Ang "Filibusterismo", ni José Rizal
XXII
Ang palabás
Ang anyô ng̃ dulàan ay masimbuyó; punôngpunô, at sa entrada general, sa mg̃a daanan ay maraming tao ang nákikitang nakatayô, nagkakahirap sa pagtataás ng̃ ulo ó makasílip man lamang sa pagitan ng̃ isáng liíg at isáng taing̃a. Ang mg̃a palkong walâng takíp, na ang karamihan [208]ay punô ng̃ mg̃a babai, ay nag-áanyông pangnán ng̃ bulaklák, na ang mg̃a talulot ay pinagágaláw ng̃ mahinàng simuy (ang tinutukoy namin ay ang mg̃a pamaypáy) at doo’y naghuhumbahan ang libo-libong hayophayupan. Sa dahiláng may mg̃a bulaklák na masasaráp ó matitindí ang amóy, mg̃a buláklák na pumápatáy at mg̃a bulaklák na nakaáalíw, sa mg̃a pangnán ng̃ ating dulàan ay nasasamyô rin ang mg̃a gayóng amóy, nakadiding̃ig ng̃ mg̃a salitàan, usapan, mg̃a salitâng sumísigíd at ng̃umang̃atng̃át. May tatló ó apat na palko lamang ang walâng lamán kahì’t nápakagabí na; ikawaló’t kalahatì ang takdâng pagsisimulâ ng̃ palabás, ng̃unì’t kulang na lamang ng̃ labínglimáng minuto sa ika siyám ay hindî pa itinátaás ang tabing sapagkâ’t ang Capitan General ay hindî pa dumáratíng. Ang mg̃a nasa entrada general, iníp na’t sikî sa kaniláng mg̃a uupán, ay nanggúguló na’t nag-íing̃áy sa kápapadyák at kápapalò ng̃ mg̃a tungkód sa tuntung̃an.
—¡Bum, bum, bum! ¡buksán na ang tabing! ¡bum, bum, bum!
Ang mg̃a artillero ay siyáng lalòng maiing̃ay. Ang mg̃a kaagáw ni Marte, gaya ng̃ tawag sa kanilá ni Ben-Zayb, ay hindî nasisiyahan sa tugtuging itó; sapagkâ’t inaakalà marahil na silá’y nasa sa isáng “plaza de toros” ay binabatì ang mg̃a babaing magdaan sa kaniláng harap ng̃ mg̃a salitâng dahil sa pabaligtád na banggít ay tinatawag na bulaklák, sa Madríd, gayóng kung minsan ay nang̃ahahawig sa umaaling̃asaw na yamutmót. Hindî pinápansín ang mg̃a pagalít na ting̃ín ng̃ mg̃a asawa at ipinahahayag nang malakás ang mg̃a damdamin at mg̃a pagnanasàng pinabubukál sa kaniláng kalooban ng̃ gayóng karaming kagandahan....
Sa mg̃a butaka, na warìng kinatatakutang babâán ng̃ mg̃a babai, sapagkâ’t walâ roón ni isá man sa kanilá, ay isáng aling̃áwng̃áw nang bulongbulung̃an ang naghaharì, tawanang pinipigil, sa gitnâ nang ulap na asó.... Pinagtátalunan ang kabutihan ng̃ mg̃a artista, pinag-uusapan ang mg̃a kaguluhan, na ang General ay nakipagkagalít sa mg̃a prayle, na kung ang pagparoon ng̃ General sa palabás na iyon ay isáng paghamon ó isáng pagnanasà lamang na makákita; hindî ang mg̃a bagay na itó ang iniisip ng̃ ibá kungdî ang akitin ang paning̃in ng̃ mg̃a babai sa tulong ng̃ pag-upông mabikas, [209]na warì’y mg̃a estatua, at pinagágaláw ang mg̃a suót na singsíng, lalònglalò na kung inaakalàng silá’y tinutudlâan ng̃ walâng humpáy na kátiting̃ín ng̃ isáng largabista; ang ibá’y bumabatì sa gayóng babai ó binibini na iniyuyukô ng̃ kauntî ang ulo, samantalang ibinúbulóng sa kalapít na:
—¡Kakutyâkutyâ! ¡nakaiinís!
Ang babai’y sásagot sa pamagitan ng̃ lalòng masaráp niyáng ng̃itî at isáng kalugódlugód na galaw ng̃ ulo, at bumubulóng sa kaibigang nakikisang-ayon, sa pagitan ng̃ dalawáng galáw na banayad ng̃ pamaypáy, na:
—¡Napakamahang̃in! Ulól na sa pag-ibig.
Samantala namá’y dumádalas ang kápapalò: ¡bum, bum, bum! ¡tok-tok-tok! walâ nang nátitiráng walâng lamán kungdî dádalawáng palko at ang sa General na natatang̃ì dahil sa mg̃a tabing na tersiopelong pulá. Ang orkesta ay tumugtóg ng̃ isá pang balse, ang taong naroroón ay tumututol; mabuti na lamang at dumatíng ang isáng maawâíng magitíng na nakalibáng sa madlâ’t nakapagligtás sa may arì ng̃ palabás; isáng ginoong umupô sa isáng butaka at ayaw tumindíg ng̃ dumatíng ang may-arì ng̃ luklukan, na dilì ibá’t ang mapagbulaybulay na si D. Primitivo. Nang makita ni D. Primitivo na hindî makahinuhod sa taong iyón ang kaniyáng pang̃ang̃atwiran ay tinawag ang tagá-ayos.—¡Ayokong tumindíg! ang tugón ng̃ magitíng na lalaki na hiníhitít na payapàng payapà ang kaniyáng sigarilyo. Ang tagá-ayos ay lumapit sa namamahalà.—¡Ayokong tumindig! ang ulit at nagpakabuti sa pag-upô. Ang namamahalà’y umalís samantalang ang mg̃a artillero sa entrada ay sabáysabáy na umaawit ng̃:
—¡Sa hindî! ¡Sa oo! ¡Sa hindî! ¡Sa oo!
Ang taong iyon, na nápuná nang lahát, ay nag-akalàng ang pag-urong ay ikabababâ niya, kayâ’t nang̃unyapít sa butaka samantalang inuúlit ang kasagutan sa dalawáng veterana na tinawag ng̃ namamahalà. Alang-alang sa tinatagláy na katungkulan ng̃ naglalabán ay tinawag ng̃ mg̃a bantáy ang kabo, samantalang ang lahát ng̃ taong nároroon ay bumigáy ng̃ matindíng pagakpakan at pinupuri ang katigasan ng̃ ginoong iyon na patuloy rin sa pagkakaupô na warì’y isáng senador romano.
Náding̃íg ang pasuwítan at galít na luming̃ón ang ginoong [210]may matigás na kalooban sapagkâ’t inakalàng siya ang sinusutsután: náding̃íg ang takbuhan ng̃ mg̃a kabayo, náramdamán ang kilusán; ang sino man ay mag-aakalàng sumabog ang isáng himagsikan ó kun dî man ay isáng pagkakaguló; hindî, iníhintô ng̃ orkesta ang balse at tinugtóg ang marcha real; ang marang̃al na Capitán General at Gobernador nang sangkapulùan ang dumáratíng: hinanap siya ng̃ lahát nang matá, sinundán siya ng̃ ting̃ín, nawalâ at sa kahulíhulihan ay nátanáw sa kaniyáng palko, at, matapos na makating̃ín sa lahát ng̃ pook at magawâng mapalad ang ilán sa pamag-itan ng̃ isáng makapangyarihang batì, ay umupô na warìng isáng tao sa ibabaw ng̃ isáng sillón na nag-aantáy sa kaniya. Sakâ pa lamang humintô ang mg̃a artillero at tinugtóg ng̃ orkesta ang pasimulâ.
Ang ating mg̃a nag-aaral ay nasa isáng palkong katapát ng̃ kinalalagyán ng̃ mananayaw na si Pepay. Ang palkong itó’y handóg ni Makaraig na nakipag-alám na sa babai upang mapalambót si D. Custodio. Nang hapong iyon ay sumulat si Pepay sa bantóg na mamamalagáy, na nag-aantáy ng̃ kasagutan at tinipanáng magtagpô silá sa dulàan. Dahil dito, kahì’t na pinakalabánlabanan ni D. Custodio ang operetang pransés, ay naparoon din sa dulàan, bagay na nagíng sanhî ng̃ mg̃a pasaríng na pinatatamà sa kaniya ni D. Manuel, ang kaniyang malaon nang kalaban sa mg̃a pulong ng̃ Ayuntamiento.
—¡Naparito akó upang hatulan ang opereta!—ang tugón na warì’y isáng Catón na nasísiyahan sa sarilìng budhî.
Si Makaraig ng̃â ay nakikipaghudyatan sa ting̃ín kay Pepay na ang ibig sabihin nitó’y mayroong ipababatíd; at sa dahiláng masayá ang mukhâ ng̃ mánanayaw, ay sinasapantahà na ng̃ lahát na ang tagumpáy ay napagtibay na. Si Sandoval, na kararatíng pa lamang na galing sa pagdalaw sa ibáng palko, ay nagpatibay na ang kapasiyahan ay nagíng sang-ayon, at ng̃ hapon ding yaón sinurì ng̃ kataastaasang lupon at sinang-ayunan. Pawà ng̃âng kagalakang lahát; sampû ni Pecson ay nakalimot sa kaniyang pagka dî mapaniwalàín sa mabubuting balità dahil sa námamalas na si Pepay ay nakang̃itîng ipinakikita ang isáng sulat; si Sandoval at si Makaraig ay kapuwâ nagdudulután ng̃ maligayang batì, si Isagani lamang ang nátitiráng malamíg at bahagyâ nang máng̃itî.
[211]¿Anó ang nangyari sa binatà?
Nang pumasok si Isagani sa dulàan ay nakita si Paulita sa isáng palko at kinákausap ni Juanito Pelaez. Siya’y namutlâ’t sinapantahàng siya’y nagkamalî. Ng̃unì’t hindî, sadyâng ang binibini ang nároroon na bumabatì sa kaniya ng̃ isáng masaráp na ng̃itî samantalang ang magagandáng matá’y warìng humihing̃îng tawad at nang̃ang̃akòng isásaysáy ang sanhî noon. Sadyâ ng̃âng siláng dalawá’y nagkásundô na si Isagani muna ang papasok upang tingnán kung sa palabás ay walâng anománg hindî nárarapat mápanood ng̃ isáng binibini, at sakâ ng̃ayón ay nátagpûán doon na kasama pa namán ng̃ kaniyang kaagáw. Ang dumanas sa káluluwa ni Isagani’y hindî maisasaysáy: galit, panibughô, pagkaduhagi, pagdaramdám, ang bumayó sa kalooban ng̃ binatà: may sandalíng ninasà na ang dulàan ay gumuhô; tinangkâng humalakhák ng̃ malakás, alimurahin ang kaniyáng iniíbig, hamunin ang kaniyáng kaagáw, gumawâ ng̃ guló, ng̃unì’t ang nayarì sa kaniyáng loob ay ang umupông dahandahan na lamang at huwag tingnán ni minsan ang binibini. Nádiding̃íg ang mg̃a munakalà nina Makaraig at Sandoval, ng̃unì’t warìng sa kaniya’y malalayòng aling̃áwng̃áw ang gayón: ang mg̃a himig ng̃ balse ay warìng malulungkót at nakahahambal sa ganáng kaniya; ang mg̃a nároroon ay pawàng hungháng at balíw, at makáilang kinaílang̃an niya ang magpígil upang maimpít ang pagluhà. Bahagyâ na niyáng nápuná ang nangyari sa ginoong ayaw tumindíg sa butaka at ang pagdatíng ng̃ Capitan General; ang tinátanáw niya ay ang tabing ng̃ paglálabasán na may pintáng anyông dáanan, sa pag-ítan ng̃ malalakíng tabing na mapupulá, na tanáw sa isáng hálamanáng sa gítnâ’y may daluyán ng̃ tubig. ¡Gaano kalungkót, sa warì niya, ang daanang yaon at gaano kalamlám nang anyô nang tánawin! Libo-libong pagbubulay na walâng linaw ang sumísipót sa kaniyang alaala, na warì’y malalayòng ulinigníg ng̃ tugtugang nádiding̃íg sa kinágabihán, warì’y himig ng̃ isáng awit ng̃ panahón ng̃ kabatàan niya, aling̃awng̃áw ng̃ ulilang kagubatan at mapapangláw na batisan, mg̃a gabíng may buwan sa tabí ng̃ dagat na nalalatag ng̃ boong kalaparan sa haráp ng̃ kaniyáng paning̃ín.... At ang umiibig na binatàng nag-aakalang nápakasawîng palad siyá ay tuming̃áting̃alâ sa bubung̃án upang ang mg̃a paták ng̃ luhà’y huwag makapulás sa kaniyáng mg̃a matá.
[212]Isáng matindíng pagakpakan ang nakapukaw sa kaniyang pag-íisíp.
Kabubukás pa lamang ng̃ tabing at náharap sa kaniyang mg̃a matá ang masayáng pulutóng ng̃ mg̃a taong bukid sa Corneville na nang̃akasuot ng̃ gorrang bulak at mabibigát na bakyâng kahoy ang nasa paá. Ang mg̃a babai, mg̃a anim ó pitóng dalaga, na may pahid na pulá sa mg̃a pisng̃i’t labì, may malalaking guhit na itím sa paligid ng̃ matá upang lalòng pakinang̃ín itó, ay ipinamamalas ang kaniláng mapuputîng bisig, mg̃a dalirìng punô ng̃ brillante at mg̃a hitàng mabibilog na warì’y nilalik. At samantalang inaawit ang mg̃a salitâng normando na allez, marchez! allez, marchez! ay nang̃akang̃itî ng̃ tiyakan sa mg̃a nasa butakang umiirog sa kanilá, kayâ’t matapos na makating̃ín si D. Custodio sa palko ni Pepay, na warì’y ibig matunayang hindî itó gumagawâ ng̃ gayón din sa ibáng nang̃ing̃ibig, ay itinalâ sa kaniyáng kalupî ang kahalayang iyón, at upang lalò pang matunayan ay iniyukô pa ng̃ kauntì ang ulo upang mákita kung ang ipinatatanáw ng̃ mg̃a artistang babai ay umaabot hanggang tuhod.
—¡O, ang mg̃a pransesang itó!—ang kaniyáng bulong, samantalang ang pag-iisip ay nagbubuko ng̃ mg̃a pagpaparisparis at panukalà sa isáng dakong mataástaas pa ng̃ kauntì.
Quoi v’lá tous les cancans d’la s’maine!.... ang awit ni Gertrude, isáng magandáng dalaga na sumusulyáp ng̃ makahulugáng sulyáp sa Capitán General.
—¡Magkákaroón tayo ng̃ cancan!—ang bulalás ni Tadeo, ang nakakuha ng̃ unang gantíng palà sa pransés sa kaniyáng klase, at nakaulinig ng̃ tinurang salitâ.—Mang̃agsásayáw ng̃ cancan, Makaraig.
At masayáng pinagkumos ang kaniyáng mg̃a kamáy.
Sapól ng̃ buksán ang tabing ay hindî inaalumana ni Tadeo ang tugtugin; walâ siyáng hinahanap kundî ang kahalayan, ang bagay na malaswâ, ang salaulàng anyô at kagayakan, at sa tulong ng̃ kauntîng pransés na kaniyáng nalalaman ay tinatalasan ang pangding̃íg upang huwág mápalampás ang mg̃a salitâng malalansá na ipinamalità ng̃ mg̃a mahihigpít na tagá ayos ng̃ bayan.
Si Sandoval, na nagsasabing mabuti siyá sa pransés, ay nagíng warì tagasalin ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan. Gaya rin [213]ng̃ nalalaman ni Tadeo ang kaniyáng abót, ng̃unì’t malakí ang naitutulong sa kaniyá ng̃ mg̃a salaysáy ng̃ katuturán na inilathalà ng̃ mg̃a pahayagan, at ang ibá pa’y natatakpán na ng̃ sarili niyáng bulaybulay.
—Oo—aniyá—mang̃agsásayáw ng̃ kankán at ang babai ang siyáng mamámahalà.
Si Makaraig at si Pecson ay humandâ na sa pakikimatyág at nang̃akang̃itî na hindî pa man. Si Isagani’y sa ibáng poók tuming̃ín, nakukutyâng si Paulita ay nakádaló sa gayóng pagtatanghál, at iniisip na dapat hamunin ng̃ patayan sa kinabukasan si Juanito Pelaez.
Ng̃unì’t walâng napalâ ang káaantáy ng̃ ating mg̃a binatà. Dumatíng si Serpolette, isáng kaigaigayang dalaga, na tagláy rin ang gorrang bulak, na nangháhamón at matapang;
Hein! qui parle de Serpolette?
ang tanóng sa mg̃a dalahirà, at ang kamáy ay nasa baywáng at ang astâ’y matapang. Isáng ginoo ang pumagakpák at pagkatapos ay sumunód ang lahát nang nasa butaka. Si Serpolette, kahì’t hindî iniiwan ang anyô niyáng makisig na babai, ay tuming̃ín sa unang pumagakpák at ginantí itó ng̃ isáng ng̃itî, na nagpakita ng̃ maliliít niyáng ng̃ipin na warì’y isáng collar na perlas na nakasilíd sa isáng lalagyáng tersiopelong pulá. Sinundán ni Tadeo ang ting̃ín at nakita ang isáng ginoo, na may balátkayông miyas at may isáng nápakahabàng ilóng.
—¡Voto al chápiro!—aniya—¡si Irenillo!
—Oo—ang sagót ni Sandoval—nakita ko sa loob, na kausap ng̃ mg̃a artistang babai.
Siya ng̃â, si P. Irene, na isáng mawilihíng lubhâ sa músika at nakatatahô nang pransés, ay pinaparoon ni P. Salvi sa dulàan na warì’y isáng polisíya sekreta; gayón ang kaniyáng sabi sa mg̃a taong sa kaniya’y makákilala. At gaya ng̃ mabubuting mánunurì na hindî nasísiyahang tingnán mulâ sa malayò ang mg̃a bagaybagay, ay tinangkâ niyáng siyasatin sa malapit ang mg̃a artista; nakihalò sa pulutóng ng̃ mg̃a mangliligaw at makikisig, pumasok sa bihisán na pinagdadausan ng̃ mg̃a satsatan at ang wikàng pransés na ginagamit ay papilipít, wikàng tindáng pransés, salitâng malinaw na malinaw sa babaing nagtítindá kailan ma’t ang mamímilí ay laan sa pagbabayad ng̃ mabuti.
[214]Si Serpolette ay nalilibid ng̃ dalawáng makiyas na opisial, ng̃ isáng mangdaragát at ng̃ isáng abogado, nang mákitang súsubóksubók at pumapasok sa lahát ng̃ pook at mg̃a puwang ang isáng mahabàng ilóng na warìng sa tulong noón ay sinisiyasat ang mg̃a kababalaghán ng̃ palabasan.
Pinigil ni Serpolette ang pagsasalitâ, ikinunót ang kílay, itinaas, binuksán ang bibig, at dalá ang kaliksihán nang isáng parisien ay iníwan ang mg̃a humahang̃à sa kaniya at tinakbóng warì’y isáng torpedo ang ating mánunurì.
—Tíens, tíens, Toutau! mon lapín!—ang bulalás na hinawakan sa bisig si P. Irene at masayáng inalóg-alóg itó samantalang ipinaíilanláng sa hang̃in ang kaniyáng matagintíng na tíng̃ig.
—Chut, chut!—ang sabi ni P. Irene na nagpupumilit makapagkanlóng.
—Mais, comment! toi ici, grosse bête! Et moi qui t’croyais....
—’Fais pas d’tapage, Lily! ¡il faut m’respecter! ’suis ici l’Pape!
Lubhâng naghirap muna si P. Irene bago napahinuhod ang babai. Ang masayáng si Lily ay lubhâng enchantée sa pagkakatagpô sa Maynilà sa isáng dating kaibigan na nagpapaalaala sa kaniya ng̃ mg̃a coulisses ng̃ dulàan ng̃ Grande Opera. At yaón ng̃â ang dahil kung kayâ’t si P. Irene, sa pagtupád sa kaniyang katungkulang pagiging kaibigan at pagkámanunurì, ay nagsimulâ ng̃ isáng pagakpakan upang mapalakás ang loob ng̃ babai: karapatdapat namán si Serpolette sa gayón.
Samantala’y ináantáy ng̃ ating mg̃a binatà ang kankan; si Pecson ay nagkakandidilat, mayroon ng̃ lahát ng̃ bagay, ang kankán lamang ang walâ. Nagkaroon ng̃ isáng sandalî na kung hindî dumatíng ang isáng taong may katungkulan ay magpapanuntukan na sana ang mg̃a babai, mang̃agsasábunutan, dahil sa udyók ng̃ mg̃a taong nag-aantáy, gaya ng̃ ating mg̃a nag-aaral, na makakita ng̃ higít pa kay sa isáng kankán.
Scit, scit, scit, scit, scit, scit,
Disputez-vous, battez-vous,
Scit, scit, scit, scit, scit, scit,
Nous allons compter les coups.
[215]Ang tugtugin ay humintô, nang̃agsialís ang mg̃a lalaki, untîuntîng bumalík ang mg̃a babai at nagsimulâ silá sa isáng pag-uusap na walâng nalinawang anomán ang ating mg̃a kaibigan. Ang pinag-uusapan ay pagsírà sa isáng hindî kaharáp.
—¡Animo’y mg̃a makáw sa magpapansít!—ang sabing marahan ni Pecson.
—¿At ang kankan?—ang tanóng ni Makaraig.
—¡Pinagtatalunan ang pook na lalòng bagay na pagsayawán!—ang tugóng walâng katawatawa ni Sandoval.
—¡Animo’y mg̃a makáw sa magpapansít!—ang ulít ni Pecson na masamâ ang loob.
Isang babaing kasama ang asawa ay pumasok ng̃ mg̃a sandalîng iyon at lumuklók sa isá ng̃ dalawâng palkong walâng lamán.
Ang galáw ay warì’y reina at tinítingnán nang pawalâng bahalà ang boong salas na warìng ang ibig sabihin ay: “Náhulí pa akó kay sa inyó, talaksán ng̃ mg̃a tiwalî at malalayò sa tunóg ng̃ kampanà, dumatíng akóng hulí pa kay sa inyó”. Tunay ng̃â, may mg̃a taong pumaparoon sa mg̃a dulàan na kagaya ng̃ mg̃a burro sa takbuhan: nananalo ang hulíng dumatíng. Nakakikilala kamí ng̃ mg̃a taong lubhâng matitinô na aakyát na muna sa isáng bibitayán kay sa pumasok sa loob ng̃ dulàan bago simulán ang unang bahagi. Ng̃unì’t ang katuwàan ng̃ babai’y hindî nagluwát; nakita ang isáng palko na walâ pang lamán; ikinunót ang kilay at kinagalitan ang kaniyáng mahál na kabiyák at nag-ing̃áy nang dî gayón na lamang kayâ’t ang maraming nároón ay nang̃ayamót.
—¡Sst! ¡sst!
—¡Ang mg̃a hang̃ál! warì’y marurunong ng̃ pransés!—anáng babai na tuming̃ín ng̃ lubós na paalipustâ sa lahát ng̃ dako at tumitig sa palko ni Juanito na sa akalà niya’y doon náding̃íg na nagbuhat ang isáng walâng pitagang sst.
Sadyâ ng̃âng si Juanito ay may kasalanan; sa simulâ pa’y kunwarìng nauunawà niyáng lahát at umaastâng ng̃uming̃itî, tumatawa at pumapagakpák ng̃ tamà, na warìng walâng nakakakawalâ sa kaniyá sa mg̃a sinasabi. Gayóng hindî siyá umaalinsunod sa kilos ng̃ mg̃a artista sapagkâ’t bahagyâ ng̃ tumanáw sa pinaglalabasán. Sinasadyâ ng̃ mapagbirô [216]ang pagsasabi kay Paulita, na, dahil sa mayroon namáng lalò pang magagandá ay ayaw siyáng mapagod sa pagting̃ín sa malayò.... Si Paulita ay namumulá, tinatakpán ng̃ pamaypáy ang mukhâ at palihím na tumiting̃ín sa kinalalagyán ni Isagani, na hindî tumatawa ni pumapagakpák at nanonood na hindî pinúpuná ang palabás.
Si Paulita ay nagdamdám ng̃ samâ ng̃ loob at panibughô; ¿naiibigan kayâ ni Isagani ang mg̃a mapanuksóng mg̃a artistang iyon? Ang pag-aakalàng itó’y nakapagpasamâ ng̃ kaniyáng ulo kayâ’t bahagyâ nang nading̃íg ang mg̃a pagpuring ginawâ ni aling Victorina kay Juanito.
Gináganáp na mabuti ni Juanito ang kaniyáng tungkulin; maminsan minsan ay umíilíng, tandâ ng̃ dî kasiyahang loob, at sa gayón namán ay nakadíding̃íg ng̃ ubuhan, alíng̃awng̃áw sa iláng pook; kung minsan ay ng̃umíng̃itî, tumátang̃ô at makaraan ang sandalî’y umuugong ang pagakpakan. Si aling Victorina ay wilíngwilí at nagkaroon na tulóy ng̃ hang̃ad na pakasal sa binatà sa araw na si D. Tiburcio ay mamatáy. ¡Si Juanito ay marunong ng̃ pransés at si de Espadaña ay hindî! ¡At nagsimulâ na sa pagpapatanáw ng̃ lambíng sa binatà! Ng̃unì’t hindî nápupuná ni Juanito ang pagbabagong lakad, dahil sa minamatyagán ang isáng mang̃ang̃alakal na katalán na nasa siping ng̃ konsul na suiso: si Juanito na nakakita sa kanilá na nag-uusap sa wikàng pransés ay umaalinsunod sa nábabakás sa mukhâ ng̃ dalawá at sa gayóng paraan ay nakapang-úulól ng̃ buông buô.
Nagsunód sunód ang mg̃a pangyayari, ang mg̃a tao’y nagsunód sunód sa paglabás, mg̃a masasayá at mapagpatawá gaya ng̃ bailli at ni Grenicheux, mg̃a dugông mahal at nakalúlugod gaya ng̃ markés at ni Germaine: ang mg̃a nanonood ay nagkátawanang mabuti dahìl sa tampál ni Gaspard na patungkol sa duwag na si Grenicheux ng̃unì’t ang nakátanggáp ay ang mahinahong bailli, sa peluka nitóng umilandang, sa kaguluhan at sa kaing̃ayan nang ibabâ ang tabing.
—¿At ang kankán?—ang tanóng ni Tadeo.
Ng̃unì’t agád na ìtínaas ang tabing at ang tagpûan ay nagíng anyông tiange ng̃ mg̃a alilà, may tatlóng halíging kinalalagyán ng̃ mg̃a sagisag at may daláng mg̃a pahayag na servantes, cochers at doméstiques. Sinamantalá ni Juanito ang pagkakátaón, [217]at, malakás na sinabi kay aling Victorina upang máding̃íg ni Paulita at itó’y manalig sa kaniyang karunung̃an.
—Ang kahulugan ng̃ servantes ay mg̃a sirviente, ang doméstiques ay doméstico....
—¿At anó ang kaibhán ng̃ mg̃a servantes sa mg̃a doméstiques?—ang tanóng ni Paulita.
Si Juanito’y hindî nang̃untî.
—Doméstiques ang mg̃a domesticado ó napaamò na: ¿hindî ba ninyó nápupuná na ang ilán ay may astâng taong gubat? Iyan ang mg̃a servantes.
—¡Siya ng̃a namán!—ang dugtóng ni aling Victorina—ang ilán ay may masasamâng kilos.... at ang akalà ko pa namán na sa Europa ay pawàng may máaayos na ugalì at.... ng̃unì’t sa dahiláng nangyayari sa Francia.... ¡nákikita ko na!
—¡Sst, sst!
Ng̃unì’t ang kagipitan ni Juanito ay nang dumatíng ang oras ng̃ pagtatawarán at binuksán ang halang, ang mg̃a alilàng nagpápaupá ay nang̃agsilagáy sa piling ng̃ kaníkaniláng mg̃a pahayag na nagpapakilala ng̃ kaniláng kinauukulan. Ang mg̃a alilà, mg̃a sampû ó labíng dalawá, na anyông magagaspáng, nang̃akasuót ng̃ librea at may daláng isáng sang̃áng maliit sa kamáy, ay nang̃agsilagáy sa ilalim ng̃ pahayág na domestiques.
—¡Iyán ang mg̃a maaamò na!—ang sabi ni Juanito.
—Tunay ng̃â na ang mg̃a astâ ay warìng hindî pa nalalaunan ang pag-amò—ang banggít ni aling Victorina—¡tingnán natin ang mg̃a hindî pa lubós na amô!
Makaraán yaón, ang labíng dalawáng dalaga na pinang̃ung̃uluhan ng̃ masayá’t maliksíng si Serpolette, na ang mg̃a suót ay ang lalòng maiinam niláng kagayakan, ang bawà’t isá’y may isáng malakíng kalang̃ì sa baywáng, masasayá, nang̃akang̃itî, malulusog ang katawán, mabighanì, ay nang̃agsilagáy sa piling ng̃ haligi ng̃ mg̃a servantes.
—¿Bakit?—ang tanóng na palagáy na palagáy ni Paulita—¿iyán bagá ang mg̃a taong bundók na inyóng sinasabi?
—Hindî—ang tugóng walâng katigatigatig ni Juanito—nang̃agkámalî.... nang̃agkápalít.... Iyáng mg̃a hulíng dáratíng.
—¿Iyáng mg̃a dumáratíng na may mg̃a daláng látigo?
[218]Patang̃ông sumagót ng̃ oo si Juanito na hindî mápalagáy at nagugulumihanan.
—¿Kung gayón ay ang mg̃a dalagang iyán ang mg̃a cochers?
Isáng nápakalakás na ubó ang sumagì kay Juanito na nakayamót tulóy sa iláng nanónoód.
—¡Lumayas iyán! lumayas ang natútuyô!—ang sigáw ng̃ isáng boses.
¿Natútuyô? ¿Tawagin siyáng natútuyô sa haráp ni Paulita? Ibig makita ni Juanito ang may masamâng dilà upang ipalamon dito ang pagkatuyô. At nang makitang humáhadláng ang mg̃a babai ay lalòng tumapang at lumakí ang loob. Salamat na lamang at si D. Custodio ang siyang nagsabi ng̃ tagláy na sakít at sa pang̃ing̃ilag na mápuna ay nagwawalâng bahalàng warì’y isinusulat ang pagtuligsâ sa dulâ.
—¡Kundî lamang kasama ko kayó!—ang sabi ni Juanito na pinagaláw ang mg̃a matá na gaya ng̃ iláng manikà na nagpapagaláw sa pabató ng̃ mg̃a orasán. At upang lalò pang máhawíg ay manakânakáng inilalawít ang kaniyang dilà.
Nang gabíng yaón ay nagíng matapang at mapuri siya sa matá ni aling Victorina kayâ’t ipinasiya na nitó sa loob ng̃ kaniyang dibdíb na pakasal sa kaniyá pagkamatáy na pagkamatáy ni D. Tiburcio.
Si Paulita ay untîuntîng lalòng nalulungkót dahil sa pag-íisíp na kung bakit ang mg̃a babaing iyon na tinatawag na cochers ay nakaaakit kay Isagani. Ang salitâng cochers ay nagpapaalaala sa kaniya ng̃ iláng bangít na ginagamit ng̃ mg̃a kolehiala upang ipahiwatig ang isáng warì’y damdamin kung silásilá ang nag-uusap.
Natapos din ang unang bahagi at dinalá ng̃ markés na parang alilà si Serpolette at si Germaine, ang nagtatagláy ng̃ anyông mahinhín ng̃ samahan, at pinakakotsero ang hang̃al na si Grenicheux. Isáng matunóg na pagakpakan ang nagpabalík na mang̃agkakawit sa kamáy, sa mg̃a artista, na may mg̃a iláng sandalî pa lamang ang kararaan na nang̃aghahabulán at nang̃ag-aaway; nang̃agsisiyukô sa lahát ng̃ dako ng̃ mairugíng nanonood na taga Maynilà at ang mg̃a babai’y nakipagtapunán ng̃ titig sa iláng nanonood na lalaki.
Samantalang naghaharì ang kaguluhan na gawâ ng̃ [219]mg̃a pag-uunahán sa pagtung̃o sa bihisán upang dulutan ng̃ maligayang batì ang mg̃a artista, at ng̃ mg̃a tumutung̃o namán sa mg̃a palko upang bumatì sa babai, ang ilán ay nagpapahayag ng̃ kaniláng mg̃a pasiyáng ukol sa dulà at sa mg̃a artista.
—Hindî mapag-aalinlang̃anang si Serpolette ang tang̃ìng mabuti—ang sabi ng̃ isá na umanyông matalino.
—Ibig ko si Germaine, isáng bulagáw na kaibigibig.
—¡Walâ namáng boses!
—¿At anó ba ang gágawín ko sa boses?
—Kung sa inam ng̃ katawán, ay ang mataas!
—¡Psh!—aní Ben-Zaib—ang lahát ay walâng kakabukabuluhán, walâ isá mang artistang matatawag.
Si Ben-Zayb ay siyáng mánunuligsâ ng̃ “El Grito de la Integridad” at ang kaniyáng anyông mapagpawalâng kabuluhán ay nagbibigáy sa kaniyá ng̃ katang̃ìan sa matá ng̃ mg̃a nasisiyahán na sa kakauntîng bagay.
—¡Ni si Serpolette ay may boses, ni si Germaine ay may kariktáng kumilos, ni iyan ay músika, ni arte, ni anómáng bagay na may kabuluhán!—ang ipinangtapós na salitâng ang anyô ay lubós na mapagwalâng bahalà.
Upang makapagpanggáp na mabuting manunuligsâ ay walâng ibáng mabuting paraan liban sa pintasán ang lahát. Dalawáng billete lamang ang ipinadalá ng̃ may arì ng̃ palabás sa Pásulatán.
Sa mg̃a palko’y ipinagtátanóng kung sino ang may arî ng̃ palkong walâng lamán. Linalùan noon ang lahát sa chic, sapagkâ’t siyáng hulíng dáratíng.
Hindî maalaman kung saan nagbuhat ang balità na ang palko ay kay Simoun. Ang bulung̃an ay napatunayan. Walâng nakákita sa manghihiyas ni sa butaka, ni sa bihisán, ni saan mang dako ng̃ dulàan.
—¡Dátapwâ’y nákita kong kasama ni Mr. Jouy kang̃inang hapon!—ang sabi ng̃ ìsá.
—At nag-alay ng̃ isáng pamuti sa liig sa isá sa mg̃a artistang babai....
—¿Sa kang̃ino sa kanilá?—ang tanóng ng̃ iláng babaing mausisà.
—Sa mabuti sa lahát, ang sinúsundán ng̃ ting̃ín ng̃ Capitán General.
[220]Ting̃inang makahulugán, kindatan, bulalás na pag-aalinlang̃an, pagpapatunay at mg̃a salitâng paputólputól.
—¡Ibig mag sa Monte-Cristo!—anáng isá na ibig masabing mapagbasá.
—¡O taga dulot-kailang̃an ng̃ Real Casa!—ang dugtóng ng̃ lumalang̃it sa nagsalitâ na naninibughô na kay Simoun.
Sa palko ng̃ ating mg̃a nag-aaral ay naiwan si Pecson, si Sandoval at si Isagani. Si Tadeo ay lumapit kay D. Custodio upang itó’y libang̃ín samantalang si Makaraig ay nakikipagkita kay Pepay.
—Walâ, gaya ng̃ sinabi ko sa inyó, kaibigang Isagani—ang pahayag ni Sandoval na nagkikilós ng̃ masagwâ, pinatatamís ang boses upang máding̃íg siya ng̃ mg̃a binibining nasa palkong kalapít, ang mg̃a anák ng̃ mayamang may utang kay Tadeo—walâ, hindî tagláy ng̃ wikàng pransés ang mayamang tunóg niyang sarìsarì at maalindóg na tagintíng ng̃ wikàng kastilà. Hindî ko mawarì, hindî ko mahakà, hindî ko malirip ang ayos ng̃ mg̃a mánanalumpatîng pransés at nag-aalinlang̃an akó sa paniniwalà na nagkaroon at magkaroon ng̃ alinsunod sa sadyâng kahulugán ng̃ salitâ, sa loob ng̃ sadyâng matatawag na mánanalumpatî. Sapagkâ’t huwag nating pagkámalan ang salitâng mánanalumpatî at salitâng mananatsát at madaldal. Sa lahát ng̃ bayan ay mangyayaring magkaroon ng̃ mg̃a mananatsát at madaldal, sa lahát ng̃ pook ng̃ sangsínukob na tinitirahan ng̃ tao, sa gitnâ ng̃ mg̃a malalamíg at walâng imík na mg̃a inglés, gaya rin namán sa malikót at maramdaming pransés....
At ipinatuloy ang isáng mainam na pagsasalaysáy ng̃ ukol sa mg̃a bayan na sinamahan ng̃ kaníkaniláng nakaiigayang mg̃a hilig at mg̃a tagurîng matagintíng. Si Isagani’y sumasang-ayon sa pamag-itan ng̃ pagtang̃ô, samantalàng inaalala si Paulita na kaniyáng náhuling nakating̃ín sa kaniyá ng̃ isáng ting̃íng nang̃ung̃usap at may ibig sabihing maraming bagay. Ibig hulàan ni Isagani ang tinuturing̃an ng̃ mg̃a matáng iyon; ¡iyón ang tunay na nagsasabi ng̃ maraming bagay at hindî mapanatsát!
—At kayó na isáng makatà na umaalinsunod sa tunóg at sukat, anák ng̃ mg̃a Musa—ang patuloy ni Sandoval na ikinumpáy ng̃ magandáng kilos ang kamáy, na warìng binatì sa abot ng̃ ting̃ín ang siyam na magkakapatíd—¿máaakalà [221]bagá ninyó na sa isáng wikàng nápakasalát at walâng katunógtunóg na gaya ng̃ pransés ay mangyayaring magkaroon ng̃ mg̃a makatàng nápakalalakíng gaya ng̃ ating mg̃a Garcilaso, ng̃ ating mg̃a Herrera, ng̃ ating mg̃a Espronceda at mg̃a Calderón?
—Gayón mán—ang banggít ni Pecson—si Victor Hugo....
—Si Victor Hugo, kaibigang Pecson, si Victor Hugo, sakalì’t makatà, ay sapagkâ’t utang niya sa España.... sapagkâ’t kilalá na, isáng bagay na hindî mapag-aalinlang̃anan, bagay na tinátanggáp ng̃ sampûng mg̃a pransés na nang̃aiingít sa España, na kung si Victor Hugo ay may mataas na pag-iisip, kung makatà, ay sa dahiláng sa Madrid siya nanirahan noong kaniyang kabatàan, doon násimsím ang mg̃a unang buko ng̃ pag-iisip, doon nabuô ang kaniyang utak, doon nagkakulay ang kaniyang paghahakà, ang kaniyang pusò’y naayos at sumipót ang mg̃a magagandáng buko ng̃ kaniyang pagkukurò. At sakâ ang isá pa ay ¿sino si Victor Hugo? ¿Maipapantáy bagá sa ating mg̃a bago....?
Ng̃unì’t ang pagdatíng ni Makaraig na ang anyô’y malungkót at may isáng mapaít na ng̃itî sa labì ay pumutol sa salaysáy ng̃ mánanalumpatî. Pigil ni Makaraig ang isáng papel na iniabót kay Sandoval nang walâng kaimík-imík.
Binasa ni Sandoval:
“Palapati: Ang sulat mo’y náhulí; iniharap ko na ang aking pasiya at sinang-ayunan. Gayón man, dahil sa warìng nahulàan ko na ang iyong nasà, ay linutas ko ang salitàan nang alinsunod sa nais ng̃ iyong mg̃a kinakandili.
Paparoon akó sa dulàan at aantabayanan kitá sa paglabás.
Ang iyong masuyòng lapati,
Custodining.”
—¡Kay buti ng̃ taong iyán!—ang bulalás ni Tadeo na halos malungkót.
—At ng̃ayón?—ang sabi ni Sandoval—walâ akong bagay na masamâng nakikita dito, kundî bagkús pa ng̃âng mabuti!
—Oo,—ang sagót ni Makaraig na ang ng̃itî’y mapaít—¡nalutas ng̃ sang-ayon sa kahiling̃an! ¡Katatapos ko pa lamang sa pakikipagkita kay P. Irene!
—¿At anó ang sabi ni P. Irene?—ang tanóng ni Pecson.
[222]—Gaya rin nang sabi ni D. Custodio, at nang̃ahás pa ang tampalasan na akó’y handugán ng̃ maligayang batì! Ang Lupong kumanyá ng̃ kapasiyahán ng̃ may palagay ay sang-ayon sa balak at naghahandóg ng̃ maligayang batì sa mg̃a nag-aaral dahil sa kaniláng pag-ibig sa ináng bayan at nasàng makapag-aral....
—¿Kung gayón?
—Lamang; sa pag-aalaala sa ating mg̃a gawâin, at upang huwag mapawakawak ang layon, ang sabi, ay inaakalàng nararapat na ang pamamahalà at pagsasagawâ ng̃ binabalak ay isakamáy ng̃ isá sa mg̃a “corporación,” kung sakalìng hindî ibigin ng̃ mg̃a dominiko na másama sa Universidad ang akademia.
Bulalás na samâ ng̃ loob ang sumalubong sa mg̃a salitâng itó: si Isagani ay tumindíg, ng̃unì’t waláng anománg sinabi.
—At upang mákitang tayo’y kalahók sa pamamahalà sa akademia—ang patuloy ni Makaraig—ay ipinagaganáp sa atin ang panining̃íl ng̃ mg̃a ambagan at abuloy, na katungkulan nating ibigáy sa isáng ing̃at-yaman na ihahalál ng̃ “corporacióng” mamámahalà, at ang ing̃at-yamang iyon ay magkakaloob sa atin ng̃ katibayan ng̃ pagkakatanggáp....
—¡Kung gayó’y magigíng kabisa tayo!—ang sabi ni Tadeo.
—Sandoval—ang sabi ni Pecson—naiyan ang guantes, saluhín ninyó!
—¡Puf! iyan ay hindî guantes, ng̃unì’t dahil sa amóy ay náwawankî sa isáng midiás.
—At ang lalòng mainam—ang patuloy ni Makaraig—ay ang turò ni P. Irene, na tayo’y magpigíng ó kayâ’y magdaos ng̃ isáng panapatang may mg̃a sulô, dahil sa pangyayari; isáng pagpapahayag ng̃ pagpapasalamat ng̃ mg̃a nag-aaral sa mg̃a taong nakilahók sa usap na itó.
—Siya ng̃â, matapos ang palò, ay umawit tayo at magpasalamat! Super flumina Babylonis sedimus!
—¡Oo, isáng pigíng na gaya ng̃ sa mg̃a bilanggô!—ang sabi ni Tadeo.
—Isáng pigíng na tayong lahát ay nakaluksâ at bumigkás tayo ng̃ mg̃a talumpatìng ukol sa patáy—aní Sandoval.
—Isáng panapatan na ang tutugtugín ay ang Marsellesa at mg̃a marcha fúnebre,—ang palagáy ni Isagani.
[223]—Huwag, mg̃a ginoo—ang turing ni Pecson na gamit ang kaniyáng tawang bung̃ô—upang ipagsayá ang pangyayari ay walâ ng̃ lalòng kapit kay sa isáng pigíng sa magpapansít na ang maglilingkód ay mg̃a insík na walâng barò, ng̃unì’t walâng barò!
Dahil sa ang palagáy ay lubós na mapang̃utyâ at nápakagaspáng ay tinanggáp; si Sandoval ang unaunang pumagakpák; malaon ng̃ ibig niyáng mákita ang loob ng̃ mg̃a tindahang iyon na kung gabí’y warìng masasayá at maraming tao.
At ang tumutugtóg pa namán nang orkesta upang simulán ang pang̃alawáng bahagi nang tumindíg ang ating mg̃a binatà na iniwan ang dulàan sa gitnâ ng̃ pagkakamanghâ ng̃ lahát ng̃ nároroon.