Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XIV

Isáng tahanan ng̃ mg̃a nag-aaral

Lubhâng karapatdapat dalawin ang bahay na tinitirahán ni Makaraig.

Malakí, maluwang, may dalawáng patong na entresuelo na may magagaràng saláng-bakal, warì’y isáng páaralan sa mg̃a unang oras ng̃ umaga at isáng hinalòng linugaw magmulâ namán sa ika sampû. Sa mg̃a oras ng̃ paglilibáng ng̃ mg̃a nang̃ung̃upahan, mulâ sa pagpasok sa maluwang na silong hanggán sa itáas ng̃ kabahayán, ay walâng humpáy ang tawanan, ang kaguluhan at ang galawan. May mg̃a binatàng damít pangbahay na naglalarô ng̃ sipà, nang̃agsasanay sa pagpapalakás sa pamagitan ng̃ mg̃a trapesiong gawâ lamang nilá; sa hagdanan ay nagpapamook ang waló ó siyam na ang mg̃a sandata ay mg̃a tungkód, mg̃a sibát, mg̃a kalawit at silò, ng̃unì’t ang mg̃a lumulusob at nilulusob ay karaniwan [126]nang hindî nagkakasakitan; ang mg̃a palò ay tumatamà sa likód ng̃ insík na nagbibilì ng̃ kaniyáng tindáng mg̃a kakanín at nakasisiràng kalamay, sa tabí ng̃ hagdán. Nalilibid siyá ng̃ maraming batà, binabatak ang kaniyáng buhók na kalág na’t gusót, inaagawan siyá ng̃ isáng kalamay, tinatawaran sa halagá, at ginagawán ng̃ ibá’t ibáng kabuktután. Ang insík ay nagsísisigaw, nagtutung̃ayáw sa lahát ng̃ wikàng kaniyáng batíd, sampû sa kaniyáng sariling wikà, mag-iiyakiyakan, tatawa, sasamò, isásayá ang múkhâ kung walâng mangyari sa kaniyá sa masamâ, ó pabalík.

¡A, muasama yan!Bo kosiesiaHienne kilistianoKayó limonyo¡Salamahe!¡tusu tusu! at ibp.

¡Piph, paph! ¡walâng kailang̃an! Ililing̃óng nakang̃itî ang mukhâ; kung sa kaniyáng likód lamang tumatamà ang mg̃a palò ay patuloy ding walâng kagambágambalà sa kaniyáng pang̃ang̃alakal, sumisigáw na lamang ng̃:—No hugalo ¿e? no hugalo! ng̃unì’t pag tumamà sa biláo ng̃ kaniyáng mg̃a kakanín, ay sakâ susumpâng hindî na bábalik, pupulas sa kaniyáng bibíg ang lahát ng̃ tung̃ayaw at lait na maiisip; ang mg̃a batà namán ay lalòng nagsusumidhî upang siya’y pagalitin at pag nakitang naubos na ang masasabi ng̃ insík at silá namán ay busóg na sa hupyâ at inasnáng butó ng̃ pakuwán ay sakâ lamang siyá babayaran ng̃ walâng kadayàdayà at ang insík ay áalís na masayá, tumatawa, kumikindát at tinatanggáp na warì’y himas ang mahihinàng palò na ibiníbigáy ng̃ mg̃a nag-aaral na bilang pinakapaalam.

—¡¡Huaya, homia!!

Ang mg̃a tugtugan ng̃ piano at biolin, ng̃ biguela at kurdión ay nakikisalíw sa tunóg ng̃ palùán ng̃ bastón sa pag-aaral ng̃ eskrima. Sa paligid ng̃ isáng malapad at mahabàng dulang ay sumusulat ang mg̃a nag-aaral sa Ateneo, ginágawâ ang kaniláng mg̃a sulatíng iháharap, niyayarì ang kaniláng mg̃a suliranin sa piling ng̃ mg̃a ibáng sumusúlat sa mg̃a papel na kulay rosa at may palamuting úkit na batbat ng̃ mg̃a guhit sa kaníkaniláng mg̃a iniibig; ang isá’y gumágawâ ng̃ dulâ sa siping ng̃ isáng nag-aaral na tumugtóg ng̃ plauta, kayâ’t ang mg̃a tulâ’y napasusuwitán na sa simulâ pa lamang. Sa dako pa roón, ang may katandâan, mg̃a nag-aaral ng̃ facultad, na, mg̃a sutlâng midias at sapatilyang may burdá ang suot, [127]ay nang̃aglílibáng sa pagpapagalit sa mg̃a batàng pinipirol sa taing̃a na namumulá na tulóy dahil sa kapiping̃ot; dalawá ó tatló ang pumipigil sa isáng maliít na sumísigáw, umiiyák at ipinagtátanggól sa pamagitan ng̃ kásisipà ang talì ng̃ kaniyáng salawál: ibig lamang na iwan siyáng kagaya noong sumipót sa liwanag.... pumapalág at umíiyák. Sa isáng silíd, sa paligid ng̃ isáng mesa velador, ang apat ay nagrerebesino sa gitnâ ng̃ tawanan at biruáng ikinayáyamót ng̃ isáng kunwarì nag-aaral ng̃ lisyón ng̃unì’t, ang tunay ay nag-áantay lamang na makahalili at siyá namán ang makásugal. Ang isá’y dumatíng na warì’y nagugulumihanan sa gayón, gulilát at lumapit sa mesa.

—¡Nápakamabisyo kayó! ¡Kaagaaga ay sugál na! ¡Tingnán ko, tingnán ko! ¡Tunggák! ¡ihatak mo ang tatlóng espada!

At itinupî ang kaniyáng aklát at nakilarô namán.

Náding̃íg ang sigawan, kumalabóg ang hampasan. Ang dalawá’y nag-away sa kanugnóg na silíd: isáng nag-aaral na piláy na napabarahin at isáng kaawàawàng kagagaling pa lamang sa kaniyáng lalawigan. Itó, na bahagyâ pa lamang nagsísimulâ sa pag-aaral, ay nakátagpô ng̃ isáng aklát na ukol sa pilosopía at binasang malakás, walâng kamalákmalák at masamâ ang diín sa pagbigkás ng̃ mg̃a banggít na:

¡Cogito, ergo sum!

Inarì ng̃ piláy, na siya’y pinatatamàan, ang ibáng kasama’y namagitnâ’t pumapayapà, ng̃unì’t ang katunayan ay naguulót pa ng̃â, kayâ’t sa hulí’y nang̃agpanuntukan.

Sa kakanán ay isáng binatàng may isáng latang sardinas, isáng boteng alak at ang mg̃a baong dalá na galing sa kaniyáng bayan, ay naglulunggatî sa pagpupumilit na siya’y saluhan sa pagkain ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan, samantalang ang mg̃a kaibigan namán ay nang̃aglulunggatî rin sa pag-ayáw. Ang ibá’y nang̃aliligò sa azotea at pinagsasanayan ang tubig sa balón sa pagbobombero, nang̃aglalaban ng̃ sabuyán sa gitnâ ng̃ kagalakán ng̃ mg̃a nanonood.

Ng̃unì’t ang ing̃ay at kaguluhán ay untîuntîng napapawì samantalang dumarating ang iláng may katang̃ìang nag-aaral, na tinipán ni Makaraig upang balitàan ng̃ lakad ng̃ Akademia ng̃ wikàng kastilà. Si Isagani’y sinalubong ng̃ boong giliw, na gaya rin ng̃ taga Españang si Sandoval, na kawaníng [128]dumating sa Maynilà at tinatapos ang kaniyáng pag-aaral, na kaisáng lubós sa mg̃a hang̃arin ng̃ mg̃a nag-aaral na pilipino. Ang halang na inilalagáy ng̃ polítika sa mg̃a lahì ay nawawalâ sa mg̃a páaralan na warì’y natutunaw sa init ng̃ karunung̃an at ng̃ kabatàan.

Sa kawalán ng̃ mg̃a Ateneo at lipunáng ukol sa katarung̃án, sa wikà at sa polítika ay sinasamantalá ni Sandoval ang lahát ng̃ paglilipon upang gamitin ang kaniyáng malakíng kaya sa pagsasalaysay, sa pamag-itan ng̃ pagbigkás ng̃ mg̃a talumpatì, pakikipagtalo sa kahì’t na anóng sanhî at napapapagakpák ang mg̃a kaibigan at nakiking̃íg sa kaniyá. Nang mg̃a sandalîng yaón ang sanhî ng̃ salitàan ay ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.

Sa dahiláng si Makaraig ay hindî pa dumárating, ang mg̃a paghuhulòhulò ay siyáng idinadaos.

—¿Anó kayâ ang nangyari?—¿Anó ang ipinasiya ng̃ General?—¿Ipinagkaít ang pahintulot?—¿Nagtagumpáy si P. Irene?—¿Nagtagumpáy si P. Sibyla?

Itó ang tanongtanung̃an ng̃ isá’t isá, mg̃a tanóng na ang tang̃ìng makasasagót ay si Makaraig.

Sa mg̃a binatàng nagkakalipon ay may mg̃a may palagáy na loob na gaya ni Isagani at ni Sandoval na nakikiníkinitá nang yarì ang bagay, at pinag-uusapan na ang pagkalugód at pagpupuri sa Pamahalàan, ang ukol sa pag-ibig sa tinubùan ng̃ mg̃a nag-aaral, mg̃a kapalagayang loob na nag-udyók kay Juanito Pelaez upang kanyahín ang malakíng bahagi ng̃ karang̃alan ng̃ pagtatatag ng̃ Kapisanan. Ang lahát ng̃ itó’y sinásagot ng̃ dî nasisiyaháng loob na si Pecson,—isáng matabâng kung tumawa’y animo bung̃ô—sa pagsasalitâ ng̃ ukol sa mg̃a sulsól na makapangyayari, na ang Obispo A., si Padre B., ang Provincial C. ay pinagtanung̃án ó hindî at ang ipinayo ó hindî ay ang ipasok sa bilangùan ang lahát ng̃ nasa kapisanan, balitàng nagdudulot ng̃ dî ikápalagay ni Juanito Pelaez, na naúutal namán sa pagsasabing:

—¡Abá, huwág ninyó akóng ihalò!......

Si Sandoval, dahil sa kaniyáng pagkakastilà at pagkamalayà, ay nag-iinit:

—¡Ng̃unì’t p....!—aniyá—ang ganiyán ay isáng paghihinalà ng̃ masamâ sa General! ¡Alám ko ng̃âng nápakamakaprayle, [129]ng̃unì’t sa mg̃a ganiyáng bagay ay hindî napasúsulsol sa mg̃a prayle! ¿Ibig bagá ninyóng turan sa akin, Pecson, kung anó ang pinanunulayán ninyó sa pagsasabing walâng sariling pasiyá ang General?

—Hindî iyán ang sinasabi ko, Sandoval—ang sagót ni Pecson na sa pagtawa’y ipinatátanáw halos ang kaniyáng hulíng bagáng—sa ganáng akin, ang General, ay may sariling kapasiyahán, itó ng̃â, ang kápasiyahán sa lahát ng̃ nasa abót ng̃ kaniyang kamáy...... ¡Itó’y lubhâng maliwanag!

—¡At sulong pa rin! Ng̃unì’t turan ninyó sa akin ang isáng pangyayari—ang sigáw ni Sandoval—iwasan natin ang mg̃a pagtatalong walâng katuturán, ang mg̃a salitâng walâng kabuluhán, at tumung̃o tayo sa mg̃a pangyayari—ang dugtóng na sinabayán ng̃ makiyás na kilos ang pagsasalitâ—Mg̃a pangyayari, mg̃a ginoo, mg̃a pangyayari; ang hindî gayón ay mg̃a hulòhulòng dî ko ibig tawaging pilibustero.

Si Pecson ay tumawa at sinabát siyáng:

—¡Lumabás na ang pilibusterismo! Ng̃unì’t hindì na ba mangyayaring makapagkatwiranan ng̃ hindî sasapit sa masasamâng bintáng?

Si Sandoval ay tumutol at humíhing̃î ng̃ mg̃a pangyayaring tunay sa pamag-itan ng̃ isáng muntîng talumpatì.

—Hindî pa nalalaunang dito’y nagkaroón ng̃ usapín ang iláng taong bayan at iláng prayle, at pinasiyahán ng̃ samantalang General, na, ang humatol ay ang Provincial ng̃ mg̃a parìng kausáp—ang sagót ni Pecson.

At mulîng nagtawá na warì’y walâng kabuluhán ang pinag-uusapan. Tumukoy ng̃ mg̃a pang̃alan, araw at nang̃akòng magdadalá ng̃ mg̃a kasulatang magpapatunay ng̃ paraang ginamit sa pagkakapit ng̃ katwiran.

—¿Ng̃unì’t saan mananáng̃an, sabihin ninyó sa akin, saan mananang̃an upang huwag pahintulutan ang maliwanag na maliwanag na ikabubuti at kailang̃an?—ang tanóng ni Sandoval.

Ikinibít ni Pecson ang kanyáng balikat.

—Na mápapang̃anib ang tibay ng̃ tinubùang lupà....—ang tugón na ang pagsasalitâ’y kagaya ng̃ isáng abogado na bumabasa ng̃ isáng alegato.

—¡Iyán ang malakíng bagay! ¿Anó mayroon sa tibay ng̃ tinubùang lupà ng̃ mg̃a kaparaanan sa mabuting pagsasalitâ?

[130]—May mg̃a doctor ang Santa Madre Iglesia.... ¿Anó ang malay ko? marahil ay pang̃ilagang mabatíd namin ang mg̃a batás at aming masunód.... ¿Anó kayâ ang mangyayari sa Pilipinas sa araw na ang isá’t isá sa amin ay magkaantiluhán?

Hindî naibigan ni Sandoval ang ayos na tugunan at pabirô ng̃ kaniláng pag-uusap. Sa paraang iyon ay hindî maaarìng sumipót ang isáng talumpatìng may kauntìng kabuluhán.

—Huwag ninyóng idaan sa birò—ang sabi—ang pinag-uusapan ay mahalagá.

—¡Iligtás akó ng̃ Lumikhâ sa pagbibirô kung napapagitnâ ang mg̃a prayle!

—Ng̃unì’t ¿saan mananang̃an....?

—Sa dahiláng sa gabí ang pag-aaral—ang patuloy ni Pecson, na gayon din ang ayos, na warìng ang pinag-uusapan ay kilalá na’t alám—ay mangyayaring banggitín na pinakasagabal ang kahalayan, gaya ng̃ sa paaralan sa Malolos...

—¡Isá pá! ¿Hindî ba sa ilalim din ng̃ balabal na madilím ng̃ gabí idinadaos ang “Academia de dibujo” at ang mg̃a nobenario at mg̃a prusisyón?....

—Lumalabág sa karang̃alan ng̃ Unibersidad—ang patuloy ng̃ matabâ na hindî pinuná ang paalaala.

—¡Lumabág! Ang Unibersidad ay mapipilitang sumang-ayon sa kailang̃an ng̃ mg̃a nag-aaral. At kung iyan ay tunay ¿ay anó kung gayón ang Unibersidad? ¿Isá bagáng kapisanan upang huwag mátuto? ¿Nagkásasama bagá ang iláng katao na nagtatagláy ng̃ katawagáng may katarung̃án at dunong upang humadláng na ang ibá’y mátuto?

—Hindî’t... ang mg̃a balak ng̃ nang̃asaibabâ ay tinatawag na dî kasiyahang loob......

—At mg̃a panukalà ang tawag sa nanggagaling sa itaas—ang dunggít ng̃ isá—¡nariyan ang paaralang “Artes y Oficios”!

—Dahan dahan, mg̃á ginoo—ang sabi ni Sandoval—hindî akó makaprayle; kilalá ang aking mg̃a malayàng pagkukurò, ng̃unì’t ibigáy natin sa Cesar ang sa Cesar! Ang páaralang iyan ng̃ Artes y Oficios, na akó ang una unang nagtatanggol at ang araw na siya’y mátayô ay babatìing kong warí’y unang liwaywáy na ikagiginhawa ng̃ Kapuluang itó, ang paaralang iyan ng̃ Artes y Oficios, ay ang mg̃a prayle ang siyáng nang̃agsumíkap......

[131]—O ang aso ng̃ magguguláy, na kagaya rin nilá—ang dagdag ni Pecson na pinutol na mulî ang talumpatì.

—¡Ng̃unì’t p....!—ang sabing pagalít ni Sandoval dahil sa pagputol, na nawalâ tulóy ang tuwid ng̃ pagsasalaysay—samantalang walâng masamâ tayong nálalaman, ay huwag tayong mag-akalà ng̃ masamâ, huwag tayong magkamalîng maghinalà sa kalayàan at pagkamasarilí ng̃ pamahalàan....

At sa pamamagitan nang magagandáng pang̃ung̃usap ay inihanay ang mg̃a pagpupuri sa pamahalàan at sa mg̃a balak nitó, bagay na hindî napang̃ahasáng hadlang̃án ni Pecson.

—Ang pamahalàang kastilà—ang sabi, sa gitnâ ng̃ iláng bagay—ay nagbigáy sa inyó ng̃ lahát ng̃ kailang̃an, walâng ipinagkaít sa inyó. Sa España ay nagkaroon kamí ng̃ kapangyarihang alinsunod sa kaibigán ng̃ iisáng tao at kayó’y nagkaroon ng̃ gayón ding pamahalàan; kinalatán ng̃ mg̃a prayle ng̃ kaniláng kombento ang aming mg̃a lupaín at kombento ng̃ mg̃a prayle ang lamán ng̃ isáng katlóng bahagi ng̃ Maynilà; sa España ay pinalalakad pá ang bitay, at ang bitay ay siyáng hulíng kaparusahán dito; kamí ay katóliko at ginawâ namin kayóng katóliko; kamí’y nagíng escolástico at ang escolastícismo ay siyáng nanánagumpay sa inyóng mg̃a páaralán; sa isáng sabi, mg̃a ginoo, umiiyak kamí kung kayó’y umiiyak, nagtitiis kamí kung kayó’y nagtitiís, iisá ang dambanà natin, iisá ang ating hukuman, iisáng kaparusahán, at nararapat na ibigáy namin sa inyó ang amin ding mg̃a karapatán at ang amin ding mg̃a katuwâán.

At sa dahiláng walâng humahadláng sa kaniyá, ay sumigabó ng̃ sumigabó ang kalooban hanggáng sa tinukoy na ang sasapitin ng̃ Pilipinas.

—Gaya ng̃ sinabi ko, mg̃a ginoo, ang liwaywáy ay hindî malayò, binubuksán ng̃ España ang Kasilang̃anan sa kaniyáng iniibig na Pilipinas, at ang mg̃a kapanahunan ay nag-iibá at batíd kong ang ginágawâ’y higít kay sa inaakalà natin. Ang pamahalàang iyan, na, ayon sa inyó, ay gumigiwang at walâng sariling kalooban, ay nararapat na ating udyukán sa pagpapakilala ng̃ ating pagtitiwalà, ipakita na tayo’y nag-aantáy sa kaniyá; ipaalaala natin sa ating kilos (kung nakalilimot, bagay na hindî ko pinaniniwalàang mangyari) na tayo’y nananalig sa kaniyáng magagandáng hang̃ád at hindî siyá dapat umalinsunod sa ibáng palakad liban [132]doon sa sadyáng katwiran at ikabubuti ng̃ kaniyáng mg̃a pinamamahalàan. Hindî, mg̃a ginoo,—ang patuloy na lalò’t lalò pang umayos nagtatalumpatì—hindî natin dapat tanggapín man lamang sa bagay na itó, ang pangyayari marahil, na nagtanóng sa ibáng taong laban sa panukalà, sapagkâ’t ang sapantahà lamang ay mákakatimbáng ng̃ pagpapaumanhin sa pangyayari; ang inyóng inaasal hanggáng sa ng̃ayón ay matapát, malinis, walâng pagmamaliw, walâng agam-agam; humíhilíng kayó sa kaniyá ng̃ maliwanag at walâng palikawlikaw; ang inyóng mg̃a pinagbabatayang katwiran ay lubhâng karapatdapat dinggín; ang inyóng layon ay ang awasán ng̃ gawàin ang mg̃a gurô, sa mg̃a unang taón, at magíng madalî ang pagkatuto ng̃ daán daáng mg̃a nag-aaral na pumúpunô sa mg̃a klase, na hindî mangyayaring magampanán ng̃ iisáng gurô. Kung hanggá ng̃ayón ay hindî pa napasisiyahán ang kasulatan ay dahil sa alám kong may maraming gawàing naiimbák; ng̃unì’t inaakalà kong ang pag-uusig ay nagtagumpáy, na ang sanhî ng̃ tipán ni Makaraig ay upang ibalità sa atin ang pananalo, at bukas ay mákikita nating magtatamó ang ating mg̃a pagsusumikap ng̃ papuri at pagkilala ng̃ bayan, at sino ang makapagsasabi, mg̃a ginoo, kung hindî ipalagáy ng̃ pamahalàan na kayó’y dulutan ng̃ mabuting condecoración dahil sa kayó’y karapatdapat sa kapurihán ng̃ inyóng bayan!

Nag-umugong ang masisigabong pagakpakan; naniniwalà na ang lahát sa pananalo at ang marami sa condecoración.

—¡Dapat mákilala, mg̃a ginoo,—ang sabi ni Juanito Pelaez—na ako’y isá sa mg̃a unang nagmunakalà!

Ang dî mapaniwalaíng si Pecson ay hindî nagagalák.

—¡Pag hindî nagkaroon tayo ng̃ condecoración sa bintî!—ang sabi.

Salamat na lamang at hindî náding̃íg ni Pelaez ang banggít na iyon, dahil sa lakás ng̃ pagakpakan. Nang mahintóhintô ng̃ kauntî, ay sinabi ni Pecson, na:

—Mabuti, mabuti, mabuting mabuti, ng̃unì’t isáng palagáy.... ¿kung sa lahát ng̃ iyán, ang General ay sumanggunì rin, sumanggunì at sumanggunì, at pagkatapos ay ipagkaít sa atin ang kapahintulutan?

Ang palagáy ay bumagsák na warì’y tubig na malamíg.

Ang lahát ay nápating̃ín kay Sandoval; itó’y natubigan.

—Kung gayón....—ang sabing paurongsulong.

[133]—¿Kung gayón?

—Kung gayón—ang bulalás ni Sandoval na sumúsulák pa ang dugô dahil sa mg̃a pagakpakan at sa isáng udyók ng̃ sigabó—sa dahiláng sa mg̃a kasulatan at sa mg̃a limbág ay ipinahahayag na iniibig niyá ang inyóng ikatututo ng̃unì’t pinipigil at ipinagkakaít ang gayón pag sumapit na ang pagsasagawâ, kung gayón, mg̃a ginoo, ang inyóng mg̃a pagsusumikap ay hindî nasayang, nátuklás ninyó ang hindî natuklás ng̃ sino man, na maalís ang balatkayô at kayó’y hamunin!

—¡Mabuti, mabuti!—ang masigabóng sigawan ng̃ ilán.

—¡Purihin si Sandoval! ¡Mabuti ang ukol sa paghamon!—ang dagdág ng̃ ibá.

—¡Hamunin tayo!—ang sagót ni Pecson na hindí binibigyáng kabuluhán ang gayón—¿at pagkatapos?

Sa gitnâ ng̃ kaniyáng pananagumpáy ay nápatigil si Sandoval, ng̃unì’t sa katalasang tagláy ng̃ kaniyáng lipì at dahil sa kaniyáng dugông mánanalumpatî ay agád nakabalikwás.

—¿Pagkatapos?—ang tanóng—pagkatapos, kung walâng pilipinong makapang̃ahás tumugón sa hamon, ay akó, si Sandoval, sa ng̃alan ng̃ España ay sasaluhín ko ang guantes, sapagkâ’t ang gayóng paraan ay isáng pagpapabulàan sa mabuting hang̃ád na kailan ma’y tinagláy ng̃ España sa kaniyáng mg̃a lalawigan, at sa dahiláng sa gayóng asal ay sinasalaulà ang katungkulang ipinagkatiwalà sa kaniyá at nagpapakalabis sa kaniyáng walâng sagkâng kapangyarihan, hindî siyá karapatdapat sa pag-aampón ng̃ inang bayan ni sa pagkupkóp ng̃ sino mang mámamayáng kastilà.

Ang kagalakán ng̃ mg̃a nakiking̃íg ay halos nagíng kahibang̃án. Niyakap ni Isagani si Sandoval, bagay na ginayahan ng̃ ibá; nabanggít-banggít doon ang ináng bayan, ang pagkakáisa, ang pagkakapatiran, ang pagkamatapát; anáng mg̃a pilipino’y kung walâ kundî pawàng Sandoval sa España, ang lahát ng̃ tao sa Pilipinas ay magiging Sandoval na lahát; nagníningníng ang mg̃a matá ni Sandoval at mapapaniwalàang kung sa mg̃a sandalîng iyón ay hinagisan siyá ng̃ sino man ng̃ isáng guantes na tandâ ng̃ paghamon, ay sumakáy sana sa kahì’t aling kabayo upang magpakamatáy ng̃ dahil sa Pilipinas. Ang tubig na malamíg lamang ang nagwikàng:

[134]—Mabuti, mabuting mabuti, Sandoval; akó man ay makapagwiwikà ng̃ ganiyán kung ako’y taga España; ng̃unì’t sa dahiláng hindî gayón, kung akó ang nagsabi ng̃ kalahatì man lamang ng̃ sinabi ninyó, kayó mán ay magpapalagay na ako’y pilibustero.

Nagsimulâ na si Sandoval ng̃ isáng talumpatìng táganás na pagtutol, nang mapigil.

—¡Matuwâ na tayo, mg̃a kaibigan! ¡Tagumpáy!—ang sigáw ng̃ isáng binatàng pumasok at niyakap ang lahát.

—¡Matuwâ na tayo, mg̃a kaibigan! ¡Mabuhay ang wikàng kastilà!

Isáng maugong na pagakpakan ang sumalubong sa balità; ang lahát ay nagyayakapán, ang lahát ay maningníng ang matá dahil sa luhà. Si Pecson ang tang̃ìng nagtatagláy ng̃ kaniyáng ng̃itîng mapagmakatang̃ì.

Ang dumatíng na may dalá ng̃ mabuting balità ay si Makaraig, ang binatàng nang̃ung̃ulo sa kilusán.

Ang tinitirahán ng̃ nag-aaral na itó sa bahay na iyon ay dalawáng silíd na napapalamutihang mabuti para sa kaniyang mag-isá lamang, mayroon siyang alilà at kotsero na nag-aarugâ sa kaniyáng sasakyáng araña at sa kanyáng mg̃a kabayo. Ang tindíg niya’y makiyas, ugalìng banayad, magarà’t mayamang mayaman. Kahì’t nag-aaral ng̃ pag-aabogado upang magkaroon lamang ng̃ isáng título académico, ay may kabantugan siyá sa pagkamasipag mag-aral, at kung sa pagsasalitâ ng̃ alinsunod sa turòng páaralán ay hindî na máhuhulí sa ibáng mapaghamón sa pagtatalo sa loob ng̃ Unibersidad. Hindî rin namán náhuhulí sa mg̃a akalà’t bagong mg̃a pagkasulong; sa tulong ng̃ kaniyáng salapî’y nagkákaroón siya ng̃ mg̃a aklát at pamahayagan na hindî mapigil ng̃ previa censura. Dahil sa mg̃a tagláy na itó, sa kaniyáng kabantugan sa katapang̃an, sa kaniyáng mapalad na pakikitunggalî noóng kaniyáng kabatàan, at sa kaniyáng magandâ’t mabuting ugalì, ay hindî dapat pagtakhán na panuntán siya ng̃ kaniyáng mg̃a kasama at siyang máhalál upang máisagawâ ang gayóng kahirap na balak na pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.

Makaraán ang mg̃a unang silakbó ng̃ kagalakán, na sa kabatàan ay nagkákaroón kailán man ng̃ kasagwâan dahil sa ang kaniyáng malas sa lahát ng̃ bagay ay magandá, ay siniyasat kung papaano ang nangyari.

[135]—Kang̃inang umaga’y nakipagkita akó kay P. Irene—ang sabi ni Makaraig na warì’y palihím.

—¡Mabuhay si P. Irene!—ang sigáw ng̃ isáng nagagalák na nag-aaral.

—Inihayág sa akin ni P. Irene—ang patuloy ni Makaraig—ang lahát ng̃ nangyari sa Los Baños. Tila isáng linggó siláng nagtatalo, ipinaglaban at ipinagtanggól niyá ang ating usap ng̃ laban sa lahát, laban sa kay P. Sibyla, sa kay P. Fernandez, sa kay P. Salvi, sa General, sa Segundo Cabo, sa mag-aalahás na si Simoun......

—¡Ang mag-aalahás na si Simoun!—ang putol ng̃ isá—¿ng̃unì’t anó ang ipinanghihimasok ng̃ hudyóng iyán sa mg̃a bagay bagay ng̃ ating bayan? At pinayayaman natin iyán sa pagbilí......

—¡Tumigil ka ng̃â!—ang sabi ng̃ isá, na naíiníp sapagkâ’t ibig mabatíd kaagád kung papaano at tinalo ni P. Irene ang mg̃a nakasísindák na kalabang iyón.

—Mayroón pa mandíng matataás na kawaníng laban sa ating panukalà, ang Namamahalà sa Pang̃asiwàan, ang Gobernador Civil, ang insík na si Quiroga......

—¡Ang insík na si Quiroga! Ang bugaw ng̃ mg̃a....

—¡Tumigil ka na, tao ka!

—Sa kahulihulihan—ang patuloy ni Makaraig—ay itatago na sana ang kahiling̃an at babayàang mákatulog doon ng̃ iláng buwan, ng̃ maalala ni P. Irene ang Kataastaasang Lupon ng̃ Paaralan at ipinalagáy niyáng ang kasulatan ay mahulog sa Lupong yaon upang magbigáy ng̃ munkahìng nárarapat yamang ang ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ang pinag-uusapan......

—Ng̃unì’t ang Lupong iyan ay malaon ng̃ hindî kumikilos—ang tukoy ni Pecson.

—Iyan din ng̃â ang isinagót kay P. Irene—ang patuloy ni Makaraig—at sinagót niyáng mabuti ng̃âng pagkakataón upang mulîng mabuhay, at sinamantalá ang pagkakáparoon ni Don Custodio, na isá sa mg̃a kasanggunì, at nagpalagáy noon din ng̃ isáng lupon, at sa dahiláng kilalá ang kasipagan ni D. Custodio ay siyáng tinakdâáng magpalagáy ng̃ ipapasiyá, kayâ’t ng̃ayó’y nasa kamáy niyá ang kasulatan. Ipinang̃akò ni D. Custodio na lulutasín niyá sa loob ng̃ buwang itó.

[136]—¡Mabuhay si D. Custodio!

—¿At kung ang ipasiyá ni D. Custodio ay laban?—ang tanóng ng̃ dî mapag-asáng si Pecson.

Iyan ang hindî nilá naáalaala, dahil sa kahibang̃án sa akalàng mabuti ang lakad ng̃ usap. Lahát ay nápating̃ín kay Makaraig upang mabatíd kung anó ang sasabihin.

—Ang bagay ding iyan ang sinabi ko kay P. Irene, ng̃unì’t sinabi sa akin, na kasabáy ang kaniyáng palabirông tawa, na: Malakí na ang ating tinamó, nagawâ nating ang usap ay makaratíng sa isáng kapasiyahán, mapipilitan ang kalaban na tanggapín ang pakikihamok.... Kung mangyayaring mapakiling natin si D. Custodio, upang sa pag-alinsunod sa kaniyáng malayàng hilig, ay magpasiyà ng̃ sang-ayon, ay nanalo na tayo; ang General ay nagpapakilalang walâng kikiling̃an.

Si Makaraig ay humintô.

—¿At papaano ang pagpapakiling?—ang tanóng ng̃ isáng iníp.

—May sinabi sa aking dalawáng paraan si P. Irene....

—Ang insík na si Quiroga!—ang sabi ng̃ isá.

—¡Ba! Hindî pinupuná si Quiroga......

—¡Isáng mabuting handóg!

—Lalò pa, ipinagmamalakí ang katigasán niyá sa mg̃a handóg.

—¡Ay, nálalaman ko na!—ang bulalás na tumatawa ni Pecson—ang mánanayaw na si Pepay.

—¡A, oo ng̃â! ¡ang mánanayaw na si Pepay!—ang sabi ng̃ ilán.

Ang Pepay na itó’y isáng makiyas na dalaga na kilaláng matalik na kaibigan ni D. Custodio: sa kaniyá lumalapit ang mg̃a tumatanggap ng̃ mg̃a pagawâ, ang mg̃a kawaní at ang mg̃a mapaglaláng kung may nasàng tamuhín sa bantóg na Konsehal. Si Juanito Pelaez na kaibigan din ng̃ mánanayaw ay humáhandóg na siyáng lalakad ng̃ usap; ng̃unì’t si Isagani’y umilíng at nagsabing sukat na ang pagkakagamit kay P. Irene at magiging kasagwâán ang lapitan si Pepay sa ganitóng bagay.

—¡Tingnán ang isá pang paraan!

—Ang isá ay lumapit sa abogadong pinagsanggunìan, si G. Pasta, tánung̃ang pinang̃ang̃ayupapàan ni D. Custodio.

[137]—Ibig ko pa iyán,—ang sabi ni Isagani—si G. Pasta ay pilipino, at nagíng kasama sa pag-aaral ng̃ aking amaín. Ng̃unì’t ¿papaano ang gágawin upang mapakiling?

—Nariyán ang kid—ang sagót ni Makaraig na tinitigan si Isagani—si ginoong Pasta ay may isáng mánanayaw, itóng.... may isáng mangbuburdá......

Inailíng na mulî ni Isagani ang kaniyáng ulo.

—Huwág kayóng nápakamaselang—ang sabi sa kaniyá ni Juanito Pelaez—ang mg̃a layon ay siyáng naglíligtás sa mg̃a kaparaanan! Kilalá ko ang mangbuburdá, si Matea, na may isáng pagawàang pinápasukan ng̃ maraming dalaga.....

—Huwág, mg̃a ginoo,—ang putol ni Isagani—unahin muna natin ang mg̃a paraang hindî mahalay.... Paparoón akó sa bahay ni G. Pasta at kung walâ akóng mápalâ, ay saká na ninyó gawín, ang ibig gawín sa mg̃a mánanayaw at mg̃a mangbuburdá.

Napahinuhod silá sa palagáy at nagkásundông si Isagani ay makipag-usap kay G. Pasta sa araw ding yaón at sa kinahapunan ay ipababatíd sa Unibersidad, sa kaniyáng mg̃a kasama, ang nangyari sa pakikipagkita.