Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXIV

Mg̃a pang̃arap

¡Amor, qué astro eres?

Nang kinabukasan, isáng araw ng̃ huwebes, bago lumubóg ang araw, ay naglálakád si Isagani sa liwaliwang María Cristina na tung̃o sa Malecón, upang dumaló sa itinipán sa kaniyá ni Paulita ng̃ umagang iyón. Walâng pag-aalinlang̃an ang binatà na ang kaniláng pag-uusapan ay ang nangyari sa gabíng nagdaán, at sa dahiláng siyá’y handâng hing̃án ng̃ paliwanag ang binibini at alám niyá ang pagkamataás at ugalìng matigás nitó ay ináasahan na ang isáng pagkakasirâ. Dahil sa pananakalìng itó ay tinagláy niyá ang dalawáng bugtóng na sulat ni Paulita, dalawáng kaputol na [232]papel, na bahagyâng kinatatalâán ng̃ iláng talatàng madalìan ang pagkakatitik, na may iláng lamas at dî lubhâng ayos ang pagkakasulat, mg̃a bagay na hindî nakahadláng upang silá’y pakaing̃atan ng̃ binatàng nang̃ing̃ibig na higít pa kay sa silá’y nagíng sulat ni Safo ó ng̃ musa Polimnia.

Ang pagtalagáng itó na pawìin ang pag-ibig sa ng̃alan ng̃ karang̃alan, ang hang̃ád na magtiís makatupád lamang sa katungkulan, ay hindî nakapigil na sumalakay kay Isagani ang isáng matindíng kalungkutan at makapagpaalaala sa kaniyá noong magagandáng umaga at mg̃a gabíng lalò pa mandíng magagandá, na siláng dalawá’y nagbubulung̃an ng̃ matatamís na kahang̃alán sa mg̃a pag-itan ng̃ saláng bakal ng̃ entresuelo, mg̃a kahang̃aláng sa ganang binatà, ay may kahulugán at katuturán na waríng silá ang mg̃a tang̃ìng salitâ na dapat pakinggán ng̃ lalòng mataás na pang-unawà ng̃ tao. Iniisip ni Isagani ang mg̃a paglalakarán, ang mg̃a gabíng may buwán, ang peria, ang mg̃a madalíng araw ng̃ Disyembre matapos ang misa de gallo, ang agua bendita na karaniwang kaniyáng iniáabót at pinasasalamatan namán ng̃ binibini sa pamag-itan ng̃ isáng ting̃íng punô ng̃ isáng boông pagsintá, at kapuwâ silá nang̃íng̃ilabot pagtatamà ng̃ kaniláng mg̃a dalirì. Matutunóg na buntónghining̃á na warìng maliliit na kuwitis ang pumupulas sa kaniyáng dibdíb at sumásalagimsim sa kaniyá ang lahát ng̃ banggít ng̃ mg̃a makatà’t manunulat na ukol sa pagkasalawahan ng̃ babai. Sa loob niyáng sarili’y isinúsumpâ ang pagkakátayô ng̃ mg̃a dulàan, ng̃ operetang pransés, ipinang̃ang̃akòng gagantihân niyá si Pelaez sa lalòng madalíng panahón. Lahát ng̃ nasa paligid ay warìng malungkót at maiitím ang kulay sa ganáng kaniyá; ang dagatan ay ulila’t nag-íisá, lalò pa mandíng warì’y nag-íisá dahil sa kadalang̃an ng̃ mg̃a daóng na nakahintô roon; ang araw ay lulubóg sa likurán ng̃ Mariveles nang walâng anománg kagandahan at kariktán, walâ ang mg̃a ulap na sarìsarì ang ayos at mayaman sa kulay ng̃ mg̃a hapong magagandá; ang monumento ni Anda, na walâng kaayos ayos, marálitâ’t bagól, na walâng anyô, walâng kalakhán: warì’y isáng sorbetes ó mabuti na ang magíng isáng pastel; ang mg̃a ginoong nang̃agliliwalíw sa Malecón, kahì’t na may mg̃a anyông nasisiyahang loob at masasayá, ay warìng masusung̃ít, mapagmataás at mg̃a [233]hambúg sa ganang kaniyá; malilikót at walâng pinag-aralan ang mg̃a batàng naglalarô sa dalampasigan na pinatatalón sa alon ang mg̃a batóng lapád sa tabí ng̃ dagat, ó kayâ’y nang̃ágháhanáp sa buhang̃inán ng̃ mg̃a susô at kokomo na hinuhuli ng̃ walâng patumanggâ at pinápatáy ng̃ walâ namáng pakinabang; sa isáng sabi, sampû ng̃ walâng katapusáng paggawâ ng̃ daong̃an, na pinatungkulán niya ng̃ mahigít sa tatlóng tulâ, ay warìng isáng bagay na walâng kabuluhán, kahalayhalay, gawâng batà, sa ganang kaniyá.

—Ang daong̃an, ¡ah! ang sadsaran ng̃ Maynilà, isáng bastardo na mulâ’t sapol ng̃ ipaglihí ay nagpaluhà na sa lahát dahil sa pang̃ung̃untî’t kahihiyán! Kung hindî man lamang sana mangyari na matapos ang maraming pagluhà ay huwag lumabás na karimarimarim ang bung̃ang sisipót!

Nagpugay ng̃ hindî ininó ang dalawáng hesuita na nagíng mg̃a gurô niya; bahagyâ nang nápuna ang isáng tandem na ang lulan ay isáng amerikano at kínaíingitán ng̃ iláng makisig na nagpapalakad ng̃ kaniláng mg̃a kalesa; nang nálalapít sa monumento ni Anda ay nading̃íg si Ben-Zayb na may kausap at ang pinagsasalitàan ay si Simoun na nang gabíng nakaraán ay biglâng nagkasakít; si Simoun ay ayaw tumanggáp ng̃ anomang dalaw, sampû sa mg̃a alagád ng̃ General.

—¡Iyan!—ang bulalás ni Isagani na nápang̃itî ng̃ malungkót—diyan, ang mg̃a pakitang loob, sapagkâ’t mayaman.... Ng̃unì’t sa mg̃a sundalong sugatín at may sakít na galing sa pagsalakay ay walâng dumadalaw!

At sa pag-iisíp sa mg̃a pagsalakay na itó, sa kapalaran ng̃ mg̃a kaawàawàng sundalo at sa pakikipaglaban ng̃ mg̃a taga kapulùan na ayaw pasakop sa dayuhan, ay náisip ang pagtimbáng ng̃ mg̃a pagkamatáy, na, kung ang sa mg̃a sundalo ay dakilà sapagkâ’t tumútupad sa kaniláng katungkulan, ang sa mg̃a taga kapulùan ay maluwalhatì sapagkâ’t ipinagtátanggol ang kaniláng tinubùan.

—¡Katakátakáng kapalaran ang sa iláng bayan!—aniya—Sapagkâ’t ang isáng manglalakbáy ay lumunsád sa kaniyáng dalampasigan, ay nawawalán na silá ng̃ kalayàan at nagigíng sakóp ó alipin, hindî lamang ng̃ manglalakbáy, hindî lamang ng̃ mg̃a nagmamana sa mg̃a itô, kundî ng̃ kanilá pang mg̃a kababayan, at hindî sa isáng panahón lamang [234]kundî sa boông buhay na! ¡Katakátakáng pag-unawà sa katwiran! Ang kalagayang itó’y nagbibigáy ng̃ malakíng karapatán upang lipulin ang lahát ng̃ dayuhan na warì’y siyáng lalòng mabang̃ís na hayop na maitatapon ng̃ dagat!

At inísipisip, na, ang mg̃a taga pulông iyón, na kabaka ng̃ kaniyang bayan ay walâng ibáng kasalanan kundî ang tagláy na kahinàan. Ang mg̃a manglalakbáy ay lumunsád din namán sa dalampasigan ng̃ ibáng bayan; ng̃unì’t sa dahiláng nátagpûang malalakás ay hindî pinagtangkâán ng̃ kaniláng katang̃ì-tang̃ìng hang̃ád. Kahì’t na mahihinà ay minámagandá niya ang ipinamamalas, at ang pang̃alan ng̃ mg̃a kalaban, na hindî kinaliligtâáng lagyán ng̃ kakabít na duwag at dî mapagtapát ng̃ mg̃a pamahayagan, ay ipinalalagáy niyang mg̃a pang̃alang magitíng, sapagkâ’t namámatáy sa gitnâ ng̃ kadakilàan sa paanan ng̃ mg̃a gibâng muog ng̃ kaniláng dî wastông kutà, mg̃a dakilà pa kay sa matatandâng bayaning taga Troya; ang mg̃a nasa pulông iyon ay hindî nagnakaw ng̃ isá mang Elenang pilipina. At sa kaniyáng kasigabuháng loob sa pagkamakatà, ay iniisip ang mg̃a kabinatàan sa mg̃a pulông iyon na nang̃agkakapuri sa matá ng̃ mg̃a babai doon, at dahil sa siyá’y nang̃ing̃ibig, na may nasàng mawalâ sa mundó, ay kinaiinggitán niyá ang mg̃a kabinatàang iyón na nakakatagpô ng̃ isáng dakilàng pagpapatiwakál. At nábulalás na:

—¡Ah! Ibig kong mamatáy, mauwî sa walâ, iwanan ang aking bayan ng̃ isáng dakilàng pang̃alan, mamatáy ng̃ dahil sa kaniyá, siyá’y ipagtanggól sa pagdagsâ ng̃ mg̃a dayuhan at pagkatapos ay tanglawán ng̃ araw ang aking bangkáy na warì’y tanod na walâng kilos sa mg̃a talampás ng̃ dagat!

At ang pakikilaban sa mg̃a alemán ay pumasok sa kaniyáng alaala, at halos dinamdám niyá ang pagkakasawatâ ng̃ gayón; namatáy sana siyá ng̃ boong kasiyaháng loob sa piling ng̃ watawat ng̃ kastilà’t pilipino, bago sumukò sa dayuhan:

—Sapagkâ’t sa España—aniya—ay nabibigkís kamí ng̃ mahigpít, dahil sa nakaraan, sa kasaysayan, sa pananampalataya, sa wikà....

¡Ang wikà, oo, ang wikà! Isáng palibák na ng̃itî ang nalarawan sa kaniyáng mg̃a labì; ng̃ gabíng yaon ay mayroon siláng gagawíng isáng pigíng sa magpapansit upang ipagdiwang ang pagkamatáy ng̃ Akademia ng̃ wikâng kastilà.

[235]—¡Ay!—ang buntóng-hining̃á niyá—¡kapág ang mg̃a labusáw sa España ay kagaya ng̃ mg̃a náririto, sa madalîng panahón ay mabibilang ng̃ Ináng bayan ang mg̃a nagtátapát sa kaniyá!

Ang gabí’y untî-untîng lumálaganap at dahil doo’y nararagdagán ang kapighatìan sa pusò ng̃ binatà, na walâ nang pag-asa halos na makita si Paulita. Iniiwan na ng̃ mg̃a naglíliwalíw ang Malecón upang tumung̃o sa Luneta, na ang iláng bahagi ng̃ tinutugtóg doon ng̃ músika ay nakaráratíng na dalá ng̃ masaráp na hang̃in sa hapon hanggáng sa kinalalagyán ng̃ binatà; ang mg̃a marino ng̃ isáng pangdigmâng dagat, na nakahimpíl sa ilog, ang gumágawâ ng̃ mg̃a paghahandâng ukol sa gabí, na, nang̃agsísiakyát sa lubid na warì’y mg̃a gagambá; ang mg̃a daóng ay untî-untî nang naglálagáy ng̃ kaniláng ilaw na nagbíbigáy buhay doon at ang dalampasigan

Do el viento riza las calladas olas
Que con blando murmullo en la ribera
Se deslizan veloces por sí solas......

na sinabi ni Alaejos, ay bumúbugá sa dakong malayò ng̃ manipís na sing̃áw na ginágawâng warì’y kayong madalang at matalinghagà ng̃ liwanag ng̃ buwan, na noon ay kabilugan......

Isáng malayòng dagunót ay náding̃íg, dagunót na untîuntîng lumálapít: luming̃ón si Isagani at ang kaniyáng pusò’y tumibók ng̃ malakás; isáng sasakyáng batak ng̃ dalawáng kabayong putî ang dumáratíng, ang mg̃a kabayong putîng makikilala niyá sa gitnâ ng̃ sandaanglibo. Sa sasakyán ay nakalulan si Paulita, si aling Victorina at ang kaibigang kasama ng̃ gabíng nakaraán.

Bago makahakbáng ang binatà’y nakaibís nang biglâ si Paulita at ng̃initîan si Isagani ng̃ isáng ng̃itîng lubós na pakikipagkásundô; si Isagani’y nápang̃itî namán at sa warì niyá’y napawìng parang usok ang lahát ng̃ ulap, ang lahát ng̃ masusung̃ít na akalàng sa kaniyá’y sumalakay; may mg̃a liwanag ang lang̃it, awit ang hang̃in at bulaklák ang nakakalat sa mg̃a damó ng̃ nilalakaran. Ang masamâ lamang ay naroroon si aling Victorina, si aling Victorina na kaylan ma’t nákikita ang binatà’y hindî binibitiwan upang pagtanung̃án nang balitàng ukol kay D. Tiburcio. Tinungkol [236]ni Isagani ang pagtuklás ng̃ kinalalagyán sa pamag-itan ng̃ mg̃a nag-aaral na kakilala niya.

—Walâ pang makapagsabi sa akin hanggá ng̃ayón—ang sagót, at katotohanan ng̃â ang kaniyáng sinasabi, sapagkâ’t si D. Tiburcio ay nagtatagò pa namán sa bahay ng̃ amaín ng̃ binatà, sa bahay ni P. Florentino.

—Ipabalità ninyó sa kaniyá—ang sabing galít na galít ni aling Victorina—na ipinahahanap ko siya sa guardia sibil; sa patáy man ó sa buháy ay ibig kong matantô kung saan naroon.... ¡sapagkâ’t iyang pang̃ang̃ailang̃ang mag-antáy ng̃ sampûng taón bago makapag-asawa ang isáng gaya ko!

Gulilát na nápating̃ín sa kaniyá si Isagani; iniisip ni aling Victorina ang pakasal. ¿Sino kayâ ang kulang palad?

—¿Anó ba ang pagkámasíd ninyó kay Juanito Pelaez?—ang biglâng tanóng ng̃ babai.

—¿Si Juanito?....

Hindî matumpakán ni Isagani ang isásagót; ng̃aníng̃aní nang ibig sabihin ang lahát ng̃ kasamàán ni Pelaez na kaniyáng batíd, ng̃unì’t ang pagkamapagbigáy ay siyang nagharì sa kaniyáng pusò at ang sinabi’y pawàng pagpuri sa kaagáw, sa dahiláng kaagáw ng̃â niya. Dahil sa gayón ay tuwângtuwâ at magalák na pinakapuri ni aling Victorina ang mg̃a kabutihan ni Pelaez, at gágawín na sanang katapatang loob si Isagani tungkol sa kaniyang panibagong pag-ibig, nang dumatíng na tumatakbó ang kaibigan ni Paulita upang sabihin na ang pamaypáy nito’y nahulog sa mg̃a batóng nasa pasigan, sa kalapít ng̃ Malecón. Pakanâ ó pagkakátaón, ng̃unì’t ang pangyayaring itó’y nagbigáy daan upang ang kaibigan ay mátirang kasama ng̃ matandâng babai at si Isagani namán ay mangyaring makipag-alaman kay Paulita. Sa isáng dako namán ay ikinalulugód ni aling Victorina ang gayón, at upáng maiwan sa kaniyá si Juanito, ay linúluwagán ang pag-ligaw ni Isagani.

Mayroon nang handâng paraan si Paulita; nang magpasalamat ay nagpakunwarîng may pagkamuhî, may samâ ng̃ loob, at ipinahiwatig, sa isáng paraang lubhâng mahinhín, na siya’y nagtataká sa pagkakatagpô doon sa binatà, gayóng ang lahát ng̃ tao’y nasa Luneta, sampû ng̃ mg̃a artistang pransesa.

—Tinipanán ninyó akó, ¿papanong hindî....?

[237]—Gayón man, kagabí’y hindî man ninyó nápunang akó’y nasa dulàan; sa boông itinagál ng̃ palabás ay minámatyagán ko kayó at hindî ninyó hinihíwalayán ng̃ ting̃ín iyóng mg̃a babaing cochers....

Nagkápalít ang kalagayan; si Isagani na náparoon upang huming̃î ng̃ paliwanag ay siya pang nagbigáy at sumaligaya siyáng lubós ng̃ tinuran ni Paulita na siya’y pinatatawad. Tungkól sa pagkakaparoon ng̃ babai sa dulàan, ay dapat pang pasalamatan sa kaniyá; siya, sa kápipilit ng̃ inali, ay pumaroon lamang sa pag-asang mákikita ang binatà sa boong palabás. ¡Gaano ang pagkutyâ niya kay Juanito Pelaez!

—¡Ang aking ali ang nakakaibig!—ang sabi na kasabáy ang masayáng halakhák.

Kapuwâ nagtawanan; ang pagkákasal ni Pelaez kay alíng Victorina ay ipinagkatuwâ niláng mabuti at halos namamalas na niláng nangyari; ng̃uní’t naalala ni Isagani na si D. Tiburcio ay buháy at ipinagkátiwalà ang lihìm sa kaniyang giliw, matapos na mapapang̃akòng hindî sasabihin kahì’t kanino. Si Paulita’y nang̃akò, ng̃unì’t sa sarili’y tangkâ ang sabihin sa kaibigan.

Ang bagay na itó’y siyáng naglipat ng̃ usapan sa bayan ni Isagani, na nalilibid ng̃ kagubatan at nálalagáy sa baybayin ng̃ dagat na nag-uumugong sa paanan ng̃ matataas na talampás.

Ang matá ni Isagani ay nagliliwanag sa pagbanggít sa liblíb na sulok na iyon; ang sigáw ng̃ pagmamakatang̃ì ay nagpapapulá sa kaniyáng pisng̃í, nang̃ing̃iníg ang kaniyáng boses, ang kaniyáng damdaming makatà ay sumusulák at ang mg̃a salitá’y pumupulás na mainit, punô ng̃ sigabó na warìng ang pag-ibig ng̃ kaniyáng pag-ibig ang tinuturan, kayâ’t hindî nakapigil sa pagbulalás ng̃:

—¡Oh! ¡Sa iláng ng̃ aking mg̃a kabundukan ay dinadanas ko ang pagkamalayà, malayàng gaya ng̃ simuy, gaya ng̃ liwanag na walâng sagkâng kumakalat sa sangsinukob! ¡Libo mang bayanán, libo mang palasyo ay ipagpapalit ko sa sulok na iyón ng̃ Pilipinas, na malayò sa mg̃a tao, ay dinadanas ko ang tunay na kalayàan! ¡Doón, kaharáp ang mg̃a sadyâng likás, kaharáp ng̃ hiwagà at ng̃ walâng katapusán; ng̃ kagubatan at ng̃ karagatan, ay nag-íisip akó, nagsasalitâ at gumagawâ nang gaya ng̃ isáng taong walâng kinikilalang pang̃inoón!

[238]Si Paulita, sa haráp ng̃ gayóng sigabó ng̃ kalooban dahil sa bayang kinákitàan ng̃ unang liwanag, sigabóng hindî kilalá, siya na hiratíng makáding̃íg ng̃ pag-alipustâ sa kaniyáng bayan at maminsan minsang siyá’y nakíkiayon sa gayón, ay nagpahalatâ ng̃ kauntîng warì’y panibughô sa paraang paghihinampó na gaya ng̃ dati.

Ng̃unì’t madalî siyáng napapayapà ni Isagani.

—¡Oo!—ang sabi—siyá’y iniibig ko ng̃ higít sa lahát ng̃ bagay noong hindî pa kitá nakikilala! Ibig na ibig ko ang magliklík sa kagubatan, humimbíng sa lilim ng̃ mg̃a punò, umupô sa ung̃ós ng̃ isáng talampás upang saklawín ng̃ ting̃ín ang Pasípiko na sa harapán kó’y hinahalò ang kaniyáng mg̃a bugháw na alon, at inihahatíd sa akin ang mg̃a awit na natutuhan sa mg̃a dalampasigan ng̃ malayàng Amérika.... Bago kitá mákilala, ang dagat na iyon ay siyáng aking mundó, aking lugód, aking pag-ibig, aking mg̃a pang̃arap. Kapag nahihimbíng ng̃ mapayapà at ang araw ay nagniningníng sa kaitaasan, ay ikinalulugód ko ang pagtanáw sa bang̃íng nasa sa aking paanan na may limángpung metro ang lalim, at hinahanap ko ang mg̃a kahang̃àhang̃àng hayop sa kagubatan ng̃ mg̃a bulaklák ng̃ bató at mg̃a korales na naaaninag sa bugháw na tubig, ang malalakíng serpiente na, alinsunod sa sabi ng̃ mg̃a taong bukid, ay umaalís umanó sa gubat upang manahanan sa dagat at doo’y magpakálakílakí.... Sa kináhapunan, na, umanó’y, siyáng paglabás ng̃ mg̃a sirena, ay sinusubukan kong masigasig sa pag-itan ng̃ mg̃a alon, na minsan, ay warìng namalas ko silá sa gitnâ ng̃ bulâ at doo’y nang̃aglálarò; maliwanag na nadiding̃íg ko ang kaniláng mg̃a awit, awit na ukol sa kalayàan, at naulinigan ko ang tunóg ng̃ kaniláng matagintíng na alpá. Noong araw ay dumádaan akó ng̃ mahahabàng sandalî sa pagmamalas ng̃ pagbabagobagong anyô ng̃ mg̃a ulap, sa pagmamalas sa punòng nag-iisá sa kapatagan, sa isáng talampás, na hindî ko maunawà ang sanhî ng̃ pagkakagayón, na hindî mákilalang lubós ang damdaming yaon na ginigising sa aking kalooban. Madalás na akó’y pinagsasalaysayán ng̃ mahahabàng pang̃aral ng̃ aking amaín at sinasabing dadalhín akó sa isáng manggagamot dahil sa bakâ akó’y magkaróon ng̃ sakit na mapanglawin. Dátapwâ’y nákita kitá, kitá’y inibig, at sa pagpapahing̃áng ito sa pag-aaral [239]ay warìng may isáng bagay na walâ sa akin ng̃ akó’y nároon, ang kagubatan ay madilím, malungkót ang ilog na umaagos sa kagubatan, ang dagat ay nakaíiníp, ang abot ng̃ malas sa dakong kalookan ay walâng anománg bagay.... ¡At! kung máparóon ka lamang doón, kahì’t miminsan, kung tungtung̃án ng̃ mg̃a paa mo ang mg̃a landás na iyón, kung kanawín ng̃ dulo ng̃ iyóng mg̃a dalirì ang tubig ng̃ mg̃a batisan, kung tingnán mo ang dagat, maupô ka sa talampás at pahiging̃in mo ang hang̃in sa pamag-itan ng̃ iyong mahihimig na awit, ang aking kagubatan ay magigíng Edén, ang agos ng̃ batisan ay aawit, sisipót ang liwanag sa kusim na dahon, magiging batóng brillante ang mg̃a paták ng̃ hamóg at magigíng perlas ang mg̃a bulâ ng̃ dagat!

Ng̃unì’t náding̃íg ni Paulita na upang makaratíng sa bayan ni Isagani ay kailang̃ang magdaán sa mg̃a bundók na maraming maliliít na lintâ, at dahil sa bagay na itó, ay kiníkilíg na ang duwág. Dahil sa gawî na niya ang ayaw mapagod at sa dahiláng siyá’y malayaw ay sinabing maglalakbáy lamang siyá kung naka-karwahe ó naka-tren.

Si Isagani, na nakalimot na sa lahát ng̃ kaniyáng mapaít na pagpapalagáy sa mg̃a bagay bagay at walâ nang nákíkita sa lahát ng̃ dako kundî bulaklák na walâng tiník, ay sumagót na:

—Sa loób ng̃ dî mahabàng panahón ang lahát ng̃ pulô’y makakalatan ng̃ mg̃a daáng bakal,

Na lubhâng matuli’t
halos parang hang̃in
na pagdaraanán
niyóng ferro-carril,

gaya ng̃ sabi ng̃ isáng sumulat; at sa gayón, ang mg̃a sulok ng̃ sangkapulûan ay mabubuksán sa lahát....

—Sa gayón, ng̃unì’t ¿kailan? Kung akó’y hukluban na....

—¡Bah! Hindî mo batíd ang magagawâ natin sa loob ng̃ iláng taón—ang sagót ni Isagani—hindî mo batíd ang lakás at ang sigabó na maibibigáy ng̃ bayan matapos ang daan daang taóng pagkáhimbíng.... Nililing̃ap tayo ng̃ España; ang kabinatàan nating nasa Madrid ay gumagawâ gabí’t araw at iniuukol sa tinubùan ang boô niláng katalinuhan, ang lahát ng̃ sandalî ng̃ kaniláng kabuhayan, ang lahát ng̃ kaniláng kaya; ang mg̃a mahahabaging ting̃íg doon ay nakikisapì [240]sa ating ting̃ig, mg̃a polítiko na nakababatíd na walâng mabuting bigkís kundî ang pag-iisá sa kabuhayan at sa damdamin: kinikilala ang ating katwiran at ang lahát ng̃ bagay ay nagpapahiwatig ng̃ isáng magandáng kinabukasan ng̃ madlâ.... ¡Tunay ng̃â at katatapos pa lamang na kapagtítikím ng̃ isáng muntîng pagkabigô, kamíng mg̃a nag-aaral, ng̃unì’t ang tagumpáy ay untíuntî nang lumalaganap sa lahát ng̃ layunín.... nasa sa budhî na ng̃ lahát! Ang taksíl na pagkatalong aming tinamó ay nagpapatunay ng̃ mg̃a hulíng hing̃á, ng̃ hulíng kilíg ng̃ mamámatáy! Bukas ay mámamayán kamí ng̃ Pilipinas na magandá na ang tutung̃uhin sapagkâ’t málalagáy sa mg̃a mairugíng kamáy; ¡Oo! ang kinabukasan ay amin, nákikiníkinitá ko nang kulay rosa, nakikiníkinitá kong ang pagkilos ay magbibigáy buhay sa dakong itó na laong panahóng patáy, náhihimbíng.... Nákikinikinitá ko ang pagsipót ng̃ mg̃a bayan sa kalapít ng̃ mg̃a daáng bakal, at sa lahát ng̃ pook ay may mg̃a pagawàan na gaya noong nasa Mandaluyong!.... Nádiding̃íg ko na ang pagsipol ng̃ bapor, ang dagundóng ng̃ mg̃a tren, ang ugong ng̃ mg̃a mákina.... namamalas kong pumápaitaas ang usok, ang kaniyáng malakás na hing̃á, at nálalang̃áp ko ang amóy ng̃ lang̃ís; ang pawis ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃àng kasangkapan na walâng tígil sa paggawâ.... Ang daong̃ang iyan, na may mahinàng pagkayarì, ang ilog na iyan na warì’y pinaghíhing̃alûán ng̃ pang̃ang̃alakal, ay mákikita nating punô ng̃ albor at maglalarawan sa atin ng̃ panahón ng̃ taglamíg sa kagubatan ng̃ Europa.... Ang malunas na simoy na itó at ang malilinis na batóng iyán ay mapupunô ng̃ uling, ng̃ mg̃a kaha at barriles na gawâ ng̃ tao; dátapwâ’y walâng kailang̃an! maglalakbáy tayo ng̃ madalìan, sa mg̃a maluluwág na sasakyán, upáng hanapin sa dakong loob ang ibáng simuy, ang ibáng tanawin sa ibáng dalampasigan, mg̃a lalòng malalamíg na sing̃áw sa mg̃a paanan ng̃ kabundukan.... Ang mg̃a acorazado ay siyáng magbabantáy sa ating mg̃a baybayin: ang pilipino at ang kastilà ay mag-uunahán sa pagpupunyagîng gapìin ang anománg pagdagsâ ng̃ mg̃a taga ibáng lupàín, upang ipagtanggól ang inyóng mg̃a tahanan at bayàan kayóng matuwâ at mabuhay ng̃ mapayapà, na ginígiliw at iginagalang. Ligtás na sa paraang panghihitít, walâng samâ ng̃ loob at pag-aalinlang̃an, ang bayan ay gágawâ na, [241]sapagkâ’t kung magkakágayón ay hindî na makaduduhagi ang paggawâ, hindî na magiging pang̃ang̃ayupapà, na warì’y takdâ sa alipin; sa gayón ay hindî na pasasamâín ng̃ kastilà ang kaniyáng ugalì sa tulong ng̃ mg̃a hang̃arìng magharìharìan at, tapát ang ting̃ín, malusog ang pusò, ay mag-aabutan kamí ng̃ kamáy, at ang pang̃ang̃alakal, ang paggawâ, ang pag-aani, ang karunung̃an ay magnanawnáw sa lilim ng̃ kalayàan at ng̃ mg̃a kautusáng tuwíd at pantáy pantáy na gaya ng̃ sa mayamang Inglaterra......

Si Paulita ay náng̃ing̃itîng warì’y alinlang̃an at iníilíng ang ulo.

—¡Pang̃arap, pang̃arap!—ang buntóng hining̃á—náding̃íg kong sinasabi na kayó’y maraming kalaban.... Ang sabi ni tia Torina ay alipin magpakailán man ang bayang itó.

—Sapagkâ’t ang ali mo’y isáng hang̃ál; sapagkâ’t hindî maaarìng siyá’y mabuhay nang walâng alipin, at kung walâ siyá noon ay pinápang̃arap ang sa dáratíng na panahón, at kung hindî mangyari ay binubukobuko sa sariling gunitâ. Tunay ng̃âng mayroón kamíng mg̃a kalaban, na magkákaroón ng̃ tunggalìan, ng̃unì’t kamí ang magtátagumpáy. Mangyayaring gawíng walâng wastông kanlung̃an ng̃ matandâng kaparaanan ang mg̃a duróg na muog ng̃ kaniláng mg̃a kastilyo, amin siláng gagapìing umaawit ng̃ kalayàan, sa haráp ng̃ inyóng mg̃a malas, sabáy sa pagakpák ng̃ inyóng mg̃a kamáy na aming minámahal! Sa isáng dako’y hindî ka dapat mang̃anib; ang labanán ay mapayapà; sukat na ang iabóy lamang ninyó kamí sa pag-aaral, gising̃in ninyó sa amin ang marang̃ál at mataas na pag-iisip at udyukán ninyó kamí sa pagtatamán, sa kagiting̃án, na ang pinakagantí’y ang inyóng paggiliw!

Tagláy dín ni Paulita ang kaniyáng ng̃itîng mahiwagà at warìng nag-íisíp; nakatanáw sa dako ng̃ ilog, at tinatapíktapík ng̃ pamaypáy ang pisng̃í.

—¿At kung walâ kayóng mápalâ?—ang tanóng na warìng hindî pinahahalagahán nang gaano ang usapan.

Ang tanóng na itó’y nakasugat kay Isagani; tinitigan ang mg̃a matá ng̃ kaniyáng irog, dahandahang piniglán ang isáng kamáy at nagwikàng:

—Pakingán mo: kung walâ kamíng mápalâ.....

At náhintông nag-aalinlang̃an.

[242]—Pakingán mo, Paulita,—ang patuloy—batíd mo kung gaano ang aking pagsintá at pagsambá sa iyó; alám mong nalilimot ko ang sarili kung akó’y iyóng tinititigan, kapag nábabakás ko sa titig na iyán ang isáng kisláp ng̃ pag-ibig.... gayón man, kapag walâ kamíng nápalâ, ay papang̃arapin ko ang isá mo pang titig at mapalad akóng mamámatáy upáng ang isáng liwaywáy lamang ng̃ pagmamalakí ay sumilay sa iyóng mg̃a matá at masabi mo sa balang araw, sa lahát, kasabáy ng̃ pagtuturò sa aking bangkáy, na: ¡ang aking pag-ibig ay namatáy sa pagsasanggaláng ng̃ mg̃a karapatán ng̃ aking bayan!

—¡Halinang umuwî, inéng, at bakâ ka sipunín!—ang sigáw ng̃ sandalîng iyón ni aling Victorina.

Ang boses na iyón ay nagpabalík sa kanilá sa katunayan ng̃ buhay. Yaón na ang oras ng̃ pag-uwî, at sa kagandahang loób, ay inanyayahang lumulan sa sasakyán si Isagani, anyayang hindî na inantáy ng̃ binatà na ulitin pang mulî. Sa dahiláng ang karuahe ay kay Paulita, ay umupô sa paharáp si aling Victorina at ang kaibigan, at sa bangkông maliít ang dalawáng magsing-irog.

Lulan ng̃ íisang sasakyán, mákasiping ang ginígiliw, lang̃apín ang bang̃ó, masagì ang sutlâ ng̃ damít, makitang nag-íisip, na nakahalukipkíp, naliliwanagan ng̃ buwán sa Pilipinas na nagbibigáy kagandahan at ding̃al sa anománg bagáy na lalòng lubasâ, ay isáng pang̃arap na hindî inantáy ni Isagani na mangyari magpakailán man! Nápakámaralitâ ng̃ mg̃a pauwîng naglálakád, na nang̃ag-íisá, at nang̃agsísiilag upang paraanin ang matuling sasakyán! Sa hinabà habà ng̃ dinaanang iyon, sa boong habà ng̃ baybayin, ng̃ liwaliwan ng̃ Sabana, ng̃ tuláy ng̃ España, ay walâng nákita si Isagani kundî isáng magandáng ulong nakatagilid, na mainam ang pusód, na nagtátapós sa isáng sunúdsunurang liíg na nawawalâ sa mg̃a guyón ng̃ pinyá. Isáng brillante ang kumíkindát sa kaniyá mulá sa ping̃ol ng̃ muntîng taing̃a, na warì’y bituín sa gitnâ ng̃ mg̃a pinilakang ulap. Si Isagani ay nakáring̃íg ng̃ malayòng uliyaw na itinátanóng sa kaniyá si D. Tiburcio de Espadaña, ang pang̃alan ni Juanito Pelaez, ng̃unì’t sa ganáng kaniyá ay nagíng warì’y tunóg ng̃ kampanàng nadíding̃íg na malayò, magulóng ting̃ig na nádiding̃íg sa gitnâ ng̃ bung̃ang-tulog.

[243]Kinailang̃an ang ipaalaala sa kaniyá na nakaratíng na silá sa liwasan ng̃ Sta. Cruz.