Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXX

Hulí

Ang pagkamatáy ni kapitáng Tiago at ang pagkakahuli kay Basilio ay napag-alamán kaagád sa lalawigan, at alang-alang sa ikadadang̃ál ng̃ mg̃a mapapayapàng tagá San Diego ay sasabihin naming dinamdám pa nang higít ang hulí at siyá lamang halos ang napag-usapan. At gaya ng̃ maaantáy, ang balità’y nagkaroon ng̃ ibá’t ibáng ayos, may nagbigáy ng̃ mg̃a pangyayaring malungkót, kakilakilabot, ipinaliwanag ang hindî nalilinawan, ang mg̃a patláng ay pinunán ng̃ mg̃a hakàhakà, ang mg̃a itó’y nagíng parang tunay na nangyari at ang multóng sumipót sa gayón ay nakatakot na, sampû sa mg̃a tunay na may likhâ.

Sa bayan ng̃ Tiani ay nabalità na batàng batá na sa kaniya ang mapatapon at marahíl ay patayín sa paglalakbáy na tung̃o sa tatapunán. Ang mg̃a matatakutín at mapaghinalà ng̃ masamâ ay hindî pa nasisiyahán sa gayón at pinag-uusapan ang mg̃a bitayán at mg̃a hukumang kawal; ang Enero ay isáng masamâng buan, Enero nang mangyari ang guló sa Kabite, at ang mg̃a taong iyón, gayóng [284]mg̃a parì na, ay nang̃abitay; kayâ’t ang isáng marálitâng kagaya ni Basilio na walâng sukat mag-ampón at walâng mg̃a kakilala....

—¡Sinasabi ko na!—ang buntóng hining̃á ng̃ Hukom pamayapà na warìng minsan man lamang ay nabigyán niya ng̃ isáng payo si Basilio—sinasabi ko ná....

—¡Sadyâng ganiyán ang maaantáy!—ang dugtóng ni hermana Penchang—pumapasok sa simbahan at kapág nakitang marumí ng̃ kauntî ang agua bendita ay hindî na nag-aantandâ! May sinasabing mg̃a mumuntîng hayop at mg̃a sakít, abá, parusa ng̃ Dios! ¡Nararapat iyon sa kaniyá! Warì bagáng ang agua bendita ay mangyayaring makapagpahawa ng̃ mg̃a sakít! Lubhâ pa ng̃âng kaibá, abá.

At ibinuhay ang kaniyáng paggalíng sa isáng pagkasirà ng̃ tiyan sa paglalagáy lamang ng̃ agua bendita sa pusod, na sabáy sa pagdadasál ng̃ Sanctus Deus, at inihahatol ang kagamutan sa mg̃a kaharáp, kapag nang̃agkasakít ng̃ iti ó kabag ó kung may salot, datapwâ’y kailang̃ang dasalín lamang kung gayón sa wikàng kastilà:

Santo Dios
Santo fuerte
Santo inmortal,
Líbranos Señor de la peste
Y de todo mal.

—Ang kagamutan ay walâng pagkasirà, ng̃unì’t lalagyán ng̃ agua bendita ang dakong masakít ó may damdám,—aniyá.

Datapuwâ’y marami sa mg̃a lalaki ang hindî naniniwalà sa mg̃a bagay na itó, ni hindî ipinalalagáy na parusa ng̃ Dios ang pagkakabilanggô ni Basilio. Hindî rin nang̃aniniwalà sa mg̃a panghihimagsík at mg̃a paskín, sa pagkakilala sa ugalìng ibayo pa ng̃ pagkamapayapà at pagkamaing̃at ng̃ nag-aaral, at minagalíng pang iambíl ang gayón sa mg̃a paghihigantí ng̃ mg̃a prayle, dahil sa pagkakátubós sa pagkaalilà, kay Hulî, na anák ng̃ tulisáng mahigpít na kalaban ng̃ isáng malakás na corporación. At sa dahiláng may masamâ siláng pagkákilala sa mg̃a kaugalìan ng̃ korpórasióng iyon at naaalaala ang mg̃a abâng paghihigantí, ay ipinalagáy, na, ang mg̃a hulòhulòng iyon ay siyang malapitlapít na nangyari at siyáng mapaniniwalàan.

—¡Mabuti ng̃â ang nágawâ kong pinalayas sa aking bahay [285]ang babai!—ang sabi ni hermana Penchang—ayokong makipagsirâ sa mg̃a prayle, kayâ’t pinagmadalî kong humanap ng̃ salapî.

Ang katotohanan ay dinamdám niya ang pag-layà ni Hulî; inaakò siya ni Hulî sa pagdadasál at pag-aayuno, at kung lumagì pa ng̃ mahabâhabâng panahón ay marahil nagdigala ng̃ dahil sa kaniyá. ¿Bakit, kung ang mg̃a kura ay nagdádasál ng̃ patungkol sa atin at si Kristo ay namatáy dahil sa ating mg̃a kasalanan, bakit hindî makagagawâ ng̃ gayon din si Hulî na patungkol kay hermana Penchang?

Nang ang balità’y nakasapit sa kubong tinitirahan ni Hulî at nang kaniyáng lelong, ay nang̃ailang̃an ang dalaga na uliting makálawa ang balità. Tiningnán si hermana Balî, na siyang nagbabalità, na warìng hindî maliwanagan ang sinasabi, hindî mapagtuwíd ang kaniyáng pagkukurò; naghumugong ang kaniyáng mg̃a taing̃a, nagkaramdám ng̃ pagsisikíp ng̃ pusò at nagtagláy ng̃ isáng kutób ng̃ kalooban, na ang pangyayaring yaón ay makapagbibigay hapis sa kabuhayan niyáng sásapítin. Gayon ma’y tinangkâng manang̃an sa isáng banaag ng̃ pag-asa, ng̃umitî, inakalàng binibirò siyá ni hermana Balî ng̃ isáng masamâng birò, ng̃unì’t dî pa man ay ipinatatawad na niyá kung sasabihing birò ng̃â, ng̃unì’t pinagkurús ni hermana Balî ang kaniyáng hinglalakí’t hintuturò at hinagkán, sa katunayang totoo ang kaniyáng sinasabi. Sa gayón ay nawalâ na ang ng̃itî sa labì ng̃ dalaga, namutlâ, maputlâng maputlâ, naramdamáng nawalán siyá ng̃ lakás at, noon lamang nangyari sa boô niyang buhay, nawalán ng̃ diwàng tuminbuang.

Nang sa káhahampás, kákukurót, wisík ng̃ tubig, mg̃a krús at paglalagáy ng̃ mg̃a palaspás na benendita ay pinagsaulán ang dalaga at napag-unawà ang kaniyáng kalagayan ay piping bumalong sa kaniyáng mg̃a matá ang luhà, sunód sunód ang paták, walâng hibík, walâng panaghóy, walâng daíng! Inaalaala niyá si Basilio na walâng ibáng tagapag-ampón kung dî si kapitáng Tiago, at sa pagkamatáy nitó, ay lubós nang nawalán ng̃ kandili at kalayàan. Batid nang sa Pilipinas ay kailang̃an ang ninong sa lahát ng̃ bagay, mulâ sa araw na binibinyagán ang isáng tao hanggáng sa mamatáy, sa pagtatamó ng̃ katwiran, sa pagkuha ng̃ isáng katibayan sa paglalakbáy ó upang magawâ ang isáng paghahanap-buhay. [286]At sa dahiláng sinasabing ang pagkakábilanggông yaón ay alinsunod sa mg̃a paghihigantí ng̃ dahil sa kaniyá at sa kaniyáng amá, ang kalungkutan ng̃ binibini ay nagíng isáng paghihinagpís. Ng̃ayón ay siyá namán ang nárarapat na magligtás, gaya ng̃ ginawâ ng̃ lalaki ng̃ siya’y alisín sa pagkaalilà, at ang isáng boses na lihim ang nag-uudyók sa kaniyá ng̃ gagawín at naghahain sa kaniyáng pag-iisip ng̃ isáng kakilakilabot na paraan.

—¡Si P. Camorra, ang kura!—ang sabi ng̃ boses.

Si Hulî’y nápapakagát labì at nahuhulog sa isáng malamlám na pag-iisíp.

Dahil sa pagkakasala ng̃ kaniyáng amá ay dinakíp ang lelong, sa pag-asang sa gayóng paraan ay lilitáw ang anák. Ang tang̃ìng nakapagbigáy ng̃ kalayàan ay si P. Camorra, at si P. Camorra ay nagpakilala ng̃ dî kasiyahang loob sa mg̃a pasasalamat at sa pamag-itan ng̃ kaniyáng karaniwang ugalìng tiyakan kung magsalitâ ay huming̃î ng̃ mg̃a paghahandóg.... Mulâ noon ay iniwasan ni Hulî ang siya’y mákatagpô, ng̃unì’t pinahahalík siya ng̃ kamáy ng̃ parì, hinihipò siya sa ilóng, sa pisng̃í, biníbirò siyáng may mg̃a kindát at tumatawa, tumatawang siya’y kinúkurot. Si Hulî ang sanhî ng̃ pagkakabugbóg ng̃ mabuting kura sa iláng bìnatà na naglilibót sa nayon at nanánapatan sa mg̃a dalaga. Ang mg̃a mapaghinalà, kung nakikita siyáng nagdáraan na walâng kaimík-imík at nakatung̃ó, ay nagsasabing ipinadíding̃íg sa kaniyá:

—¡Kung iibígin, ay magtatamóng kapatawarán si kabisang Tales!

Ang binibini’y dumáratíng na malungkót sa kaniyáng bahay at susuling suling ang matá.

Malakí ang ipinagbago ni Hulî; nawalâ ang kaniyáng kasayahan, walâng nakakitang siya’y ng̃umitî, bahagyâ ng̃ magsalitâ at warì mandíng nang̃ang̃ambáng malasin ang mukhâ niyáng sarili. Minsan ay nakita siya sa bayan na may malakíng guhit na uling sa noo, siya, na palagìng maayos at mahusay ang gayák kung lumakad. Minsan ay itinanóng kay hermana Balî kung nátutung̃o sa impierno ang mg̃a nagpapatiwakál.

—Walâng sala!—ang tugón ng̃ babai, at isinalaysáy ang poók na iyón na warìng siyá’y galing doón.

Dahil sa pagkakábilanggô ni Basilio, ang mg̃a dukhâ’t [287]marunong luming̃ap na mg̃a kaanak ay gumawâ ng̃ lahát ng̃ magagawâ upang máiligtás ang binatà; ng̃unì’t sa dahiláng siláng lahát ay hindî pa makabuô ng̃ tatlóng pûng piso, ay si hermana Balî, gaya rin ng̃ dati, ang siyáng nagkaroón ng̃ lalòng mabuting akalà.

—Ang dapat nating gawín ay ang huming̃îng sanggunì sa taga-sulat,—aniyá.

Sa mg̃a abâng taong iyón, ang taga-sulat sa tribunal ay siyáng oráculo sa Delfos ng̃ matatandâng griego.

—Bigyán lamang ng̃ sikapat at sakâ isáng tabako,—ang dugtóng—ay sasabihin pa sa iyo ang lahát ng̃ batás na magpapalakí ng̃ ulo mo sa pagding̃íg sa kaniyá. Pag mayroón kang piso ay maililigtás ka kahì’t nasa sa paanán ka ng̃ bibitayán. Nang ipasok sa bilanggùán ang kapit bahay kong si Simón at hinagupít ng̃ palò, dahil sa hindî nakapagpahayag ng̃ ukol sa isáng nakawáng nangyari sa malapit sa kaniyáng bahay, abá ¡sa halagáng kahatì’t sikolo lamang at isáng balukay na bawang, ay nakuha siya ng̃ taga-sulat! At nákita ko si Simón na babahagyâ nang makalakad at náhigâng isáng buang mahigít. ¡Ay! nabulók ang pigî, abâ ¡at namatáy dahil doón!

Ang payo ni hermana Balî ay tinanggáp at siyá na ang nakipag-usap sa taga-sulat; binigyán siyá ni Hulî ng̃ isáng salapî at dinagdagán pa ng̃ iláng putol na pindáng na usá na náhuli ng̃ lelong. Mulî na namáng inatupag ni tandâng Selo ang pang̃ang̃aso.

Ng̃unì’t walâng magawâ ang taga-sulat; ang bilanggô ay nasa Maynilâ at hindî umaabot doón ang kaniyáng lakás.

—¡Kung nasa sa kabesera man lamang, maná pa!..—ang sabi na ipinagpaparangyâ ang kaniyáng kaya.

Lubós na batíd ng̃ tagasulat na ang kaniyáng lakás ay hindî lumalampás sa mg̃a hanggahan ng̃ Tianì, ng̃unì’t kailang̃an niya ang huwag masirà ang pananalig sa kaniyá at upang maiwan ang pindáng na usá.

—Ng̃unì’t mabibigyán ko kayó ng̃ isáng mabuting payo, na dìlì ibá kundî ang pumaroón kayóng dalawá ni Hulî sa Hukom pamayapà. Kailang̃ang pumaroón si Hulî.

Ang Hukom pamayapà ay isáng taong pabugál-bugál, ng̃unì’t kung makikita si Hulî marahil ay mapipigil ng̃ kauntì ang dating ugalì: náriritó ang katalinuhan ng̃ payo.

[288]Pinakinggáng walâng kaping̃asping̃as sa tigás ng̃ ginoong Hukóm si hermana Balî, na siyáng nagsasalitâ, na maminsanminsan ay tinitingnán ang dalagang nakatung̃ó at hiyâng hiyâ. Masasabí na lamang ng̃ tao na malakí ang pagling̃ap niya kay Basilio, hindî naáalala ng̃ mg̃a tao ang kaniyáng utang na loob at na ang sanhî ng̃ pagkakábilanggông iyon, ayon sa balità, ay dahil sa kaniya.

Matapos makadigháy ng̃ makáitló ó makaapat, sapagkâ’t may masamâng ugalìng itó ang ginoong Hukóm, ay nagsabing ang tang̃ìng makapagliligtás kay Basilio ay si P. Camorra, kung íibigin niya—at tiningnán ng̃ may makahulugáng títig ang binibini.—Itó’y pinápayuhan niyáng makípag-usap sa kura.

—Alám na ninyó ang kaniyáng lakás; nakuha sa pagkakábilanggô ang inyóng nunò.... Sukat na ang isáng salítâ niya upang mapasa tatapunán ang isáng batàng bagong pang̃anák ó máligtas sa kamatayan ang isáng binitay.

Si Hulî ay hindî umíimík, ng̃unì’t sa ganang kay hermana Balî ay warìng nabasa sa isáng nobena ang hatol: laan siyáng samahan sa bahay ng̃ parì ang dalaga. Lilimós pa namán siya ng̃ isáng kalmen sa halagáng isáng salapî.

Dátapwâ’y umíilíng si Hulî at ayaw pumaroon sa kombento. Si hermana Balî ay warìng nakararamdám sa sanhî ng̃ pag-ayáw (si P. Camorra ay may katawagán ding si kabayo at nápakalikót) at pinanánahimik siya:

—¡Walâ kang dapat ikatakot! kasama mo akó!—aniya—¿hindî mo ba nabasa sa muntîng aklát na Tandang Basio na bigáy ng̃ kura, na ang mg̃a dalaga’y dapat pumaroon sa kombento, kahì’t hindî nálalaman ng̃ mg̃a magulang, upang ipagsabi ang nangyayari sa bahay? Abá! Ang aklát na iyón ay nálimbág nang may pahintulot ang Arsobispo, abá!

Si Hulî, iníp na’t sa nasàng putulin ang usapan, ay namanhík sa mapanata na siyang pumaroon kung ibig, ng̃unì’t sinabi ng̃ Hukóm, sabáy sa pagdígháy, na ang samò ng̃ isáng mukhâ ng̃ dalaga ay nakaaakit ng̃ malakí kay sa mukhâ ng̃ isáng matandâ, na ang lang̃it ay nagkakalat ng̃ kaniyáng hamóg sa mg̃a sariwàng bulaklák at hindî sa mg̃a tuyô na. Ang talinhagà’y nagíng isáng magandáng kahalayan.

Si Hulî’y hindî sumagót at nanaog ang dalawáng babai. Sa daan ay nagmatigás ang dalaga sa pag-ayáw na pumaroon [289]sa kombento, kayâ’t nang̃agsiuwî sa kaniláng nayon. Si hermana Balî na sumamâ ang loob dahil sa kakulang̃án ng̃ pagtitiwalà, gayóng siya’y kasama, ay naghihigantí sa paraang binigyán ng̃ isáng mahabâhabâng sermon ang binibini.

Sadyâ ng̃âng hindî magagawâ ng̃ dalaga ang pagparoong iyon sa kombento nang hindî susuwatán ang kaniyáng sarili, na hindî siyá susuwatán ng̃ tao, na hindî siyá susuwatán ng̃ Dios! Makáilán nang sinabi sa kaniyá, may katwiran ó walâ, na kung susundín ang hang̃ád sa kaniyá, ay patatawarin ang kaniyáng amá, ng̃unì’t gayón man ay hindî siyá pumayag, kahì’t na isinísigáw sa kaniyá ng̃ kaniyáng budhî ang pag-aalaala ng̃ kautang̃án sa magulang. ¿At ng̃ayón ay gágawín niyá ng̃ dahil kay Basilio, dahil sa kaniyáng kasintahan? Yaón ay isáng pagsadlák sa mg̃a kutyâ at paglibák ng̃ lahát ng̃ tao, sampûng si Basilio ay aalipustâ sa kaniyá; hindî mangyayari ang gayón, magpakailan man! Magbibigtí na muna siyá ó magtatalón sa alín mang bang̃ín. Kahì’t na anó ang gawín ay nasuwatán na siyá na masamâng anák.

Binatá pa rin ng̃ kaawàawàng si Hulî ang mg̃a sisi ng̃ kaniyang mg̃a kamag-anak, na sa dahiláng hindî nakababatíd ng̃ nangyayari sa kanilá ni P. Camorra, ay kinúkutyâ ang kaniyang mg̃a katakután. Máiibigan bagá ni P. Camorra ang isáng dalagang tagá bukid gayóng marami namán sa bayan? At tinukoy ng̃ mg̃a babai, ang mg̃a pang̃alan ng̃ mg̃a dalagang magagándá’t mayayaman, na nagkaroon ng̃ ganitó ó gayóng kasawîán. At samantala’y ¿kung barilín si Basílio? tinátakpán ni Hulî ang kaniyang taing̃a, lumiling̃ap sa lahát ng̃ sulok at humahanap ng̃ isáng ting̃ig na sukat magtanggól sa kaniyá, tiningnán ang kaniyang lelong; ng̃unì’t ang lelong ay pipi at nakatitig sa dulo ng̃ kaniyáng tandós na gamit sa pang̃ang̃aso.

Nang gabíng yaón ay bahagyâ nang nákatulog. Mg̃a bung̃ang tulog át panaginip, kung minsán ay kahambálhambál, kung minsán ay madugô, ang nagdáraan sa kaniyáng matá at sandásandalî’y nágigisíng na pigtâ sa malamig na pawis. Parang nakadiding̃ig siyá ng̃ putukan, parang nákikita ang kaniyang amá, ang amá niyang nagsumakit ng̃ lubhâ dahil sa kaniyá, na nakikipaghamok sa mg̃a kagubatan, hinuhuling warì’y isáng hayop sapagkâ’t siya’y nag alinlang̃ang kaniyáng iligtás. At [290]ang larawan ng̃ kaniyáng amá’y nagbago at nákita ni Basilio na naghihing̃alô at tinítitigan siya ng̃ mg̃a ting̃íng sumisisi. Ang kahabághabág ay titindíg, magdadasál, tataghóy, tatawagan ang kaniyáng iná, ang kamatayan, at sumapit ang sandalî na, patâ na sa sindák, kung hindî lamang nagíng gabí noon ay tumakbó na sanang tuloytuloy sa kombento, mangyari na ang mangyayari.

Dumatíng ang umaga, at ang mg̃a malulungkót na paghihinalà, ang mg̃a pang̃ing̃ilabot sa kadilimán ay bahagyâng nagbawa. Ang kaliwanagan ay nagbigáy sa kaniyá ng̃ mg̃a pag-asa. Ng̃unì’t ang mg̃a balitàng tinanggáp nang kinahapunan ay lubhâng kakilakilabot; napag-usapan ang mg̃a binaríl at ang gabíng yaó’y nagíng karumaldumal sa dalaga. Sa kaniyáng pagdadalitâ’y tinangkâ ng̃ ipagkaloob ang kaniyáng katawán pagsapit na pagsapit ng̃ umaga at pagkatapos ay magpakamatáy: lahát, huwag na lamang magdaán ng̃ gayóng paghihirap! Ng̃unì’t ang umaga’y nagtagláy ng̃ mg̃a panibagong pag-asa at ayaw pumanaog sa bahay ang binibini, ni pumaroón sa simbahan. Nang̃ang̃anib siyáng mapahinuhod.

At sa gayó’y nakaraan ang iláng araw: nananalang̃in at nagtutung̃ayáw, tumatawag sa Dios at ninanasà ang kamatayan. Ang umaga ay nagigíng isáng patláng, si Hulî’y umaasa sa isáng kababalaghán; ang mg̃a balitàng galing sa Maynilà, kahì’t dumáratíng na may dagdág, ay nagsasabing ang iláng bilanggô ay nakalayà na dahil sa kaniláng mg̃a ninong at mg̃a kaibikaibigan.... May maiiwang magtitiís, ¿sino kayâ? si Hulî ay nang̃ing̃ilabot at umuuwî sa kaniyáng bahay na ng̃inang̃atng̃át ang kaniyáng mg̃a kukó, sa gayón ay dumáratíng ang gabí na ang mg̃a pang̃ang̃ambá, na nagkakaroón ng̃ ibayong lakí, ay warìng nagigíng katotohanan. Kinatatakutan ni Hulî ang pananaginip; natatakot siyáng matulog, sapagkâ’t ang kaniyáng pananaginip ay isáng sunód-sunód na bang̃ung̃ot. Mg̃a titig na may hinanakít ang lumulusót sa kaniyáng mg̃a balintatáw kapag nápikít, mg̃a daíng at panang̃is ang umuukilkíl sa kaniyáng mg̃a taing̃a. Nakikitang pagalàgalà ang kaniyáng amá, dayukdók, walâng tigil ni pahing̃á; nakikitang si Basilio ay naghihing̃alô sa gitnâ ng̃ daan, may tamâ ng̃ dalawáng punglô, gaya ng̃ pagkakita niyá sa bangkáy ng̃ isáng kalapít-bahay na pinatáy samantalàng iniháhatíd ng̃ guardia sibil. At nakikita niyá [291]ang mg̃a talìng gumitgít sa lamán, nakikita ang dugông lumálabás sa bibíg at nádiding̃íg na sinasabi sa kaniyá ni Basilio, na: “¡Iligtás mo akó, iligtás mo akó! ikáw lamang ang tang̃ìng makapagliligtás sa akin!” Mag-uumugong pagkatapos ang isáng halakhák, ililing̃ón ang mg̃a matá at makikita ang kaniyáng amá, na tinititigan siyá ng̃ isáng titig na lipos paghihinanakít. At si Hulî ay mágigisíng, tatagilid sa ibabaw ng̃ kaniyáng baníg, hihimasin ng̃ kamáy ang noó upang tungkusín ang buhók: malamíg na pawis, gaya ng̃ pagpapawís kung mamamatáy, ang nakababasâ sa kaniyá.

—¡Iná, iná!—ang taghóy.

At samantala’y ang mg̃a nakapagpápasiya ng̃ boông katuwâan sa mg̃a sasápitin ng̃ mg̃a bayan, ang nakapag-uutos ng̃ makatwirang pagpatáy, ang sumisirà ng̃ katwiran at ginagamit ang karapatán upang magpatibay sa lakás, ay mapayapàng nang̃ahihimbíng.

Sa kahulíhulihan, ay dumatíng ang isáng manglalakbáy na taga Maynilà at nagsalaysáy nang kung papano nakawalâ ang lahát ng̃ bilanggó, lahát, maliban si Basilio na walâng mag-ampón. Nababalità sa Maynilà, ang dagdág ng̃ manglalakbáy, na ang binatà ay mapapatapon sa Carolinas, at pinalagdâán na muna sa kaniyá ang isáng kahiling̃an na kinatatalâan na gayón ang hilíng niyáng kusà. Nákita ng̃ manglalakbáy ang bapor na magdadalá sa kaniyá.

Ang balitàng iyón ay tumapos sa mg̃a pagaalinlang̃an ng̃ dalaga na sadyâ namáng guló na ang pag-iisíp dahil sa karamihan ng̃ gabíng ipinagpuyát at sa kaniyáng mg̃a kakilakilabot na mg̃a pang̃ang̃arap. Maputlâ’t ang matá’y susuling suling, ay hinanap si hermana Balî at ang boses ay nakatatakot ng̃ sinabing siya’y nálalaán na at itinatanóng kung ibig siyáng samahan.

Natuwâ si hermana Balî at siya’y pinayapà, ng̃unì’t si Hulî ay hindî nakiking̃íg at warìng nagmamadalî upang makaratíng sa kombento. Siya’y nag-ayos, isinuot ang kaniyáng pinakamabuting gayák at warì pa mandíng siya’y may malakíng hang̃ád. Nagsasásalitâ kahì’t walâng linaw.

Lumakad silá. Si Hulî ay náuuna at naíiníp sapagkâ’t ang kasama’y náhuhulí. Dátapwâ’y samantalang nang̃alalapít sa bayan, ay untîuntî siyang nanghihinà, nagwawalâng imík, nag-aalinlang̃an, nápapahinà ang hakbang, at pagkatapos ay [292]nápapahulí. Kailang̃an ang paliksihín pa siya ni hermana Balî.

—¡Gágabihín tayo!—ang sabi.

Si Hulî ay patuloy na namumutlâ, ang ting̃í’y sa ibabâ at hindî makapang̃ahás na itaás ang matá. Ang akalà niya’y siyá ang tinitingnán ng̃ lahát ng̃ tao at siya ang itinuturò. Isáng pang̃alang mahalay ang humihiging sa kaniyáng taing̃a, ng̃unì’t nagbibing̃íbing̃ihan at nagpapatuloy ng̃ lakad. Gayón mán, nang mákita ang kombento, ay humintô at nang̃iníg na.

—¡Bumalík na tayo sa nayon, bumalík na tayo!—ang samò na pinigil ang kaniyáng kasama.

Kinailang̃an ni hermana Balî ang hawakán siyá sa bisig at halos binatak, na pinamamayapà at pinagsasabihan siyá ng̃ ukol sa mg̃a aklát ng̃ mg̃a prayle. Hindî siyá pababayàan, walâng dapat ikatakot; si P. Camorra ay may ibáng bagay sa ulo; si Hulî ay isáng tagabukid lamang....

Datapwâ’y nang dumatíng sa pintùan ng̃ kombento ó bahay pari ay nagmatigás na si Hulî sa pag-ayáw na umakyát at nang̃unyapít sa pader.

—¡Huwag, huwag!—ang samòng lipós sindák;—¡O, huwag; mahabág kayó!......

—Ng̃unì’t nápakahang̃ál......

Itinutulak siyáng marahan ni hermana Balî; si Hulî ay ayaw pumayag, namumutlâ, na ang mukhâ’y nakahahambál. Ipinahayag ng̃ kaniyáng paning̃ín na nakikitang kaharáp niyá ang kamatayan.

—¡Siyá, bumalík tayo kung ayaw ka!—ang bulalás na tulóy na masamâ ang loób ng̃ mabaít na babai, na hindî naniniwalà sa anománg sakunâng tunay na mangyayari. Kahì’t na may masamâng kabantugan si P. Camorra ay hindî mang̃ang̃ahás sa haráp niyá.

—¡Mádalá na sa tatapunán ang kaawàawàng si D. Basilio, barilín siyá sa daan at sabihing nagtangkâng tumakas!—ang dagdág;—pag patáy na ay sakâ magsisisi. Sa ganang akin, akó’y walâng anománg utang na loób sa kaniyá. Sa akin ay walâng isusumbát!

Yaón ang bayóng nakapagpanibulos. Sa harap ng̃ gayóng sumbát, may halòng galit, handâ sa lahát, gaya ng̃ isáng magpapatiwakal, ay ipinikít ni Hulî ang kaniyáng mg̃a matá, upang huwág mátanaw ang bang̃íng tatalunán, at tulóytulóy [293]na pumasok sa kombento. Isáng buntóng-hining̃á na wárìng hing̃alô ang namulás sa kaniyang mg̃a labì. Sinundán siya at pinagbibilinan ni hermana Balî.

Nang kinagabihán ay marahang pinag-uusap-usapan ang nangyari ng̃ hapong iyon.

Sa durung̃awan ng̃ kombento ay tumalón ang isáng dalaga na bumagsák sa mg̃a bató at namatáy. Halos kasabáy noon, isá pang babai ang lumabás na nagsisigáw át nagtititilî sa mg̃a lansang̃an na warì’y balíw. Ang mg̃a maing̃at na mámamayan ay hindî makapang̃ahás na bumanggít ng̃ mg̃a pang̃alan at maraming iná ang kumurót sa kaniláng mg̃a anák na babai dahil sa pagkakabigkás ng̃ mg̃a salitâng makapagbibigáy ligalig sa kanilá. Makaraan yaón, ng̃unì’t malaon ng̃ nakaraan, ng̃ nagtatakipsilim, ay isáng matandâng lalaki ang nanggaling sa nayon at tumawag ng̃ malaon sa pintùan ng̃ kombento na nakasará at binabantayán ng̃ mg̃a sakristan. Ang matandâ’y tumatawag sa pamagitan ng̃ suntók, ng̃ ulo, bumibigwás ng̃ mg̃a timpîng sigáw, na walâng linaw, na gaya ng̃ sa isáng pipi, hanggáng sa napalayas doon sa pamagitan ng̃ palò at kátutulak. Nang mangyari ang gayón ay tumung̃o sa bahay ng̃ kapitán sa bayan, ng̃unì’t sinabi sa kaniya roon na walâ ang kapitán, na nasa kombento; tumung̃o sa Hukóm pamayapà, ng̃unì’t ang Hukóm pamayapà ay walâ rin, ipinatawag sa kombento; tinung̃o ang teniente mayor, gayon din, nasa kombento; tumung̃o sa kuartel, ang teniente ng̃ guardia sibil ay nasa kombento.... Sa gayón ay bumalík sa kaniyáng nayon ang matandâ na umiiyak na parang isáng batà: ang kaniyang ung̃al ay nádiding̃íg sa gitnâ ng̃ katahimikan ng̃ gabí; ang mg̃a lalaki’y nang̃apapakagátlabì, ang mg̃a babai’y nang̃agdadaóp-kamáy, at ang mg̃a aso ay pumapasok sa kaníkaniláng bahay, mg̃a takót, at ipít ng̃ dalawáng hità ang buntót!

—¡A, Dios, á, Dios!—anáng isáng abâng babai na nang̃ang̃alirang dahil sa kákokolasión;—sa haráp mo ay walâng mayaman, walâng mahirap, walâng maputî, walâng maitím.... ¡ikáw ang hahatol sa amin!

—Oo,—ang sagót ng̃ asawa,—kailan ma’t ang Dios na iyáng kaniláng iniaaral ay hindî tunay na gawâgawâ lamang, isáng dayà! Silá na ang una unang hindî naníniwalà doon!

Nang ikawaló ng̃ gabí, ay sinasabing mahigít sa pitóng [294]prayle, na galing sa mg̃a bayang kalapít, ang nang̃asa sa kombento at nagpupulong. Nang kinábukasan ay nawalâ nang patuluyan sa nayon si tandâng Selo na dalá ang kaniyáng tandós sa pang̃ung̃usá.