Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXXI

Ang mataas na kawaní

L’Espagne et sa vertu, l’Espagne et sa grandeur
Tout s’en va!

(Victor Hugo.)

Ang mg̃a pamahayagan sa Maynilà ay nang̃alululong sa pagsasalaysáy ng̃ ukol sa isáng nábunyág na patayang nangyari sa Europa, sa mg̃a pagpupuri at pagbibigáy karang̃alan sa iláng predicador sa Maynilà, sa lalò’t lalò pang masigabóng pagtatatagumpáy ng̃ operetang pransés, kayâ babahagyâ nang makapaglaán ng̃ gayón ó ganitóng balitàng ukol sa mg̃a katampalasanang ginágawâ sa mg̃a lalalawigan ng̃ isáng pulutóng ng̃ tulisán na pinang̃ung̃uluhan ng̃ isáng pinunòng mabang̃ís at ganid na nagpapamagát na Matanglawin. Tang̃ì lamang, kung ang nilolooban ay isáng kombento ó isáng kastilà, ay sakâ lumálabás ang mahahabàng salaysáy na nagsisiwalat ng̃ mg̃a kakilakilabot na pangyayari at hinihing̃î ang estado de sitio, mg̃a matitindíng panupil, ibp. Kayâ’t hindî rin naatupag ang nangyari sa bayan ng̃ Tiani, ni hindî man nagkaroon ng̃ isá mang banggít ni isáng aling̃awng̃áw. Sa mg̃a lipunáng tang̃ì ay may kauntìng bulungbulung̃an, ng̃unì’t nápakalabò, nápakamahinà, napaka walâng katibayan na hindî man lamang nabatíd ang pang̃alan ng̃ nasawî, at yaóng mg̃a nagpakita ng̃ malakíng nasàng makaalám ay madalîng nakalimot, na naniwalàng nagkaroon nang kasundùan sa kaanák ó mg̃a kamag-anak na may galit. Ang tang̃ìng tiyák na napag-alamán ay ang pag-alís sa bayang iyon ni P. Camorra upang lumipat sa ibá ó manirahan ng̃ kauntîng panahón sa kombento sa Maynilà.

—¡Kaawaawàng P. Camorra!—ang bulalás ni Ben-Zayb na nagwarìng mahabagin,—gayóng kasayá, gayóng kabuting pusò!

Tunay ng̃â na ang mg̃a nag-aaral ay nang̃akalayà sa kálalakad ng̃ kaniláng mg̃a kamag-anak, na hindî tiningnán [295]ang magugugol, mg̃a handóg at mg̃a paghihirap. Ang uná unang nakalayà, gaya ng̃ maaantáy, ay si Makaraíg, at ang hulí’y si Isagani, sapagkâ’t si P. Florentino ay hindî nakaratíng sa Maynilà kung dî nang makaraan muna ang isáng linggó sapol ng̃ mangyari ang mg̃a bagaybagay. Ang gayóng karaming pagkahabág ay nagíng sanhî upang bigyan ang General ng̃ palayaw na mahabagin at maawàín na dalìdalìng idinagdág ni Ben-Zayb sa mahabàng kabilang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a palayaw.

Ang tang̃ìng hindî nakalayà ay si Basilio, na násasakdál pa sa kasalanang pagkakaroon ng̃ mg̃a aklát na bawal. Hindî namin malaman kung ang sinasabi nilá’y ang aklát na Medicina Legal y Toxicología ni Dr. Mata ó ang iláng pahayagan na ukol sa mg̃a bagay bagay sa Pilipinas na natagpûán sa kaniyá, ó magkasama na ang dalawáng bagay na iyon; ng̃unì’t sinasabi rin namán na nagbibilíng palihím ng̃ mg̃a aklát na bawal at napataw sa kaawàawàng binatà ang boông bigát ng̃ timbang̃an ng̃ katwìran.

May nagbalitàng sinabi sa General:

—Kailang̃an na magkaroon ng̃ isá upang máligtás ang karang̃alan ng̃ kapangyarihan at huwag masabing tayo’y nag-ing̃áy nang katakot-takot ng̃ walâ namáng sanhî. Una muna sa lahát ang kapangyarihan. Kailang̃ang may mátira!

—Iisá na lamang ang nátitirá, isá na, alinsunod kay P. Irene ay, nagíng alilà ni kapitáng Tiago.... Walâng naghahabol sa kaniyá....

—¿Alilà at nag-aaral?—ang tanóng ng̃ General:—kung gayón ay iyan, mátirá, iyan!

—Maipahintulot po sa akin ng̃ inyóng Karilagán—ang sabi ng̃ mataas na kawaní na nagkátaóng kaharáp;—ng̃unì’t may nagsabi sa akin na ang binatàng iyan ay nag-aaral sa Medicina, ang kaniyáng mg̃a gurô’y mabutí ang sinasabing ukol sa kanyá.... kung magpapatuloy sa pagkábilanggô ay masasayang̃an ng̃ isáng taón, at sa dahiláng sa taóng itó magtátapós....

Ang pamamagitnâ ng̃ mataas na kawaní na ayon kay Basilio, sa lugal na makabutí dito, ay nakasamâ pa. Malaon nang ang kawaní at ang General ay nagkakabigatan, may samàan ng̃ loob, na naragdagán ng̃ mg̃a salísalitàan. Ang General ay ng̃umitî at sumagót:

[296]—¿Siya ng̃â ba? Kung gayó’y lalò pa ng̃âng dapat na magpatuloy sa pagkakábilanggô; isáng taón pang pag-aaral, sa lugal na makasasamâ, ay makabubutí sa kaniyá, sa kaniyá at sa lahát ng̃ mahuhulog pagkatapos sa kaniyáng mg̃a kamáy. Dahil sa maraming pagsasanay ay hindî magiging masamâng manggagamot ang isáng tao. Isá pa ng̃âng katwiran upang mátirá! At pagkatapos ay sasabihin ng̃ mg̃a mapagbagong pilibustero na hindî namín ináalagatâ ang bayan!—ang dagdág ng̃ General na tumatawang paaglahì.

Nakilala ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kamalìan at pinang̃atawanán na ang usap ni Basilio.

—Dátapwâ’y sa ganáng akin ay inaakalà kong ang binatàng iyán ay siyáng lalòng walâng kakasákasalanan sa lahát,—ang tugón na may kauntìng katakutan.

—Náhulihan siya ng̃ mg̃a aklát,—ang sagót ng̃ kalihim.

—Oo, mg̃a aklát sa panggagamot at mg̃a pahayagang sinulat ng̃ mg̃a taga España.... na hindî pa nagugupít ang mg̃a dahon.... at ¿anó ang ìbig sabíhin nitó? At sakâ, ang binatàng iyan ay walâ sa pigíng na idinaos sa magpapansít, ni hindî nakihimások sa anómán.... Gaya ng̃ sinabi ko, siyá ang lalòng walâng kakasákasalanan....

—¡Lalò’t lalò pa ng̃âng mabuti!—ang masayáng bulalás ng̃ General;—sa gayóng paraán, ang parusa, ay magigíng lalòng malunas at katang̃ìtang̃ì sapagkâ’t makasisindák pang lalò! Mamahalà ay ang umasal ng̃ ganiyán, ginoo; madalás na kailang̃ang ipailalim ang ikabubuti ng̃ isá sa ikabubuti ng̃ marami.... Datapwâ’y higít pa sa roón ang ginágawâ ko: sa ikabubuti ng̃ isá, kinukuha ko ang ikabubuti ng̃ lahát, inalíligtás ko ang tibay ng̃ kapangyarihan na nápapang̃anib, ang karang̃alan ay naigagalang at tumátatág. Sa ginawâ kong itó ay naaayos ko ang mg̃a kamalìán ng̃ mg̃a tagarito’t ng̃ mg̃a hindî tagarito!

Gumamit ng̃ malakíng lakás ang mataás na kawaní upang makapagpigil, hindî pinuná ang mg̃a parunggít, at nagtangkâng humanap ng̃ ibáng paraán.

—¿Ng̃unì’t hindî pô ba ninyó kinatatakutan ang kapanagutan?

—¿Anó ang ikatatakot ko?—ang paklíng nayayamót ng̃ General;—¿hindî ba mayroón akóng kapangyarihang magagamit ng̃ alinsunod sa sariling kapasiyahan? ¿hindî ko ba magagawâ [297]ang máibigan sa ikabubuti ng̃ pamamahalà sa kapulùáng itó? ¿Anó ang ikatatakot ko? ¿Maaarì bagáng ipagsakdál akó sa mg̃a hukuman ng̃ isáng alilà at akó’y hing̃án ng̃ kapanagutan? ¡Ba! At kahì’t na mayroón siyáng magagamit na kaparaanan ay dadaán muna sa Ministerio, at ang Ministro....

Ikinumpáy ang kamáy at nagtawá.

—Ang Ministrong naghalál sa akin, ay ang diablo lamang ang nakaaalám kung saán na nároroón, at aarìin na niyáng malakíng karang̃alan ang akó’y kaniyáng mábatì sa aking pagbalík! Ang kasalukuyan, iyán ay pararaanín ko sa.... at dadalhín din iyán ng̃ diablo.... Ang hahalili diyán ay malilitó sa bago niyáng tungkulin na hindî makukuhang pumuná ng̃ mg̃a mumuntîng bagay. Akó, ginoo, walâ akóng anomán kundî ang budhî ko lamang, gumágawâ akó ng̃ alinsunod sa aking budhî, ang budhî ko ay nasisiyahán, at walâng kakabukabuluhán sa akin ang hakà ni ganoón ó ni ganitó. Ang aking budhî, ginoo, ang aking budhî!

—Opò, aking General, ng̃unì’t ang bayan....

—Tu, tu, tu, tu! Ang bayan, ¿anó ang mayroon sa akin ng̃ bayan? ¿Nagkaroón bagá akó ng̃ pakikipagkasundùan sa kaniyá? ¿Utang ko ba sa kaniyá ang aking katungkulan? ¿Síya ba ang naghalál sa akin?

Nagkaroon ng̃ muntîng pananahimik. Ang mataas na kawaní’y nakatung̃ó. Pagkatapos, warìng may tinangkâ nang gawín, ay tuming̃alâ, tinitigan ang General at, namumutlâng nang̃ing̃iníg ng̃ kauntì, ay nagsabing pigil ang katigasan:

—¡Walâng kailang̃an, aking General, walâng kailang̃an iyan! Kayó’y hindî inihalál ng̃ bayang pilipino kundî ng̃ España, katwiran pa ng̃â upang pagpakitaan ninyó ng̃ mabuti ang mg̃a pilipino upáng walâng maisisi sa España! Katwiran pa ng̃â, aking General! Sa pagparito ninyó ay nang̃akòng ilalagáy sa katwiran ang pamamahalà, hahanapin ang kabutihan....

—¿At hindî ko ba ginagawâ?—ang tanóng na pabugnót ng̃ General na humakbáng,—¿hindî ko ba sinabi sa inyó na kinukuha ko sa ikabubuti ng̃ isá ang ikabubuti ng̃ lahát? ¿Tuturùan pa ba ninyó akó ng̃ayón? Kung hindî ninyó maliwanagan ang aking mg̃a gawâ ¿anó ang kasalanan ko? ¿Pinipilit ko ba kayóng makihatî sa aking kapanagutan?

[298]—Hindî ng̃â!—ang paklí ng̃ mataas na kawaní na tumuwíd ng̃ may halòng pagkamataas.—Hindî ninyó akó pinipilit, hindî ninyó akó mapipilit na makihatî sa inyóng kapanagutan! Ibá ang pagkakilala ko sa aking sariling kapanagutan, at sapagkâ’t akó’y mayroon din namán, ay magsasalitâ akó, yamang hindî akó umimík ng̃ mahabàng panahón. ¡Oh huwag iayos ng̃ inyóng karang̃alan ang mg̃a ganiyáng anyô, sapagkâ’t ang pagkáparitó ko, na gayón ó ganitó ang katungkulan, ay hindî ang pagtakwíl ko na sa aking mg̃a karapatán ang ibig sabihin at manirá na lamang akó sa pagiging alipin, na walâng bibíg ni karang̃alan! Hindî ko ibig na mawalay sa España ang magandáng lupàíng itó, iyang walóng ang̃aw na sakop na masunurin at mapagtiís na nabubuhay sa mg̃a pag-asa at pagkakilala ng̃ mg̃a pagkakámalî, ng̃unì’t hindî ko rin namán ibig na dung̃isan ang aking mg̃a kamáy sa ganid na pang̃ang̃alakal sa kaniyá; ayokong masabi kailan man, na matapos lumipas ang pagbibili ng̃ tao, ay ipinatuloy ng̃ lalò pang malusog ng̃ España, na kinákanlung̃án ng̃ kaniyáng bandilà, at lalò pang iniayos sa ilalim ng̃ maraming magagarang kapasiyahan. Hindî, upang ang España ay magíng malakí ay hindî niya kailang̃an ang magíng maniniíl; sukat na ang España sa kaniyáng sarili, lalò pang malakí ang España noong walâng arì kundî ang sarili niyáng lupaín na naagaw sa kukó ng̃ moro! Akó ma’y kastilà rin, ng̃unì’t bago ang aking pagkakastilà ay naroroon ang aking pagkatao at bago ang España at sa ibabaw ng̃ España ay nároroon ang kaniyáng karang̃alan, nároroon ang matataás na turò ng̃ magandáng aral, ang mg̃a walâng lipas na batayán ng̃ dî mababalìng katwiran. ¡Ah! namamanghâ kayó na akó’y mag-isip ng̃ gayón, sapagkâ’t hindî ninyó nauunawà ang kalakhán ng̃ pang̃alang kastilà, hindî ninyó kilalá, hindî; ikinakapit ninyó sa mg̃a tao, sa mg̃a pag-aarì; sa ganang inyó, ang kastilà, ay mangyayaring magíng mangdadambóng, mangyayaring magíng mamamatáy, mapagbalatkayô, bulàan, lahát na, matang̃anan lamang ang kaniyáng inaarì; sa ganang akin, ang kastilà, ay dapat na iwan ang lahát, ang sakop, ang kapangyarihan, ang kayamanan, ang lahát na, lahát bago ang karang̃alan! A, aking ginoo! Tayo’y tumututol kung nababasa nating ang lakás ay nápapaibabaw sa katwiran, at pinapupurihan natin kung sa pag-gawâ ay nákikita nating siya’y balatkayô na hindî lamang [299]inilílikô kundî ipinaiilalim sa inyóng kapasiyahan upang kayó’y makapangyari.... Sa dahilán ng̃âng iniibig ko ang España, ay nagsásalitâ ako dito at hindî ko pinang̃ang̃aniban ang pang̃ung̃unót ng̃ inyóng noo! Ayokong sa mg̃a daratíng na panahón ay masabing siya’y inainahan ng̃ mg̃a bansâ, manghihitít ng̃ mg̃a bayan, maniniíl ng̃ maliliít na pulô, sapagkâ’t ang gayó’y kakilakilabot na laít sa mg̃a mararang̃al na adhikâ ng̃ ating mg̃a unang harì! ¿Papano ang ginágawâ nating pagtupád sa kaniláng mg̃a banál na habilin? Pinang̃akùan nilá ang mg̃a pulông itó ng̃ pag-aampón at matuwíd, at pinaglalarùan natin ang mg̃a buhay at kalayàan ng̃ kaniyáng mámamayán; pinang̃akùan nilá ng̃ kabihasnán, at pinagkákaitán natin, sa katakutang magnasà ng̃ isáng lalòng marang̃al na kabuhayan; pinang̃akùan silá ng̃ liwanag, at binúbulag natin ang kaniláng mg̃a matá upang huwag mákita ang ating mg̃a kalaswâan; pinang̃akùang tuturùan silá ng̃ mg̃a kabaitan at pinaaayùan natin ang kaniláng masasamâng hilig at, sa lugál ng̃ kapayapàan at ng̃ katuwiran, ang naghaharì ay ang pag-aalinlang̃an, ang kalakal ay namamatáy at ang dî pananalig ay lumalaganap sa taong bayan. Lumagáy tayo sa lagay ng̃ mg̃a pilipino at itanóng natin sa sarili kung anó ang ating gágawín kung tayo ang nasa gayóng kalagayan! ¡Ay! sa inyóng hindî pag-imík ay nábabasa ko ang inyóng karapatán sa panghihimagsík, at kung ang mg̃a bagaybagay ay hindî bubuti ay mang̃aghihimagsik balang araw at ang katuwiran ay málalagáy sa kaniláng panig at kasama pa ang pagling̃ap ng̃ lahát ng̃ taong may puri, ng̃ lahát ng̃ bayani sa sangsinukob! Kapag ipinagkákait sa isáng bayan ang liwanag, ang tahanan, ang kalayàan, ang katwiran, mg̃a biyayang kung walâ ay hindî maaring mabuhay at dahil ng̃â doo’y silá ang taglayin ng̃ tao, ang bayang iyan ay may karapatáng arìin, ang sa kaniya’y nag-aalís ng̃ mg̃a gayón, na warìng isáng magnanakaw na humaharang sa atin sa daan: walâng kabuluhán ang pagtatang̃ì, walâ kundî iisáng pangyayari, isàng pag-aarì, isáng pagtatangkâ, at ang sino mang taong may kapurihán na hindî kumampí sa hinalay, ay nakikitulong at dinudung̃isan ang sariling budhî. Oo, hindî akó militar, at pinápatáy ng̃ kagulang̃an ang kauntìng sulák ng̃ aking dugô; ng̃unì’t gaya rin namán ng̃ pangyayari na ipagúgutáy ko ang aking [300]katawán sa pagtatanggól sa katibayan ng̃ España na laban sa isáng mananalakay na taga ibáng lupà ó laban sa mg̃a walâng katwirang paggaláw ng̃ kaniyáng mg̃a lalawigan, gayon din namáng pinatutunayan ko sa inyó na makikipiling akó sa mg̃a pilipinong sinísiíl, sapagkâ’t nasà ko pa ang mamatáy nang dahil sa mg̃a niyuyurakang karapatán, ng̃ sangkatauhan, kay sa magtagumpáy sa piling ng̃ mg̃a hang̃arìng ikagagalíng ng̃ isáng bansâ, kahì’t na ang bansâng itó’y may pang̃alang kagaya ng̃ pang̃alan ng̃ España!

—¿Alám bagá ninyó kung kaílan áalís ang correo?—ang malamíg na tanóng ng̃ General ng̃ matapos nang makapagsalitâ ang mataas na kawaní.

Tinitigan siyang mabuti ng̃ mataas na kawaní, pagkatapos ay ibinabâ ang ulo at iniwang walâng imík ang palasyo.

Sa halamanan nátagpûan ang kaniyáng sasakyáng nag-aantáy sa kaniyá.

—Kapag balang araw ay nakapagsarilí na kayó,—ang sabing natutubigan sa indiong lacayo na nagbukás ng̃ pintùan ng̃ sasakyán,—ay alalahanin ninyó na sa España ay hindî nagkulang ng̃ mg̃a pusòng tumibók ng̃ dahil sa inyó at nakitunggalî ng̃ dahil sa inyóng mg̃a karapatán!

—¿Saan pô?—ang sagót ng̃ lacayo na hindî siya napakinggáng mabuti at itinátanóng kung saan silá paparoon.

Makaraan ang dalawáng oras, ay iniharáp ng̃ mataas na kawaní ang kaniyáng pagbibitíw sa katungkulan at ipinababatíd ang kaniyáng pagbalík sa España sa unang korreong áalís.