Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XIX

Ang lambal

Umalís sa klase si Plácido Penitente na ang pusò’y sumusulák at ang mg̃a paning̃ín ay may mapaít na luhà. Siya’y lubhâng karapatdapat sa kaniyáng pang̃alan kapag hindî siyá pinagagalit, ng̃unì’t pag namuhî ay nagiging bahâ, isáng halimaw na mapipigil lamang kung mápatay ó makamatáy. Ang gayón karaming paghalay, mg̃a pagsundót, na sa araw araw ay nagpápang̃iníg sa kaniyáng pusò at natatagò rito upang makatulog ng̃ tulog dahong-paláy na nahihimbíng, [173]ay nang̃agbabang̃on ng̃ayón na nang̃agng̃ang̃alit sa poót. Ang mg̃a sutsót ay umuugong sa kaniyáng taing̃a na kasama ang mg̃a palibák na salitâ ng̃ katedrátiko, ang mg̃a salitâng wikàng tindá, at warìng nadiding̃íg niyá ang mg̃a hampás at halakhák. Libo libong balak na paghihigantí ang sumísipót sa kaniyáng pag-iisip na nang̃agkakasalásalabíd at biglâng lumilipas na warì’y mg̃a larawang nakikita sa pang̃ang̃arap. Inuudyukán siyáng walâng humpáy na dapat gumawâ, ng̃ kaniyáng sariling damdamin, na tagláy ang katigasang ulo ng̃ isáng walâng pag-asa.

—Plácido Penitente—anáng boses—ipakilala mo sa lahát ng̃ kabatàang iyán na mayroon kang karang̃alan, na ikáw ay anák ng̃ isáng lalawigang matapang at bayani, na doon ang isáng paghalay ay hinuhugasan ng̃ dugô. ¡Taga Batang̃an ka, Plácido Penitente! ¡Gumantí ka, Plácido Penitente!

At ang binatà’y umuung̃ol at nagng̃ang̃alit ang mg̃a ng̃ipin at binúbunggô ang lahát ng̃ tao sa lansang̃an, sa tuláy ng̃ España, na warì’y naghahanáp ng̃ basagulo. Sa hulíng pook na itó’y nakakita ng̃ isáng sasakyáng kinalululanan ng̃ Vice-Rector na si P. Sibyla, na kasama si D. Custodio, at nagtagláy siya ng̃ malaking nasàng sunggabán ang parì at ihagis sa ilog.

Nagpatuloy sa Escolta at ng̃aling̃alí nang pagsususuntukín ang dalawáng agustino, na nang̃akaupô sa pintûan ng̃ tindahan ni Quiroga, na nagtatawanan at binibirò ang ibá pang prayle na nasa loob ng̃ tindá at nakikipag-usap; nádiding̃íg ang kaniláng masasayang boses at matutunóg na halakhakan. Sa dakong malayô-layô ay nang̃akahalang sa bangketa ang dalawáng cadete na nakikipag-usap sa isáng kawaní ng̃ isáng tindahan, na nakabarò’t walâng amerikana; tinung̃o silá ni Plácido Penitente upang buksán ang daan, ng̃unì’t ang mg̃a cadete na masasayá at nakahalatâ sa masamâng tangkâ ng̃ binatà ay nang̃agsilayô. Nang mg̃a sandalíng yaon ay tagláy ni Plácido ang udyók ng̃ hamok na sinasabi ng̃ mg̃a sumusurì ng̃ ugaling malayô.

Samantalang nálalapít si Plácido sa kaniyáng bahay—ang bahay ng̃ isáng platero na kaniyáng pinang̃ung̃upahan—ay pinipilit na iayos ang kaniyáng mg̃a iniisip at niyayarì ang isáng balak. Umuwî sa kaniyáng bayan at maghigantí [174]upang ípakilala sa mg̃a prayle na hindî naaalimura ng̃ gayongayón lamang ang isáng binatà, at ang gaya niya’y hindî maarìng aglahìin. Iniisip na sumulat agád sa kaniyáng iná, kay kabisang Andáng, upang ipabatíd dito ang nangyari at sabihing hindî na siya makapapasok sa klase, at kahì’t may Ateneo ng̃ mg̃a hesuita upang makapag-aral ng̃ taóng yaón, marahil ay hindî siya bigyáng pahintulot na makalipat ng̃ mg̃a dominiko at kahi’t na maarì ang gayón ay mábabalík din siya sa Universidad sa taóng súsunód na pag-aaral.

—¡Sinasabing hindî kamí marunong maghigantí!—ang sabi—pumutók ang lintík at sakâ makikita.

Ng̃unì’t hindî hinihinalà ni Plácido ang nag-aantáy sa kaniyá sa bahay ng̃ platero.

Karáratíng pa lamang ni kabisang Andáng na galing sa Batang̃an at lumuwás upáng mamilí, dumalaw sa kaniyáng anák at dalhán ng̃ kuwalta, pindáng na usá at mg̃a panyông sutlâ.

Nang makaraan ang mg̃a unang batîán, ang kahabág habág na babaing sa simulâ pa’y nápuná na ang mabalasik na ting̃ín ng̃ kaniyáng anák, ay hindî na nakapagpigil at nagsimulâ na sa kátatanóng. Sa mg̃a unang pagsasalitâ’y inarìng birò ni kabisang Andáng, ng̃umitî’t pinagpapayuhan ang kaniyáng anák, at ipinaalaala dito ang mg̃a paghihirap, ang mg̃a pagtitipíd at ibp., at binanggít ang anák ni kapitang Simona, na dahil sa pagkakapasok sa Seminario, ay warìng obispo na kung lumakad sa kaniláng bayan: ¡Ipinalálagáy na ni kápitang Simona na siyá’y Iná ng̃ Dios; mangyari bagá’y magiging isá pang Jesucristo ang kaniyáng anák!

—Pag nagíng parì ang anák—ang sabi ni kabisang Andáng—ay hindî na pagbabayaran ang utang sa atin.... ¿sino pa ang makásising̃íl sa kaniyá pag nagkagayón?

Ng̃unì’t nang mákitang tinótotoo ni Plácido ang pagsasalitâ at nápansín sa matá nitó ang sigwáng bumabayó sa kalooban, ay nákilalang, dalá ng̃ kasawîán, ay sadyáng tunay ang sinasabi. Mg̃a iláng sandalîng hindî nakapang̃usap at pagkatapos ay naghinagpís ng̃ katakot-takot.

—¡Ay!—aniyá—¡at naipang̃akò ko pa namán sa amá mo na aarugâín kitá, patuturùan at gágawíng abogado! ¡Tinítipíd ko ang lahát upang makapag-aral ka lamang! ¡Sa [175]panggingeng sikosikolo na lamang akó napáparoón at hindî sa manámanalapî, at tinítiís ko na ang masasamâng amóy at marurumíng baraha! ¡Tingnán mo ang mg̃a barò ko’t may sulsí! Kahì’t makabibilí akó ng̃ mg̃a bago ay ginugugol ang kuwalta sa mg̃a pamisa at mg̃a handóg kay San Sebastian, kahì’t na walâ akóng pananalig sa kaniláng bisà, sapagkâ’t dinadalosdalos ng̃ parì at ang santó ay bagong bago at hindî pa marunong gumawâ ng̃ kababalaghán, at hindî batikulíng kundî lanitì.... ¡Ay! ¿Anó ang sasabihin sa akin ng̃ amá mo pagkamatáy ko’t kamí’y magkita?

At ang kaawàawàng babai’y naghihinagpís at umiiyak; lalò pang nagdidilím ang kalooban ni Plácido at namumulás sa kaniyáng díbdíb ang mg̃a timpîng buntóng-hining̃á.

—¿Anó ang máhihitâ ko kung magíng abogado?—ang tugón.

—¿Anó ang sasapitin mo?—ang patuloy ng̃ iná na pinagduop ang kamáy—¡pang̃ang̃anlán kang pilibistiero at bibítayin ka! ¡Sinasabi ko na sa iyóng magtitiìs ka, ikáw ay magpapakumbabâ! Hindî ko sinasabi sa iyóng humalík ka sa kamáy ng̃ parì, alám kóng ang pangamóy mo’y maselan na gaya ng̃ amá mo na hindî makakain ng̃ keso sa Europa.... ng̃unì’t dapat tayong magtiís, huwag umimík, pa oo sa lahát ng̃ bagay.... ¿Anó ang magagawâ natin? Ang mg̃a prayle ay mayroon ng̃ lahát ng̃ bagay; kung ayaw silá ay walâng magiging abogado, ni médiko.... ¡Magtiís ka, anák ko, magtiís ka!

—¡Sa, nakapagtiís na akóng lubhâ, ináng; buwanang akó’y nagbatá!

Patuloy si kabisang Andáng sa kaniyáng paghihinagpís. Hindî niya hiníhing̃îng kumampí sa mg̃a prayle, siya man ay hindî rin; lubos niyáng batíd na sa bawà’t isáng mabuti ay may sampûng masamâ na kumukuha ng̃ salapî ng̃ mahihirap at nagpapadalá sa mayayaman sa tatapunán. Ng̃unì’t dapat na huwag kumibô, magtiís at magbatá; walâng ibáng paraan. At binanggít ang ganoon at ganitóng ginoo na dahil sa nagpakita ng̃ pagka paciencioso at mapakumbabâ, kahi’t na sa kaibuturan ng̃ pusò’y nagagalit sa kaniyáng mg̃a pang̃inoon, ay nagíng promotor piskal gayong galing sa pagíging alilà ng̃ prayle; at si gayón na ng̃ayó’y mayaman at mangyayaring makagawâ ng̃ mg̃a kabang̃isáng asal na makáaasang may ninong na mag-aampón sa kaniya ng̃ laban sa mg̃a kautusan [176]ay galing sa pagiging isáng maralitâng sakristang mapakumbabà’t masunurin, na nagasawa sa isáng magandáng dalaga na ang nagíng anák ay inanák ng̃ kura....

Patuloy si kabisang Andáng ng̃ pagtutukóy sa mg̃a pilipinong mapakumbabâ at paciencioso, gaya ng̃ sabi niyá, at babanggít pa sana ng̃ ibá na dahil sa hindî gayón ay nang̃ápatapon at pinag-uusig, nang si Plácido, dahil sa isáng muntîng bagay na dinahilán, ay umalís at naglagalág sa mg̃a lansang̃an.

Linibot na tátang̃á-tang̃á at masamâ ang uló ang Síbakong, Tundó, San Nicolás, Sto. Cristo, na hindî pinúpuná ang araw at ang oras, at nang makáramdam lamang ng̃ gutom at naunawàng walâ siyáng kuwalta dahil sa ibinigáy niyáng lahát sa mg̃a pistahan at mg̃a ambagan, ay sakâ umuwî sa kaniyáng bahay. Hindî niyá ináantáy na matatagpûán ang kaniyang iná, sapagkâ’t may ugalì itó, kailán ma’t lumuluwas sa Maynilà, na tumung̃o sa mg̃a oras na iyón sa isáng kapit-bahay na pinagsúsugalán ng̃ pangginge. Ng̃unì’t siyá’y ináantáy ni kabisang Andáng upang pagsabihan ng̃ binalak: ang matandâng babai’y patutulong sa procurador ng̃ mg̃a agustino upang mapawì ang pagkamuhî ng̃ mg̃a dominiko sa kaniyáng anák. Pinutol ni Plácido sa isáng ing̃os ang kaniyáng pananalitâ.

—Magtátalón na muna ako sa dagat—ang sabi—manúnulisán na muna akó bago bumalík sa Unibersidad.

At sa dahiláng sinimulán na namán ng̃ iná ang salaysáy na ukol sa pagtitiís at kababàang loób ay umalís na mulî si Plácido na hindî kumain ng̃ anó man at tinung̃o ang daong̃ang himpilan ng̃ mg̃a bapor.

Ang pagkakita ng̃ isáng bapor na aalís na patung̃ong Hongkong ay nag-udyók sa kaniyá ng̃ isáng akalà: pumaroon sa Hongkong, magtanan, magpayaman doon upang bakahin ang mg̃a prayle. Ang pagparoon sa Hongkong ay gumising sa kaniyá ng̃ isáng alaala, isáng kasaysayan ng̃ mg̃a kagayakang pamukhâ ng̃ dambanà, mg̃a ciriales at mg̃a titirikán ng̃ kandilà na pawàng pilak na inihandóg sa isáng simbahan ng̃ kabanalan ng̃ mg̃a mapanampalataya; anáng isáng platero, ay nagpagawâ sa Honkong ang mg̃a prayle ng̃ ibáng kagayakan sa dambanà, mg̃a ciriales at mg̃a titirikàn ng̃ kandilà na pawàng pilák na Ruolz na siyáng ipinalít [177]sa mg̃a tunay na pilak na ipinatunaw at ipinagawâng pisong mehikano. Itó ang kasaysayang kaniyáng náring̃íg at kahì’t mg̃a salísalitâ lamang yaón ó bulúngbulung̃an ay inaarì na niyáng totoo dahil sa samâ ng̃ kaniyáng loob at nagpapaalaala pa sa kaniyá ng̃ iláng gayón ding pangyayari. Ang paghahang̃ád na mabuhay ng̃ malayà at iláng balak na hindî pa lubós na yarì ay nakapag-udyók sa kaniyáng ipatuloy ang balak na tumung̃o sa Hongkong. Kung doon dinadalá ng̃ mg̃a corporación ang lahát ng̃ kaniláng salapî ay dapat na lumakad na mabuti ang pang̃ang̃alakal doon at maáarìng siyá’y yumaman.

—¡Ibig kong magíng malayà, mabuhay ng̃ malayà!....

Inabot siya ng̃ gabí sa paglilibót sa S. Fernando, at sa dahiláng hindî makátagpô ng̃ isáng kaibigang mangdaragát ay nagpatuloy nang umuwî. At sapagkâ’t magandá ang gabí at ang buwan ay kumíkináng sa lang̃it na binibigyán ng̃ anyông kaharìang makababalaghán ng̃ mg̃a hada ang maralitâng siyudad, ay tumung̃o sa periya. Doon nagpayao’t dito, linibot ang mg̃a tindá na hindî nápupuná ang mg̃a bagaybagay; ang pag-iisip ay nasa Hongkong upang mamuhay ng̃ malayà, magpayaman......

Iiwan na sana ang periya nang mámatàan mandín ang manghihiyas na si Simoun na nagpapaalam sa isáng taga-ibáng lupâ at kapuwâng sa wikàng inglés nag-uusap. Sa palagáy ni Plácido ay ang lahát ng̃ wikàng ginágamit sa Pilipinas ng̃ mg̃a dayuhan, kailan ma’t hindî ang kastilà, ay inglés: at sakâ naulinígan pa ng̃ ating binatà ang salitâng Hongkong.

¡Kung mangyayari sanang maipakiusap siya ng̃ magaalahás na si Simoun sa dayuhang yaón na tutung̃o mandín sa Hongkong!

Tumígil si Plácido. Nákikilala niya ang manghihiyás dahil náparoon sa kaniyáng bayan at nagbilí ng̃ alahas. Sinamahan niya sa isáng paglalakbáy at pinagpakitaan siya ng̃ magandáng loob ni Simoun na isinalaysáy sa kaniyá ang mg̃a pamumuhay sa mg̃a Unibersidad ng̃ mg̃a malalayàng bansâ: ¡anóng lakíng kaibhán!

Sinundán ni Plácido ang mag-aalahás.

—¡Ginoong Simoun, ginoong Simoun!—aniyá.

Nang mg̃a sandalîng yaón ay lululan sa sasakyán ang mang-hihiyas. Nang mákilala si Plácido ay tumigil.

[178]—¡Ibig ko sanang makiutang ng̃ loob sa inyó...., dalawáng salitâ lamang!—ang sabi.

Si Simoun ay umanyông may pagkainíp, bagay na sa katuligán ni Plácido ay hindî nápuná. Sa iláng salitâ’y isinalaysáy ng̃ binatà ang nangyari sa kaniyá at ipinahayag ang nasàng tumung̃o sa Hongkong.

—¿At bakit?—ang tanóng ni Simoun na tinitigan si Plácido sa tulong ng̃ kaniyáng mg̃a salamíng bugháw.

Hindî sumagót si Plácido. Sa gayó’y tuming̃alâ si Simoun at ng̃umitî ng̃ dati ring ng̃itîng tahimik at malamlám, at sinabi kay Plácido na:

—¡Siya! sumama kayó sa akin. ¡Sa daang Iris!—ang sabi sa kotsero.

Sa boong linakaran ay namalagìng walâng imík si Simoun na warìng may iníisip na isáng malakíng bagay. Sa pag-aantáy ni Plácido na siya’y kausapin ay hindî bumibigkás ng̃ anománg salitâ at naglibáng sa pagmamasíd sa maraming naglalakád na sinásamantalá ang kaliwanagan ng̃ buwan. Mg̃a binatà, magkakaakbáy na magkasintahan, mg̃a nagkakaibigan na sinúsundán ng̃ mg̃a maiing̃at na iná ó mg̃a inali; pulúpulutóng na mg̃a nag-aaral na nakadamít ng̃ putî na lalò pa mandíng pinatitingkád ng̃ buwan ang kaputîán; mg̃a sungdalong halos lasíng na nang̃akakaruahe, anim na paminsan, na dadalaw sa sambahang pawid na ukol kay Cíteres; mg̃a batàng naglalarô ng̃ tubigán, mg̃a insík na nagtitindá ng̃ tubó at ibp., ang pumúpunô sa dinádaanan at sa liwanag na maningníng ng̃ buwan ay nagkakaroon ng̃ anyông mamalikmatà’t mg̃a kaayaayang ayos. Sa isáng bahay ay tumútugtóg ng̃ mg̃a balse ang orkesta at nákikita ang iláng magkalangkáy na nagsasayawan sa liwanag ng̃ mg̃a kinké at lámpara.... ¡napakahabág na pánoorín iyon sa ganáng kaniyá kung ipapara sa nákikita sa mg̃a lansang̃an! At sa pag-iisíp ng̃ ukol sa Hongkong ay itinatanóng sa sarili kung ang mg̃a gabíng may buwan sa pulông yaon ay kasíng inam, kasíng sasaráp ng̃ sa Pilipinas, at isáng matindíng kalungkutan ang bumálot sa kaniyáng pusò.

Ipinag-utos ni Simoun na humintô ang sasakyan at lumunsád siláng dalawá. Nang mg̃a sandalîng yaón ay siyáng pagdaraán sa kaniláng tabí ni Isagani at ni Paulita Gómez na nagbubulung̃an ng̃ matatamis na salitâ; sa likurán ay kasunód [179]si aling Victorina na kasama si Juanito Pelaez, na malakás ang pagsasalitâ, nagkúkukumpáy at lalò pang nakukubà. Sa pagkalibáng ni Pelaez ay hindî nákita ang kaniyang nagíng kasama sa pag-aaral.

—¡Iyan ang maligaya!—ang bulóng ni Plácido na nagbuntónghining̃á at nakating̃ín sa pulutóng na untî untîng nagiging parang anino na lamang, na ang tang̃ìng nákikitang mabuti ay ang mg̃a bisig ni Juanito na ibinábabâ’t itinátaás na warì’y pamagaypáy ng̃ isáng giling̃an.

—¡Sa gayón na lamang siya magagamit—ang bulóng namán ni Simoun—mabuti na ang lagáy ng̃ kabatàan!

¿Sino ang tinutukoy ni Plácido at ni Simoun?

Hinudyatán nitó ang binatà, iniwan nilá ang dáan at nagsuot sa isáng palikawlikaw na landás at mg̃a daanang pag-itan ng̃ iláng bahay; kung minsa’y nang̃agsisitalón sa maliliít na bató upang iwasan ang mumuntîng putikán at kung minsa’y yumuyukô upang dumaán sa bakod na masamâ ang pagkakayarì at lalò pa mandíng masamâ ang pagkakaing̃at. Namanghâ si Plácido nang mákitang naglalakád sa mg̃a poók na iyon ang mayamang mag-aalahás na warì’y sanáy na sanáy doón. Sa kahulihuliha’y nakaratíng silá sa isáng warì’y kulób na malakí na may nag-iisáng muntîng bahay na dukhá na nalilibid ng̃ saging̃án at mg̃a punò ng̃ bung̃a. Iláng balangkás na kawayan at putól putól na bungbóng ay nakapagpahinalà kay Plácido na silá’y nasa bahay ng̃ isáng kastillero.

—¡A! ginoo....

At daglîng nanaog.

—¿Nariyan na ang pulburá?—ang tanóng ni Simoun.

—Nang̃asa bayóng; inaantáy ko ang mg̃a bungbóng.

—¿At ang mg̃a bomba?

—Náhahandâ.

—Mabuti, maestro.... Ng̃ayóng gabí rin kayó lalakad at makipag-usap sa teniente at sa kabo.... at pagkatapos ay ipatuloy ang inyóng lakad; sa Lamayan ay makatatagpô kayó ng̃ isáng tao sa isáng bangkâ: pagsabihan ninyó ng̃ “kabisa” at siya’y sásagót ng̃ “Tales”. Kailang̃ang dumatíng dito bukas. Hindî makapag-aaksayá ng̃ panahón!

At binigyán ng̃ iláng kuwaltang gintò.

—¿Bakit pô ginoo?—ang tanóng sa mabuting wíkàng [180]kastilà ng̃ tao—¿may bagong bagay pô ba?

—Oo, gágawín sa loob ng̃ linggóng dáratíng.

—¡Sa linggóng dáratíng!—ang ulit ng̃ tao na nápauróng—ang mg̃a arabal ay hindî pa handâ; inaantáy na iurong ng̃ General ang utos.... ang akalà ko’y ipagpapaliban hanggáng sa pagpasok ng̃ kurismá.

Umilíng si Simoun.

—Hindî na natin kakailang̃anin ang mg̃a arrabal—ang sabi—ang mg̃a tao ni kabisang Tales, ang mg̃a nagíng karabinero at isáng regimiento ay sapát na. Kung ipagpapaliban pa marahil ay patáy na si María Clara! ¡Lumakad kayóng agád!

Ang lalaki’y nawalâ.

Kaharáp si Plácido sa maiklíng pag-uusap na itó’t náding̃íg ang lahát; nang inaakalàng nakaaninaw siyá ng̃ bahagyâ ay nanindíg ang kaniyáng buhók at tiningnán si Simoun ng̃ matáng gulát. Si Simoun ay nakang̃itî.

—Ipinagtátaká ninyó—ang sabing malamlám ang ng̃itî—na ang indiong iyán na masamâ ang suót ay makapagsalitâng mabuti ng̃ wikàng kastilà? Nagíng gurô sa páaralán, na nagpumilit na turùan ng̃ kastilà ang mg̃a batà at hindî nagtigil hanggáng náalís sa tungkulin at napatapon dahil sa salang pangguguló ng̃ katiwasayáng bayan at sapagkâ’t nagíng kaibigan ng̃ kaawàawàng Ibarra. Kinuha ko sa kinátapunan na ang inaatupag doon ay ang pagtataním ng̃ niyóg at ginawâ kong magkakastilló.

Nang̃agsibalík sa daan at palakád na tumung̃o sa dakong Trozo. Sa harapán ng̃ isáng muntîng bahay na tablá, na ang anyô’y masayá at malinis, ay may isáng kastilà na naníniín sa isáng tungkód at nag-áalíw sa liwanag ng̃ buwán. Tinung̃o siyá ni Simoun; nang makita itó ng̃ kastilà ay nagtangkâng tumindíg na tinimpî ang isáng daíng.

—¡Humandâ kayó!—aní Simoun sa kaniyá.

—¡Kailán ma’y handâ akó!

—Sa linggóng dáratíng!

—¿Na ba?

—¡Sa unang putók ng̃ kanyón!

At lumayông kasunód si Plácido na nagsísimulâ na ng̃ pagtatanóng sa sarili kung siyá’y nanánaginip.

—Ikinatátaká ninyó—ang tanóng sa kaniyá ni Simoun—ang pagkakita sa isáng kastilàng batà pa’y salantâ nang [181]lubhâ ng̃ mg̃a sakít? May mg̃a dalawáng taón lamang na iyán ay kasingtibay ninyó sa pang̃ang̃atawán, ng̃unì’t nagawâ ng̃ kaniyáng mg̃a kalaban na siyá’y máipadalá sa Balabak upang gumawâ roong kasama ng̃ isáng pangkát na disciplinaria, at náiyán at tingnán ninyóng may isáng reuma at isáng walâng likat na lagnát na nag-aabóy sa kaniyá sa libing̃an. Ang kahabághabág na iyán ay nag-asawa sa isáng magandáng babai......

At sa dahiláng nagdaan ang isáng sasakyáng walâng lulan ay pinahintô ni Simoun at napahatíd na kasama si Plácido sa kaniyáng bahay sa daang Escolta. Nang mg̃a sandalîng iyón ay tinútugtóg sa mg̃a orasán ng̃ mg̃a simbahan ang iká sampû at kalahatì ng̃ gabí.

Makaraan ang dalawáng oras ay nilisan ni Plácido ang bahay ng̃ mag-aalahás at walâng imík at nagiisíp na lumakad sa Escolta, na walâ nang katao tao kahi’t na masayá pa rin ang mg̃a “café”. Mang̃isáng̃ísáng sasakyán ay nang̃agdádaang matulin na nag-uumugong ng̃ katakot-takot sa ibabaw ng̃ dinádaanang gasgás na batóng nakalatag sa lansang̃an.

Mulâ sa isáng silíd ng̃ kaniyáng tahanang nakaharáp sa ilog Pasig ay tinátanáw ni Simoun ang bayang kupkóp ng̃ muog na nakikita sa mg̃a dúrung̃awang bukás ang mg̃a bubóng na hierro galvanizado na pinakikináng ng̃ buwan, at ang kaniyáng mg̃a torre na nábabadhâng malulungkót, bagól, malalamlám, sa gitnâ nang mapanatag na anyô ng̃ gabí. Si Simoun ay nag-alís ng̃ salamíng bugháw sa matá, ang kaniyáng maputing buhók na warì’y kulób na pilak ay nakalibid sa kaniyáng matigás at sunóg na mukhâ na malamlám, na naliliwanagan ng̃ isáng lámpara, na ang ilaw ay warìng mamamatáy dahil sa kakulang̃án sa petróleo. Dahil mandín sa isáng bagay na iniisip ay hindî napupuná ni Simoun na untîuntîng namámatáy ang lámpara at lumalaganap ang kadilimán.

—Sa loob ng̃ iláng araw—ang bulóng—pag nag-alab ang apat na tagiliran ng̃ sinumpâng bayang iyán na tirahan ng̃ mg̃a mapagpalalòng walâng namumuwang̃an at ng̃ walâng awàng panggagagá sa mangmáng at sa nagígipít; pag ang pagkakaguló ay mangyari na sa mg̃a arrabal at palusubin ko sa mg̃a lansang̃an ang aking mg̃a taong manghíhigantí na ibinung̃a ng̃ mg̃a panggagahís at kamalìan, ay sakâ ko bubuksán [182]ang muog ng̃ iyóng bilanggùan, aagawin kitá sa kamáy ng̃ dalubhasàng pananalig, at maputîng kalapati, magiging Fenix kang mulîng sísipót sa mainit na abó....! Isáng panghihimagsík na binalak ng̃ mg̃a tao sa gitnâ ng̃ kadilimán ay siyáng naglayô sa akin sa piling mo; isá namáng paghihimagsík dín ang mag-aabóy sa akín sa mg̃a bisig mo, bubuhay sa aking mulî at ang buwang iyan, bago sumapit sa kaniyáng kabilugan ay tatanglawán ang Pilipinas na linís na sa karimarimarim niyáng yamutmót.

Biglâng humintô si Simoun na warìng natigilan. Isáng ting̃ig ang tumátanóng sa loob ng̃ kaniyáng budhî kung siya, si Simoun, ay hindî bahagi rin ng̃ yamutmót ng̃ kalaitlait na bayan, ó marahil ay siya pa ang bulók na may lalòng masidhîng sing̃áw. At kagaya ng̃ mg̃a magbabang̃ong patáy pagtugtóg ng̃ pakakak na kakílákilabot ay líbo líbong marugông multó, mg̃a aninong nanggígipuspós ng̃ mg̃a lalaking pìnatáy, mg̃a babaing ginahasà, mg̃a amáng inagaw sa kaniláng mg̃a anák, masasamâng hilig na inudyukán at pinalusog, mg̃a kabaitang hinalay, ay nang̃agsipagbang̃on ng̃ayón sa tawag ng̃ matalinghagàng katanung̃an. Noón lamang, sa kaniyang masamâng pamumuhay sapol nang sa Habana, sa tulong ng̃ masamâng hilig ng̃ pagsuhol ay tinangkâ niya ang pagyarì ng̃ isáng kasangkapan upang magawâ ang kaniyang mg̃a balak, isáng taong walâng pananalig, walâng pag-ibig sa bayan at walâng budhî, noón lamang, sa kabuhayang yaón, tumataliwakás ang isáng bagay sa loób niyang sarili at tumututol ng̃ laban sa kaniyang mg̃a inaasal. Ipinikít ni Simoun ang kaniyang mg̃a matá at malaong namalagì na walâng katinagtinag; matapos ay hinaplós ang kaniyang noo, ayaw silayan ang kaniyang budhî at natakot. Ayaw, ayaw surìin ang kaniyang sarili, kinulang siya ng̃ katapang̃an upang ling̃unín ang dakong kaniyang dinaanan.... Kulang̃in pa namán siya ng̃ katapang̃an nang nálalapít na ng̃ sandalî ng̃ pagkilos, kulang̃in siya ng̃ paniniwalà, ng̃ pananalig sa sarili! At sa dahiláng ang mg̃a kakilákilábot na larawan ng̃ mg̃a sawîng palad, na siya ay nákatulong sa sinapit, ay nasa sa kaniyáng harapán pa rin na warì’y nang̃agsisipanggaling sa makináng na îbabaw ng̃ ilog at nilulusob ang silid na sinísigawán siya’t inilalahad sa kaniya ang mg̃a kamáy; sa dahiláng ang mg̃a sisi at panaghóy ay warìng namumunô sa hang̃in at nádiding̃íg ang [183]mg̃a pagbabalà at mg̃a sigáw ng̃ paghíhigantí ay inilayô ang kaniyáng ting̃ín sa durung̃awan at marahil ay noon lamang siya nang̃iníg.

—Hindî, marahil ay may sakít akó, marahil ay masamâ ang aking katawán—ang bulóng—marami ang nagagalit sa akin, ang mg̃a naghíhinalàng akó ang sanhî ng̃ kaniláng kasawîán, ng̃unì’t.....

At sa dahiláng nararamdamáng nag-aalab ang kaniyáng noó ay tumindíg at lumapit sa durung̃awan upang sagapin ang malamíg na simuy sa gabí. Sa kaniyáng paanan ay pinauusad ng̃ ilog Pasig ang kaniyáng pilak na agos, na sa ibabaw ay nanghihinamád na kumíkináng ang mg̃a bulâng umíikit, sumusulong at umuurong na sumúsunód sa lakad ng̃ mumuntîng ulìulì.

Ang siyudad ay nátatayô sa kabiláng ibayo at ang kaniyáng maiitím na muog ay nákikitang nakakikilabot, matalinghagà, at napapawì ang kaniyáng karukhâán sa liwanag ng̃ buwan na nakapagpaparikít at nagpapagandá sa lahát ng̃ bagay. Dátapwâ’t si Simoun ay mulîng nang̃ilabot; warìng nakita sa kaniyáng harapán ang mabagsík na mukhâ ng̃ kaniyáng amá, na namatáy sa bilanggùan, ng̃unì’t namatáy dahil sa paggawâ ng̃ mabuti, at ang mukhâ ng̃ isá pang lalaki na lalò pang mabagsík, ng̃ isáng lalaking nagdulot ng̃ buhay ng̃ dahil sa kaniya, dahil sa inaakalàng kaniyáng hahanapin ang ikabubuti ng̃ kaniyáng bayan.

—Hindî, hindî akó makauurong—ang bulalás na pinahid ang pawis ng̃ kaniyang noó—ang gawàin ay magtatapós na at ang kaniyang pagtatagumpáy ay siyang magbibigáy katwiran sa akin.... Kung akó’y gumaya sa inyó ay nasawî akó marahil.... Siya na ang pang̃ang̃arap, siya na ang malîng pagkukurò! Apóy at patalím sa bikat, parusa sa kasamâán, at masirà pagkatapos kung masamâ ang kasangkapan! Hindî, pinag-isip ko nang mabuti, ng̃unì’t akó’y nilalagnát ng̃ayón.... ang pag-iisip kó’y uulik-ulik.... talagá.... kung ginawâ ko ang kasamâán ay upang makápalâ ng̃ kabutihan at ang nápapalâ’y siyáng nagliligtás sa kaparaanan.... Ang gágawín ko’y ang huwag mápará....

At nahigâng guló ang pag-iisip at tinangkâng mákatulog.

Nang kinabukasan ay pinakinggáng nakasukot at nakang̃itî ni Plácido ang pang̃aral ng̃ kaniyáng iná. Nang tinuran [184]nitó sa kaniyá na makikiusap sa procurador ng̃ mg̃a agustino ay hindî tumutol ni humadláng man lamang; kundî bagkús pa ng̃âng humandóg na siyá na ang gagawâ upang maibisán ng̃ kagambalàán ang kaniyáng iná na pinamanhikáng bumalík na kaagád sa kaniláng lalawigan at kung mangyayari’y sa araw ding yaón. Itinanóng sa kaniyá ni kabisang Andáng kung bakit.

—Sa dahiláng.... sa dahiláng kung mabatíd ng̃ prokurador na náririto kayó ay hindî gágawín ang inyóng kahiling̃an samantalang hindî muna siyá nabibigyán ng̃ anománg handóg at iláng pamisa.