Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXXIII

Ang hulíng matuwid

Sumapit din ang araw.

Si Simoun, magmulâ sa umaga, ay hindî umalís sa kaniyáng bahay, dahil sa pag-aayos ng̃ kaniyáng mg̃a sandata at mg̃a hiyás. Ang kaniyáng malakíng kayamanan, ay nasa sa loob na ng̃ malakíng takbáng patalím na may sapot na lona. Kákauntîng sisidlán na lamang na may mg̃a galáng at mg̃a panusok ang nalalabí, marahil ay mg̃a panghandóg na kaniyáng ipamímigáy. Aalís na ng̃â siyáng kasama ng̃ Capitan General, na ayaw na ayaw palawigin ang panghahawak sa katungkulan, dahil sa pang̃ing̃ilag sa sasabihin ng̃ tao. Ibinúbulóng ng̃ mg̃a malabigà na si Simoun ay ayaw mang̃ahás na maiwang mag-isá, na, kung mawalán ng̃ pinanánang̃anan, ay ayaw na mapaghigantihán ng̃ maraming pinagtubùan at mg̃a nasawî, at ang lalò pa mandíng malakíng sanhî ay ang pangyayaring ang General na dáratíng, ay kilalá sa pagka may matuwíd na hilig, at marahíl-dahíl ay ipasaulì sa kaniyá ang lahát ng̃ kinita. Sa isáng dako namán ay sinasapantahà ng̃ mg̃a mapamahiing indio na si Simoun ay isáng diablo na ayaw málayô sa kaniyáng huli. [306]Ang mg̃a mapaghakà ng̃ masamâ ay kumíkindát ng̃ may pakahulugán at nagsasabing:

—Kung pudpód na ang parang ay lilipat na sa ibáng dako ang balang.

Ang ilán lamang, kakauntî, ang nang̃agsising̃itî’t hindî umíimík.

Nang kináhapunan ay iniutos ni Simoun sa kaniyáng alilà na kung daratíng ang isáng binatàng nagng̃ang̃alang Basilio, ay papasuking agad. Pagkatapos ay nagkulóng sa kaniyáng silíd at warìng nasadlák sa isáng malalim na pagkukuròkurò. Mulâ’t sapul noong magkasakít, ang mukhâ ng̃ mag-aalahás ay lalò pa mandíng tumigás at lalòng pumangláw, lumalim na mabuti ang guhit niya sa pag-itan ng̃ dalawáng kilay. Warìng nahukót ng̃ kauntì; ang ulo’y hindî na tayôngtayô, náyuyukô. Lubhâng nálululong sa kaniyáng pag-iisíp na hindî tulóy nading̃íg na may tumatawag sa pintûan. Kinailang̃ang ulitin ang katóg. Si Simoun ay nang̃ilabot:

—¡Tulóy!—aniya.

Ang dumatíng ay si Basilio, ng̃unì’t quantum mutatus! Kung ang pagkakabago ng̃ anyô ni Simoun sa loób ng̃ dalawáng buwan ay malakí, ang sa binatà’y kakilakilabot. Ang kaniyáng mg̃a pisng̃í’y hukáy, walâng ayos ang bihis, gusót ang buhók. Nawalâ ang matamís na kalamlamán sa kaniyáng mg̃a paning̃ín at ang nagniningníng ay ang madilím na lagabláb; masasabing siya’y namatáy at ang kaniyáng bangkáy ay mulîng nabuhay sa pagkasindák sa mg̃a bagay na nákita sa kabiláng buhay. Kundî man ang gawâng linsíl, ay ang kakilákilabot na anino noon ang nakakalat sa boô niyáng tikas. Si Simoun na ay nágulat pa at nagdamdám habág sa sawîng palad na iyon.

Si Basilio ay lumapit na dahandahan, na hindî na bumatì, at nagwikàng ang ting̃ig ay nakapagpakilabot sa mag-aalahás, na:

—Ginoong Simoun, akó’y nagíng masamâng anák at masamâng kapatíd; linimot kó ang pagkakapatáy sa hulí at ang pagpapahirap sa una, at pinarusahan akó ng̃ Dios! Ng̃ayó’y walâ na akó kungdî isáng nasà upang gantihín ng̃ samâ ang samâ, ng̃ linsíl ang linsíl, ng̃ dagok ang dagok.

Tahimik siyáng pinakikinggán ni Simoun.

[307]—May apat na buwan na,—ang dugtóng ni Basilio—na kinausap ninyó akó nang ukol sa inyóng mg̃a balak; tumanggí akóng makilahók, at masamâ ang nágawâ ko; may katwiran kayó. May tatlóng buwan na at kalahatìng kamuntík nang bumugá ang panghihimagsík; hindî ko rin inibig ang makilahók, at ang galawan ay nábakô. Ang kapalít ng̃ aking inasal ay ang mábilanggô at utang ko sa inyóng pagsusumakit ang aking paglayà. May katwiran kayó, at naparito akó ng̃ayón upang sabihin sa inyó, na: bigyán ng̃ sandata ang aking kamáy at bumugá na ang himagsikan! Laan akóng paglinkurán kayóng kasama ang tanáng sawî!

Ang ulap na nagpapadilím sa noo ni Simoun ay biglâng napawì, isáng sinag ng̃ pagtatagumpáy ang kumináng sa kaniyáng paning̃ín, at warìng nátagpûán ang hinahanap, ay bumulalás nang:

—¡May katwiran akó, oo, may katwiran akó! ang karapatán ay tagláy ko, ang matuwíd ay nasa sa aking piling, sapagkâ’t ang itinatanggól ko’y ang mg̃a sawî.... ¡Salamat, binatà, salamát! Dumatíng kayó upang pawìin ang aking mg̃a pagaalinlang̃an, upang bakahin ang aking pag-uuróngsulóng....

Si Simoun ay tumindíg at ang kaniyáng mukhâ’y galák na galák: ang silakbóng nag-uudyók sa kaniyá nang, may apat na buwan na, ipinahahayag kay Basilio ang kaniyáng mg̃a balak sa gubat ng̃ kaniyáng mg̃a ninunò, ay mulîng namakás sa kaniyáng mukhâ na warì’y isáng mapuláng pagtatakípsilim, matapos ang isáng maghapong malamlám.

—Oo,—ang patuloy,—ang kilusán ay nábakô at marami ang lumayô sa akin sapagkâ’t nákita akóng lupaypáy na uuróngsulóng nang sandalîng kikilos na: may itinagò pa akó sa aking pusò, hindî ko supíl ang lahát ng̃ aking damdamin at umiibig pa akó noon!.... Patáy na ang lahát sa akin, at walâ ng̃ bangkáy na dapat kong igalang ang kaniyáng paghimláy! Hindî na magkakaroon ng̃ pag-uuróngsulóng; kayóng kayó na, binatàng huwaran, kalapating walâng apdó, ay nakakakilala ng̃ pang̃ang̃ailang̃an, pumarito sa akin at inuudyukán akó sa pagkilos! May kagabihán na nang buksán ninyó ang inyóng mg̃a matá! Tayong dalawá sana’y nakapagbalangkás at nakagawâ ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃àng balak: akó’y sa itaás, sa mataás na lipunán, magsasabog akó ng̃ [308]kamatayan sa gitnâ ng̃ mg̃a bang̃ó at gintô, gawíng asal hayop ang may masasamâng hilig, at pasamâín ó huwag pakilusin ang iláng mabuti, at kayó namán ay sa dakong ibabâ, sa bayan, sa gitnâ ng̃ kabinatàan, na gising̃in ang buhay sa gitnâ ng̃ dugô at mg̃a luhà! Ang ating gawâ, sa lugal na magíng madugô at ganid, ay nagíng kahabagán sana, ayós, anyông anyô, at ang tagumpáy sana ay siyáng nagíng dulo ng̃ ating pagsusumíkap! Ng̃unì’t walâng katalinuhang tumulong sa akin; tákot at kahinàang loób ang nátagpûán ko sa mg̃a may kabihasnán, pagkamapagsarilí sa mayayaman, pagkamapaniwalà sa kabatàan, at sa mg̃a bundók lamang, sa mg̃a kaparang̃an, sa mg̃a may mahihirap na kabuhayan lamang natagpûan ko ang aking mg̃a tao! Datapwâ’y walâng kailang̃an! kung hindî tayo makatapos ng̃ isáng ayós na larawan, na makinis ang lahát ng̃ kaniyáng anyô, sa batóng magaspang na ating tatapyasín, ay ang mg̃a súsunód na ang siyang magsisiganáp.

At pinigilan sa bisig si Basilio, na nakiking̃íg nang hindî nawawatasan ang kaniyáng sinasabi, at dinalá siyá sa gawàan na pinagtatagùan ng̃ kaniyáng mg̃a yarìng ukol sa kímika.

Sa ibabaw ng̃ isáng mesa ay may isáng kahang maitím na chagrín, na náhahawíg sa mg̃a pinagsisidlán ng̃ mg̃a kasangkapang pilak na inihahandóg sa kapwâ ng̃ mg̃a mayayaman at mg̃a harì. Binuksán ni Simoun at inilantád, sa ibabaw ng̃ rasong pulá, ang isáng lámpara na katang̃ìtang̃ì ang ayos. Ang sisidlán ay anyông isáng granada, kasinglakí ng̃ ulo ng̃ tao, may kauntîng biták, na kinakakikitàan ng̃ mg̃a butil sa loób, na ginayahan ng̃ malalakíng cornalina. Ang balát ay gintông nang̃itím at kuháng kuhá sampû ang mg̃a kilabot ng̃ bung̃ang kahoy.

Dahandahang kinuha ni Simoun, at matapos na maalís ang ilawán, ay inilantád ang loób ng̃ sisidlán: ang bao ay patalím, na ang kapal ay mg̃a dalawáng dalì, at maaarìng maglamán ng̃ higít sa dalawáng litro. Tinátanóng siyá sa ting̃ín ni Basilio: walâng máwawàan sa bagay na iyón.

Hindî na nagsalisalitâ ay maing̃at na kinuha sa isáng tinggalan ang isáng praskó at ipinakita sa binatà ang nasusulat sa ibabaw.

—¡Nitro-glicerina!—ang bulóng ni Basilio na nápaurong at inilayông biglâ ang kamáy.—¡Nitro-glicerina! Dinamita!

[309]At nang maunawà na mandín ay nang̃alisag ang kaniyáng mg̃a buhók.

—Oo, nitro-glicerina!—ang dahandahang ulit ni Simoun na tagláy ang kaniyáng malamlám na ng̃itî at malugód na tinitingnán ang praskó;—itó’y higít pa kay sa nitro-glicerina! Itó’y mg̃a luhàng naipon, mg̃a pagtataním na tinimpî, mg̃a kagagawáng walâ sa katwiran, at mg̃a pag-apí! Itó ang dakilàng katwiran ng̃ mahinà, lakás laban sa lakás, bayóng laban sa bayó.... Dî pa nalalaong akó’y nag-aalinlang̃an, ng̃unì’t kayó’y dumatíng at akó’y napapanibulos! Sa gabíng itó’y mang̃agsisiilandáng ang mg̃a lalòng mapang̃anib na maniniíl, ang mg̃a mániniíl na walâng muwáng, ang mg̃a nagkakanlóng sa likód ng̃ Dios at ng̃ Pamahalàan, na ang kaniláng mg̃a pamamasláng ay hindî napaparusahan sapagkâ’t walâng makausig sa kanilá! Sa gabíng itó mádiding̃íg ng̃ Pilipinas ang putók na dudurog sa walâng wastông monumento na pinadalî ko ang pagkabulók!

Si Basilio ay uulíg-ulíg: ang kaniyáng mg̃a labì’y gumágaláw nang walâng mapalabás na tunóg, nararamdamán niyáng hindî maikilos ang kaniyáng dilà, nanúnuyô ang kaniyáng ng̃aláng̃alá. Noon lamang niyá nakita ang marahás na tubig na napagdíding̃íg niyáng sinasabi, na warì’y tinigis sa dilím ng̃ mg̃a mapapangláw na tao, na lantád na kalaban ng̃ kalipunán. Ng̃ayó’y nasa sa haráp niyá, malinaw at naníniláwniláw, na ibinubuhos ng̃ boông pag-iing̃at sa loób ng̃ mapanutong granada. Sa ganáng malas niya, warìng si Simoun ay yaóng genio sa Sanglibo’t isáng gabí na lumalabás sa gitnâ ng̃ dagat: nag-aanyông malakíngmalakî, ang ulo’y abot sa lang̃it, pinasabog ang bahay at niyaníg ang boông siyudad sa isáng galáw ng̃ kaniyáng likód. Ang granada ay nag-aanyông isáng malakíng esfera, at ang biták ay isáng kakilakilabot na ng̃isi, na nilálabasán ng̃ apóy at lagabláb. Noon lamang napadalá si Basilio sa katakutan at nawalâng lubós ang kaniyáng kalamigang loób.

Samantala namá’y itinotornilyo ni Simoun ang isáng katang̃ìtang̃ì at pasalisalimuot na kasangkapan, inilagáy ang túbong bubog, ang bomba, at ang lahát ng̃ iyon ay pinutung̃an ng̃ isáng magaràng pantalya. Pagkatapos ay lumayô nang kauntî upang tanawín ang anyô, pinakilingkiling ang ulo sa magkabikabilâng tagiliran upang lalòng mataya ang ayos at kainaman.

[310]At nang makitang tinítitigan siya ni Basilio ng̃ ting̃íng nagtatanóng at nang̃ang̃anib, ay nagsabing:

—Mamayâng gabí’y magkákaroon ng̃ isáng pistá at ang lámparang itó’y ilalagáy sa gitnâ ng̃ isáng kioskong kakainán na sadyâ kong ipinagawâ. Ang lámpara ay magbibigáy ng̃ isáng maningníng na ilaw na sukat na siyang mag-isá upang magpaliwanag sa lahát: ng̃unì’t pagkaraan ng̃ dalawáng pûng minuto ay lalamlám ang ilaw, at sa gayón, kapag tinangkâng itaás ang lambal ay púputók ang isáng kapsulang fulminato de mercurio, ang granada ay sasabog at kasabáy niyá ang kakainán na sa bubóng at sahíg ay kinanlung̃án ko ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulbura upang walâng makaligtás na sino man......

Nagkaroón ng̃ sandalîng pananahimik: pinagmámasdán ni Simoun ang kaniyáng aparato at si Basilio ay bahagyâ nang humíhing̃á.

—Kung gayón ay hindî na kailang̃an ang aking tulong,—ang paklí ng̃ binatà.

—Hindî, kayó’y may ibáng katungkulang gáganapín,—ang sagót ni Simoung nagkukuròkurò,—sa iká siyám ay nakaputók na marahil ang mákina at ang tunóg ay náding̃íg na sa mg̃a kanugnóg na bayan, sa mg̃a bundukin, sa mg̃a yung̃íb. Ang kilusáng aking minunakalà na kasabwát ang mg̃a artillero ay hindî nangyari sa kakulang̃án ng̃ pamamahalà at pagsasabáysabáy. Sa ng̃ayó’y hindî na magkakagayón. Pagkáding̃íg ng̃ putók, ang mg̃a mahihirap, ang mg̃a sinísiíl, ang mg̃a naglálagalág na inuusig ng̃ kapangyarihan, ay mang̃agsísilabás na may sandata at makíkisama kay kabisang Tales sa Santamesa upang lusubin ang siyudad; sa isáng dako namán, ang mg̃a militar na pinaniwalà kong ang General ay nagpakanâ ng̃ isáng warì’y panghihimagsík upang huwag umalís, ay lálabás sa kaniláng mg̃a kuartel upang paputukán ang sino mang iturò ko. Samantala namáng ang bayan, sindák, at sa pag-aakalàng dumatíng na ang oras na silá’y pagpúpupugután, ay magbabang̃ong handâ sa pagpapakamatáy, at sa dahiláng walâng sandata at hindî silá ayós, kayó, na kasama ang ilán pa, ay siyáng mang̃ulo sa kaniyá at itung̃o ninyó sa tindahan ni insík Quiroga na pinagtagùan ko ng̃ aking mg̃a baríl. Kamí ni kabisang Tales ay magtátagpô sa siyudad at itó’y aming kukunin, at kayó sa mg̃a arabal ay tátayô kayó sa mg̃a tuláy, magmumuog [311]kayó roon, háhandâng sumaklolo sa amin at patayín ninyó, hindî lamang ang laban sa panghihimagsík, kungdî ang lahát ng̃ lalaking ayaw sumamang manandata!

—¿Ang lahát?—ang bulóng ni Basilio na ang boses ay mahinà.

—¡Ang lahát!—ang ulit ni Simoun na ang boses ay kasindáksindák,—ang lahát, indio, mestiso, insík, kastilà, ang lahát ng̃ mátagpûang walâng tapang at lakás ng̃ loob.... kailang̃ang baguhin ang lipì! Ang mg̃a amáng duwag ay walâng iaanák kundî mg̃a alipin, at walâng kabuluhán ang maggibâ kung magtatayô rin, na, ang gagamitin ay mg̃a bulók na sangkáp! ¿Anó? nang̃ing̃ilabot kayó? ¿Nang̃ing̃iníg, natatakot kayóng magsabog ng̃ kamatayan? ¿Anó ang kamatayan? ¿Anó ang kabuluhán ng̃ pagkamatáy ng̃ dalawáng pûng libong sawî? ¡Dalawángpûng libong paghihirap na mababawas at mg̃a ang̃awang̃aw na dahóp ang máililigtás sapól sa pinanggaling̃an! Ang lalòng matatakutíng namamahalà ay hindî nag-aalinlang̃an sa paglalagdâ ng̃ isáng kautusán, na nagiging sanhî ng̃ pagdadahóp at ng̃ untîuntîng paghihing̃alô ng̃ libo at libong nasasakop, na masasagwâ, masisipag, marahil ay maliligaya, upang masunod lamang ang isáng nasà, ang isáng náiisip, ang pagmamataás: at ¿kayó’y nang̃ing̃ilabot sapagka’t sa iisáng gabí ay matatapos na ang paghihirap ng̃ budhî ng̃ maraming duwag, sapagkâ’t ang isáng bayang hindî kumikilos at náhilig sa masamâ ay mamámatáy upang paraanin ang isáng bago, batà, masipag, punô ng̃ lakás? ¿Anó ang kamatayan? Isáng bagay na walâng kabuluhán ó isáng paghimbíng! ¿Ang kaniyáng mg̃a panagimpán bagá ay maipapantáy sa katunayan ng̃ paghihirap ng̃ lahát ng̃ dustâng anák sa isáng kapanahunan? Kailang̃ang lipulin ang kasamâán, patayín ang dragon upang ipaligò ang kaniyáng dugô sa bayang bago upáng gawin itóng malusog at dî madadaig! ¿Anó pa ang dî mababalìng batás ng̃ kalikasán, batás ng̃ pagtutunggalî na ang mahinà’y sápilitáng madadaíg upang huwag mamalagì ang lipìng masamâ at ang mg̃a lumikhâ ay pumauróng? ¡Iwaksí ng̃â ang mg̃a pagninilay babai! Maganáp ang mg̃a batás na walâng paglipas, tulung̃an natin siyá, at yayamang ang lupà ay lalò pang tumátabâ kapag siyá’y dinídilíg ng̃ dugô, at ang mg̃a trono ay lalòng nagtitibay kapag pinatitibayan ng̃ mg̃a pagkakasala at ng̃ [312]mg̃a bangkáy, ay hindî dapat mag-uróng sulóng, hindî dapat mag-alinlang̃an! ¿Anó ang sakít ng̃ kamatayan? Ang sandalîng pagkakaramdám, marahil ay walâng linaw, marahil ay masaráp gaya ng̃ sandalîng pag-itan ng̃ pag-aantók at nang paghimbíng.... ¿Anó ang mapapawì? Isáng kasamâán, isáng pagtitiís, mg̃a damóng unsiyamî upáng sa kanilá’y ipalít na itaním ang ibáng sariwà! ¿Tatawagin bagá ninyóng pag-utás ang gayón? Sa ganang akin ay tatawagin kong paglíkhâ, pagyarì, pagpapaunlád, pagbibigáy buhay....

Ang gayong mg̃a marurugông paghuhulòhulò na sinabi sa loob ng̃ boông pananalig at kalamigang loob, ay nakapanglupaypáy sa binatà, na ang pag-íisip ay ng̃aláy na dahil sa mahigit na tatlóng buwáng pagkakábilanggô at bulág sa hang̃àd na makapaghigantí, ay hindî na laan sa pagsurì nang tinutung̃o ng̃ mg̃a bagaybagay. Sa lugal na isagot na ang taong lalòng masamâ ó matatakutín ay mahigít magpakailan man sa damó, sapagkâ’t may isáng káluluwa at isáng pag-íisip, na, kahì’t mapakasamâ-samâ at magpakaasal hayop, ay mangyayarìng mapabuti; sa lugal na itugóng ang tao ay walâng karapatáng mamahalà sa buhay ng̃ sino man sa kapakinabang̃án ng̃ kahì’t sino, at na ang karapatán sa buhay ay tagláy ng̃ bawà’t isá, gaya rin namán ng̃ karapatán sa kalayàan at sa kaliwanagan; sa lugal na ipinaklíng kung kapaslang̃án man ng̃ mg̃a pamahalàan ang pagpaparusa sa mg̃a pagkukulang ó kasamaanggawâ, na kaniláng pinag-abuyán dahil sa kakulang̃án sa pag-iing̃at ó kamalìan, gaano pa kayâ ang isáng tao, kahì’t na nápakalákí at nápakasawî, na magpaparusa sa kaawàawàng bayan ng̃ pagkukulang ng̃ kaniyáng mg̃a pamahalàan at mg̃a ninunò; sa lugal na sabihing ang Dios lamang ang tang̃ìng makagágawâ ng̃ mg̃a gayóng paraan, na, ang Dios ay maaarìng lumikhâ, ang Dios ang may hawak ng̃ gantíngpalà, ng̃ walâng katapusán at ng̃ kinabukasan upang mabigyáng katwiran ang kaniyáng mg̃a gawâ, ng̃unì’t ang tao’y hindî, magpakailan man! Sa lugál ng̃ mg̃a pang̃ang̃atwirang itó, ay walâng inilaban si Basilio kundî isáng karaniwang puná:

—¡Anó ang sasabihin ng̃ boong mundó sa haráp ng̃ gayong pagpapapatáy!

—Gaya ng̃ karaniwan, ang mundó’y papagakpák, at bibigyáng katuwiran ang lalòng malakás, ang lalòng mabang̃ís!—[313]ang pang̃itîng sagót ni Simoun.—Ang Europa ay pumagakpák nang ang mg̃a bansâ sa kanluran ay pumatáy ng̃ ang̃aw ang̃aw na indio sa Amérika, at hindî pa upang makapagtatag ng̃ mg̃a bansâng lalòng may mabubuting hilig ni lalòng matahimik; nariyan ang Hilagà, na may tagláy na kalayàang sinasarili, may batás ni Lynch, may mg̃a dayà sa polítika; naiyan ang Timog na may mg̃a walâng katahimikang repúblika, may mg̃a himagsikan ng̃ magkababayan, mg̃a pagbabang̃on, gaya ng̃ nangyari sa kaniyáng ináng España! Ang Europa ay pumagakpák ng̃ hubarán ng̃ Portugal ang mg̃a pulông Molukas, pumagakpák ng̃ pugnawín ng̃ makapangyarihang Inglaterra ang mg̃a lipìng likás sa Pasípiko upang ilagáy ang sa kaniyang mg̃a taong naglilipat bayan. Ang Europa ay papagakpák nang gaya ng̃ pagakpák sa pagtatapós ng̃ isáng drama, sa pagkatapós ng̃ isáng tragedia: hindî lubhâng pinapansín ng̃ madlâ ang pinakalayon, ang tinitignán lamang ay ang ipinamamalas na mainam sa matá! Gawíng maayos ang kabuktután at hahang̃âan at magkakaroon pa nang higít na kampí kay sa mg̃a gawâng kabutihan, na ginanáp sa paraang mabanayad at kimî.

—Siya ng̃â,—ang paklí ng̃ binatà,—¿at sakâ anóng mayroon sa akin ang pumagakpák man ó pumulà, kung ang mundóng iyan ay hindî nababalino ng̃ dahil sa mg̃a sinisiil, sa mg̃a maralitâ’t sa mg̃a babai? ¿Anóng ipagpipitagan kó sa kalipunan sa siyá’y hindî nagtatagláy ng̃ gayón sa akin?

—Ganiyán ang ibig ko,—ang sabing matagumpáy ng̃ nag-uudyók.

At kumuha ng̃ isáng rebolber sa isáng kahón, at iniabót sa kaniyang ang sabi’y:

—Sa ika sampû ay antabayanan ninyó akó sa tapát ng̃ simbahan ng̃ S. Sebastián upang tanggapín ang aking mg̃a hulíng bilin na dapat gawín. ¡Ah! Sa ika siyam ay nárarapat kayóng málayô, lubhâng malayò, sa daáng Anloague!

Siniyasat ni Basilio ang armás, linagyán ng̃ punglô at itinagò sa kaniyáng bulsáng pangloob ng̃ amerikana. Nagpaalam sa pamagitan ng̃ isáng putól na:—¡Hanggáng mámayâ!

[314]