Ang "Filibusterismo", ni José Rizal
XX
Ang nagpapalagáy
Tunay ang sinabi ni P. Irene: ang ukol sa akademia ng̃ wikàng kastilà, na malaon nang iniharáp, ay tumutung̃o na sa isáng pagkalutas. Si D. Custodio, ang masipag na si D. Custodio, ang lalòng masipag sa lahát ng̃ mg̃a nagpápalagáy sa boông mundó, alinsunod kay Ben-Zayb, ay siyáng tumútungkól sa kaniyá at dinádaán ang mg̃a maghapunan sa pagbabasá sa mg̃a kasulatan at nákakatulóg nang walâng naipapasiyáng anomán: babang̃on sa kinabukasan, gayón din ang gágawín, matutulog na mulî at sunód sunód na gayón ang nangyayari. ¡Gaano ang iginágawâ ng̃ kaawàawàng ginoo, ang lalòng masipag sa lahát ng̃ nagpápalagáy sa Sangsinukob! Ibig niyáng makalusót doon, sa paraang mabigyáng loob ang lahát, ang mg̃a prayle, ang mataas na kawaní, ang kondesa, si P. Irene at ang kaniyáng mg̃a pagkukuròng labusáw. Nagtanóng kay G. Pasta at siya’y hinilo at linitó ni G. Pasta matapos na mahatulan siya ng̃ isáng yutàng bagay na magkakalaban at hindî mangyayari; nagtanóng kay Pepay na mánanayaw, at ang mánanayaw na si Pepay, na hindî nakatatarók ng̃ pinag-uusapan, ay umikot ng̃ isáng ikot, hining̃án siya ng̃ dalawang pû’t límáng piso upang ipagpalibíng sa isáng ali niya na biglâng kamamatáy ng̃ ikalimáng pagkamatáy, ó ipagpapalibing sa ikalimang ali na namatáy sa kaniya, alinsunod sa lalòng masakláw na paliwanag, matapos na mahing̃îng mapasok na auxiliar de fomento ang isá niyáng pinsang lalaki na marunong bumasa, [185]sumulat at tumugtóg ng̃ biolin, mg̃a bagay bagay na pawàng malayòng makapag-bigáy kay D. Custodio ng̃ isáng hakàng makapagliligtás.
Makaraán ang dalawáng araw ng̃ pangyayari sa periya sa Kiyapò, ay gumágawâ si D. Custodio, na gaya ng̃ dati, na pinag-aaralan ang mg̃a kasulatan na hindî mátagpô ang kailang̃ang panglutás. Datapwâ’y samantalang naghihikáb, umuubó, humihitít ng̃ tabakó at inaalaala ang mg̃a ikot at mg̃a hità ni Pepáy, ay babanggitín namin ang iláng bagay ng̃ mataás na taong itó, upang mákilala ang katwiran na kung bakit siyá ang ipinalagáy ni P. Sibyla na lumutas ng̃ matiník na salitâán at kung bakit tinanggáp namán ng̃ kabilâng pangkát.
Si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo (p.) Buenatinta ay nalalahók diyán sa bahagi ng̃ sosyedad sa Maynilà na hindî nakakikilos ng̃ isáng hakbáng na hindî sinasabitan sa likód at haráp ng̃ mg̃a pamahayagan ng̃ libo libong banság at tinatawag siyáng walang kapaguran, bantóg, maing̃at, masipag, malirip, matalino, bihasa, mayaman, ibp., na warìng ipinang̃ing̃ilag na ipagkámalî sa ibáng may gayón ding pang̃alan at banság na bulagbul at mangmáng. At sakâ walâ namâng kasamâang iaanák ang gayón at hindî nagagambalà ang previa censura. Ang Buena Tinta ay galing sa kaniyáng pakikipagkaibigan kay Ben-Zayb, nang itó, sa dalawáng matunóg na pakipagtunggalî na inabot ng̃ buwanan at lingguhan sa mg̃a tudlíng ng̃ pahayagan ukol sa kung nárarapat ó hindî gumamit ng̃ sombrerong hongo, de copa ó salakót, at kung ang paggamit ng̃ ukol sa marami ng̃ salitâng caracter ay dapat magíng carácteres at hindî caractéres, upang patibayan ang kaniyáng mg̃a pang̃ang̃atwiran ay lumulusót kailan man sa mg̃a salitâng “cónstanos de buena tinta”, “lo sabemos de buena tinta” at ibp. at napag-alamán pagkatapos, sapagkâ’t sa Maynilà ay napag-aalamán ang lahát ng̃ bagay, na ang buena tintang itó ay dilì ibá’t si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo.
Batàng batà pa ng̃ dumatíng sa Maynilà, na may isáng mabuting katungkulan na siyang nakapagparaan sa kaniyang makapag-asawa sa isáng magandáng mestisa na isá sa mg̃a magkakaanak na lalòng mayaman sa siyudad. Sapagkâ’t may likás na katalinuhan, kapang̃ahasan at walâng pagkatigatig, ay nátutong samantalahín ang lipunáng kaniyang kinalalagyán, [186]at sa tulong ng̃ salapî ng̃ kaniyang asawa ay nang̃alakal at tumanggáp ng̃ anománg pagawâ ng̃ Pamahalàan at ng̃ Ayuntamiento, kayâ’t ginawâ tuloy siyang konsehal, pagkatapos ay alkalde, kagawad ng̃ Sociedad Económica de Amigos del País, kasanggunì ng̃ Pang̃asiwàan, Pang̃ulo ng̃ Lupong Nang̃ang̃asiwà sa Obras Pias, kagawad sa Lupong ng̃ Kawanggawâ, conciliario ng̃ Banco Español Filipino, at ibá’t ibá pa. At huwag akalàing ang ibá’t ibá pang itó ay kagaya ng̃ karaniwang inilalagáy matapos na mabanggít ang isáng mahabàng talâ ng̃ mg̃a kabunyîán: si D. Custodio, kahì’t hindî nakátungháy kailan man ng̃ anománg aklát na ukol sa Higiene, ay nakasapit hanggáng sa pagiging pang̃alawáng pang̃ulo ng̃ Junta de Sanidad sa Maynilà, kahì’t tunay din namán na sa walóng bumubuô ng̃ Lupon ay isá lamang ang kailang̃ang magíng manggagamot at ang isáng itó’y hindî mangyayaring magíng siyá. Gayon dí’y nagíng kagawad ng̃ Junta Central sa pagbabakuna, na binubuô ng̃ tatlóng manggagamot at pitóng walâng pagkabatíd sa bagay na iyon, na sa mg̃a ito’y isá ang arsobispo at ang tatló’y mg̃a provincial: nákakapatíd sa mg̃a cofradía at archicofradía, at, gaya ng̃ naunawà na natin, ay kagawad na magpapalagáy sa Kataastaasang Lupon ng̃ Paaraláng bayan na hindî lagìng kumikilos, mg̃a sanhîng higít na sa kailang̃an upang balutin siya ng̃ mg̃a pamahayagan ng̃ mg̃a palayaw, kailan ma’t naglalakbáy ó nagbábahín.
Kahì’t na may maraming tungkulin, si D. Custodio, ay hindî kabilang ng̃ mg̃a natutulog sa mg̃a pagpupulong at nasisiyahán nang kagaya ng̃ mg̃a kinatawáng kimî at tamád na makikiboto na lamang sa lalòng marami. Hindî kagaya ng̃ maraming harì sa Europa na nagtátagláy ng̃ kabunyîáng harì sa Jerusalém, pinaghaharì ni D. Custodio ang kaniyáng kalagayan at sinásamantalá ang lahát ng̃ mápapakinabang dito, ikinúkunót na mabuti ang kilay, pinalálakí ang boses, umuubó sa pagsasalitâ at madalás na siyá na lamang ang umuubos ng̃ isáng pagpupulong dahil sa pagsasalaysáy ng̃ isáng kabuhayan, paghaharáp ng̃ isáng panukalà ó paglaban sa isáng kasama na nákainipán niyá. Kahì’t hindî pa siyá lumálampás sa apat na pûng taón ay nagsásalitâ na noong dapat dáw magdahandahan sa paggawâ ng̃ anomán, na iwan munang mahinóg ang bubót na bung̃a ng̃ higuera, [187]at idinúdugtóng na marahan ¡mg̃a milón!—nagsasalitâ ng̃ ukol sa paglirip na mabuti at paglakad ng̃ marahan, ng̃ pang̃ang̃ailang̃ang kilalanin muna ang bayan, na ang mg̃a hîlig ng̃ indio ay paganitó, na ang karang̃alan ng̃ pang̃alang kastilà, na sa dahilang una muna ang mg̃a kastilà, na ang pananampalataya at ibp. Náaalala pa sa Maynilà ang isá niyáng talumpatì ng̃ unang ipalagáy ang pag-iilaw ng̃ petróleo, bilang kahalili ng̃ dating lang̃ís ng̃ niyog: sa pagbabagong iyon ay hindî nakita ang pagkamatáy ng̃ paggawâ ng̃ lang̃ís kundî ang tutubùin ng̃ isáng konsehal—sapagkâ’t si D. Custodio ay may matalas na pangamóy—at humadláng ng̃ inubos ang lahát ng̃ tunóg ng̃ kaniyáng boses, na ipinalagáy na ang panukalà ay walâ sa panahón at hinulàang magkakaroon ng̃ malalakíng sakunâng bayan. Hindî rin hulí sa kabantugan ang kaniyáng paghadláng sa isáng pananapatan na ibig gawín ng̃ ilán sa isáng gobernador bago umalís: si D. Custodio na mayroong kaunting samâ ng̃ loob dahil sa iláng paghiyà sa kaniyá, na hindî na namin naaalala, ay natutong ikalat ang balibalitàng ang talàng daratíng ay kalabang masidhî ng̃ aalís, bagay na ipinang̃ambá ng̃ mg̃a mananapát kayâ’t hindî nátuloy.
Isáng araw ay hinatulan siyáng bumalík sa España upang magpagamót ng̃ isáng sakít sa atáy at binanggít siyá ng̃ mg̃a pahayagan na warì’y isáng Anteo na nang̃ang̃ailang̃ang tumuntóng sa Ináng bayan upang kumuha ng̃ mg̃a panibagong lakás; ng̃unì’t ang Anteong taga Maynilà ay nang̃untî at nawalâng kabuluhán sa Corte. Doon ay hindî siyá gasino at hinahanaphanap ang kaniyáng mg̃a kaibigibig na banság. Hindî siyá nákahalobilo ng̃ mg̃a lalòng mayayaman, ang kakulang̃an niyá sa pinag-aralan ay hindî makapagbigáy sa kaniyá ng̃ malakíng kahalagahan sa mg̃a lipunang ukol sa karunung̃an at mg̃a akademia, at dahil sa kaniyang pagkakáhulí at pagtatagláy ng̃ polítikang kombento ay litóng umaalís sa mg̃a lipunán, walâng kasiyahang loob, muhî, at walâng malinawan kundî ang doo’y kinukunan ng̃ kuwalta ang tang̃á at doo’y malakás ang sugál. Inaalala ang kaniyang masunurìng mg̃a utusán sa Maynilà na nang̃agtitiís sa lahát ng̃ kaniyang nakayayamót na maibigan, at sa gayón ay nákikita niyang ang mg̃a yaón ay siyang mabuti; sa dahiláng sa taglamíg ay nang̃ailang̃an siyang maglalapít sa [188]dupàan at kung hindî’y makasasagap ng̃ isáng pamamagâ ng̃ bagà ay ipinagbubuntóng hining̃á ang pag-aalala sa taglamíg sa Maynilà na sukat na ang magtagláy ng̃ isáng bufanda; walâ ang kaniyang hiligán at ang batàng tagapamaypáy kung taginít; sa isáng sabi, sa Madrid ay nagíng isá siya sa mg̃a pangkaraniwan, at, kahì’t na mayroon siyang mg̃a brillante, minsan ay pinagkamalán siyang paleto na hindî marunong umimbáy, at minsan ay pinagkamalán siyang indiano, kinutyâ ang kaniyang mg̃a pagng̃ang̃aning̃aní at talampák siyang inutô ng̃ iláng máng̃ung̃utáng na kaniyang hiniyâ. Muhî sa mg̃a conservador, na hindî pinahalagahán ang kaniyáng mg̃a payo, na gaya rin namán sa mg̃a kákabitkabít sa kaniyang humihitít sa kaniyang bulsá, ay sumapì sa pangkating liberal, at bago matapos ang taón ay bumalík sa Pilipinas, na, kung hindî man magalíng na sa sakít sa atáy ay gulóng guló namán ang paghahakà.
Ang labíng isáng buwang ipinamuhay niya sa Corte na dinaang kahalobilo ng̃ mg̃a polítikong tindahan, mg̃a walâng pinapasukan ang lahát halos; ang iláng talumpatìng náding̃íg sa mg̃a suloksulók, ang gayón ó ganitóng lathalàng laban sa pamamahalà at lahát noong pamumuhay sa polítika na nálalang̃áp doon, mulâ sa pagupitan, sa pag-itan ng̃ mg̃a paggupít ng̃ Fígaro, na naghahayag ng̃ kaniyang pátakarán, hanggáng sa mg̃a piging̃an na pinaghahayagán, sa pamag-itan ng̃ maiinam na pagsasalaysáy at mg̃a nakabibighanìng banggít ng̃ mg̃a sarisarìng kulay ng̃ mg̃a pananalig sa suliraning bayan, ang mg̃a pagkakaibá, mg̃a pagtiwalág, mg̃a dî kasiyahang loob, at ibp., ang lahát ng̃ iyon, samantalang siya’y lumálayô sa Europa, ay mulîng nabubuhay nang lubhâng malusóg sa kaniyáng alaala, na warì’y binhîng nátaním, na napipigláng lumakí ng̃ mg̃a malalabay na punòng nakatatakíp, kayâ’t ng̃ dumaóng sa Maynilà ay inakalàng itó’y maiaayos niya, at gayón ng̃â, tagláy ang lalòng banal na adhikâ at ang lalòng malilinis na mithî.
Sa mg̃a unang buwan ng̃ kaniyáng pagdatíng ay walâ nang nababanggít kundî ang Madrid, ang kaniyáng mabubuting kaibigan, ang ministrong si ganoon, ang nagíng ministrong si ganitó, ang kinatawáng C, ang manunulat na si B; walâng pangyayarí sa polítika, mg̃a kagusutan sa Corte, na hindî niya batíd ang lalòng kaliítliítang pangyayari, ni mg̃a taong bantóg na hindî niya [189]kilalá ang lihim ng̃ kabuhayan, ni walâng nangyaring hindî niya hinulàan ni paglalathalà ng̃ isáng pagbabagong hindî muna isinangunì sa kaniya; at ang lahát nang itó’y may kalahók na pagsundót sa mg̃a conservador, na tagláy ang tunay na pagkasuklám, pagpupuri sa pangkating líberal, isáng kabuhayan dito, isáng salitâ doon ng̃ isáng bantóg na tao, na ipinápatláng, na warìng hindî kinukusà, ang mg̃a pag-aalóg sa kaniyá at mg̃a tungkuling hindî tinanggáp upang huwág lamang magkaroón siyá ng̃ anó máng utang na loob sa mg̃a conservador. Nápakalakí ang kapusukán niyá ng̃ mg̃a unang araw na iyón, na ang ilán sa kausap-usap sa tindahan ng̃ mg̃a sarìsaring kakanín na dinadalaw niyáng maminsanminsan ay nang̃agsisapì sa pangkating liberal, at nagpanggáp nang liberal si D. Eulogio Badana, sargento retirado sa carabinero; ang marang̃ál na si Armendia, piloto at matalik na carlista; si D. Eusebio Picote, kawaní sa aduana, at si Don Bonifacio Tacón, sapatero at talabartero.
Gayón man, ang mg̃a sigabó, dahil sa kakulang̃án ng̃ tunggalìan at mg̃a bagay na makapag-udyók, ay untî-untîng napawì. Hindî niyá binabasa ang mg̃a pamahayagang dumáratíng sa kaniyáng buhat sa España, sapagkâ’t balubalutan kung tanggapín at ang pagkakita noón ay nakapagpapahikáb sa kaniyá; ang mg̃a paghahakàng kaniyáng nápulot na pawàng gamít na, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ abuloy na dagdág, at doo’y walâ ang kaniyáng mg̃a mánanalumpatî; at kahì’t na malalakás ang larô sa mg̃a casino sa Maynilà at mayroón ding nang̃ing̃risto, gaya ng̃ sa mg̃a lipunán sa Madríd, gayón man ay hindî namán ipinahihintulot sa mg̃a tinuran ang anó mang talumpatì upang buhayin ang mg̃a imbót sa polítika. Ng̃unì’t si D. Custodio ay hindî tamád; gumágawâ ng̃ higít sa pagnanasà lamang, kumikilos; at sa pagkakilala niyáng sa Pilipinas siyá málilibíng at sa pag-aakalàng yaón ang kaniyáng makikilusan, ay pinag-ukulan ng̃ kaniyáng mg̃a pagsusumikap at inakalàng mapabubuti sa pagbabalak ng̃ maraming pagbabago at mg̃a panukalàng kawiliwili. Siya, ang dahil sa náding̃íg sa Madrid ang pag-uusap ng̃ ukol sa mg̃a daang nilalatagan nang kahoy sa Paris, na noon ay hindî pa ginágawâ sa España, ay nagpalagáy na gawín sa Maynilà, sa paraang maglatag ng̃ mg̃a tablá sa mg̃a lansang̃an at ipagpakô na gaya ng̃ [190]nákikíta sa mg̃a baháy-baháy; siya, ang dahil sa mg̃a kasawîáng nangyayarí sa mg̃a sasakyáng dádalawá ang gulóng, at upang maiwasan, ay ipínalagáy na magtagláy ng̃ tatló man lamang; siya rin namán, ang samantalàng gumáganáp sa pagka pang̃alawáng pang̃ulo ng̃ Junta de Sanidad ay nakaisip na wiligán ng̃ panglinis ang lahát ng̃ bagay, sampû ng̃ mg̃a balítàng pahatíd kawad na galing sa mg̃a bayang may sakít na nakahahawa; siya rin ang, sa pagkahabág sa mg̃a presídiario na nang̃agsisigawâ sa init ng̃ araw at sa pagnanasàng makapagtipíd ang Pamahalàan sa paggugol sa mg̃a kasuotan noon, ay ipinalagáy na suotan na lamang ng̃ isáng bahág at pagawín sa gabí at huwag sa umaga. Nahahang̃à at namumuhî, na, ang kaniyáng mg̃a palagáy ay makatagpô ng̃ humahadláng; ng̃unì’t kinakalamay ang saríli pag náiisip na ang taong may halagá, ay sadyâng may kalaban, at naghihigantí namán siya sa paraang pagtuligsâ at pagpapawalâng kabuluhán sa lahát ng̃ panukalà, magíng masamâ ó magíng mabuti, na iharáp ng̃ ibá.
Sapagkâ’t ipinagmamalakí ang kaniyáng pagkalabusáw, kailan ma’t mátatanóng siya kung anó ang palagáy sa mg̃a indio ay karaniwang isagót na, nararapat sa mg̃a gawàin sa kamáy at mg̃a artes imitativas (ang ibig sabihin ay músika, pintura at eskultura), at idinádagdág ang kaniyáng matandâng pabuntót, na, upang mákilala silá’y kailang̃ang bumilang ng̃ maraming maraming taóng pamumuhay sa lupaíng yaón. Gayón man, kung nakadiding̃íg na may nápapabantóg sa anomán na hindî dahil sa mg̃a gáwàin sa kamáy ó arte imitativa, sa kímika, sa medisina ó pilosopia, sa halimbawà, ay sinasabi niyáng: ¡Psh! maaarì.... ¡hindî tang̃á! at sinasapantahà niyá na ang indiong iyon ay may maraming dugông kastilà sa ugát; at kung hindî niya makitàan kahì’t na magpilit ay humahanap namán ng̃ isáng pinanggaling̃ang hapón: noon ay nagsisimulâ ang gawì na iukol sa mg̃a hapón at sa mg̃a árabe ang anománg mabuting bagay na tagláy ng̃ pilipino. Sa kay D. Custodio, ang kundiman, ang balitaw, ang kumintáng ay mg̃a tugtuging árabe, gaya rin namán ng̃ mg̃a titik sa pagsulat ng̃ matatandâng pilipino, at sa bagay na itó’y walâ siyáng pag-aalinlang̃an, kahì’t hindî niya kilala ang árabe, ni hindî man siya nakákita ng̃ katitikang pilipino.
[191]—¡Árabe at lubos na árabe!—aniyá kay Ben-Zayb sa isáng pagsasabing hindî matutulan—kung dilì man, ay insík.
At idinúdugtóng pang may kindát na makahulugán:
—Walâng walâ, walâng bagay na sadyâng likás ang mg̃a indio, ¿batíd ninyó? Malakí ang pagmamahál ko sa kanilá; ng̃unì’t hindî silá dapat purihin, sapagkâ’t nang̃agmamalakí at nagiging mg̃a kahabaghabág.
Kung minsa’y sinasabi na:
—Pinakamamahál ko ang mg̃a indio, ako’y lumálagáy nang para niláng amá’t tagapagtanggol, ng̃unì’t kailang̃ang ang bawà’t bagay ay málagay sa nararapat kalagyán. Ang ibá’y ipinang̃anák upang mag-utos at ang ibá’y upang sumunód; kung sa bagay ay hindî masasabing malakás ang katunayang itó, datapwâ’y ginágawâ nang walâng maraming salitàan. At tingnán ninyó, ang paraan ay walâng kahiraphirap. Pag kailang̃an ninyóng piglán ang bayan ay paliwanagan ninyóng siyá’y pigíl; tatawa sa unang araw, sa ikalawá’y tututol, sa ikatló ay mag-aalinlang̃an at sa ikaapat ay panalig na panalig ná. Upang mapalagì ang pilipino sa pagkamasunurin, ay kailang̃ang uulit-ulitin sa kaniyá sa araw-araw na siyá’y gayón at pananaliging siyá’y walâng magágawâ. ¿Sa isáng dako namán, ay anó pá’t mananalig siyá sa ibáng bagay kung masásawî lamang? Paniwalàan ninyó akó, isáng kawanggawâ ang palagìin ang bawà’t isá sa kalagayang kinaroroonan; diyán naririyan ang kaayusan, ang pagkakasundô. Iyan ang lihim ng̃ karunung̃an sa pamamahalà.
Kung tinutukoy ni D. Custodio ang kaniyáng paraan sa pamamahalà ay dî na nasisiyahan sa salitâng arte. At pagsasabi niya ng̃ pamamahala ay iniuunat ang kamáy na ibinábabâ hanggáng sa taás ng̃ isáng taong nakaluhód, nakaukód.
Tungkol namán sa pananampalataya ay ipinagmámalakí ang kaniyáng pagkakatóliko, lubós na katóliko, ¡á! ang katólikang España, ang lupàín ni María Santísima!.... Ang isáng labusáw ay maaarì at dapat magíng katóliko doon sa pook na, ipinalalagáy silá ng̃ mg̃a kalaban ng̃ pagkakasulong, na sila’y mg̃a diosdiosan ó santó man lamang, gaya nang pangyayaring ang isáng kayumanggí ay inaarìng maputî sa Kaprería. Gayón man, ay kumakain siya ng̃ lamáng kati sa boóng kurismá, tang̃ì lamang sa Viernes Santo; hindî nagkukumpisál kailán man, hindî naniniwalà sa mg̃a kababalaghán, ni sa hindî pagkakámalî [192]ng̃ Papa, at kung nagsisimbá, ay nagsísimbá sa ika sampû ng̃ umaga ó sa lalòng maiklîng misa, sa misa ng̃ tropa. Kahì’t sa Madrid ay nagsalitâ siya ng̃ laban sa mg̃a parì, na ipinalalagáy niyang lipás na sa kapanahunan, upang huwag mátiwalî sa kaniyáng kinagigitnâán, nagsalitâ ng̃ mg̃a paglait sa Inquisición at nagsasalaysáy ng̃ gayón ó ganitóng kabuhayang malaswâ ó palibák na kinalalahukán ng̃ mg̃a hábito, ó, sa lalòng tiyakan, mg̃a prayleng walâng hábito, gayón man, pagsasalitâ ng̃ ukol sa Pilipinas, na dapat pamahalàan ng̃ alinsunod sa mg̃a tang̃ìng batás, ay umuubó, titing̃ín ng̃ isáng titig na may kahulugán, uulitin ang paglalahad ng̃ kamáy na kasingpantáy ng̃ taas na matalinghagà.
—Ang mg̃a prayle ay kailang̃an, silá’y isáng bagay na masamâ, ng̃unì’t kailang̃an—ang sabi.
At nagagalit pag ang isáng indio ay nang̃ahás na mag-alinlang̃an sa mg̃a kababalaghán ó hindî naniniwalà sa Papa. Ang lahát ng̃ pahirap ng̃ Inquisición ay hindî sapát na parusa sa kapang̃ahasang iyón.
Kung ikinakatwiran sa kaniyá na ang panggagagá ó ang mabuhay na sinásamantalá ang kamangmang̃án ay may ibá pang tawag na masamâng dinggín at pináparusahan kapag ang nagkakasala ay nag-íisá, ay lumúlusót namán siyá sa paraang pagtukoy sa ibáng bayang sakóp.
—Kamí—ang sabi, na ang boses ay ang ginagamit sa mg̃a seremonia—kamí’y makapagmámalakí! Hindî kamí kagaya ng̃ mg̃a inglés at mg̃a holandés, na upang mapanatili sa pag-alinsunod ang mg̃a bayan ay gumagamit ng̃ pamalò.... ang aming ginagamit ay ibáng paraan na lubhâng malumanay, lubhâng matibay; ang malunas na tulong ng̃ mg̃a prayle ay higít sa pamalòng inglés......
Ang sabi niyáng itó’y lumaganap at sa mahabàng panahó’y binanggít banggít ni Ben-Zayb at gayón dín ng̃ boông Maynilà; pinakapuripuri ng̃ Maynilàng naghuhulò. Ang salitâ ay nakaabót sa Madrid, at binanggít sa Parlamento, na parang sabi ng̃ isáng labusáw na may mahabang paninirahan at ibp., at sa dahiláng nagíng karang̃alan ng̃ mg̃a prayle ang gayóng paghahawig ay hinandugán siyá ng̃ iláng arrobang sikulate, bagay na ipinabalík ng̃ dî malamuyot na si D. Custodio, na, sa dahiláng ito’y ipinantáy namán ni Ben-Zayb ang tagláy na kabaitan sa kabaitan ni Epaminondas. Dátapwâ’t [193]gayón mán, ay gumagamit din ng̃ yantók ang bagong Epaminondas kung inaabot ng̃ pagkagalit, at ang gayón ay inihahatol sa ibá!
Nang mg̃a araw na iyón, ay inulit ng̃ mg̃a kombento ang kaniláng mg̃a handóg dahil sa pang̃ang̃ambáng bakâ siyá magbigáy ng̃ isáng kapasiyaháng sang-ayon sa kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral, at ng̃ hapong nátagpûán natin siyá ay lalò pa mandíng hindî mápalagáy kay sa dati sapagkâ’t malapit masirà ang kaniyáng kabantugang masipag.
Mahigít nang labíng limáng araw na nasa kamáy niya ang mg̃a kasulatan, at nang umagang iyón, matapos na mapuri ang kaniyáng pagka masusì, ay ìtinanóng ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kapasíyahan. Si D. Custodio ay sumagót ng̃ lubhâng matalinghagà, na ang ibig sabihin ay yarì na: ang mataas na kawaní ay ng̃umitî, at ang ng̃itîng iyon ng̃ayón ay gumágambalà’t umuusig sa kaniya.
Gaya nang sinabi na namin, ang hikab niya’y sunódsunód. Sa isáng pagkilos niya, ng̃ sandalîng idinidílat ang mg̃a matá at inilalapat ang bibíg, ay nápatítig sa mahabàng hanay ng̃ mg̃a sapíng mapulá, na ayós na ayós ang mg̃a pagkakalagáy sa mainam na aklatang kamagóng: sa mg̃a gulugód ng̃ bawà’t isá’y may mg̃a malalakíng titik na ang sinasabi, ay: MAÑGA PANUKALA.
Nalimot sumandalî ang kaniyáng mg̃a kagipitan at ang mg̃a pag-ikot ni Pepáy, upang alalahanin na ang lahát ng̃ linálamán ng̃ mg̃a baitang na iyon ay pawàng sumipót sa kaniyáng palanak na ulo sa mg̃a sandalîng pagliliwanag. ¡Gaano karaming bung̃ang isip na walâng kamukhâ, gaano karaming maririlág na pagkukurò, gaano karaming mg̃a kaparaanang ikaliligtás sa pagsasalát ng̃ Pilipinas! Kailan pa man ay hindî na siya malilimot at tataglayín niya ang pagkilala ng̃ utang na loob ng̃ bayan!
Warìng isáng matandâng magatod na nakátagpô ng̃ isáng balutang ináamag na mg̃a sulat sa palasintahan, ay tumindíg si D. Custodio at lumapit sa lalagyán ng̃ mg̃a aklát. Ang unang balangkáp na makapal, magâng-magâ, punôngpunô, ay may tagláy na taták na “MAÑGA PANUKALANG minumunakala”.
—¡Huwag!—ang bulóng—may mg̃a bagay na maíinam, ng̃unì’t kailang̃an ang sangtaón upang mabasang mulî.
[194]Ang pang̃alawá, na makapálkapál dín, ay may taták na “MAÑGA PANUKALANG nasa pagsusuri”.—¡Huwag dín!
Pagkatapos noon ay sumúsunód ang “MAÑGA PANUKALANG ipinag-aantáy ng̃ panahón.”.... “MAÑGA PANUKALANG iniharáp....” “MAÑGA PANUKALANG pinawalang kabuluhán....” “MAÑGA PANUKALANG pinagtibay....” “MAÑGA PANUKALANG pinigil....” Ang mg̃a hulíng balangkáp ay kákauntî ang lamán, ng̃unì’t ang hulí ay lalò pa, ang sa “MAÑGA PANUKALANG isásagawa”.
Ikinislót ni D. Custodio ang kaniyáng ilóng ¿anó kayâ ang lamán? Nalimot na niyá ang nasa sa loob niyón. Isáng putol na papel na naníniláw ang nakaung̃ós sa dalawáng takíp, na warì’y dinidilàan siyá ng̃ balangkáp.
Kinuha sa lalagyán at binuksán: yaón palá’y ang bantóg na panukalà ng̃ Páaralang Artes y Oficios.
—¡A, putris!—ang bulalás—ng̃unì’t itó’y nasa sa kamáy na ng̃ mg̃a parìng agustino......
Walâng anó anó’y biglâng tinapík ang kaniyáng noo, inihubog ang kilay, isáng pagtatagumpáy ang nálarawan sa kaniyáng mukhâ.
—¡Sa heto palá ang aking pasiyá, C.!—ang bulalás na bumitíw ng̃ isáng mahalay na salitâng hindî ang eureka, ng̃unì’t nagsísimulâ sa pangkatapusán nitó—ang aking kapasiyahán ay yarì na.
At makálimá ó makaanim na inulit ulit ang kaniyáng kinaugalìang eureka, na humaging sa hang̃in na warì’y magalák na hagkís, at masayáng tinung̃o ang kaniyáng mesa at sinimulán ang pagsulat.