Ang "Filibusterismo", ni José Rizal
XXXII
Mg̃a ibinung̃a ng̃ mg̃a paskín
Dahil sa mg̃a pangyayaring isinaysáy, maraming iná ang tumawag sa kaniláng mg̃a anák na lalaki upang iwan kaagád agád ang pag-aaral at atupagin na lamang ang pagbubulagbul ó ang pagtataním.
Nang dumatíng ang mg̃a paglilitis, ay marami ang mg̃a hindî nakaraan at bihirà ang nang̃akalampás sa taón ng̃ kaniláng pag-aaral sa mg̃a nagíng kasapì sa nabantóg na kapisanan na hindî na mulì pang nabangít ng̃ kahì’t sino. [301]Si Pecson, si Tadeo at si Juanito Pelaez ay pawà ring nang̃apigil; tinanggáp ng̃ una ang mg̃a kalabasa na tagláy ang kaniyáng tawang hang̃al at nang̃akòng papasok na opisial sa alin mang hukuman; si Tadeo, na natagpûán din ang walâng katapusáng cuacha, ay nagdaos ng̃ isáng pag-iilaw na ang ginagawâ’y sinigán ang kaniyáng mg̃a aklát; ang ibá’y hindî rin nang̃akaligtás na mabuti, kayâ’t nang̃apilitang iwan ang kaniláng mg̃a pag-aaral, sa gitnâ ng̃ kasiyahang loób ng̃ mg̃a iná, na kailan pa ma’y nang̃akakiníkinitáng ang kaniláng mg̃a anák ay bitáy pag nang̃akaalam ng̃ sinasabi ng̃ mg̃a aklát. Si Juanito Pelaez lamang ang tang̃ìng hindî nasiyahang loób sa bayóng iyon ng̃ kapalaran, na iniwan na ang paaralan dahil sa tindahan ng̃ kaniyáng amá, na mulâ noo’y isinamá na siya sa kalakal: ang tindahan ay hindî nagiliwan ng̃ alisagâ, ng̃unì’t nang makaraan ang kauntîng panahón ay nákita siyáng mulî ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan na bilóg ang kakubàan, bagay na nagpapakilalang bumábalík ang kaniyáng masayáng ugalì. Sa haráp ng̃ gayóng pagkadiwarà, ang mayamang si Makaraig ay naging̃at na mabuti upang huwag siyáng mapang̃anib at nang makakuha ng̃ pasaporte sa tulong ng̃ lakás ng̃ salapî ay matuling sumakáy na tung̃o sa Europa: nábalitàng ang marilág na Capitán General, sa kaniyáng hang̃ád na gumawâ ng̃ kabutihan nang alang-alang sa kabutihan at sa pagiing̃at sa ikaluluwag ng̃ mg̃a pilipino, ay binigyáng salabíd ang pag-alís ng̃ sinománg hindî makapagpakilalang tunay na tunay na mangyayaring makapaggugol at makapamumuhay ng̃ maluwag sa mg̃a siyudad sa Europa. Sa ating mg̃a kilala, ang mg̃a nakalusót na mabutibutí ng̃ kauntî ay si Isagani at si Sandoval: ang una ay nakalampás sa asignatura na pinag-aaralan sa ilalim ng̃ pagtuturò ni P. Fernández at napigil sa ibá, at ang pang̃alawá’y nagawâng mahilo ang mg̃a lumilitis sa tulong ng̃ mg̃a talumpatì. Si Basilio ang tang̃ìng hindî nakalampás sa mg̃a asignatura, ni hindî napigil, ni hindî nakapatung̃o sa Europa: nagpatuloy siyá sa pagkakakulóng sa Bilibid, na sa bawà’t ikatlóng araw ay isinásailalim siya ng̃ isáng pagtatanóng, yaón ding kagaya nang sa simulâ’t simulâ pa, na walâng ibáng kabaguhan kungdî ang pagpapalít ng̃ mg̃a “instructor”, sapagkâ’t warìng sa haráp ng̃ gayóng kalakíng pagkakasala ay napipipilang lahát ó nang̃agsísitakas na nang̃ing̃ilabot.
[302]At samantalang nang̃akákatulóg at náuusad ang mg̃a kasulatan, samantalang ang mg̃a papel sellado ay dumádami na warì mg̃a tapal ng̃ mg̃a mangmáng na manggagamot sa katawán ng̃ isáng may sakít na pagkalungkót, si Basilio ay tumatanggáp namán ng̃ balità ng̃ boong nangyari sa Tianì, ang pagkamatay ni Hulî at pagkawalâ ni tandâng Selo. Si Sinong, ang kotserong nábugbóg na naghatíd sa kaniya sa S. Diego, ay nasa sa Maynilà noon, dumádalaw sa kaniya at sinasabi sa kaniya ang lahát ng̃ pangyayari.
Samantala namá’y gumalíng na si Simoun, gayón ang sabi ng̃ mg̃a pahayagan, si Ben-Zayb ay nagpasalamat sa “Nakapangyayari sa lahát na nag-ing̃at sa gayóng mahalagáng buhay” at ipinahayag ang pag-asa na gagawín ng̃ Lumikhâ na mákilala sa balang araw ang nagkasalang ang kagagawán ay hindî pa napaparusahan dahil sa kaawàan ng̃ nilapastang̃an, na lubós na nagpapalakad noong mg̃a wikà ng̃ Dakilàng Pinagpalà na: Amá, patawarin mo silá, at hindi nalalaman ang ginágawa! Itó at ibá pang bagay ang sinasabi sa limbág ni Ben-Zayb, samantalang sa salitâ’y inuusisà kung tunay ang aling̃áwng̃áw na ang mayamang mag-aalahás ay magdaraos ng̃ isáng malakíng pistá, isáng pigíng na hindî pa nákikita magpakailan man, sa isáng dako’y bilang pasasalamat sa kaniyáng paggalíng at sa isá’y bilang pagpapaalam sa bayang nagdagdág sa kaniyáng kayamanan. Nababalità, at siyáng totoo, na si Simoun ay nagsusumakit, dahil sa ang Capitang General ay dapat nang umalís sapagkâ’t matatapos sa buwan ng̃ Mayo ang pagganáp sa katungkulan, upang málakad sa Madrid ang isáng palugit pa at inuudyukán ang General na gumawâ ng̃ isáng pagsalakay upang magkaroón ng̃ kadahilanan ang dî pag-alís, ng̃unì’t nábabalità rin namán na noón lamang hindî dining̃íg ng̃ General ang payo ng̃ kaniyáng itinatang̃ì, at inaarìng bagay na kapit sa karang̃alan niyá ang huwág binbinín ng̃ isáng araw man lamang sa kaniyáng kamáy ang kapangyarihang ipinagkaloób sa kaniyá, aling̃awng̃áw itóng nakapagpapaniwalà na ang nábabalitàng pistá ay gágawín sa loób ng̃ madalíng panahón. Sa isáng dako naman, si Simoun, ay hindî mapakimatyagán; lalò pang nagíng matahimik, bibihiràng pakita, at bumibigkás ng̃ ng̃itîng mahiwagà kapag kinákausap siyá ng̃ ukol sa sinasabing pistá.
[303]—Anó, ginoóng Simbad—ang sabi sa kaniyáng minsan ni Ben-Zayb;—silawin ninyó kamíng minsan sa isáng bagay na ayos yankee! Isáng pinakagantí sa bayang itó.
—Mangyari ng̃â ba!—ang sagót sa pamagitan ng̃ kaniyáng ng̃itîng matigás.
—Ihahagis ninyó marahil ang bahay sa bintanà, anó?
—Marahil, ng̃unì’t sa dahiláng walâ akóng bahay....
—Binilí sana ninyó ang kay kapitang Tiago, na murang murang nakuha ni ginoóng Pelaez!
Si Simoun ay hindî umimík at mulâ na noón ay bihirà na siyáng nákita sa tindahan ni D. Timoteo Pelaez, na nábalitàng nakipagkasamá sa kaniyá. Makaraán ang iláng linggó, ng̃ buwán ng̃ Abril, ay kumalat ang sabisabihan na si Juanito Pelaez, ang anák ni D. Timoteo, ay mag-aasawa kay Paulita Gomez, ang dalagang ninanasà ng̃ mg̃a taga rito’t ng̃ mg̃a dayuhan.
—May mg̃a taong mapapalad!—anáng mg̃a naiinggít na máng̃ang̃alakal;—makabilí ng̃ bahay na murang-mura, magbilí ng̃ kaniyáng tindáng zinc, makisamá kay Simoun at maipakasal ang kaniyáng anák sa isáng mayamang binibini, ang wikàin ninyó’y mg̃a kakanín iyáng hindî natitikmán ng̃ lahát ng̃ mg̃a taong may puri.
—Kung nalalaman lamang ninyó kung sa anóng paraán natamó ni G. Pelaez ang kakaníng iyan!
At sa tunóg ng̃ ting̃íg ay ipinahihiwatig ang sarili niya.
—At mapatitibayan ko rin sa inyó na magkakaroon ng̃ pistá at malakí,—ang dugtóng na may hiwagà.
Tunay ng̃â na si Paulita ay mag-aasawa kay Juanito Pelaez. Ang kaniyáng pag-ibig kay Isagani ay napawì na gaya ng̃ alin mang mg̃a unang pag-ibig, na nanánang̃an sa magagandáng pang̃arap, sa damdamin. Ang mg̃a pangyayaring dahil sa mg̃a paskín at ang pagkakabilanggô ay nag-alís sa binatà ng̃ lahàt ng̃ tagláy na pang-akit. ¿Kang̃ino bagá mangyayari ang hanapin ang kasawîán, nasàin ang makíisá sa kapalaran ng̃ kaniyáng mg̃a kasama, humaráp na kusà, gayóng ang lahát ay nagtatagò at umiiwas sa lahát ng̃ kapanagutan? Iyón ay isáng kabang̃awán, isáng kaululán, na hindî maipatatawad sa kaniya ng̃ sino mang taong matinô sa Maynilà at may lubós ng̃âng katwiran si Juanito Pelaez sa pagkutyâ sa kaniyá, na ginagayahan ang sandalîng pagtung̃o [304]niya sa Gobierno Civil. Gaya ng̃ maáantáy, ang maníngníng na si Paulita ay hindî na mangyayaring umibig sa isáng binatàng lubhâng malîng malî sa pagkaunawà sa kalipunan at sinísisi ng̃ lahát. Si Paulita ay nagsimulâ na ng̃ pagkukurò kurò. Si Juanito ay matalas, maliksí, masayá, malikót, anák ng̃ isáng mayamang máng̃ang̃alakal sa Maynilà, at may dugông kastilà pa, at kung paniniwalàan si D. Timoteo, ay tunay na tunay na dugông kastilà; samantalang si Isagani ay indiong taga lalawigan na nang̃ang̃arap sa kaniyáng mg̃a kagubatan na punô ng̃ lintâ, ang kaanak ay malabò, may isáng amaíng klérigo na marahil ay kalaban ng̃ pagmamagarâ at ng̃ mg̃a sayawan, na kaniyáng kinalulugdán. Isáng magandá ng̃âng umaga ay napaghulòhulò niya na malakíng kahang̃alán ang nágawâ niyáng nápilì pa si Isagani kay sa kaniyáng kaagáw at mulâ na noon ay nápuná ang pagdaragdág ng̃ kakubàan ni Pelaez. Ang batás na natuklás ni Darwin ay gináganáp ni Paulita ng̃ walâng kamalaymalay, ng̃unì’t buôngbuô; ang babai’y napaaarì sa lalaking lalòng may kasanayán, sa marunong makibagay sa kalagayang kinabubuhayan, at upang mamuhay sa Maynilà ay walâng makapapantáy kay Pelaez, na sapól pagkabatà ay nakatátalós na ng̃ gawâng palikawlikaw.
Ang kurismá ay nakaraang kasama ang kaniyáng mahál na araw, kasama ang kaakbáy niyang mg̃a prusisyon at mg̃a ceremonias, na walâng ibáng kabaguhang nangyari kundî isáng mahiwagàng pagkakaguló ng̃ mg̃a artillero, na ang sanhî ay hindî sumapit na mákalát. Iginibâ na ang mg̃a bahay na pawid, sa tulong ng̃ isáng pulutóng na “caballería” upáng dumumog sa mg̃a may arì, sakalìng mang̃agsilaban: nagkaroon ng̃ maraming iyakan at maraming paghihinagpís, ng̃unì’t hindî na namán lumalò pa roon. Ang mg̃a mapag-usisà, na isá na sa kanilá’y si Simoun, ay nang̃agsiparoong lálakadlakad na dî pinahahalagahán ang nangyayari, na pinanonood ang mg̃a nawalán ng̃ tahanan at anilá sa sarili’y makatutulog na nang payapà.
Nang magtatapós ang Abril, nang nalimot na ang lahát ng̃ pang̃ambá, ay walâng pinaghuhunhunan sa Maynilà kundî íisang bagay. Ang pistáng gágawín ni D. Timoteo Pelaez, dahil sa pag-aasawa ng̃ kaniyáng anák na ang humandóg na mag-aanák, malugód at mapagbigáy loob, ay ang General. [305]Sinasabing si Simoun ang may kagágawán noon. Ang kasál ay idadaos nang dalawáng araw muna bago umalís ang General; papupurihan nitóng dumaló sa bahay at maghahandóg sa novio. Kumakalat ang aling̃awng̃áw na ang mag-aalahás ay magpapabahâ ng̃ brillante, magtatapon ng̃ dakótdakót na perlas, alang-alang sa anák ng̃ kaniyáng kasamá, at sa dahiláng hindî siyá makapagpistá dahil sa walâ siyáng bahay na sarili at dahil sa siyá’y matandâng bagong-tao, ay sasamantalahín ang pagkakátaón upang biglâín ang bayang pilipino ng̃ isáng dáramdamíng pagpapaalam. Ang boông Maynilà ay humáhandâ nang mapapaanyayahan: Kailán ma’y hindî pumasok ang pagkagulumihanan sa mg̃a budhî ng̃ gayón kabagsík na gaya ng̃ hinalàng bakâ dî máanyayahan. Nang̃ag-úunahán sa pakikipag-ibigang mabuti kay Simoun, at maraming lalaki, ang sa pilit ng̃ kaniláng mg̃a asawa, ang bumilí ng̃ mg̃a tanák at mg̃a zinc upang magíng kaibigan ni D. Timoteo Pelaez.