Ang "Filibusterismo", ni José Rizal
XXXIV
Ang kasál
Nang nasa sa daán na si Basilio ay iniisip kung anó ang kaniyang mágagawâ hanggáng sa sumapit ang kalagím lagím na sandalî; mag-iika pitó pa lamang. Panahón niyon nang pamamahing̃á sa pag-aaral at ang mg̃a nag-aaral ay nasa sa kaníkaniláng bayan. Si Isagani ang tang̃ìng hindî umuuwî, ng̃unì’t nawalâ mulâ ng̃ umagang iyon at hindî maalaman kung saan nároroon. Itó ang sinabi kay Basilio, ng̃ makapanggaling sa bilanggûan at dinalaw ang kaniyang kaibigan upang makituloy. Hindî maalaman ni Basilio kung saan siya páparoon, walâ siyang kualta, walâ siyang anoman, liban na lamang sa rebolber. Ang pagkaalaala sa lámpara ang siyáng gumiít sa kaniyáng pag-iisip: sa loób ng̃ dalawáng oras mangyayari ang malakíng sakunâ at, kung maalaala ang gayón, sa warì niya’y pawàng walâng ulo ang mg̃a lalaking nagdadaán sa kaniyáng harapán: nagdamdám siya ng̃ isáng mabang̃ís na katuwàan sa pagsasabi sa sarili, na kahì’t gayóng dayukdók sa gabíng iyon ay magiging siyang kakilakilabot, na kahì’t galing sa pagka nag-aaral at alilà marahil ay makita siya ng̃ araw na kasindáksindák at kalagímlagím, na nakatayô sa ibabaw ng̃ buntón ng̃ mg̃a bangkáy, naglalagdâ ng̃ mg̃a kautusán doon sa mg̃a nagdadaang nakalulan sa kaniláng maiinam na sasakyán. Humalakhák na warì’y isáng napakasamâ, at kinapâ ang puluhán ng̃ rebolber: ang mg̃a kaha ng̃ punglô ay nasa sa kaniyáng mg̃a bulsá.
Bumukó sa kaniyang loob ang isáng katanung̃an ¿saan magsisimulâ ang patayan? Sa kaniyáng kalituhán ay hindî niya naisip ang itanóng kay Simoun, ng̃unì’t sinabi sa kaniyá ni Simoun na lumayô sa daang Anloague.
Nang magkagayó’y nagkaroon siya ng̃ isáng hinalà; nang kinahapunang iyon, ng̃ siya’y lumabás sa bilanggûan, ay tumung̃o siya sa dating bahay ni kapitáng Tiago, upang hanapin ang kaniyáng kauntìng kasangkapan, at nátagpûan niyáng ibá ang anyô at laan sa isáng pistá; yaon ang kasál ni Juanito Pelaez!
May sinabing isáng pistá si Simoun.
Nákitang nagdaan sa harapán niya ang isáng mahabàng [315]hanay ng̃ mg̃a sasakyán na punô ng̃ babai’t lalaking kaginoohan na nang̃agsasalitâan; warìng nakakita siya sa loób ng̃ malalakíng kumpol ng̃ bulaklák, ng̃unì’t hindî niya pinuná ang bagay na iyon. Ang mg̃a karuahe ay patung̃o sa daang Rosario, at sa dahiláng násagupà sa mg̃a nanggagaling namán sa tuláy ng̃ España, ay nang̃áhihintông madalás at dahandahan ang lakad. Sa isáng sasakyán ay nakita si Juanito Pelaez sa piling ng̃ isáng babai na putî ang bihis at may talukbong na madalang; nákilala niyang iyon ay si Paulita Gomez.
—¡Si Paulita!—ang bulalás na pamanghâ.
At nang makitang tunay ng̃âng siyá, gayák ikinasal, na kasama si Juanito Pelaez, na warìng nang̃agsipanggaling sa simbahan.
—¡Kaawàawàng Isagani!—ang bulóng—¿anó kayâ ang nangyari sa kaniyá?
Inalalang iláng sumandalî ang kaniyáng kaibigan, káluluwáng dakilà, mahabagin, at itinanóng sa sarili niya kung hindî kayâ mabuting balítàan ng̃ balak, ng̃unì’t sinagót din niya ang sarili, na si Isagani ay hindî makíkialám magpakailan man sa gayóng patayan.... Hindî inasal kay Isagani ang ginawâ sa kaniyá.
Pagkatapos ay naisip na kung hindî sa pagkakabilanggô, sa mg̃a oras na iyon, siya’y ikinákasal ó may asawa na, licenciado sa Medicina, namumuhay at nanggagamót sa isáng sulok ng̃ kaniyáng lalawigan. Ang larawan ni Hulî, na lurayluráy dahil sa pagkakalagpák, ay nagdaán sa kaniyáng pag-iisip; mg̃a maitím na lagabláb ng̃ pagtataním ang nag-apóy sa kaniyáng balintatáw, at mulîng hinimas ang puluhán ng̃ rebolber na dináramdám ang hindî pa pagsapit ng̃ kakilakilabot na sandalî. Sa gayó’y nákita si Simoun na lumabás sa pintô ng̃ kaniyáng bahay na tagláy ang sisidlán ng̃ lámpara, na nababalot nang boông ing̃at, lumulan sa isáng sasakyáng nakisunód sa hanay ng̃ mg̃a umaabay sa mg̃a bagong kasál. Upang huwag maligtâan ni Basilio si Simoun ay kinilala ang kotsero, at namanghâ siya ng̃ mákilala na iyón ay ang kaawàawàng naghatíd sa kaniyá sa S. Diego, si Sinong, ang binugbóg ng̃ Guardia Civil, iyón ding nagbabalità sa kaniyá sa bilanggûan ng̃ lahát ng̃ nangyayari sa Tiani. Sa pagkukuròkurò niya na ang daang Anloague [316]ay siyang pangyayarihan, ay doon tumung̃o ang binatà, na nagmadalî’t nagpáuna sa mg̃a karuahe. Tunay ng̃â, ang lahát ay tung̃o sa dating bahay ni kapitang Tiago: doon nagkakatipong ang hanap ay isáng sáyawan upang magsiikot sa hang̃in! Nátawá si Basilio nang makita ang mg̃a Guardia Veterana na nang̃ag-aayos doon. Dahil sa kaniláng dami ay mahúhulàan ang kahalagahan ng̃ pistá at ng̃ mg̃a panaohin. Siksikan ang tao sa bahay, ang liwanag ay tumatapon sa kaniyáng mg̃a durung̃awán; ang silong ay nakakalatan ng̃ alpombra at punô ng̃ bulaklák; sa itaás, marahil ay sa kaniyáng ulila at dating silíd, tumútugtóg ang orkesta ng̃ masasayáng tugtugin, na hindî namán nakatatakíp na lubós sa magusót na aling̃awng̃áw ng̃ tawanan, salitàan at halakhakan.
Si D. Timoteo Pelaez ay umaabot sa tugatog ng̃ kapalaran, ng̃unì’t ang mg̃a nákikitang iyón ay higít sa kaniyáng mg̃a pinang̃arap. Naipakasál din ang kaniyáng anák sa isáng binibining magmamana sa mg̃a Gómez, at salamat sa salapîng ipinautang sa kaniyá ni Simoun, ay nábilí niya ang bahay na iyon sa kalahatì ng̃ halagá, doon niya ginawâ ang pistá, at ang mg̃a pinakamalalakíng diosdiosan ng̃ Olimpo sa Maynilâ ay kaniyáng magiging panaohin, upang sapuhín siya sa kináng ng̃ kaniláng mg̃a karang̃alan. Sapol sa umaga ay masidhîng pumapasok sa kaniyáng kalooban, na warì’y isáng karaniwang awit, ang isáng malabòng sambít na nábasa sa kaniyáng mg̃a pakikinabang: “¡Sumapit na ang oras na mapalad! Lumapít na ang sandalîng maligaya! Matutupad nang madalî sa iyó ang mg̃a kahang̃àhang̃àng salitâ ni Simoun: Buháy akó, ng̃unì’t hindî akó kundî ang Capitán General ang nabubuhay sa akin, at ibp.” Ang Capitán General ay ináama ng̃ kaniyáng anák! Tunay ng̃â’t hindî kaharáp sa kasál, kinatawán siya ni D. Custodio, ng̃unì’t páparoong hahapon, at magdadalá ng̃ isáng handóg sa ikinasál, isáng lámpara na kahì’t ang kay Aladín ay hindî makapapantáy....—sa lihim—si Simoun ang nagbigáy ng̃ lámpara. Timoteo ¿anó pa ang ibig mo?
Ang pagkakabago ng̃ bahay ni kapitáng Tiago ay lubhâng malakí; diniktán ng̃ mg̃a bagong papel na maiinam; ang usok at amóy ng̃ apian ay nawalâ. Ang malakíng salas na lalòng pinaluluwang ng̃ malalakíng salamín na nakapagpaparami pa sa mg̃a ilaw ng̃ mg̃a araña, ay nalalatagan ng̃ alpombra: may alpombra [317]ang mg̃a salón sa Europa, at kahì’t ang daling ay makintáb na makintáb at malalapad ang tablá, ay dapat ding magkaroon ng̃ alpombra ang kaniyang salas, sapagkâ’t ¡hindî mangyayaring hindî magkágayon! Ang maiinam na sillería ni kapitang Tiago ay nawalâ, siya’y napalitán ng̃ ayos Luis XV, malalakíng tabing na tersiopelong pulá na may burdáng gintô, may letra ng̃ pang̃alan ng̃ mg̃a ikinasál, at napipiglán ng̃ tinuhog na bulaklák ng̃ suhàng huwad, ang nang̃akasabit sa mg̃a portiers at nagwawasiwas sa sahíg ng̃ kaniláng malapad na laylayang gintô rin. Sa mg̃a sulok ay may malalakíng pasông yarì sa Japón na násasalít sa mg̃a gawâ sa Sevres, na kulay bugháw na malinis, na nang̃alalagáy sa mg̃a pedestal na kahoy na may lílok. Ang tang̃ìng walâ sa ayos ay ang mg̃a matitingkád na cromo na ipinalít ni D. Timoteo sa mg̃a dating grabado at mg̃a larawan ng̃ santó ni kapitang Tiago. Hindî siya nahikayat ni Simoun; ayaw ng̃ mg̃a cuadrong óleo ang mang̃ang̃alakal, bakâ may maghinalàng gawâ ng̃ mg̃a artistang pilipino.... ¡siya ay magbigáy buhay sa mg̃a artistang pilipino, iyan ang hindî mangyayari kailan man! sa gayó’y mahahalò ang kaniyáng katiwasayán at marahil ay sampû ng̃ buhay, at alám niya kung papano ang pamamangkâ sa Pilipinas! Tunay ng̃â’t nakáding̃íg siya ng̃ pag-uusap na ukol sa mg̃a artistang taga ibáng lupà na gaya nina Rafael, Murillo, Velázquez, ng̃unì’t hindî niya maísip kung papano ang gágawíng pakikipagalám sa mg̃a taong yaón, at sakâ ang isá pa’y bakâ mang̃agsilabás na may laban sa pamahalàan..... Sa cromo ay walâ siyang ináalaalang anomán, hindî gawâng pilipino, mura pa, gayon din ang anyô, kundî lalong mabuti, ang mg̃a kulay ay lalòng makikináng at mabuti ang pagkakayarì! Alám ni D. Timoteo kung papano ang dapat ugalìin sa Pilipinas!
Ang malakíng caida, na nahiyasán ng̃ mg̃a bulaklák, ay siyang nagíng kakainán, isáng malakíng dulang na sukat sa tatlóng pû katao ang nasa gitnâ, at sa mg̃a paligid, nátatabí sa mg̃a pader, ay may iláng maliliít na sukat sa dalawá ó tatló katao. Mg̃a kumpól na bulaklák, mg̃a buntón ng̃ bung̃ang kahoy na kahalò ng̃ mg̃a sintás at ilaw ang siyáng namumunô sa gitnâ ng̃ mg̃a dulang. Ang pinggán ng̃ ikinasál na lalaki ay may tandâng isáng kumpol na alehandría, ang sa babai ay isá namáng kumpol na bulaklák [318]ng̃ suhà at asusena. Sa haráp nang gayóng karing̃alan at karaming bulaklák ay papasok sa guníguní ng̃ kahì’t sino, na mg̃a ninfa na madalang ang damít at mg̃a kupidong malilíit, na ang pakpák ay makulay, ang siyáng magdudulot ng̃ mg̃a alak at pagkain ng̃ mg̃a dioses sa mg̃a panaohing taga alapaap, na sinasaliwán ng̃ mg̃a kudyapî at alpá ng̃ mg̃a taga Eolia.
Gayón man, ang dulang na ukol sa malalakíng dioses, ay walâ roón, nálalagáy sa gitnâ ng̃ malapad na asotea, sa isáng magandáng kiosko, na sadyâng niyarìng ukol doon. Isáng persianang kahoy na ginintûan, na kinákapitan ng̃ mg̃a punòng gumágapang, ang nagkakanlóng ng̃ pinakaloób sa malas ng̃ madlâ, ng̃unì’t hindî nakapipigil sa paglalabás pumasok ng̃ hang̃in, upang mapalagì ang masaráp na simoy na kailang̃an. Isáng mataás na tuntung̃an ang pinagpatung̃an ng̃ mesa upang tumaás kay sa ibáng dulang na kakanan ng̃ mg̃a tao lamang, at isáng bubóng, na pinalamutihan ng̃ lalòng mabubuting artista, ang magsasanggaláng sa mg̃a tuktók harì sa mg̃a may inggit na tanáw ng̃ mg̃a bitûin.
Doó’y walâ kun dî pípitóng cubiertos; ang mg̃a kagamitán ay pawàng pilak, ang mg̃a mantel at serbilyeta ay manipís na lino, ang mg̃a alak ay yaóng lalòng pinakamahál at masaráp. Hinanap ni D. Timoteo ang lalòng bibihirà at mahalagá at hindî siyá marahil nag-alinlang̃ang gumawâ ng̃ isáng kabuktután kung násabi sa kaniyáng ang General ay maibigíng kumain ng̃ lamán ng̃ tao.