Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXIII

Isáng bangkáy

Si Simoun ng̃â ay hindî naparoon sa dulàan.

Sapól sa ika pitó ng̃ gabí ay umalís nang ligalíg at mapangláw sa kaniyang bahay: nakita siyang makálawáng pumasok na ang kasama’y ibá’t ibáng tao; ng̃ ika waló ay nakita siya ni Makaraig na may binábantayán sa daang Hospital, sa kalapít ng̃ konbento ng̃ Sta. Clara, nang kasalukuyang tinútugtóg ang mg̃a kampanà ng̃ simbahan; nang iká siyam ay nákita siyang mulî ni Camaroncocido sa paligid ng̃ dulàan na nakípag-usap sa isáng warì’y nag-aaral, pumasok at mulîng lumabás, at nawalâ sa dilím na ibinibigáy ng̃ mg̃a punò.

—At anó sa akin?—ang sabing mulî ni Camaroncocidó—¿anó ang mahihitâ kó sa pagsasabi sa bayan?

Si Basilio, gaya ng̃ sabi ni Makaraig, ay hindî rin nanood ng̃ palabás. Ang kaawàawàng nag-aaral sapól ng̃ manggaling sa San Diego upang tubusín sa pagkaalilà ang kaniyang katipang si Hulî, ay mulîng hinaráp ang kaniyáng mg̃a aklát, ang panahón niya’y dinádaan sa hospital, sa pag-aaral ó sa pagkakaling̃à kay kapitáng Tiago, na binábaka ang sakít nitó.

Ang may sakít ay nagíng ugalìng bugnót; sa kaniyang masasamâng sandalî, kapag nanglalambót dahil sa kakauntîan ng̃ apian na pinupunyagî ni Basiliong mapahinà, ay sinusumbatán [224]itó, sinásaktán, minumura; tinitiís ni Basilio na kinakalamay ang loob dahil sa batíd na ang kaniyang ginágawâ ay ikabubuti ng̃ pinagkakautang̃an niya ng̃ malakí, at kung gipít na gipít na lamang sakâ napapahinuhod; matapos masiyahan ang gawì, ang masamâng hilig, ay bumubuti ang ulo ni kapitang Tiago, nalulumbáy, tinatawag siyang anák, nápapaiyák sa pag-aalala sa paglilinkód ng̃ binatà, ang mabuting pang̃ang̃asiwà sa kaniyang mg̃a paupaháng bahay at sinasabing siya niyang pamamanahan; malungkót na napapang̃itî si Basilio at iníisip na sa buhay na itó’y ginagantî pa ng̃ mabuti ang pag-ayò sa masamâng hilig kay sa pagtupád sa katungkulan. Hindî bibihiràng náiisip niyang pabayàan nang lumubhâ ang sakít at patung̃uhin sa libing̃an ang nag-aampón sa kaniyá, sa isáng landás na kinalatan ng̃ bulaklák at magagandáng larawan, kay sa pahabàin ang buhay sa pamag-itan ng̃ pagtitipíd.

—¡Hang̃ál na tao akó!—ang madalás na sabi sa sarili—ang karamihan ay hang̃ál at yayamang nagbabayad....

Ng̃unì’t iniíiling ang ulo at inaalaala si Hulî, ang malawak na kinabukasang nasa sa kaniyang haráp; iniisip niyang mabuhay nang hindî dudung̃isan ang kaniyang budhî. Ipinatutuloy ang pang̃ang̃alagàng takdâ at nagbabantáy.

Gayón man, ang may sakít ay lumulubhâng untîuntî sa araw araw. Si Basilio, na nagpasiyang untîan ng̃ untîan ang nahihitít ó kung dî man ay hindî pinapayagang humitít ng̃ higít kay sa karaniwan, ay nátatagpûán niya sa panggagaling sa hospital ó sa isáng pagdalaw na nákakatulog ang may sakít ng̃ mabigát na tulog ng̃ naáapian, na naglálawáy at namumutlâng warì’y patáy. Hindî mahulò ng̃ binatà kung saan nanggagaling ang apian; ang mg̃a tang̃ìng nagsisidalaw sa bahay ay si Simoun at si P. Irene, ang una’y bibihiràng pumaroon, at itó namáng isá’y walâng humpáy sa pagbibilin sa kaniyá na higpitán at huwag babaguhin ang pang̃ang̃alagà at huwag punahín ang mg̃a pagkamuhî ng̃ maysakít, sapagkâ’t ang unang dapat ganapin ay ang máiligtás.

—Tumupád kayó sa inyóng katungkulan, bínatà,—ang sabi sa kaniya—tumupád kayó sa inyóng katungkulan.

At binibigyán siyá ng̃ isáng muntîng sermon na ukol sa bagay na iyón, sa pamag-itan ng̃ isáng boông pananalig at sigabó, na si Basilio’y nagkákaroón tulóy ng̃ pagkalugód sa [225]nang̃ang̃aral. Bukód sa roón ay pinapang̃akùan siyá ni P. Irene ng̃ isáng mabuting mápapasukan, isáng mabuting lalawigan, at pinabanaagan pa sa kaniyá ang pangyayaring siyá’y máhalál na katedrátiko. Si Basilio namán, kahì’t hindî napadádalá sa mg̃a pag-asa, ay nagpápakunwarîng naníniwalà at sumúsunód sa iniuutos ng̃ sarili niyáng budhî.

Nang gabíng iyón, samantalang itinátanghál ang Les Cloches de Corneville, si Basilio ay nag-aaral sa haráp ng̃ isáng matandâng dulang, sa tulong ng̃ liwanag ng̃ isáng ilawáng lang̃ís, na ang pantallang bubog na malabò ay nakatátakíp at nakadídilím sa kaniyáng mukhâ. Isáng lumàng bung̃ô, iláng butó ng̃ tao, at iláng makakapál na aklát na mabuti ang pagkakahanay ay siyáng nakakalat sa dulang na mayroón pang isáng palanganang tubig at isáng esponha. Isáng amóy apiang nanggagaling sa kanugnóg na silíd, ay nakapagpápabigát sa hang̃in at nakapagpápaantók sa kaniyá, ng̃unì’t ang binatà’y naglálabán sa pamag-itan ng̃ pagbasâ manakânakâ sa kaniyáng noo’t mg̃a matá, handâ sa hindî pagtulog hanggáng sa matapos ang aklát. Iyó’y isáng bahagi ng̃ Medicina Legal at Toxicologia ni Dr. Mata, isáng aklát na kaniyáng náhirám at dapat isaulì sa may-arì sa lalòng madalîng panahón. Ang katedrátiko ay ayaw magturò ng̃ hindî alinsunod sa kumathâng iyón at si Basilio ay walâng sapát na salapî upang makabilí ng̃ aklát na iyón sapagkâ’t sa dahiláng yaón ay bawal ng̃ mg̃a tagasurì sa Maynílà at kailang̃an ang suhulan ang maraming kawaní upang maipasok, ay malakíng halagá ang hiníhing̃î ng̃ mg̃a mang-aaklát. Buhós na buhós ang pag-iisip ng̃ binatà sa kaniyáng pag-aaral, kayâ’t hindî man pinansín ang iláng mumuntîng aklát na ipinadalá sa kaniyáng galing sa labás na hindî maalaman kung saan, mg̃a aklát na tumutukoy sa Pilipinas, na doo’y kasama ang sa kapanahunang iyón ay siyáng nápupuná ng̃ lahát dahil sa masamâ at kalait-lait na pagpapalagáy sa mg̃a anák ng̃ bayan. Walâng kapanápanahón si Basilio upang silá’y mabuksán; marahil ay nakapípigil din sa kaniyá ang pag-aalala na hindî masaráp ang tumanggáp ng̃ isáng pag-alímura ó isáng paghamon at hindî makapagtanggól ó makatugón. Noon ng̃â, ang paglilitis sa anó mang lathalà, ay nagpapabayàng dustâín ang mg̃a pilipino, ng̃unì’t ipinagbabawal sa mg̃a itó ang sumagót.

[226]Sa gitnâ ng̃ katahimikang naghaharì sa bahay, na nabubulahaw lamang sa iláng mahínàng paghíhilík na galing sa kabilâng silíd, ay nakáding̃íg si Basilio ng̃ madalás na yabág sa hagdanan, mg̃a yabág na dumaan sa caida at tung̃o sa kaniyang kinalalagyán. Itinaás niya ang kaniyáng ulo, nákitang nábukás ang pintûan at sumipót ang mapangláw na anyô ni Simoun, sa gítnâ ng̃ kaniyang pagkakamanghâ.

Mulâ sa pagtatagpô nilá sa S. Diego, ay hindî pa nakikipagkita si Simoun, ni sa binatà, ni kay kapitang Tiago.

—¿Anó ang lagáy ng̃ may sakít?—ang tanóng na tiningnáng sumandalî ang silíd at nápatitig sa mg̃a mumuntîng maninipís na aklát, na aming binanggít, na hindî pa napuputol ang mg̃a dahon.

—Ang tibók ng̃ pusò ay babahagyâ.... ang pulsó ay mahinàngmahinà.... pagkain, ay hindî makakain ng̃ anómán,—ang tugóng marahan ni Basilio na malungkót ang ng̃itî—sa magmamadalîng araw ay pinagpapawisan ng̃ katakot-takot.

At sapagkâ’t nakikitang si Simoun, dahil sa tung̃o ng̃ mukhâ, ay nakating̃ín sa mg̃a tinurang mumuntîng aklát at sa pang̃ing̃ilag na mulîng mábanggit ang pinag-usapan sa gubat, ay nagpatuloy:

—Ang boông katawán ay nakakalatan na ng̃ lason; bukas ó makalawá ay mangyayaring mamatáy na warì’y tinamàán ng̃ lintík.... ang lalòng maliit na sanhî, isáng walâng kabuluháng bagay, isáng sulák ng̃ kalooban ay mangyayaring makamatáy sa kaniyá....

—¡Gaya ng̃ Pilipinas!—ang mapangláw na sabi ni Simoun.

Hindî napigil ni Basilio ang isáng ng̃iwî, at sa dahiláng ipinasiya na niya ang huwag mulîng mapag-usapan ang bagay, ay nagpatuloy na warì’y walâng anománg náding̃íg:

—Ang lalòng nakapagpapahinà sa kaniyá ay ang mg̃a pagpapanaginíp, ang kaniyáng mg̃a pagkatakot....

—¡Gaya ng̃ pamahalàan!—ang mulîng turing ni Simoun.

—May iláng gabí nang nágisíng ng̃ walâng ilaw at inakalàng siya’y nabulag; nangguló ng̃ katakottakot, naghinagpís at linait akó na ang sabi’y dinukit ko ang kaniyang mg̃a matá.... Nang pumasok akóng may daláng ilaw ay pinagkámalan akóng si P. Irene at tinawag akóng kaniyáng tagapagligtás....

[227]—¡Walâng pinag-ibhán sa pamahalàan!

—Kagabí—ang patuloy ni Basilio na nagbibing̃ibing̃ihan—ay nagbang̃on at hining̃î ang kaniyáng manók, ang kaniyáng manók na may tatlóng taóng patáy na, napilitan akóng bigyán siyá ng̃ isáng inahín, at ng̃ magkágayon ay pinakapuripuri akó’t pinang̃akùan ng̃ libolibo....

Nang mg̃a sandalîng iyon ay tumugtóg ang isáng orasán ng̃ ikasampû’t kalahatì.

Si Simoun ay kinilabutan at pinigil ang binatà sa isáng kilos.

—Basilio—ang marahang sabi—pakinggán ninyó akóng mabuti, sapagkâ’t ang mg̃a sandalîng itó’y lubhâng mahalagá. Nakikita kong hindî man ninyó binuksán ang mg̃a aklát na ipinadalá ko; walâ kayóng pagling̃ap sa inyóng bayan....

Ang binatà’y nagtangkâng mang̃atwiran.

—¡Hindî na kailang̃an!—ang matigás na patuloy ni Simoun—Sa loob ng̃ isáng oras ay susulák ang himagsikan sa isáng hudyát kó, at bukas ay walâ na ang pag-aaral, walâ nang Universidad, walâ kundî labanán at patayan. Inihandâ ko na ang lahát at hindî mahahadlang̃án ang aking tagumpáy. Kapag kamí’y nanaíg, lahát niyong makatutulong sa amin at hindî kumilos, ay aarìing kalaban. ¡Basilio naparito akó upang ialók sa inyó ang inyóng kamatayan ó ang inyóng tútung̃uhing kinabukasan!....

—¡Ang aking kamatayan ó ang aking kinabukasan!—ang ulit na warì’y walâng nalilinawan.

—Sa piling ng̃ pamahalàan ó sa piling namin—ang sabi ni Simoun—sa mg̃a sumisiil ó sa inyóng bayan. ¡Magpasiya kayó sapagkâ’t tumátakbó ang panahón! ¡Naparito akó upang kayó’y iligtás alang-alang sa mg̃a alaalang nagtalì sa atin!

—¡Sa mg̃a mániniil ó sa aking bayan!—ang marahang ulit.

Ang binatà’y litó; tinitingnán ang manghihiyas ng̃ matáng kinalalarawanan ng̃ pagkasindák, naramdamáng ang kaniyang mg̃a paa’t kamáy ay nanglálamíg at libo-libong nagkakasalimuut na pagkukurò ang nagdáraán sa kaniyáng pag-iisip; nakikitang ang mg̃a lansang̃an ay nagdadanak sa dugô, nádiding̃íg ang putukan, nápapagitnâ siyá sa mg̃a patáy at sugatán at ¡katang̃ì tang̃ìng lakás ng̃ hilig! nakikita niyáng siyá, na suót ang damít sa paggawâ, ay nagpúputól ng̃ mg̃a hità’t nag-áalís ng̃ mg̃a punlô.

[228]—Hawak ko ang kalooban ng̃ pamahalàan—ang patuloy ni Simoun—aking ipinará at inaksayá ang kauntî niyáng lakás at magugugol sa mg̃a halíng na pagsalakay, at sinilaw ko siyá sa kapakinabang̃áng máduduwít; ang mg̃a pang̃ulo niyá ay tahimik na nang̃asa dulàan ng̃ayón at nang̃alílibáng sa pag-iisíp ng̃ isáng gabíng lipus kasayahan, ng̃unì’t walâng isá mang hihilig na mulî sa unan.... Mayroón akóng mg̃a regimiento at mg̃a taong nasa aking kapamahalàan, pinapaniwalà ko ang ilán na ang may utos ng̃ panghihimagsík ay ang General, ang ibá’y pinaniwalà kong ang mg̃a prayle ang may kagagawán; ang ilán ay binilí ko sa pang̃akò, sa katungkulan, sa salapî; ang marami, ang maraming marami ay kikilos upang makagantí, sapagkâ’t nang̃asisiíl at sa dahiláng nátatayô sa kalagayang mamatáy ó pumatáy.... Si kabisang Tales ay nasa sa lupà at sinamahan akó hanggáng dito! Inuulit ko sa inyó ¿sásama kayó sa amin ó ninanasà ninyó ang málaán sa pagdaramdám ng̃ aking mg̃a kabig? Sa mg̃a sandalîng mapang̃anib ang hindî pag-ayon sa kanino man ay isáng paglagáy sa kamuhîán ng̃ dalawáng pangkát na magkalaban.

Makáiláng hinaplós ni Basilio ang kaniyáng mukhâ na warìng ibig mágisíng sa isáng bang̃ung̃ot; náramdamáng ang kaniyáng noo’y malamíg.

—¡Magpasiyá kayó!—ang ulit ni Simoun.

—¿At anó.... ang kailang̃an kong gawín?—ang tanóng na ang tíng̃ig ay pipî, baság, mahinà.

—Isáng bagay na lubhâng madalî—ang tugón ni Simoun na ang mukhâ’y naliwanagan ng̃ isáng sinag ng̃ pag-asa—sa dahiláng pamamahalàan ko ang kilusán, ay hindî ko maiiwan ang alín mang labanán. Kaílang̃an ko, na samantalang ang kaguluhan ay nasa ibá’t ibáng pook ng̃ siyudad, ay pang̃uluhan ninyó ang isáng pulutóng, igibâ ang pintûan ng̃ Sta. Clara at kunín ninyó doon ang isáng tao na liban na sa akin at kay kapitáng Tiago ay kayó lamang ang makakákilala.... Kayó’y hindî mápapang̃anib.

—¡Si María Clara!—ang bulalás ng̃ binatà.

—¡Oo, si María Clara!—ang ulit ni Simoun, at noon lamang nagkaroon ng̃ tunóg na malungkót at malumanay ang kaniyáng ting̃ig—ibig ko siyang iligtás, upang iligtás lamang siya kung kayâ ninasà ko ang mabuhay, nagbalík akó.... [229]¡ginawâ ko ang hímagsíkan sapagkâ’t ang isáng himagsíkan lamang ang makapagbubukás sa akin ng̃ pintô ng̃ mg̃a kombento!

—¡Ay!—ani Basilio na pinagduóp ang kamáy—¡náhulí kayó, lubhâng hulí!

—At ¿bakit?—ang tanóng ni Simoun na ikinunót ang kilay.

—¡Si María Clara ay namatáy na!

Sa isáng lundág ay nápatindíg si Simoun at hinandulong ang binatà.

—¿Namatáy?—ang tanóng na ang ting̃ig ay nakapang̃ing̃ílabot.

—Kaninang hapon, ika anim; ng̃ayón marahil ay....

—¡Hindî totoó!—ang sigáw ni Simoun na namumutlâ’t ang matá’y nanglílisik—¡hindî totoó! ¡Si María Clara ay buháy, si María Clara ay kailang̃ang mabuhay! Iyan ay isáng duwag na pagdadahilán.... ¡hindî mamámatáy, at ng̃ayóng gabí’y ilíligtás ko siya ó bukas ay patáy kayó!

Ikinibít ni Basilio ang kaniyang balikat.

—May iláng araw nang nagkasakít at akó ay pumaparoon sa kombento upang makibalità. Tingnán ninyó, nárito ang sulat ni P. Salvi na dalá rito ni P. Irene. Magdamág na nag-iiyák si kapitang Tiago na hinahagkán at hiníhing̃áng tawad ang larawan ng̃ kaniyáng anák hanggáng sa natapos sa paghitít ng̃ maraming apian.... Kaninang hapon ay tinugtóg ang kaniyang agonías.

—¡Ah!—ang bulalás ni Simoun na piniglán ng̃ dalawáng kamáy ang ulo at nápahintô.

Naaalaala ng̃âng nakading̃íg siya ng̃ tugtóg ng̃ agonías samantalang nanunubok sa paligid ng̃ kombento.

—¡Patáy!—ang mahinàng bulóng na warìng ang nagsasalitâ’y isáng anino—¡patáy! namatáy nang hindî ko man lamang nákita, namatáy ng̃ hindî nalalamang akó’y nabubuhay nang dahil sa kaniyá, namatáy ng̃ nagtitiis!....

At sa pagdaramdám ng̃ isáng sigwáng kalagímlagím, isáng sigwáng may kulóg at buhawi na waláng paták ng̃ ulán, hinagpís na walâng luhà, sigáw na walâng salitâ, nagng̃ang̃alit sa kaniyang díbdíb at nagtatangkâng umapaw na warî’y bugá ng̃ bolkán na malaong natimpî, ay biglâng umalís sa kinalalagyáng silid. Náding̃íg siya ni Basilio na pumápanaog [230]ng̃ hagdán, na ang lakad ay walâng tuto; náding̃íg ang isáng timpîng sigáw, sigáw na warìng nagsasabi ng̃ pagsapit ng̃ kamatayan, malalim, katang̃ìtang̃ì, kahambál-hambál, kayâ’t ang binatà’y tumindíg na namumutlâ’t nang̃ing̃iníg sa kinauupán, ng̃unì’t náding̃íg ang yabág na papalayô at ang pintô sa daan na nag-umugong sa pagkakásará.

—¡Kaawàawàng tao!—ang bulóng at ang kaniyang mg̃a matá’y napunô ng̃ luhà.

At hindî na naalaala ang pag-aaral, at ang ting̃ín ay sa malayò, ay iniisip-isip ang kapalaran ng̃ dalawáng iyon: ang isá’y binatà, mayaman, bihasá, malayà, nakapagpapasiya sa sarilìng kabuhayan, may magandáng kinabukasan, at ang babai’y kasinggandà ng̃ isáng pang̃arap, malinís, lipús pananalig at walâng kamalayan sa lakad ng̃ kamunduhán, nákakandóng sa mg̃a giliw at ng̃itî, nalalàan sa isáng maligayang pamumuhay, na sambahín ng̃ kaniyang mg̃a kaanak at igagalang sa mundó, ng̃unì’t gayón man, ang dalawáng iyon na lipus ng̃ pag-ibig, punô ng̃ mg̃a adhikâ’t pag-asa, dahil sa isáng sawîng kapalaran, ang lalaki’y naglalagalág sa boong lupalop na tang̃áy ng̃ ipo-ipong dugô at luhà, naghahasík ng̃ kasamaán at hindî kabutíhan, inaapí ang kabaitan, at inaayò ang masamâng hilig, samantalang ang babai ay naghihing̃alô sa dilím na mahiwagà ng̃ claustro na kaniyáng pinasukan sa paghanap ng̃ kapayapàan, ng̃unì’t mg̃a pagbabatà marahil ang nátagpô; malinis at walâng bahid dung̃is nang siya’y pumasok at naghing̃alô siya roong warì’y bulaklák na lugás....

¡Humimbíng kang mapayapà, sawîng anák ng̃ aking walâng kapalarang bayan! ¡Dalhín mo sa libing̃an ang kariktán ng̃ iyong kabatàan, na linantá sa gitnâ ng̃ paglusog! Kapag ang isáng bayan ay hindî makapaghandóg sa kaniyang malilinis na dalaga ng̃ isáng payapàng tahanan, sa pagkupkóp ng̃ banal na kalayàan; kapag ang tang̃ìng maipamamana ng̃ lalaki sa kaniyang balo ay kahihiyán, pag-luhà sa iná at kaalipinán sa mg̃a anák, mabuti ng̃â ang kusàin ninyó ang huwag nang magbung̃a, at lunurin na sa inyóng tiyan ang binhî ng̃ mg̃a kalaitlait na iaanák. Ah, mabuti ka na, na hindî ka mang̃ing̃ilabot sa iyóng libing̃an sa pagkáding̃íg ng̃ sigáw ng̃ mg̃a naghihing̃alô sa kadilimán, ng̃ mg̃a nakababatíd na silá’y may pakpák ng̃unì’t nang̃akagapos, ng̃ mg̃a naiinis dahil sa walâng kalayàan. Tumung̃o ka na kaakbáy [231]ng̃ mg̃a pang̃arap ng̃ makatà sa kalang̃itang walâng hangan, anino ng̃ babaing nábanaag sa isáng sinag ng̃ buwan, na ibinúbulong ng̃ maigkás na kawayanán.... ¡Mapalad ang mamatáy ng̃ mayroong umiiyak, ng̃ nag-iiwan sa pusò ng̃ sa kaniyá’y umiibig ng̃ malinis na gunitâ, isáng banal na alaala, na hindî nadung̃isan ng̃ karumaldumal na sigabó ng̃ kalooban na lalòng lumálakí sa katagaláng panahón! ¡Sumulong ka, aalalahanin ka namin! Sa malinis na simuy ng̃ ating bayan, sa ilalim ng̃ kaniyáng lang̃it na bugháw, sa ibabaw ng̃ alon ng̃ lawàng nakukulóng ng̃ bulubunduking kulay sápiro at baybaying esmeralda; sa kaniyáng malilinaw na batisan na nilililiman ng̃ mg̃a punòng kawayan, hinihiyasan ng̃ mg̃a bulaklák at binibigyáng buhay ng̃ mg̃a tutubí’t paróparó sa kaniláng walâng tung̃o at malikót na pagliliparan na warìng nang̃agsisipaglarô sa hang̃in; sa katahimikan ng̃ ating mg̃a gubat, sa awit ng̃ ating mg̃a batisan, sa buhos na brillante ng̃ ating mg̃a talón ng̃ tubig, sa maningníng na liwanag ng̃ ating buwán, sa mg̃a buntóng hining̃á ng̃ hang̃in sa gabí, sa isáng sabi, sa lahát ng̃ bagay, na makapagpapaalala sa larawan ng̃ ginigiliw, ay makikita ka naming gaya ng̃ pinang̃arap naming anyô mo na marilág, magandá, nakang̃itîng gaya ng̃ pag-asa, kasinglinis ng̃ liwanag, dátapwâ’y malungkót at mapighatîng tinátanáw ang aming karumaldumal na kalagayan.