Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XV

Si G. Pasta

Si Isagani ay naparoón sa bahay ng̃ abogado, isá sa mg̃a may tang̃ìng katalinuhan sa Maynilà na pinagtátanung̃an ng̃ mg̃a prayle sa kaniláng malalakíng kagipitan. Nag-antáy ng̃ kauntî ang binatà, sapagkâ’t maraming ipinagtátanggol ang nároroon, ng̃unì’t dumatíng din ang taning na ukol sa kaniyá at pumasok sa gawàan ó bufete gaya ng̃ karaniwang tawag sa Pilipinas.

Tinanggáp siyá ng̃ mánananggol-usap sa pamagitan ng̃ isáng mahinàng ubó at tinítingnang palihím ang kaniyáng mg̃a paá; hindî tumindíg ni hindî man lamang siyá pinaupô at nagpatuloy sa pagsusulat. Nagkaroón si Isagani ng̃ panahón upang matyagán siyá at kilalanin. Malakí ang itinandâ ng̃ abogado, ubanin na at ang kaniyáng upaw ay halos laganap sa boong tuktók. Ang kaniyáng mukhâ’y pasumang̃ót at matigás.

[138]Sa gawàan, ang lahát ay tahimik; walâng nadiding̃ig kungdî ang anasan ng̃ mg̃a tagasulat ó nang̃agsasanay na gumágawâ sa kanugnóg na silíd: ang kaniláng mg̃a panitik ay gumágaralgal na warì’y nakikipagtunggalî sa papel.

Natapos din ang mánananggól sa sinusulat, binitiwan ang panitik, itinaás ang ulo, at ng̃ mákilala ang binatà, ay nagliwanag ang mukhâ, at malugód siyáng kinamayán.

—¡Abá, binatà!.... ng̃unì’t umupô kayó, patawarin ninyó.... hindî ko nápunang kayó palá. ¿At ang inyóng amaín?

Lumakás ang loob ni Isagani at inakalàng mapapabuti ang kaniyáng lakad. Isinalaysáy niyáng lahát ang nangyari, na pinag-aaralang mabuti ang nápapalâ ng̃ kaniyáng sinasabi. Pinakinggáng walâng katigatigatig ni G. Pasta ang simulâ, at kahì’t batíd niyá ang lakad ng̃ mg̃a nag-aaral, ay nagmamaangmaang̃an upang ipakilala na walâ siyáng pakialám sa mg̃a kamusmusáng iyón, ng̃unì’t ng̃ maramdamán ang pakay sa kaniyá at náding̃íg na natutukoy sa Vice-Rector, mg̃a prayle, Capitáng General, panukalà at ibp., ang mukhâ niyá’y untîuntîng nagdilím at nagtapós sa pagbulalás ng̃:

—¡Itó ang lupaín ng̃ mg̃a panukalà! Ng̃unì’t itulóy, itulóy ninyó.

Hindî nanglupaypay si Isagani: sinabi ang kapasiyaháng ibíbigay at nagtapós sa pagpapahayag ng̃ pagkakatiwalà ng̃ kabinatàan na siyá, si G. Pasta, ay mamámagitnâ ng̃ sang-ayon sa kanilá sakalìng si D. Custodio ay sumanggunì sa kaniyá, gaya ng̃ maáasahan. Hindî nang̃ahás si Isaganing sabihin na pagpayuhan dahil sa ng̃ibít na ipinamalas ng̃ mánananggol.

Ng̃unì’t may takdâ ng̃ gagawín si G. Pasta, na dilì ibá’t ang huwag manghimasok sa bagay na iyón, ni sumanggunì, ni pagsanggunìan. Alám niyá ang nangyari sa Los Baños, batíd niyáng may dalawáng pangkát at hindî si P. Irene ang tang̃ìng bayani na nasa dako ng̃ mg̃a nag-aaral, ni hindî siyá ang nagpalagáy ng̃ pagdaraán ng̃ kasulatan sa Lupong ng̃ Paaralan, kundî lubós na kaibá. Si P. Irene, si P. Fernandez, ang condesa, isáng mang̃ang̃alakál na nakakikiníkinitá nang makapagbibilí ng̃ kagamitáng ukol sa bagong Akademia at ang mataás na kawaníng nagtukóy ng̃ iba’t ibáng [139]kapasiyaháng-harì ay mang̃agtatagumpáy na sana, ng̃ ipinaalaala ni P. Sibyla, upang magkapanahón, ang Kataastasang Lupon. Ang lahát ng̃ bagay na itó’y nátatalâ sa alaala ng̃ abogado; kayâ’t ng̃ matapos makapagsalitâ si Isagani, ay tinangkâng lituhín itó sa pariway na mg̃a pang̃ung̃usap, guluhín at ilipat ang usapan sa ibáng bagay.

—¡Oo!—ang sabi na inilawít ang labì at kinamot ang upaw—walâng mang̃ung̃una sa akin sa pag-ibig sa tinubùan at paghahang̃ád ng̃ pagkakasulong, datapwâ’y.... hindî akó makasugbá.... hindî ko masabi kung batíd ninyó ang aking kalagayan, isáng kalagayang lubhâng maselang.... marami akóng pag-aarì.... kailang̃an akong kumilos sa loob ng̃ isáng masusìng pagkatarós.... isáng pagsugbá....

Ibig lituhín ng̃ abogado ang binatà sa pamag-itan ng̃ maraming salitâ at nagsimulâ ng̃ pagtukoy sa mg̃a batás, sa mg̃a kapasiyahán, at napakarami ang nasabi, na hindî ang batà ang naguló kundî siyá sa sarili ang halos naguló sa isáng pasikot sikot na kábabanggít.

—Hindî pô mangyayaring háhang̃arín naming ilagáy kayó sa kagipitan—ang mabanayad na sagót ni Isagani—¡Iligtás kamí ng̃ Lumikhâ sa pagbibigáy gambalà sa mg̃a taong ang kaniláng buhay ay lubhâng kailang̃an ng̃ ibáng pilipino! Datapwâ’y kahì’t napakauntî ang nababatíd ko tungkól sa mg̃a batás, mg̃a kautusáng harì, mg̃a lathalà at mg̃a kapasiyahang umiiral sa ating bayan, ay hindî ko inaakalàng magkaroón ng̃ kasamaán ang makitulong sa mg̃a adhikaín ng̃ pamahalàan, ang punyagìin ang siya’y maalinsunod na mabuti; iisáng layon ang aming inuusig at sa kaparaanan lamang kamí nagkakaibá.

Ang manananggól ay nápang̃itî: ang binatà’y napadadalá sa ibáng landás at doon niyá lilituhín, litó na ng̃â.

—Diyán ng̃â naririyan ang kid, sa karaniwang sabi; hindì ng̃a ba kapuripuri ang tumulong sa pamahalàan pag ang pagtulong ay sa pamag-itan ng̃ pang̃ang̃ayupapà, alinsunurin ang kaniyáng mg̃a kapasiyahan, ang tuwíd na katuturán ng̃ mg̃a batás na katugón ng̃ tuwid na paghahakà ng̃ mg̃a namamahalà at hindî málalaban sa unang una at karaniwang paraan sa pagkukurò ng̃ mg̃a ginoong may hawak ng̃ ikaaanyô ng̃ mg̃a taong bumubuô ng̃ isáng kapisanan. At dahil dito ay masamâ, karapatdapat parusahan, sapagkâ’t nakahahalay [140]sa batayán ng̃ kapangyarihan, ang gumawâ ng̃ isáng bagay na laban sa kaniyáng mg̃a munakalà kahì’t na inaakalàng mabuti kay sa nanggagaling sa pamahalàan, sapagkâ’t ang gayóng kagagawán ay makasusugat sa kaniyáng katibayan na siyáng batayán ng̃ alín mang pamamahalà sa mg̃a bayang sákop.

Ang matandâng abogado, sa pananalig na ang mg̃a tinurang iyon ay nakalitó kay Isagani, ay nagpakabuti sa kaniyáng silyon ng̃ walâng kaimík-imík, kahì’t na sa loob niyang sarili ay nagtatawá.

Gayón man, ay tumugón si Isagani.

—Inakalà ko, na ang mg̃a Pamahalàan ay dapat humanap ng̃ ibáng batayáng lalòng matibay kailan pá man at nadadawal.... Ang pinagbabatáyang lakás ng̃ mg̃a pamahalàang ukol sa nasasakop ay siyáng pinakamahinà sa lahát, sapagkâ’t walâ sa kanilá kundî nasa mabuting kalooban ng̃ mg̃a nasasakupan samantalang ibig kilalanin ang gayón.... Ang batayáng katwiran ay siyang inaakalà kong lalòng matibay.

Itinaás ng̃ abogado ang ulo; ¡anó! ¿ang binatàng iyón ay nang̃ang̃ahás tumutol at makipagtalo sa kaniyá, siyá, si G. Pasta? ¿Hindî pá litó sa kaniyáng mabigkás na pang̃ung̃usap?

—Binatà, nararapat iwan sa isáng dako ang mg̃a hakàng iyan, sapagkâ’t mapang̃anib,—ang hadláng ng̃ mánananggol na ing̃iniwî ang mukhâ—Ang sinasabi ko sa inyó ay dapat na bayaang gumawâ ang pamahalàan.

—Ang mg̃a pamahalàan ay itinatag upang ikagalíng ng̃ mg̃a bayan, at upang makatupád ng̃ lubós sa layunín niyá ay dapat umalinsunod sa kahiling̃an ng̃ mg̃a namamayan na siyang lalòng nakababatíd ng̃ kaniláng mg̃a kailang̃an.

—Ang mg̃a bumubuô ng̃ pamahalàan ay mg̃a mámamayán dín at yaong mg̃a may lalòng kasapatán.

—Ng̃unì’t sa dahiláng silá’y tao, ay maaarìng magkámalî, at hindî nárarapat na huwag pansinín ang sa ibáng hakà.

—Dapat magtiwalà sa kanilá, ibíbigáy niláng lahát.

—May isáng sáwikàíng likás na kastilà, na ang sabi’y: ang hindî umíiyak ay hindî nakasususo. Ang hindî hiníhing̃î ay hindî ipinagkakaloob.

—¡Baliktád!—ang sagót ng̃ abogado na tumawang pakutyâ—sa pamahalàan ay pasaliwâ ang nangyayari......

[141]Datapwâ’y biglâng nápahintô na warì’y nakapag-wikà ng̃ higít sa nárarapat at tinangkâng gamutín ang kaniyáng pagkábulalás.

—Pinagkalooban tayo ng̃ pamahalàan ng̃ mg̃a bagay na hindî natin hinilíng, ni hindî natin mahihilíng.... sapagkâ’t ang paghilíng.... ang paghilíng ay nagpapakilalang may pagkukulang at dahil doon ay hindî gumáganáp sa kaniyáng katungkulan.... pagpayuhan siya ng̃ isáng paraan, tangkâíng ibunsód siyá, huwag nang siya’y tunggalìin, ay isáng pagsasapantahàng siya’y mangyayaring mámalî, at sinabi ko na ng̃â sa inyóng ang mg̃a gayóng paghahakà’y laban sa kabuhayan ng̃ mg̃a pamahalàang ukol sa nasasakop.... Ang bagay na itó’y hindî batíd ng̃ karamihan at hindî alám ng̃ mg̃a binatàng nagdadalosdalos, hindî nilá kilalá, ayaw kilalanin ang lubhâng káibayóng ibubung̃a ng̃ paghing̃î.... ang kasagwâáng tagláy ng̃ panukalàng iyan......

—Ipagpatawad po ninyó—ang putol ni Isagani na namuhî sa mg̃a pang̃ang̃atwirang ginamit sa kaniyá ng̃ abogado—pag sa makatwirang paraan ang isáng bayan ay humihing̃î ng̃ anó man sa isáng pamahalàan ay sapagkâ’t inaakalàng mabuti at nálalaáng pagkalooban siyá ng̃ isáng kabutihan, at ang kagagawáng itó, ay hindî dapat makamuhî sa kanyá kundî bagkús pa ng̃âng dapat makagalák; humihing̃î sa iná, sa inainahan ay hindî, magpakailán man. Ang pamahalàan sa ganáng pahát kong pag-aakalà, ay hindî isáng may laganap na paning̃ín na nakikita’t napaglalaanan ang lahát ng̃ bagay, at kahì’t na magíng gayón, ay hindî mangyayaring mamuhî, sapagkâ’t naririyan ang Pananampalataya na walâng ginágawâ kundî maghihing̃î sa Dios na nakakikita at nakakikilala ng̃ lahát ng̃ bagay, at kayó man ay humíhing̃î at humíhilíng ng̃ maraming bagay sa mg̃a hukuman ng̃ pamahalàan ding iyan, at ni ang Dios, ni ang pamahalàan hanggáng sa ng̃ayón ay hindî pa nagpapahalatâ ng̃ kamuhîán. Nasa sa budhî ng̃ lahát na ang pamahalàan, dahil sa siya’y itinatag ng̃ mg̃a tao, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ ibá, nang̃ang̃ailang̃ang ipakita at iparamdám sa kaniyá ang katunayan ng̃ mg̃a bagay bagay. Kayó na sa sarili ay hindî naniniwalàng lubós sa katotohanan ng̃ inyóng mg̃a ikinatwiran; kayó sa sarili’y alám ninyóng marahás at dî nátutungtóng sa matuwid ang pamahalàan, na, upang makapagparang̃al ng̃ kalakasán [142]at pagkamapagsarilí, ay nagkákaít ng̃ lahát ng̃ bagay sa katakután ó sa kakulang̃áng tiwalà, at ang mg̃a bayan lamang na dinádahás at inaalipin ay siyá lamang may katungkulang huwág huming̃î ng̃ kahì’t anó magpakailán man. Ang isáng bayang nasúsuklám sa kaniyáng pamahalàan ay walâng dapat hiling̃ín dito kundî ang iwan ang pamamahalà.

Ang matandâng abogado ay ng̃umíng̃iwî at pinaíilíng-ilíng ang ulo, tandâ ng̃ dî kasiyaháng loob at hináhaplos ng̃ kamáy ang kaniyáng upaw; pagkatapos, sa isáng pananalitâng mapag-ampón na warì’y may pagkahabág ay nagsabing:

—¡Hm! masamâng aral iyán, masamâng palagáy, ¡hm! ¡Napagkikilalang kayó’y batà at walâ pa kayóng pagkatalós sa ukol sa kabuhayan! Tingnán ninyó ang nangyayari sa Madrid sa mg̃a binatàng walâng muwáng na humíhing̃î ng̃ maraming pagbabago: lahát silá’y pinararatang̃ang mg̃a nag-uusig ng̃ paghiwaláy, marami ang hindî makapang̃ahás na umuwî, ng̃unì’t gayón man ay ¿anó ang kaniláng mg̃a hiníhing̃î? Mg̃a banal na bagay, matatandâ na’t hindî makasásamâ sapagkâ’t lubós nang kilalá.... Datapwâ’y may mg̃a bagay na hindî ko maipaliliwanag sa inyó, mg̃a lubhâng maselang.... siyá.... ipinagtátapat ko sa inyóng may ibá pang katwiran, bukód sa mg̃a tinuran na, na naguudyók sa isáng matinóng pamahalàan upang kailán mán ay huwág duming̃íg sa mg̃a kahiling̃an ng̃ isáng bayan...... hindî.... mangyayari ding makatagpô tayo ng̃ mg̃a pinunòng palalò at mahang̃in ang.... ng̃unì’t mayroón díng ibáng katwiran.... kahì’t na ang hiníhing̃î ay yaóng lalòng nararapat.... ang mg̃a pamahalàan ay may ibá ibáng palakad......

At ang matandâ’y nag-aalinlang̃ang nakatitig kay Isagani, at pagkatapos ay tumalagá na sa isáng bagay, ikinumpáy ang kamáy na warì’y may inilálayông paghahakà sa kaniyáng pag-iisip.

—Nahuhulàan ko ang inyóng ibig sabihin—ang patuloy ni Isagani na ng̃umitîng malungkót—ibig ninyóng sabihin na ang pamahalàang ukol sa nasasakupan, yamang natatatág ng̃ hindî lubós na wastô at sa dahiláng nananáng̃an sa mg̃a palápalagáy......

[143]—¡Hindî, hindî, hindî iyan, hindî!—ang biglâng hadláng ng̃ matandâ na nagpakunwarîng may hinahanap sa kaniyáng mg̃a papel—hindî, ang ibig kong sabihin.... ng̃unì’t ¿násaán kayâ ang aking salamín sa matá?

—Hayán pô—aní Isagani.

Ikinamá ni G. Pasta ang kaniyáng salamín, warìng may binasang iláng kasulatan, at ng̃ mákitang inaantáy siyá ng̃ binatà ay nagwikàng pautal-utal:

—May ibig akóng sabihing isáng bagay.... ibig kong sabihin, ng̃unì’t nakalimutan ko na.... kayó sa inyóng kapusukán, ay pinigil ninyó akó.... isáng bagay na walâng malakíng kabuluhán.... Kung alám lamáng ninyó kung papaano ang ulo ko, ¡napakarami kasí ng̃ aking gagawín!

Náramdamán ni Isaganing siyà’y iniaabóy na.

—Kung gayón,—ang sabing sabáy tindíg—kamí ay......

—¡Ah!.... mabuti pang bayàan na ninyó sa kamáy ng̃ pamahalàan ang bagay na iyan; siyá na ang bahalàng magpapasiyá diyan ng̃ alinsunod sa kaniyáng máibigan.... Sinasabi ninyóng ang Vice-Rector ay laban sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, marahil ng̃â’y gayón, ng̃unì’t hindî sa panukalà kundî sa paraan ng̃ panukalàng iyan. Sinasabing ang Rector na páparito ay may daláng panukalàng pagbabago ng̃ pagtuturò.... magantáy kayó ng̃ kauntî, bigyán ninyó ng̃ panahón ang panahón, mang̃agaral kayó, sapagkâ’t nálalapít na ang examen at ¡putris yatà! kayóng mabuti nang magwikàng kastilà at maluwag na magsalitâ ¿anó’t nakikihimasok pá sa guló? anó pa ang hang̃ád ninyóng bukód na iturò? ¡Matitiyak na si P. Florentino ay káisa ko sa pasiyá! Ipakikumustá ninyó......

—Kailán pa man ay kabilinbilinan sa akin ng̃ aking amaín—ang sagót ni Isagani—na alalahanin ko ang ibá gaya ng̃ pag-aalaala ko sa sarili.... hindì akó naparito ng̃ dahil sa akin, naparito akó sa ng̃alan ng̃ mg̃a nasa sa kalagayang lalò pang abâ.....

—¡A, putris! gawín nilá ang ginawâ ninyó, sunugin nilá ang kaniláng kilay sa pag-aaral at magíng upawin siláng gaya ko sa pagsasaulo ng̃ boô boông salaysáy.... At inaakalà kong kung kayâ kayó nakapagsásalitâ ng̃ wikàng kastilà ay sapagkâ’t pinag-aralan ninyó; ¡kayó’y hindî tagá Maynilà ni anák ng̃ kastilà! Pag-aralan nilá ang pinag-aralan [144]ninyó at gawín nilá ang ginawâ ko.... Akó’y nagíng alilà ng̃ lahát ng̃ prayle, ipinaglutò ko silá ng̃ chocolate, at samantalang ang kanan ko’y ipinanghahalò sa batidor ay pigil ko sa kaliwâ ang gramátika, nag-aaral akó at, salamat na lamang sa Dios, hindî akó nagkailang̃an ng̃ ibá pang mg̃a gurô, ni ibá pang akademia, ni mg̃a pahintulot ng̃ pamahalàan.... Paniwalàan ninyó akó; ¡ang ibig na mag-aral ay nakapag-aaral at natututo!

—¿Ng̃unì’t ilán na sa mg̃a ibig na matuto ang makaaabot sa inabot ninyó? Isá sa isáng libo, at yaón pa man!

—¡Psch! ¿at anó pa ang kailang̃an ng̃ higít pa roon?—ang sagót ng̃ matandâ na ikinibít ang balikat—Ang mg̃a abogado’y labis na, ang marami’y pumapasok na lamang na tagá sulat. ¿Mg̃a médiko? silá silá’y nagmumurahán, nag-uupasalàan at nagkakamatayan dahil sa pag-aagawán sa isáng gágamutín.... ¡Bisig, ginoo, ang kailang̃an natin ay bisig na ukol sa pagtataním!

Nákilala ni Isagani na nag-aaksayá siyá ng̃ panahón, ng̃unì’t tumugón:

—Tunay ng̃â—ang sagót—maraming abogado at médiko, ng̃unì’t hindî ko masasabing lumalabis, sapagkâ’t mayroon tayong mg̃a bayang walâ ng̃ isá man sa kanilá; ng̃unì’t kung marami man sa bilang, marahil ay kulang sa mabuti. At yayamang hindî mapipigil na mag-aral ang kabatàan at dito’y walâ na namáng ibáng carrera ¿bakit babayàang masayang ang kaniláng panahon at pagsisikap? Kung ang kasiràan ng̃ pagtuturò ay hindî makahadláng na ang marami’y magíng abogado ó médiko, kung tayo’y magkakaroon din lamang ¿bákit hindî pá mabubuti? at gayón man, kahì’t na ang nasà’y gawíng lupaín ng̃ mg̃a mánananim ang lupaíng itó, isáng lupaín ng̃ mg̃a manggagawà sa lupà, at patayín sa kaniyá ang lahát ng̃ gawàing isip, ay hindî ko maunawà ang kasamâan ng̃ patalinuhin ang mg̃a mánananim at mg̃a manggagawàng lupàng iyán, bigyán man lamang silá ng̃ isáng pinag-aralang magpahintulot sa kanilá, pagkatapos, na máwastô at magwastô ng̃ kaniláng mg̃a gawàin, na ilagáy bagá silá sa kalagayang máwatasan ang maraming bagay na hindî batíd sa ng̃ayón.

—¡Bah, bah, bah!—ang bulalás ng̃ abogado na ikinumpay ng̃ palikawlikaw sa hang̃in ang kamáy na warìng ibig [145]bugawin ang mg̃a paghahakàng nábanggít—upang maging mabuting mang-aani ay hindî kailang̃an ang maraming retórica. ¡Pang̃arap, malîng akalà, buko ng̃ pag-iisip! ¡Siya! ¿ibig bagá ninyóng sumunód sa isáng hatol?

At tumindíg, masuyòng ipinatong ang kamáy sa balikat ng̃ binatà, at nagpatuloy:

—Bíbigyan ko kayó ng̃ isáng lubhâng mabuti, sapagkâ’t nakikita kong kayó’y matalino at ang hatol ay hindî mápapagayón lamang. ¿Magaaral kayó ng̃ panggagamót? Kung gayón ay magkasiyá kayó sa pag-aaral ng̃ kung papaano ang paglalagáy ng̃ tapal at pagpapasigíd ng̃ lintâ at huwag ninyóng panghimasukan ang pagpapabuti ó pagpapasamâ ng̃ kalagayan ng̃ inyóng kapuwâ. Pag kayó’y licenciado na, ay mag-asawa kayó sa isáng dalagang mayaman at mapanata, pagpilitan ninyó ang makapanggamót at makasing̃il na mabuti, layûán ninyó ang lahát ng̃ bagay na may pakialám sa kalagayan ng̃ bayan, magsisimbá kayó, magkumpisál at makinabang pag ang ibá’y gumágawâ ng̃ gayón, at makikita ninyóng pagkatapos ay pasasalamat kayó sa akin at ang gayó’y makikita ko kung akó’y buháy pa. Palagì ninyóng aalalahanin na ang lalòng wastông pagling̃ap ay ang ling̃apin muna ang sarili; walâng dapat hanapin ang tao sa mundó kundî ang lalòng malakíng kaligayahan ng̃ kaniyáng sarili, gaya ng̃ sabi ni Bentham; pag kayó’y nanghimasok sa mg̃a kaululán, ay hindî kayó magkakaroón ng̃ carrera, ni hindî kayó magkakaasawa, ni hindî kayó magiging anomán. Pag-iiwananan kayó ng̃ lahát at ang una unang magtátawá sa inyóng kalinisang ugalì ay ang inyó ring mg̃a kababayan. ¡Maniwalà kayó sa akin, akó’y maaalaala din ninyó at sasabihin ninyóng may katwiran akó pag kayó’y nagkaroon na ng̃ ubang kagaya ko, mg̃a ubang kagaya nitó!

At hinipò ang iilan niyáng buhók na putî ng̃ matandang abogado na ng̃umitî ng̃ malungkót at inilíng-ilíng ang ulo.

—Pag nagkaroon na akó ng̃ mg̃a ganiyáng uban, ginoo,—ang sagót na malungkót dín ni Isagani—at pag iniling̃ón ko ang aking paning̃ín sa nakaraan at mákita kong walâ akóng ginawâ kundî ang ukol sa sarili, na hindî ginawâ ang mangyayaring gawín at dapat kong gawíng ukol sa bayang nagbigáy sa akin ng̃ lahát ng̃ bagay, ukol sa mg̃a namamayang [146]tumutulong sa aking kabuhayan, ang bawà’t uban ay magiging isáng tiník sa akin, at hindî ko silá ikadadang̃al kundî bagkus ikahihiyâ!

At masabi itó ay yumukô at umalís.

Nápatigil ang abogado sa kaniyáng kinalalagyán, na ang matá’y susulingsuling. Náding̃íg ang mg̃a yabág na lumalayông untîuntî at mulîng umupô na bumúbulóng:

—¡Kaawàawàng binatà! Ang mg̃a ganiyán ding hakà ay sumagì isáng araw sa aking pag-iisip! ¿Maanong ang lahát ay makapagsabing: ginawâ ko itó ng̃ dahil sa aking bayan, iniuukol ko ang aking buhay sa ikabubuti ng̃ lahát....? ¡Putong na laurel, na pigtâ ng̃ katás ng̃ kamansá, mg̃a dahong tuyô na nagkakanlóng ng̃ mg̃a tiník at mg̃a uód! ¡Hindî iyan ang kabuhayan, iyan ay hindî nagbibigáy ng̃ kakanin, ni hindî nagdudulot ng̃ karang̃alan; ang mg̃a laurel ay bahagyâ nang mágamit sa isáng sawsawan.... ni hindî nagbibigáy ng̃ katiwasayán.... ni hindî nagpapanalo ng̃ mg̃a usap, kundî tiwalî pa ng̃â! Ang bawà’t bayan ay may kaniyáng hilig, gaya rin ng̃ kaniyáng sing̃áw ng̃ lupà at kaniyáng mg̃a sakít, na ibá sa sing̃áw ng̃ lupà at mg̃a sakít ng̃ ibáng bayan!

At idinugtóng pagkatapos:

—¡Kaawàawàng binatà!.... Kung ang lahát sana’y nag-iisip at gumágawâ ng̃ gaya niyá, ay hindî ko sinasabing hindî.... ¡Kaawàawàng binatà! ¡Kaawàawàng Florentino!