Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXI

Mg̃a ayos Maynila

Nang gabíng yaón ay may isáng malakíng palabás sa dulàang “Variedades”.

Ang samahán ng̃ óperang pransés ni Mr. Jouy ay magdadaos ng̃ una niyáng palabás na ang itatanghál ay “Les Cloches de Corneville” at ipamamalas sa madlâng manonood ang kaniyáng mg̃a pilìng troupe na inihayag na iláng araw ng̃ mg̃a pahayagan ang kaniláng kabantugan. Sinasabing sa mg̃a aktrís ay mayroong mg̃a may magandáng ting̃ig, ng̃unì’t [195]lalò pa mandíng magandá ang anyô, at kung paniniwalàan ang mg̃a bulongbulung̃an, ay higít pa sa kaniláng ting̃ig at anyô ang kaniláng kagandahang loob.

Ika pitó at kalahatì pa lamang ng̃ gabí ay walâ nang billete ni para sa naghihing̃alông si P. Salvi, at ang mg̃a papasok sa “entrada general” ay mahabàng mahabà ang hanay. Sa takilya ay nagkaroon ng̃ kaguluhan, awayán, tinukoy ang pagpipilibustero at ang ukol sa lahì, ng̃uní’t gayón man ay hindî rin nakakuha ng̃ bilyete. Nang labíng limáng minuto na lamang ang kulang sa ika waló ay malalakíng halagá na ang itinatawad sa isáng uupán sa entrada general. Ang anyô ng̃ dulàan, na naiilawang mabuti, may mg̃a punò’t bulaklák sa mg̃a pintùan, ay nakauulól sa mg̃a náhuhulíng nápapahang̃à at napapasuntók. Isáng makapál na tao ang nang̃agkíkisawan sa mg̃a paligid at pinagmamasdáng naíinggít ang mg̃a pumapasok, ang mg̃a maagang dumáratíng dahil sa natatakot na maunahan sa kaniláng luklukan: tawanan, aling̃awng̃áw, mg̃a pag-aantabáy, nang̃agsisíbatì sa mg̃a bagong datíng na masamâ ang loob na nakikihalobilo sa mg̃a nanonood, at, yamang hindì makapasok ay nang̃atítirá na lamang sa pagtanáw sa mg̃a pumapasok.

Gayón ma’y may isáng warì’y dî kahalò sa mg̃a pag-aasámasám at pagnanasàng makapanood. Siya’y isáng mataas na lalaking payát na kung lumakad ay marahan at kinákaladkád ang isáng paang nanínigás. Ang suot ay isáng masamâng ameríkana na kulay kapé at isáng pantalóng paríparísukát ang guhit, marumí, na nákakapit sa kaniyáng katawáng mabutó at yayát. Isáng sambalilong hongo na maarte na, dahil sa kasiràan, ang nakataklób sa kaniyáng malakíng ulo at nagpapakawalâ sa buhók na ang kulay ay marumíng abuhín, halos bulháw, mahahabà, kulót ang mg̃a dulo na warì’y buhók makatà. Ang lalòng katang̃ìtang̃î sa taong iyon ay hindî ang kaniyáng kasuotan, ni ang kaniyáng mukhâng taga Europa na walâng balbás ni bigote, kundî ang kulay niyáng sagà, kulay na nagíng sanhî ng̃ tawag na Camaroncocido, na siyáng banság sa kaniya. Ang anyô niya’y walâng kapara: anák ng̃ isáng mabuting lípì, ng̃unì’t siya’y nabubuhay sa pagbubulagbul, sa panghihing̃î ng̃ limós; lahìng kastilà, ay hindî pinahahalagahán ang karang̃alang lahì na inaalípustâ sa pamag-itan ng̃ kaniyáng gulágulanít na kasuotan, ipinalalagáy [196]siya ng̃ lahát na warì’y tagapamalità sa mg̃a pahayagan, at tunay ng̃â namáng ang kaniyáng matáng malalakí’t abuhín, na malamlám at warìng mapagnilay kung tuming̃in, ay naroon saan ma’t may bagay na maibabalità. Ang kaniyang kabuhayan ay hindî batíd ng̃ marami; walâng nakaaalám kung saan siyá kumakain at natutulog: marahil ay mayroon siyáng isáng bariles saan mang pook.

Nang mg̃a sandalîng iyon ay hindî tagláy ni Camaroncocido ang dati niyáng anyông matigás at walâng bahalà: isáng warì’y masayáng pagkaawà ang nananaw sa kaniyáng paning̃ín. Isáng muntîng lalaki, isáng mababàng matandâ ang masayáng sumagupà sa kaniyá.

—¡Kaibigaaaan!—ang sabi, na paós ang boses na warì’y sa palakâ, at ipinakikita ang iláng pisong mehikano.

Nákita ni Camaroncocido ang mg̃a mamiso, at kinibít ang balikat. ¿Anó ang mayroon sa kaniya noon?

Ang matandâ’y isáng mainam na kaibayó niya. Maliit, lubhâng maliit, natataklubán ang ulo ng̃ isáng sambalilong de copa na nagíng isáng uod na may balahibo, at nápapaloob sa isáng maluwang na lebita, lùbhâng maluwang at napakahabà hanggáng sa mápantáy sa isáng salawál na nápakaiklî na hindî lumalampás sa bintî. Ang kaniyáng katawan ay warìng siyang lelong at ang mg̃a paa’y siyáng apó, samantalang ang kaniyáng mg̃a sapatos ay naglalayág mandín sa katihan—¡yaón ay dalawáng malalakíng sapatos marinero na tumututol ng̃ laban sa uod na may balahibo na nasa kaniyang ulo na gaya ng̃ matindíng tutol ng̃ isáng kombento na nasa píling ng̃ isáng Exposición Universal! Si Camaroncocido ay sagà, ang matandâ’y kayumanggí; yaón ay walâng buhók sa mukhâ kahì’t lahìng kastilà, ang indio ay may patilla at bigoteng mapuputî, mahahabà’t madalang. Ang paning̃ín ay malikót. Kung tawagin siyá’y Tio Kikò, at, gaya ng̃ kaniyang kaibigan ay nabubuhay din siyá sa pamamahayag: siyá ang nagpapatawag ng̃ mg̃a palabás at nagdidikít ng̃ mg̃a kartel ng̃ mg̃a dulàan. Siya marahil ang tang̃ìng pilipino na kahì’t naka chistera at lebita ay nakapaglalakád nang hindî ginágambalà, gaya rin namán ng̃ kaniyang kaibigan na siya ang tang̃ìng kastilà na nagtátawá sa karang̃alan ng̃ lahì.

—Binigyán akó ng̃ malakíng pabuyà ng̃ pransés—ang sabing nakang̃itî at ipinatanáw ang kaniyáng gilagid na warì’y isáng [197]lansang̃an matapos ang sunog—¡nápabuti ang kamáy ko sa pagdidikít ng̃ mg̃a kartel!

Mulîng ikinibít ni Camaroncocido ang kaniyang mg̃a balikat.

—Kikò—ang sagót na maugong ang boses—kung anim na piso ang ibinigáy sa iyo dahil sa gawâ mo ¿magkano kayâ ang ibibigáy sa mg̃a prayle?

Dahil sa kaliksihang likás ni Tio Kikò, ay itinaas ang ulo.

—¿Sa mg̃a prayle?

—Sapagkâ’t dapat mong maalaman—ang patuloy ni Camaroncocido—na ang pagkapunông itó’y kagagawán ng̃ mg̃a kombento!

Sadyâ ng̃â namáng gayón, ang mg̃a prayle na pinang̃ung̃uluhan ni P. Salvi at iláng hindî parì na pinang̃ung̃uluhan ni D. Custodio ay laban sa pagtatanghál na iyon. Si P. Camorra, na hindî makapanood, ay nanglilisik ang matá’t tátakámtakám; ng̃unì’t nakikipagtalo kay Ben-Zayb na malambót na nagtatanggól sapagkâ’t náiisip ang billeteng walâng bayad na ipadadalá sa kaniyá ng̃ may palabás. Pinagsasalitaán siya ni D. Custodio ng̃ ukol sa maayos na hilig, sa pananampalataya, sa mabubuting kaugalìan, at ibp.

—Ng̃unì’t—ang bulóng ng̃ manunulat—ang ating mg̃a dulàng sainete na may mg̃a salitâ’t pang̃ung̃usap na dalawá ang kahulugán....

—¡Ng̃unì’t nasa wikàng kastilà namán!—ang pasigáw na putol ng̃ mabaít na konsehal, na nag-aalab sa banal na pagkagalit—¡mg̃a kahalayan sa wikàng pransés! tao kayó, Ben-Zayb, maanong alang-alang sa Poong Dios, ¡sa wikàng pransés! ¡Iyán ay hindî dapat mangyari magpakailán man!

At ibinigkás ang hindi dapat mangyari magpakailán man! ng̃ kasingtigás kung pagpipisanin ang tatlóng Guzmán na pinagbábalàang pápatayán ng̃ isáng pulgás kapag hindî isinukò ang dalawáng pûng Tarifa. Gaya nang maáantáy, si P. Irene, ay kasang-ayon ni D. Custodio at nagtútung̃ayáw sa operetang pransés. ¡Puf! Siyá’y nátung̃o sa París, ng̃unî’t hindî man lamang tumuntóng sa pintùan ng̃ isáng dulàan; ¡iligtás siyá ng̃ Maykapal!

Ng̃unì’t marami din namán ang kasang-ayon ng̃ operetang pransés. Ang mg̃a opisiál sa hukbó at mg̃a pangdigmâng dagat, na sa mg̃a itó’y kabilang ang ayudante ng̃ General, ang [198]mg̃a kawaní at iláng matataás na tao ay nang̃agnanasàng lumasáp ng̃ kainaman ng̃ wikàng pransés sa bibíg ng̃ mg̃a tunay na parisien; kabilang nilá ang mg̃a nálulan sa M. M. at nakagamit ng̃ kauntî ng̃ pransés sa paglalayág, ang mg̃a nakadalaw sa París at lahát niyóng mg̃a ibig na masabing silá’y bihasá. Ang lipunan ng̃â sa Maynilà ay nagkahatì sa dalawáng pangkát, ang mg̃a sang-ayon at ang mg̃a laban sa ópera, na pinayuhan ng̃ mg̃a matatandâng babai, mg̃a asawang mapanibughûin at nang̃ang̃anib sa pag-ibig ng̃ kaniláng mg̃a kabyák, at nang may mg̃a katipán sa pag-aasawa, samantalang ang mg̃a malayà’t ang mg̃a magagandá ay nang̃agpakilalang lubós siláng magiliw sa opereta. Nagsalimbayan ang mg̃a sulatán, nagkaroón ng̃ mg̃a pagpaparoo’t parito, salisalitàan, mg̃a pagpupulong, mg̃a pagliliponlipon, mg̃a pagtatalo; natukoy na tulóy sampû ng̃ panghihimagsík ng̃ mg̃a indio, ang katamaran, ang mg̃a lipìng mababà’t lipìng mataás, karang̃alan at ibá pang kamulalàan, at matapos ang maraming hatidhatirang usap at maraming bulóng bulung̃an, ay ibinigáy ang pahintulot, at si P. Salvi ay naglathalà ng̃ isáng pastoral na walâng bumasa kundî ang tagá ayos lamang sa limbagan. Nábalitàng ang General ay nákagalít ng̃ Condesa: na itó’y naninirahang madalás sa mg̃a bahay líwalíwan; na ang marang̃ál na pinunò ay nabugnót; na ang consul ng̃ mg̃a pransés ay gayón, na nagkaroon ng̃ mg̃a handóg, at ibp., at nálahók sa usapan ang maraming pang̃alan, ang sa insík na si Quiroga, ang sa kay Simoun at sampû ng̃ sa maraming artista.

Salamat sa nagpáunang alíng̃awng̃áw na itó, ang pagkasabík ng̃ tao’y naragdagán, at mulâ pa sa araw na sinúsundan ng̃ palabás, araw na idinatíng ng̃ mg̃a artista, ay walâng napag-uusapan kundî ang pagpasok sa unang pagtatanghál. Sapol ng̃ lumabás ang mapupuláng kartel na nagbabalità nang Les Cloches de Corneville, ang mg̃a nanalo’y humandâ na sa pagdiriwang ng̃ kaniláng tagumpáy. Sa iláng káwaníhan, ay hindî na pinalalakad ang panahón sa pagbabasá ng̃ mg̃a pahayagan, kundî dinudumog ang mg̃a kasaysayang limbág nang palalabasín, nang̃agbabasá ng̃ mg̃a nobelang pransés, at ang marami’y tumutung̃o sa palikuran na nagpapakunwarîng ìníiti upang makasanggunì lamang ng̃ palihím sa muntîng díksîonariong pangbulsá. Ng̃unì’t gayón man ay hindî rin nalulutas [199]ang mg̃a expediente; kundî bagkús pa ng̃âng ang lahát ay pinababalík sa kinabukasan, dátapwâ’y hindî mangyayaring magalit ang kahì’t sino: ang nákakaharáp ay mg̃a kawaníng lubhâng magagalang, masuyò, na tumátanggáp sa kanilá at nagpapaalam sa pamagítan ng̃ malalakíng yukô na ugalìng pransés: ang mg̃a kawaní’y nang̃agsasanay, linilínis ang kaniláng pransés na inaamag at silá-silá’y nagbabatîán ng̃ oui monesiour, s’il bous plait, at pardon! sa bawà’t kilos, bagay na lubhâng kaigaigayang máding̃íg at panoorin. Ng̃unì’t sa pásulatán ng̃ mg̃a pamahayagan nároroon ang lalòng galawan at ang kagipítan ay umaabot sa lalòng malakí; si Ben-Zayb, na sinasabing siyáng mánunuligsâ at naghulog sa wikàng kastilà ng̃ kasaysayan ng̃ palalabasín ay nang̃ang̃atál na warì’y babaing násuplóng sa pangkukulam: nákikíta niyáng ang kaniyáng mg̃a kalaban ay nagpupunyagîng makahuli ng̃ kaniyang mg̃a kamalìan at ipinamumukhâ sa kaniya ang dî pagkabatíd na mabuti ng̃ pransés. Nang panahón ng̃ Opera Italiana ay kakauntì nang mapasubò siya sa isáng patayan dahil sa malîng pagkahulog sa wikàng kastilà ng̃ pang̃alan ng̃ isáng tenor; agadagád naglathalà ang isáng mainggitin at ipinalagáy siyang walâng namumuwang̃an, siya, ang una unang ulong nag-iisíp sa Pilipinas! ¡Gaanong hirap ang sinapit niya sa pagsasanggaláng! nang̃ailang̃an siyang sumulat ng̃ dî lamang lalabíng pitóng palathalà at sumanggunì sa labíng limáng diksionario. At dahil sa mabuting pagkakaalaalang iyón, ang kaawàawàng si Ben-Zayb, ay lumalakad na lubhâng maing̃at na ang inilalakad ay kamáy, hindî namin sinabing paa, upang huwag gayahan si P. Camorra na may masamâng ugalìng ipintás kay Ben-Zayb na paa ang ginagamit nitó kung sumusulat.

—¿Nákita mo na Kikò?—ang sabi ni Camaroncocido—ang kalahatì ng̃ taong iyan ay naparito dahil sa sinabi ng̃ mg̃a prayle na huwag pumarito; ang gayó’y warìng isáng pahayag; at ang kalahatì pa, sapagkâ’t anilá sa sarili ay: ¿ipinagbabawal ng̃ mg̃a prayle? kung gayo’y kátutuhan marahil. Maniwalà ka sa akin, Kikò, ang mg̃a palatuntunan mo ay mabubuti ng̃â ng̃unì’t lalò pang mabuti ang pastoral, at ¡dapat mong mabatíd na waláng isá mang nakábasa!

—Kaibigaaaan, ¿inaakalà mo bagâ—ang tanóng ni Tio Kikò na hindî mápalagáy—na dahil sa kagagawán ni P. Salvi, ay alisín na kayâ ang tinútungkol ko?

[200]—Marahil, Kikò, marahil,—ang sagót ng̃ kausap na tuming̃ín sa lang̃it—ang salapî’y untîuntî nang nawawalâ....

Si Tio Kikò ay bumulóng ng̃ iláng salitâ at pang̃ung̃usap na dî malinawan, kung ang mg̃a prayle ay manghíhimasok sa pagbabalità ng̃ mg̃a palabás dulàan ay papasok namán siyàng prayle. At matapos makapagpaalam sa kaniyáng kaibigan ay lumayông uubóubó at pinakakalansíng ang kaniyáng mg̃a mamiso.

Si Camaroncocido, na tagláy ang dati niyang pagwawalâng bahalà, ay nagpatuloy sa pagyayao’t dito na kaladkád ang paá at mapung̃ay ang paning̃ín. Nápuna niya ang pagdatíng ng̃ iláng mukhâng hindî kilalá, na ibá’t ibá ang pinanggagaling̃an at nang̃aghuhudyatan sa pamag-itan ng̃ kindát, at pag-ubó. Noon lamang niyá nákita sa mg̃a gayóng pagkakataón ang mg̃a taong iyon, siyá, na nakakakilala sa lahát ng̃ anyô ng̃ mg̃a naninirahan sa siyudad at sa lahát ng̃ pagmumukhâ. Mg̃a lalaking madidilím ang mukhâ, mg̃a hukót, mg̃a dî mápalagáy at hindî máwastô at masamâ ang pagkakabalátkayô ng̃ suot, na warì’y noon lamang nagsuot ng̃ americana. Hindî nang̃agsisilagáy sa unang hanay upáng makápanood na mabuti, nang̃agkakanlóng sa dilím, na warìng ayaw na silá’y mákita.

—¿Mg̃a polisiya sekreta ó mg̃a magnanakaw?—ang tanóng sa sarili ni Camaroncocido at daglîng ikinibít ang balikat—at ¿anó ba ang mayroon sa akin?

Ang parol ng̃ isáng sasakyáng dumáratíng ay tumangláw sa pagdaraan sa isáng pulutóng ng̃ apat ó limá ng̃ mg̃a taong yaón na nakikipag-usap sa isáng warì’y kawal sa hukbó.

—¡Polisiya sekreta!, marahil ay isáng bagong tatág na kawanihan!—ang bulóng niya.

At kumilos ng̃ isáng anyông nagwawalâng bahalà. Ng̃unì’t makaraan yaon ay nakita ang militar, matapos na makipag-alám sa dalawá ó tatlóng pulutong pa, na tumang̃o sa isáng sasakyán at warìng nakipag-usap ng̃ mahigpitan sa isáng nasa sa loob. Si Camaroncocido ay lumakad ng̃ iláng hakbáng at kahì’t hindî námanghâ ay warìng nákilala niyá si Simoun, samantalang ang matalas niyáng pangding̃íg ay nakáulinig ng̃ ganitóng maiklîng usapan:

—¡Ang palatandàan ay isáng putók!

—Opò.

[201]—Huwág kayóng mag-alaala; ang General ay siyáng nag-uutos; ng̃unì’t pag-iing̃atan ninyóng huwág masasabi. Kung súsundín ninyó ang aking utos ay mátataás kayó.

—Opò.

—¡Kung gayó’y.... humandâ kayó!

Ang boses ay tumigil at makaraán ang iláng sandalî’y lumakad ang sasakyán. Kahì’t na mapagwalâng bahalà si Camaroncocido ay hindî rin nakapigil sa pagbulóng na:

—Mayroong binabalak.... ¡Kaing̃atan ang mg̃a bulsá!

At sa dahiláng náramdamáng ang kaniyáng mg̃a bulsá ay walâng lamán, ay mulîng ikinibít ang balikat. ¿Anó ang mayroón sa kaniyá kung gumuhô man ang lang̃it?

At nagpatuloy sa kaniyáng pakikibatyág. Nang magdaan sa haráp ng̃ dalawá kataong nag-uusap, ay náding̃íg sa isá, na may sabit sa liig na mg̃a kuwintás at kalmén, na sinasabi sa wikàng tagalog, na:

—Ang mg̃a prayle ay malakás pa kay sa General, huwág kang mangmáng; itó’y áalís at ang mg̃a prayle’y maiiwan. Magawâ lamang nating mabuti ay yayaman tayo. ¡Ang palatandàan ay isáng putók!

—¡Abá, abá!—ang bulóng ni Camaroncocido na ipinípiksí ang mg̃a dalirì—doon ay ang General, at dito ay si P. Salvi.... ¡Kahabág-habág na bayan! Ng̃unì’t ¿anó ang mayroon sa akin?

At matapos na máikibít ang balikat na sabáy sa paglurâ at dalawáng ng̃iwî na sa ganáng kaniyá ay siyáng tandâ ng̃ lalòng malakíng pagwawalâng bahalà, ay ipinatuloy ang kaniyáng pakikimatyág.

Samantala namán ay matutuling dumáratíng ang mg̃a sasakyán, biglâng hihintô sa siping ng̃ pintùan at iiwan ang kaniláng sakáy na pawàng tao sa mataás na kalipunan. Ang mg̃a babai, kahì’t bábahagyâ ang lamíg ng̃ gabí, ay may daláng maiinam na chal, mg̃a pañolóng sutlâ at mg̃a panglaban sa gináw; ang mg̃a lalaki, ang mg̃a naka frac at korbatang putî, ay gumagamit ng̃ gabán; ang ibá’y bitbít na lamang at ipinatátanáw ang mg̃a panapíng sutlá.

Sa pulutóng ng̃ mg̃a talogigì, si Tadeo, ang nagkakasakít kung pumapanaog ang gurô, ay kaakbáy ng̃ kaniyang kababayang baguhan na namalas nating nagtiís ng̃ inianák ng̃ masamâng pagkakabasa sa katotohanang sinabi ni Descartes. Ang baguhan [202]ay nápakatalogigì’t mausisà, at sinásamantalá namán ni Tadeo ang kaniyang kamangmang̃án at dî kaalamán upang pagsalaysayán ng̃ lalòng malalakíng kasinung̃aling̃an. Bawà’t kastilàng bumatì sa kaniya, magíng may mababàng katungkulan ó kawaní sa mg̃a tindahan, ay sinasabi sa kaniyang kasama na yaón ay pinunò sa isáng kawanihan, markés, konde, at ibp.; datapwá’y pag patuloy ang paglakad, ¡psh! yaó’y isáng bulagbul, isáng oficial quinto, isáng taong walâng gaanong kabuluhán! At pag walâ nang naglalakád, na makapagpahang̃à sa baguhan ay ang mg̃a magagarang sasakyán namang dumadaán ang hinaharáp; si Tadeo ay bumabatì ng̃ mainam na ayos, ikákawáy nang malugód ang kamáy, bibitíw ng̃ isáng ¡adios! na matiwalà.

—¿Sino yaón?

—¡Bah!—ang sagót na parang walâng anomán—ang Gobernador Civil.... ang Segundo Cabo.... ang Mahistradong si gayón.... ang asawa ni.... na mg̃a kaibigan ko!

Ang baguhan ay náhahang̃à, nakatang̃áng siya’y pinakikinggán at nag-iing̃at upang huwag mápalagáy sa kanan ng̃ kausap. Si Tadeo ay kaibigan ng̃ mg̃a mahistrado at mg̃a gobernador!!

At tinuturan sa kaniya ni Tadeo ang pang̃alan ng̃ lahát ng̃ dumáratíng, at, pag hindî niya kilalá, ay gumagawâ ng̃ mg̃a banság, mg̃a kasaysayan at nagsásaysáy ng̃ mg̃a sarìsarìng bagay.

—¿Nákikita mo ba? iyong taong mataas, na may patilyang itím, dulíng ng̃ kauntì, na itím ang suot, yaón ang mahistrado A, kaibigang matalik ng̃ asawa ng̃ koronel B; isáng araw ay kauntî nang mag-away ang dalawáng iyan kung hindî akó namagitnâ.... ¡adiós! Tingnán mo, hayán at dumáratíng pa námán ang koronel, mag-away kayâ ang dalawá?

Pinígil ng̃ baguhan ang paghing̃á, ng̃unì’t ang koronel at ang mahistrado ay malugód na nang̃agkamayan; ang militar, na isáng matandâng bagongtao, ay nagtanóng ng̃ kung anó ang lagáy ng̃ mg̃a kaanak ng̃ kaharáp, at ibp.

—¡Ah! ¡salamat sa Dios!—ang hing̃á ni Tadeo—akó ang may kapakanán ng̃ kaniláng pagkakásundô.

—Kung hiling̃ín kayâ ninyó sa kanilá na tayo’y ipasok?—ang tanóng na may kauntìng pang̃ambá ng̃ baguhan.

—¡E! ¡Kailan ma’y hindî akó nang̃ung̃utang ng̃ loob!—[203]ang sabing nagmataás ni Tadeo—akó’y gumágawâ nang mabuti, ng̃unì’t hindî akó nag-aantáy na gantihín.

Kinagát ng̃ baguhan ang kaniyáng mg̃a labì, lalò pang nang̃untî at naglagáy ng̃ magalang na layô sa pag-itan niya’t ng̃ kaniyang kababayan.

Nagpatuloy si Tadeo:

—Iyan ang músikong si H.... Iyan ang abogadong si J. na bumigkás, na warì’y kaniya, ng̃ isáng talumpatìng nakatitik sa lahát ng̃ aklát, at siya’y pinuri at hinang̃àan ng̃ mg̃a naking̃íg.... Iyang bumábabâ sa isáng hansomkab ay ang manggagamot na si K, na ang lalò niyang pinagsisikapan ay ang sakít ng̃ mg̃a batà, kayâ’t pinang̃anlán siyang Herodes.... Iyan ang mayamang si L, na walâng násasabisabi kundî ang kaniyang mg̃a kayamanan at mg̃a balaid.... ang makatàng si M, na lagì nang tumutukoy sa mg̃a bituin at sa mg̃a bagaybagay ng̃ dako pa roon.... Hayán ang magandáng asawa ni N, na palagìng nátatagpûáng walá ang asawa kung dínadalaw ni Padre Q.... ang máng̃ang̃alakal na hudiong si P, na isáng libong piso ang dalá nang pumarito at ng̃ayó’y mayroon nang mg̃a ang̃awang̃aw.... Iyong may mahabàng balbás ay ang manggagamot na sí R, na yumamang hindî dahil sa pagpapagalíng kundî sa paggawâ ng̃ maysakít....

—¿Gumágawâ ng̃ maysakít?

—Oo, sa pagsisiyasat sa mg̃a nasusundalo.... ¡huwag kayóng kumilos! Iyang kagalanggalang na ginoo na maayos ang pagkakabihis, ay hindî médiko, ng̃unì’t isáng manggagamot sui generis; tagláy níyang buongbuô ang similia similibus.... Ang kapitán sa kawal na kabayuhan na kaniyáng kasama ay siyá niyáng pinakagigiliw sa mg̃a nag-aaral sa kaniyá.... Iyáng may suot na putîán at ang sambalilo’y nakakiling, ay ang kawaníng si S, na ang batayán ay ang kailan ma’y huwag magpakita ng̃ ugalìng magalang at muhîngmuhî kapag nakakita ng̃ isáng sombrero na nakapatong sa ulo ng̃ ibá; sinasabing ginagawâ niyá ang gayón upang huwág mábilí ang mg̃a sombrerong alemán.... Iyáng dumaratíng na kasama ang kaniyáng ának ay ang mayamang máng̃ang̃alakal na si C, na kumikita ng̃ mahigít sa isáng daang libo.... ng̃unì’t ¿anó ang wiwikàin mo kung sabihin ko sa iyó na may utang pa sa aking apat na piso, [204]limangsikapat at labíngdalawang kualta? Ng̃unì’t sino ba namán ang sising̃íl sa isáng mayamang gaya niyan?

—¿May utang sa inyó ang ginoong iyan?

—¡Mangyari! isáng araw ay iniligtás ko siyá sa isáng kagipitan; isáng biyernes, iká pitó’t kalahatì ng̃ umaga; naaalala ko pa; hindî pa akó nakapag-aagahan noon.... Ang babaing iyan na sinusundán ng̃ isáng matandâng babai rin ay si Pepay na mánanayaw.... ng̃ayó’y hindî na nagsasayáw sapul ng̃.... ipinagbawal sa kaniya.... ng̃ isáng ginoong napakakatóliko at matalik kong kaibigan...... Náriyan ang bulugang si Z; matitiyák na sumúsunód kay Pepay upang itó’y pasayawíng mulî. Isáng mabuting tao na matalik kong kaibigan, walâ kundî isáng kapintasan: siyá’y mistisong insík at nagpapanggáp na tagá España. ¡Sst! Tingnán mo si Ben-Zayb, iyáng mukhâng prayle, na may daláng lapis sa kamáy at isáng balumbóng papel, iyán ang dakilàng manunulat na si Ben-Zayb, matalik kong kaibigan; may isáng katalinuhan!....

—Mawalâng galang sa inyó ¿at iyáng muntîng tao na may mg̃a patillang putî?....

—Iyán ang naghalal sa kaniyáng tatlóng anák na babai, iyang tatlóng malilíít, na mg̃a auxiliar de Fomento upang makasing̃il ng̃ sahod sa talàan ng̃ Pamahalàan...... Iya’y isáng ginoong matalas ang pag-iisip, ng̃unì’t nápakatalas! gagawâ ng̃ isáng kaululán at ibibintáng.... sa ibá; bibilí ng̃ isáng barò at ang nagbabayad ay ang kabangbayan. Matalas, matalas na matalas, ng̃unì’t nápakatalas!....

Si Tadeo ay nápahintô.

—¿At iyáng ginoong may astâng mabang̃ís at ang lahát ng̃ tao’y tiningnán ng̃ paalipustâ?—ang tanóng ng̃ baguhan na itinurò ang isáng taong iginagaláw na mapalalò ang ulo.

Ng̃unì’t si Tadeo ay hindî sumagót, inihabà ang liig upáng tanawín si Paulita Gómez na dumáratíng na kasama ang isáng kaibigan, si aling Victorina at si Juanito Pelaez. Binigyán silá nitó ng̃ isáng palco at lalò pa mandíng kubà kay sa karaniwan.

Datíng at datíng ang mg̃a sasakyán, dumáratíng ang mg̃a artista na sa ibáng pintûan ang pasok at sinúsundán ng̃ mg̃a kaibigan at mg̃a ligaw.

[205]Nang si Paulita’y makapasok ná ay nagpatuloy si Tadeo:

—Iyán ang mg̃a pamangkíng babai ng̃ mayamang si kapitáng D, iyáng nang̃akasakáy sa landó, ¿nakikita mong napakagandá’t napakainam ng̃ pang̃ang̃atawán? Sa loob ng̃ iláng taón marahil ay pawàng patáy na ó balíw.... ayaw si kapitáng D, na silá’y mang̃ag-asawa, at nahahalatâ na sa mg̃a pamangkín ang pagkakahawa sa kabaliwán ng̃ amaín.... Iyan ang binibining E, ang magmamana ng̃ isáng malakíng kayamanan, na pinag-aagawán ng̃ mundó at ng̃ mg̃a kombento... ¡Huwag kang umimík! ¡iyan ay nákikílala ko! ¡si Padre Irene! nakabalat-kayô, may miyas na huwad lamang! ¡Nakikilala ko dahil sa kaniyang ilóng! ¡At siya pa namáng labanglaban!....

Gulilát na tiningnán ng̃ baguhan at nákitang nákanlóng ang isáng lebita na mabuti ang tabas sa isáng pulutóng ng̃ mg̃a babai.

—¡Ang tatlóng Parka!—ang patuloy ni Tadeo ng̃ mákitang dumaratíng ang tatlóng dalagang mg̃a yayát, mabutó, nang̃ang̃alumatá, maluluwang ang bibíg at masagwâ ang bihis,—ang mg̃a pang̃alan niyan....

—¿Atropos?—ang mahinàng sabi ng̃ baguhan na ibig magpakitang siya’y may kauntîng kaalamán, kahì’t sa mitolohiya man lamang.

—Hindî, tao ka, ang mg̃a pang̃alan niyan ay mg̃a binibini ni Balcón, mg̃a mapamintás, mg̃a matatandâng dalaga, mamumulà.... Ang lahát ay kinamumuhîan, ang mg̃a lalaki, ang mg̃a babai, ang mg̃a batà.... Ng̃unì’t tingnán mo’t sa piling ng̃ kasamàán, ay inilalagáy ng̃ Dios ang lunas, kung minsan ng̃â lamang ay náhuhulí. Sa likód ng̃ mg̃a Parca, na panakot sa bayan, ay dumaratíng ang tatlóng iyan, na ipinagmamalakí ng̃ kaniláng mg̃a kaibigang kinabibilang̃an ko. Iyang binatàng payát na malalakí ang matá, hukód ng̃ kauntì na ang kilos ay madalás dahil sa hindî umabot ng̃ billete, iyan ay ang kímikong si S, sumulat ng̃ maraming pagsusurì at mg̃a gawàing ukol sa karunung̃an na ang ilán ay nagtamó ng̃ gantíng palà at nábantóg na lahát; ang sabi ng̃ mg̃a kastilà sa kaniya’y maaasahan, maaasahan.... Ang umaawat sa kaniya na ang tawa’y gaya ni Voltaire ay ang makatàng si T. batàng matalino, matalik kong kaibigan, at dahil ng̃â sa kaniyang katalinuhan ay itinapon ang panitik. Ang isá na [206]nagpapalagáy na silá’y makipasok sa mg̃a artista sa isáng pintùan ay ang binatàng manggagamot na si M, na nakagawâ na ng̃ maraming mabubuting paggamót; siya man ay sinabi ring maaasahan.... hindî lubhâng kubà na gaya ni Pelaez, ng̃unì’t higít dito sa katalasan at lalò pang palabirô. Inaakalà kong sampûng si kamatayan ay hinihilo at pinagsisinung̃aling̃án.

—¿At iyang ginoong kayumanggí na ang miyas ay warì’y tutsáng?

—¡A! iyan ang máng̃ang̃alakál na si F, na ang lahát ng̃ bagay ay pinagdadayàan, sampû ng̃ kaniyang fe de bautismo; pinagpipilitan niyang magíng mistisong kastilà sa lahát ng̃ paraan at iniuubos ang boong kaya upáng malimot ang sarili niyang wikà.

—Dátapwâ’y nápakapuputî ang kaniyang mg̃a anák na babai....

—¡Oo, at iyan ng̃â ang sanhî kung bakit mataás ang halagá ng̃ bigás, gayóng walâ namáng kinakaìn iyan kundî tinapay!

Hindî malinawan ng̃ baguhan ang pagkakálahók ng̃ halagá ng̃ bigás sa kaputîan ng̃ mg̃a dalagang iyon.

—Náriyan ang lumilígaw, iyáng binatàng payát, kayumanggí, ang lakad ay mahinay na sumúsunód sa kanilá at bumatìng anyông mapag-ampón sa tatlóng magkakaibigang nang̃agtátawá sa kaniya.... iyá’y isáng nagbábatá nang dahil sa kaniyáng mg̃a akalà, sa kaniyáng panununtón sa násabi.

Ang baguhan ay nagtagláy ng̃ paghang̃à at paggalang sa binatà.

—May kilos hang̃al, at hang̃ál ng̃âng sadyá,—ang patuloy ni Tadeo—tubò iyan sa S. Pedro Makatí at dî gumágamit ng̃ maraming bagay: kailan ma’y hindì naliligò ni hindî tumítikím ng̃ baboy, sapagkâ’t sang-ayon sa sabi niya’y hindî kumakain noon ang mg̃a kastilà at dahil din sa katwirang iyon ay hindî kumakain ng̃ kanin, patís ni bagoong, kahi’t na siya mamatáy ng̃ gutom at magtulô ang kaniyáng laway.... Lahát ng̃ galing sa Europa, bulók ó naíimbák, ay masaráp na masaráp sa kaniya, at may isáng buwan pa lamang na iniligtás siya ni Basilio sa isáng pamamagâ ng̃ sikmurà: kumain ng̃ isáng pasôpasôang kelwâ upang ipakílalang siyá’y europeo!

[207]Nang mg̃a sandalîng iyón ay nagsimulâ ang orkesta sa pagtugtóg ng̃ isáng balse.

—¿Nákikita mo ang ginoong iyán? ¿iyáng payagót na bíbilíng-bilíng ang ulo at nagháhanáp na siyá’y batìin? Iyán ang bantóg na Gobernador sa Pangasinán, isáng taong hindî makakain kapag may isáng indio na hindî nagpugay sa kaniyá.... Kauntî nang mamatáy kung dî nálagdâ ang bando ng̃ pagpupugay na siyáng sanhî ng̃ kaniyáng kabantugan. ¡Kaawà-awàng tao! may tatlóng araw pa lamang na kagagaling niyá sa lalawigan at ¡gaano na ang ipinang̃ayayat! ¡o! ¡nariyán ang dakilàng tao, ang dî matingkalâ, ibukás mo ang iyóng mg̃a matá!

—¿Sino? ¿Iyang nakakunót ang kilay?

—Oo, iyán ang si D. Custodio, ang labusáw na si Don Custodio, nakakunót ang kilay sapagkâ’t may iniisip na makabuluháng panukalà.... ¡Kung maisásagawâ lamang ang lamán ng̃ kaniyáng utak ay ibá sana ang lakad! ¡Ah! ¡náririto’t dumáratíng si Makaraig, ang iyóng kasambaháy!

Tunay ng̃â, dumáratíng si Makaraig na kasama si Pecson, si Sandoval at si Isagani.

Nang makita silá ni Tadeo ay sumalubong at binatì silá.

—¿Hindî ba kayó paparito?—ang tanóng ni Makaraig.

—Walâ na kamíng inabot na billete....

—Mabuting pagkakátaón, mayroón kamíng isáng palko—aní Makaraig—si Basilio ay hindî makapaparito.... sumama na kayó sa amin.

Hindî na naantáy ni Tadeo na ulitin ang anyaya. Ang baguhan, sa pang̃ing̃ilag na makagambalà, dalá ng̃ katakutang tagláy ng̃ sino mang provinciano, ay nagdahilán at hindî nagawâng siya’y mapapasok.