Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXXV

Ang pistá

“Danzar sobre un volcán.”

Nang iká pitó ng̃ gabí’y nagdatíngdating̃an na ang mg̃a inangyayahan: una, ang mg̃a mumuntîng diosdiosan, mg̃a kawaníng may mababàng katungkulan, mg̃a pang̃ulo sa kagawarán, mg̃a máng̃ang̃alakal, at ibp., na tagláy ang mg̃a pagbatìng lubós na magalang at ang mg̃a kilos na tuwíd na tuwíd, sa mg̃a unang sandalî, na warìng noón lamang natutuhan: ang gayóng karaming ilaw, tabing at mg̃a kristal ay nakapagpapang̃aníng̃aní ng̃ kauntî. Pagkatapos ay nawawalâ [319]na ang gayóng ayos at palihím na nagtutumbukan, tampalan sa tiyán at ang ilán ay umabót sa pagkukutusan. Tunay ng̃âng ang ilán ay umaayos ng̃ anyông pagwawalâng bahalà upang ipakilala na silá’y dagí sa mg̃a bagay na higít pa sa roón, ¡at sadyâ ng̃âng gayón! May diosa na naghikáb dahil sa ang lahát nang iyón, sa palagáy niya, ay tiwalî at sinabing may gazuza; isá pa’y nagalit sa kaniyang dios, ikinumpáy ang kamáy upang tampalín. Si D. Timoteo ay payukôyukô sa lahát ng̃ pook; nagtatapon ng̃ isáng ng̃itî, igagaláw ang baywáng, uurong, bibigáy ng̃ kalahatìng ikit, boong ikit, ibp., kayâ’t ang isá pang diosa ay nakapagsabi tulóy sa kaniyáng kalapít, sa tulong ng̃ pagkákanlóng sa pamaypáy, na:

¡Chica, que filadelfio está el tío! Mía que paese un fantoche.

Pagkatapos ay dumatíng ang mg̃a bagong kasál, na kaakbáy si aling Victorina at ang lahát ng̃ kaang̃ay. Mg̃a maligayang batì, kámayan, mg̃a tapík na warìng pag-aampón sa lalaking bagong kasál, mg̃a ting̃íng patitíg, malansá, masurì ng̃ mg̃a lalaki sa binibining bagong kasál; sa dako ng̃ mg̃a babai ay pagsisiyasat ng̃ kagayakan, ng̃ hiyás, pag taya ng̃ lakás, ng̃ buti ng̃ katawán, ibp.

—¡Si Psiquis at si Cupido na dumatíng sa Olimpo!—ang binuko sa sarili ni Ben-Zayb at itinalâ niyang mabuti sa pag-iisip ang pag-aanyô upang bitiwan sa lalòng katampatang sandalî.

Ang lalaking bagong kasál ng̃â’y may tagláy ng̃ mukhâng palabirô ng̃ dios ng̃ pag-ibig, at kung ipagpapaumanhin ng̃ kauntî ay mapagkákamalang lalagyán ng̃ panà ang kaniyang kakubàang napakaumbók, na hindî maikanlong sa suot niyang frac.

Si D. Timoteo ay nagdáramdam na ng̃ pananakít ng̃ baywang, ang mg̃a kalyo ng̃ kaniyáng paa ay untîuntîng nananakít, ang kaniyang liig ay nang̃ang̃awit at ¡walâ pa ang Capitán General! Ang mg̃a malalakíng dioses, na sa kanilá’y kabilang si P. Irene at si P. Salvi, ay nang̃agsidatíng na ng̃â ng̃unì’t walâ pa ang malakíng kulóg. Hindî siya mápalagáy, nang̃ang̃anib, ang kaniyang pusò’y tumítibók nang malakás, sinusumpóng siya ng̃ isáng kailang̃an, ng̃unì’t dapat munang unahin ang pagbatì, pagng̃itî, at pagkatapos ay paparoon, ng̃unì’t hindî [320]mangyari, uupô’t titindíg, hindî nádiding̃íg ang sa kaniyá’y sinasabi, hindî masabi ang ibig sabihin. At samantala’y isáng malulugdíng dios ang nagsabi sa kaniyá ng̃ iláng punáng ukol sa mg̃a cromo, ná tinútuligsâ’t sinasabing nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng.

—¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!—ang ulit ni D. Timoteo na nakang̃itî ng̃unì’t ng̃alíng̃alíng labnutín ang nagsasalitâ:—datapuwâ’y yarì iyan sa Europa at siyang mg̃a pinakamahál na nátagpûan ko sa Maynilà! ¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!

At isinúsumpâ sa sarili ni D. Timoteo na kinabukasan ay ipasising̃íl ang lahát ng̃ utang ng̃ mánunuligsâ sa tindahan niya.

Nakáding̃íg ng̃ mg̃a pasuwít, takbuhan ng̃ mg̃a kabayo, dumatíng dín!

—¡Ang General!—¡Ang Capitan General!

Namumutlâ sa pagkagulumihanan, ay tumindíg si D. Timoteo na dî ipinahahalatâ ang sakít ng̃ kaniyáng mg̃a kalyo, at kasama ng̃ kaniyáng anák at iláng malalakíng dios, ay pumanaog upang salubung̃in ang Magnum Jovem. Nawalâ ang sakít ng̃ kaniyáng baywang dahil sa pag-aalinlang̃ang pumasok sa kaniyáng kalooban ¿dapat siyang ng̃umitî ó magpakita ng̃ mukhâng walâng katawatawa? ¿dapat niyang iabót ang kaniyáng kamáy ó antabayanang iabót sa kaniyá ang sa General? ¡Putris! ¿bakit kayâ hindî niya naalaala ang ukol sa bagay na iyon at nang naitanóng sana sa kaibigan niyang si Simoun? Upang huwag mápuná ang kaniyáng pagkagulumihanan ay itinanóng nang marahan at sirâ ang boses sa kaniyáng anák:

—¿Naghandâ ka ba ng̃ talumpatì?

—Hindî na ginagamit ang mg̃a talumpatì, tatay, at dito ay lalò pa!

Dumatíng si Jupiter na kasama si Juno, na warì’y isáng kastilyong sususuhan: may brillante sa ulo, may brillante sa liig, sa mg̃a bisig, mg̃a balikat, sa boông katawán! Ang suot ay isáng mainam na kagayakang sutlâ; mahabà ang cola, na may burdáng bulaklák na namumukód sa ibabaw.

Tunay ng̃âng inarì ng̃ General ang kaniyáng bahay, gaya ng̃ ipinamanhík na búbulóngbulóng ni D. Timoteo. Ang orkesta ay tumugtóg ng̃ marcha real at ang mag-asawang [321]Dios ay tuwíd na tuwíd na umakyát sa hagdanang may sapíng alpombra.

Ang katigasan ng̃ anyô ng̃ General ay hindî gawâ-gawâ lamang; marahil noon lamang siyá nagdamdám lungkót, sapól nang dumatíng sa Pilipinas; muntîng pighatî ang namamahay sa kaniyáng dilidili. Yaón ang hulíng tagumpáy, sa kaniyáng tatlóng taóng paghaharì, at sa loob ng̃ dalawáng araw, ay iiwan na niyá ang gayóng kataás na kalagayan. ¿Anó ang iiwan sa kaniyáng likurán? Hindî ibinabaling ng̃ General ang kaniyáng ulo at ibig pa niyá ang tumanáw sa hináharáp, sa dáratíng! Dadalhín niyá ang isáng kayamanan, malalakíng halagáng nálalagáy sa mg̃a Banko sa Europa ang nag-áantáy sa kaniyá, mayroón siyáng mg̃a hotel, ng̃unì’t marami siyáng sinaktán, marami siyáng kalaban sa Corte, ináantáy siyá roon ng̃ mataás na kawaní! Ang ibáng general ay yumamang madalî na gaya niyá at ng̃ayó’y mg̃a hiráp na hiráp. ¿Bakit hindî siyá magpalumagák ng̃ kauntì pang panahón na gaya ng̃ payo ni Simoun? Hindî, bago ang lahát ay ang kahihiyán muna. Sa isáng dako’y hindî na lubhâng payukô ang mg̃a batì sa kaniyá na gaya ng̃ dati; nakápupuná siyá ng̃ mg̃a ting̃íng patitíg, at pagkainíp; at sinásagót niyáng magiliw at tinátangká niyáng ng̃umitî.

—¡Napagkíkilalang papalubóg na ang araw!—ang bulóng ni P. Irene, sa taing̃a ni Ben-Zayb,—¡marami na ang tumititig sa kaniyá ng̃ haráp harapan!

¡Putris na kura! yaón pa namán sana ang kaniyáng sásabihin.

—Inéng—ang bulóng sa taing̃a ng̃ kalapít ng̃ babaing nagpang̃anláng fantoche kay D. Timoteo—¿Nakita mo ba kung anó ang saya?

—Uy! ang mg̃a tabing sa palasyo!

—¡Hantáy! at siyá ng̃â palá! Dádalhíng lahát kung gayón. Tingnán mo’t pag hindî ginawâng abrigo ang mg̃a alpombra!

—¡Ang gayó’y walâng ibáng ipinakikilala kundî may katalinuhan at mabuting mamilì!—ang paklí ng̃ asawa na kinagalitan ang kabiyak niya sa pamag-itan ng̃ isáng ting̃ín,—ang mg̃a babai’y dapat magíng masinop!

Dináramdám pa ng̃ kaawàawàng dios ang sining̃íl ng̃ modista.

[322]—¡Anák ko! dî bigyán mo akó ng̃ mg̃a panabing na tig lalabíng dalawáng piso ang isáng bara at tingnán mo kung isusuot ko ang mg̃a basahang itó!—ang paklí ng̃ namuhîng diosa;—¡Jesús! sakâ ka na magsalitâ kapag nagkaroon ka nang magaràng sinundán!

Samantala’y si Basilio, na nasa tapát ng̃ bahay, ay kahalobilo ng̃ mg̃a nanonood, at binibilang ang mg̃a taong pumapanaog sa mg̃a karuahe. Nang mákita ang gayóng karaming taong masasayá at tiwalà, nang mákita ang dalawáng bagong kasál, na sinusundán ng̃ mg̃a kaang̃ay niyang mg̃a dalagindíng na mg̃a walâng malay at walâng agam-agam, at naisip na mátatagpûán doón ang kakilakilabot na kamatayan, ay naawà siyá at náramdamáng nagbawa ang kaniyáng galit.

Nagtagláy siyá ng̃ nasàng iligtás ang gayóng karaming mg̃a walâng sala, inísip na sumulat at magbigáy alám sa mg̃a may kapangyarihan; ng̃unì’t dumatíng ang isáng karuahe at nagsibabâ si P. Salvi at si P. Irene, na kapuwâ may kasiyahang loób, at warìng ulap na dumaán, ay napawì ang kaniyáng mabubuting hang̃ád.

—Anó ang mayroon sa akin?—aniyá sa sarili—¡magbayad ang mabubuti na kasama ng̃ masasamâ!

At idinagdág pagkatapos upáng panahimikin ang kaniyáng mg̃a pagkabalisa:

—Hindî akó mánunuplóng, hindî ko dapat pang̃ahasán ang pagtitiwalà sa akin. Ang utang ko sa kaniyá ay higít kay sa lahát nang iyan; siyá ang humukay ng̃ pinaglibing̃án sa aking iná; ang mg̃a taong iyán ang pumatáy! ¿Anó ang mayroón nilá sa akin? Ginawâ ko ang lahát upang magíng mabuti, magkaroón ng̃ halagá; pinagsikapan ko ang lumimot at magpatawad; tiniís ko ang lahát ng̃ pataw at walâ akóng hining̃î kundî ang bayàan lamang akóng mátiwasáy! Akó’y hindî nakasasagabal sa kanino man.... ¿Anó ang ginawâ sa akin? ¡Umilandáng sa hang̃in ang kaniláng luráy na katawán! Labis na ang tiniís namin!

Pagkatapos ay nakitang pumasok si Simoun na dalá sa kamáy ang kakilakilabót na lámpara, nakitang binagtás na dahandahan ang silong, ang ulo’y nakatung̃ó at warìng nag-íisíp. Naramdamán ni Basilio na ang kaniyáng pusò’y tumítibók ng̃ mahinàngmahinà, na ang kaniyáng mg̃a paá’t kamáy ay nanglálamíg at ang maitím na anino ng̃ mag-aalahás ay [323]nagkákaroón ng̃ anyông nakapang̃ing̃ilabot na nalilibid ng̃ lagábláb. Sa tabí ng̃ hagdán ay tumigil si Simoun na warì’y nag-aalinlang̃an; si Basilio’y hindî humíhing̃á. Ang pag-aalinlang̃an ay hindî nagluwát: itinaás ni Simoun ang kaniyáng ulo, patuloy na umakyát sa hagdanan at nawalâ.

Sa warì ng̃ nag-aaral ay sasabog na ang bahay at ang mg̃a dingdíng, mg̃a lámpara, mg̃a panaohin, bubung̃án, mg̃a durung̃awan, orkesta, ay umíilandáng sa hang̃in na warìng isáng dakót na baga sa gitnâ ng̃ isáng kasindáksindák na putók; tuming̃ín sa kaniyáng paligid at inakalàng ang mg̃a nanónoód na nároon ay pawàng bangkáy; nakikita niyáng luráyluráy, sa warì niya’y napúpunô ng̃ apoy ang hang̃in, ng̃unì’t ang kalamigang loób ng̃ kaniyáng pagkukurò ay nanagumpáy sa pag-uulap na iyóng dumaán na tinulung̃an ng̃ gutom, at aniyá sa sarili:

—Samantalang hindî pumápanaog, ay walâng pang̃anib. Hindî pa dumáratíng ang Capitán General!

At pinilit na mag-anyô siyáng panatag at pinipigil ang pang̃ang̃aykáy ng̃ kaniyáng mg̃a paa, at tinangkâng malibáng sa pag-iisíp ng̃ ukol sa ibáng bagay. Mayroong warì’y kumúkutyâ sa kaniyá sa sariling kalooban at sinasabi sa kaniyáng:

—Kung nang̃ing̃iníg ka ng̃ayóng hindî pa sumasapit ang sandalîng takdâ ¿anó ang aasalin mo kapag iyóng nakitang bumábahâ ang dugô, nag-aalab ang mg̃a bahay at sumásagitsít ang mg̃a punlô!

Dumatíng ang General, ng̃unì’t hindî siyá nápuná ng̃ binatà; minámataan ang mukhâ ni Simoun na isá sa mg̃a pumanaog upang sumalubong, at nákilala niyá sa walâng awàng anyông iyón ang hatol na kamatayan sa lahát ng̃ taong nároon, at sa gayón ay pumasok sa kaniyá ang mulîng pagkasindák. Siya’y nanglamíg, sumandíg sa pader ng̃ bahay, at nakatitig sa mg̃a durung̃awan at tinalasan ang mg̃a pangding̃íg, tinangkâng hulàan ang mangyayari. Nakita sa salas ang maraming taong nakaligid kay Simoun at pinagmamasdán ang lámpara; nakáding̃íg ng̃ mg̃a maliligayang batì, mg̃a bulalás na paghang̃à; ang mg̃a salitâng “comedor estreno” ay náulit-ulit; nákitang ng̃umitî ang General at kinuròkurò niyáng sa gabíng iyón gagawín ang unang paggamit, alinsunod sa itinakdâ ng̃ mag-aalahás, at tunay ng̃âng sa dulang [324]na hahapunan ng̃ General. Si Simoun ay nawalâng sinusundán ng̃ maraming humahang̃à.

Nang mg̃a katang̃ìtang̃ìng sandalîng iyón ay nagtagumpáy ang kaniyáng magandáng pusò, linimot ang lahát ng̃ kaniyáng pagtataním, linimot si Hulî, tinangkâng iligtás ang mg̃a walâng sala, at humandâ, mangyari na ang mangyayari, tinawíd ang daán at nagtangkâng pumasok. Ng̃unì’t nalimot ni Basilio na nápakadukhâ ang kaniyáng suot; pinígil siya ng̃ bantáy-pintô, at nang mákita ang kaniyáng pagpupumilit ay binantâán siyáng tatawag ng̃ dalawang Veterana.

Nang mg̃a sandalîng iyón ay pumapanaog si Simoun na namumutlâ nang kauntî. Binayàan ng̃ bantáy si Basilio upang yumukô sa mag-aalahás na warì’y nagdaán ang isáng santó. Nàhalatâ ni Basilio sa anyó ng̃ mukhâ na lilisanin nang pátuluyan ang sawîng bahay na iyón at ang làmpara ay may ilaw na. Alea jacta est. Dalá ng̃ pag-íing̃at sa sarili, ay náisip ang lumigtás. Maaarìng másumpung̃án ng̃ kahì’t sino na galawín ang ilawán, alisín ang timtím at sa gayón ay puputók at ang lahát ay matatabunan. Náding̃íg pa si Simoun na nagsabi sa kotsero na:

—¡Sa Escolta, tulinan mo!

Gulilát at sa takot na mading̃íg ang kakilákilabot na putók, ay lumayô si Basilio nang boông tulin sa sawîng poók na iyón: sa warì niya’y walâ ang liksíng kailang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a hità, ang kaniyáng mg̃a paa’y nádudulás sa mg̃a bangketa na warìng lumalakad at hindî kumikilos, ang mg̃a taong nakakasalubong ay humáhadláng sa kaniyáng lakad, at bago makadalawang pûng hakbáng ay warìng hindî lamang limáng minuto na ang nakaraán. Sa malayô layô’y nátagpûán ang isáng binatàng nakatayô, na ang ulo’y nakataás, nakatitig sa bahay. Nakilala ni Basilio si Isagani.

—¿Anó ang ginagawâ mo rito?—ang tanóng.—¡Halika!

Tiningnán siyá ng̃ malamlám na ting̃ín ni Isagani, ng̃umitî nang malungkót at mulîng tuming̃ín sa mg̃a bukás na durung̃awán, na sa puwang nilá’y nátatanáw ang maputîng anyô ng̃ binibining ikinasál, na nakapigil sa bisig ng̃ nagíng asawa, na dahandahang lumalayô.

—Halika, Isagani! Lumayô tayo sa bahay na iyan, halika!—ang sabi ni Basilio na ang boses ay paós at piniglán sa bisig ang kausap.

[325]Inilálayô siyang banayad ni Isagani at patuloy ding nakatanáw na tagláy sa labì ang malungkót na ng̃itî.

—¡Alang-alang sa Dios lumayô tayo!

—¿Bakit akó lálayô? Bukas ay hindî na siya!

Nápakalakíng lungkót ang tagláy ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap na iyon, na, nalimot sandalî ni Basilio ang kaniyáng sindák.

—¿Ibig mo bang mamatáy?—ang tanóng.

Ikinibít ni Isagani ang balikat at nagpatuloy sa pagting̃ín.

Mulîng tinangkâ ni Basilio ang siya’y kaladkarín.

—¡Isagani, Isagani, pakingán mo akó, huwag tayong mag-aksayá ng̃ panahón! Ang bahay na iyan ay punô ng̃ pulbura, sasabog na, dahil sa isáng kapang̃ahasan, sa isáng pagsisiyasat...... Isagani ang lahát ay mamámatáy sa ilalim ng̃ kaniyáng duróg na labí.

—¿Sa kaniyáng labí?—ang ulit ni Isagani na inuunawà mandín ang ibig turan, ng̃unì’t hindî rin inilálayô sa durung̃awan ang ting̃ín.

—Oo, sa ilalim ng̃ kaniyáng labí, oo, Isagani! alang-alang sa Dios, halika! sakâ ko na isásalaysáy sa iyó, halika! isáng lalò pang sawî kay sa ating dalawá ang humatol sa kanilá.... ¿Nákikita mo ang ilaw na putîng iyán, maliwanag, na warìng ilaw eléktriko, na nanggagaling sa azotea? Iyán ang ilaw ng̃ kamatayan! Isáng lámpara na may lamáng dinamita, sa isáng kakainang may baóng pulbura.... púputók at walâng makaliligtás na buháy ni isáng dagâ man lamang, halika!

—¡Huwág!—ang sagót ni Isagani na iniilíng na malungkót ang ulo—ibig kong lumagì rito, ibig ko siyáng makita pang mulî na bilang pahimakás.... bukas ay ibá na!

—¡Masunód ang nátatakdâ!—ang bulalás ni Basilio nang mákita ang gayón at matuling lumayô.

Nakita ni Isagani na ang kaniyáng kaibigan ay matuling lumalayô na tagláy ang pagmamadalîng nagpapakilala ng̃ tunay na takot at nagpatuloy din nang pagting̃ín sa nakaaakit na mg̃a bintanà, gaya ng̃ caballero de Toggenburg na nag-aantáy na dumung̃aw ang iniibig, na sinabi ni Schiller. Nang mg̃a sandalîng yaón ay walâng tao sa salas; ang lahát ay tumung̃o sa mg̃a kakainán. Náisip ni Isagani na mangyayaring may katunayan ang ikinatatakot ni Basilio. [326]Náalaala ang mukhâ niyáng gulilát, siyá na hindî napapawìan ng̃ kalamigang loób, at nagsimulâ na sa paghuhulòhulò. Isáng bagay ang maliwanag na bumábakás sa kaniyáng pag-iisip: ang bahay ay sasabog at si Paulita ay naroroón, si Paulita’y mamámatáy sa isáng kakilákilabot na pagkamatáy....

Sa haráp ng̃ pagkabatíd na itó ay nalimot ang lahát: panibughô, pagtitiís, mg̃a samâ ng̃ loób; ang maawàíng binatà’y walâng naalaala kun dî ang kaniyáng pag-ibig. Hindî na inalala ang sarili, walâng kagatól-gatól, tinung̃o ang bahay, at salamat sa kaniyáng makisig na kagayakan at kaniyáng anyông walâng alinlang̃an, ay madalîng nakaraán sa pintûan.

Samantalang ang mg̃a bagay na itó’y nangyayari sa daán, sa kakainan ng̃ mg̃a malalakíng dios, ay nagpatawidtawid sa mg̃a kamáy ang isáng pergamino na kinababasahan ng̃ mg̃a salitâng itó, na tintáng pulá ang ipinangsulat:

Mane Thecel Phares.
Juan Crisóstomo Ibarra.

—Juan Crisóstomo Ibarra? ¿Sino iyan?—ang tanóng ng̃ General na iniabót sa kalapít ang papel.

—¡Isáng masamâng birò!—ang tugón ni D. Custodio;—lagdâán ang papel ng̃ pang̃alan ng̃ isáng filibusterillo, na may sampûng taón nang patáy.

—¡Filibusterillo!

—¡Iya’y isáng biròng magigiging sanhî ng̃ kaguluhan!

—May mg̃a babai pa namán....

Hinahanap ni P. Irene ang nagbirô at ang nákita ay si P. Salvi, na nakaupô sa kanan ng̃ kondesa, na namutlâ nang kasingputî ng̃ kaniyang servilleta samantalang minamasdáng nangdididilat ang matá ang mg̃a mahiwagàng pang̃ung̃usap. Ang nangyari sa espinghe ay kaniyáng náalaala!

—¿Anó, P. Salvi?—ang tanóng—¿nákikilala bagá ninyó ang lagdâ ng̃ inyóng kaibigan?

Si P. Salvi ay hindî sumagót; umanyông mang̃ung̃usap, at hindî alumana ang ginágawâ’y ipinahid sa noo ang serbilyeta.

—¿Anó ang nangyari sa inyó?

—¡Iyan ang kaniyang sulat!—ang mahinàng sagót, na halos hindî máding̃íg;—iyan ang tunay na sulat ni Ibarra!

At matapos makasandíg sa sandalan ng̃ luklukan ay binayàang [327]mábitin ang kaniyáng mg̃a kamáy na warìng kinulang ng̃ lakás.

Ang dî kapalagayang loob ay nagíng sindák; nang̃agkáting̃inan silásilá nang walâng kahumáhumá. Tinangkâ ng̃ General ang tumindíg, ng̃unì’t sa pang̃ing̃ilag na bakâ ipalagáy na pagkatakot ang gayón, ay nagpigil at luming̃ap sa kaniyáng paligid. Walâng mg̃a sundalo: ang mg̃a alilàng naglilinkód ay hindî niya nákikilala.

—Magpatuloy tayo ng̃ pagkain, mg̃a ginoo,—aniya—at huwag natin bigyáng halagá ang isáng birò!

Ng̃unì’t ang kaniyáng boses ay hindî nakapagbigáy katiwasayán kundî bagkús pa ng̃âng nagpalalò nang dî kapalagayang loob. Ang boses ay nang̃ing̃iníg.

—Ipinalálagáy kong hindî ibig sabihin ng̃ Mane thecel phares na iyan, na tayo’y pápatayín ng̃ayóng gabí?—ani D. Custodio.

Ang lahát ay nápahintô.

—Ng̃unì’t mangyayaring tayo’y malason....

Binitiwan ang kaniláng mg̃a cubiertos.

Samantala’y untîuntî nang nagkukulimlím ang ilaw.

—Ang lámpara ay nang̃ung̃ulimlím,—ang sabi ng̃ General na hindî mapalagáy;—ibig bagá ninyóng itaás ang timtím, P. Irene?

Nang sandalîng yaón, matulíng warì’y lintík, ay pumasok ang isáng anino na nagbuwal ng̃ isáng uupán at sinagasà ang isáng alilà, at sa gitnâ ng̃ pagkakagitlá ng̃ lahát, ay sinunggabán ang lámpara, tumakbó sa asotea at inihagis sa ilog. Ang lahát nang itó’y nangyari sa isáng kisáp-matá, ang kakainán ay nagdilím.

Ang lámpara ay lumagpák na sa ilog nang ang mg̃a utusán ay nakasigáw nang:—¡magnanakaw, magnanakaw! at patakbó ring tumung̃o sa asotea.

—¡Isáng rebolber!—ang sigáw ng̃ isá;—¡madalî ang isáng rebolber! Habulin ang magnanakaw!

Ng̃unì’t ang anino, lalò pang maliksí ay nakapang̃ibabaw na sa babaháng ladrilyo, at bago dumatíng ang isáng ilaw ay nakalundág na sa ilog at nagpading̃íg ng̃ isáng alaguwák sa pagbagsák sa tubig.

[328]