ang alimpuyó ng̃ usok ay marurumí’t pinilipit na bulak.

—¿Hoy, Ben-Zaib, hindî hang̃ál ang nakámunakalà, anó?—ang tanóng na tumatawa ni P. Camorra.

—Hindî ko malaman ang ibig tukuyin!—ang sabi ng̃ manunulat.

—Ng̃unì’t ¡puñales! hindî ba ninyó nákikita ang pang̃alan, la prensa filipina? Ang kasangkapang iyan na ipinamimirinsá ng̃ matandâng babai ay tinatawag ditong prinsá!

Lahát ay nagtawanan at si Ben-Zayb man ay humalakhák din.

Dalawáng sundalong guardia sibíl na may tandâng mg̃a sibil, ay nálalagay sa likurán ng̃ isáng taong nakabalitì ng̃ matitibay na tanikalâ at ang mukhâ’y natatakpán ng̃ sambalilo: ang pang̃alan ay Ang Lupaín ng̃ Abaká at warìng bábarilín.

Hindî naibigan ng̃ marami sa ating mg̃a dalaw ang tanghalan. Pinag-uusapan ang tuntunin ng̃ Arte, humáhanap ng̃ pagkakatimbángtimbáng ng̃ lakí, ang sabi ng̃ isá’y walâng pitóng ulo ang larawang gayón, na ang mukhâ’y kulang ng̃ isáng ilóng, walâ kundî tatatló, bagay na ikinapag-isíp ng̃ kauntî ni P. Camorra na dî makahulòng kung bakit, upang magíng ayos ang isáng larawan ay, dapat magkaroón ng̃ apat na ilóng at pitóng ulo; anáng isá’y kung bakit malitid, sa, ang mg̃a indio ay hindî gayón; na kung yaón ay matatawag na escultura ó carpintería lamang, at ibp.; balà na’y nagpahayag nang kaniyáng panunuligsâ at upang huwag namáng mápahulí sa ibá si P. Camorra ay nang̃ahás humanap ng̃ tatlóng pûng hità sa bawà’t manikà. Kung makahihing̃î ng̃ ilóng ang ibá ay ¿bakit ng̃â namán hindî siyá makahihing̃î ng̃ hità? At doon din nang̃agtatatalo kung ang indio’y may katalinuhan sa pag-eeskultor, kung nárarapat palusugin ang gayóng arte, at sisimulán na ang pagtatalong sabáy-sabáy na pinutol ni D. Custodio sa pagsasabing ang mg̃a indio ay may katalinuhan, ng̃unì’t ang paggawâ lamang ng̃ santó ang dapat harapín.

—Kahì’t sino ay magsasabi—ani Ben-Zayb na ng̃ gabíng yaón ay nagíng mapanudyó—na ang insík na iyan ay si Quiroga, ng̃unì’t kung pagwawarìing mabuti ay kamukhâ ni P. Irene.

[163]—¿At anó ang masasabi ninyó sa indio-inglés na iyan? Náhahawíg kay Simoun.

Umaling̃awng̃áw ang pamulîng halakhakan. Hinaplós ni P. Irene ang kaniyang ilóng.

—¡Tunay ng̃â!—¡Tunay ng̃â!—¡Siyang siya!

—Datapwâ’y ¿násaan si Simoun? ¡Bilhín ni Simoun!

Si Simoun ay nawalâ, walâng nakakita sa kaniya.

¡Puñales!—ang sabi ni P. Camorra—¡nápakakuripot ang amerikano! Natatakot na pabayaran natin sa kaniyá ang kaupahán ng̃ lahát sa pagpasok sa patanghalan ni Mr. Leeds.

—¡Hindî!—ang sagót ni Ben-Zayb—ang ipinang̃ang̃ambá ay ang magipít siya. Nahuhulàan na ang masamâng biròng aabot sa kaniyáng kababayang si Mr. Leeds, kayâ’t nagmamaangmaang̃an.

At nang̃agpatuloy ng̃ lakad, upang panoorin ang nábabantóg na ulo, na walâng binilíng anománg kahì’t masamâng larùan.

Humandóg si Ben-Zayb na siyáng makikipag-usap: hindî maáarìng hiyaín ng̃ amerikano ang isáng mámamahayág na mangyayaring maghigantí sa pamagitan ng̃ isáng mapaniràng lathalà.

—Mákikita ninyó’t pawàng kagagawán lamang ng̃ salamín—aniya—sapagkâ’t tingnán ninyó......

At mulîng nagsimulâ ng̃ isáng mahabàng pagpapaliwanag, at sa dahiláng walâ siyang kaharáp na salamín na makasisirà sa kaniyáng sinasabi, ay idinugtóng nang lahát ang kabulastugáng matuturan hanggáng sa káhulihulihan ay hindî na matumpakán ang sinasabi.

—At mákikita rin ninyó kung hindî pawàng pagkasirà lamang ng̃ paning̃ín.