Ang "Filibusterismo", ni José Rizal

XXXVI

Mg̃a kagipitan ni Ben-Zayb

Agád-agád na mabatíd ang pangyayari, nang makakuha ng̃ mg̃a ilaw, at mákita ang dî ayós na anyô ng̃ mg̃a nábiglâng mg̃a dios, si Ben-Zayb, lipús kamuhîan at tagláy na ang pagsang-ayon ng̃ sumisiyasat ng̃ mg̃a inililimbág, ay nagtatakbóng tung̃o sa kaniyang bahay (isáng entresuelo na tinitirahan niyáng may ibáng kasáma), upang sulatin ang lalòng malamáng salaysáy na nabasa sa silong ng̃ lang̃it ng̃ Pilipinas; ang General ay aalís na masamâ ang loob kung hindî mababasa muna ang kaniyáng mg̃a pasaríng, at ang gayó’y hindî mapahihíntulutang mangyari ni Ben-Zayb, na may magandáng pusò. Nagtiís na ng̃âng iwan ang hapunan at ang sayawan at hindî natulog ng̃ gabíng yaón.

¡Mauugong na bulalás sa pagkagulat, pagkamuhî, ipalagáy na warì’y gumuhô ang mundó at ang mg̃a bituin, ang mg̃a walâng lipas na bituin ay nang̃agkakaumpugan! Pagkatapos ay isáng mahiwagàng pangbung̃ad, punô ng̃ mg̃a banggít, mg̃a pasaríng.... makaraan itó’y ang salaysáy ng̃ pangyayari at ang panghulíng patì. Dinamihan ang mg̃a paligoy, inubos ang mg̃a pasapyáw na salitâ sa pag-lalarawan ng̃ pagkakatiwangwáng at nang nápakahulíng pagkakabinyág ng̃ sabáw na tinanggáp ng̃ General sa kaniyáng noong tagalang̃it; pinuri ang kaliksihang ginamit sa pagtayô, na inilagáy ang ulo sa dating kinálagyán ng̃ paa at tiwarík; bumigkás ng̃ isáng pagpupuri sa Lumikhâ dahil sa mairog na pagkakaling̃à sa mg̃a kabanalbanalang mg̃a butóng yaón, at ang pagkakásalaysáy ay lumabás na nápakainam, na ang General ay lumabás na warì’y isáng magitíng at lalò pang mataas ang kináhulugan, gaya ng̃ sabi ni Victor Hugo. Nagsulát, kumatkát, nagdagdág at nagbanháy upang lumabás na dakilà ang salaysáy nang walâng pagkakalisyâ sa katotohanan—itó ang kaniyáng tang̃ìng karapatán sa pagkamamamahayag,—magíng kalakhán ang ukol sa pitóng dioses at karuagan at abâ sa hindî kilaláng magnanakaw, “na nagparusa sa sarili, sindák at nakakilala sa kalakhán ng̃ kaniyáng pagkakasála nang sandalî ring iyón.” Ipinalagáy ang ginawá ni P. Irene na pagpasok sa ilalim ng̃ dulang na “bigláng udyók ng̃ likás na katapang̃an, na hindî napaglubág ng̃ hábito ng̃ isáng [329]Dios ng̃ kapayapàan na isinuot boong buhay”, tinangkâ ni P. Irene na habulin ang nagkasala at sa pagbagtás niya nang patuwid ay dumaan sa silong ng̃ dulang. Sa pagsasalaysáy noon ay bumanggít ng̃ mg̃a lunggâ sa ilalim ng̃ dagat, tinukoy ang isáng balak ni D. Custodio, inalala ang katalinuhan at mg̃a mahahabàng paglalakbáy ng̃ parì. Ang pagkawalâ ng̃ diwà ni P. Salvi ay isáng malakíng dalamhatì na dinamdám ng̃ mabaít na pransiskano, sa pagkakitang kakauntî ang nápapalâ ng̃ mg̃a indio sa kaniyang mg̃a banal na pang̃aral; ang pagkakatigagal at sindák ng̃ ibáng kasalo, na ang isá sa kanilá’y ang kondesa na “pumigil” (nang̃unyapít) kay P. Salvi, ay dilì ibá kundî katiwasayán at kalamigáng loob ng̃ mg̃a magigitíng, na sanáy sa mg̃a pang̃anib sa gitnâ nang pagtupád sa kaniláng mg̃a kautang̃án, na, sa piling nilá, ang mg̃a senador romano, na nabiglâ ng̃ mg̃a dumagsâng galo, ay pawàng mg̃a binibining masindakin lamang na nang̃agugulat sa haráp ng̃ larawan ng̃ mg̃a ipis. Pagkatapos at upang magíng kaibayó, ay ang larawan ng̃ magnanakaw: takot, kabaliwán, dî pagkakangtututo, ting̃íng mabalasik, anyông gulát at ¡lakás ng̃ kataasan ng̃ urì sa kabaitan ng̃ lipì! ang kaniyáng paggalang nang makita roong nang̃akalimpî ang gayong katataás na tao! At kapit na kapit ng̃âng isunód doon ang isáng mahabàng parirala, isá ng̃ paghikayat, isáng talumpatìng laban sa pagkasirà ng̃ mg̃a mabubuting kaugalìan, at yaón ang sanhî ng̃ pang̃ang̃ailang̃an ng̃ isáng lagìng hukumang kawal, “ang pagtatatag ng̃ estado de sitio sa loob ng̃ tatág nang estado de sitio, isáng tang̃ìng kautusán, na makapipigil, matindí, sapagkâ’t lubhâng kailang̃ang dalîdalîin ang pagpapakita sa mg̃a masasamâ at mg̃a salarín, na kung sakalì mang ang pusò’y mahabagin at maling̃ap sa mg̃a mapang̃ayupapà’t masunurin sa kautusán, ay malakás namán ang kamáy, matatág, walâng pagmamaliw, matuwid at matindí sa mg̃a lumálabág sa kaniyá ng̃ walâng kakatuwikatuwiran at humahalay sa mg̃a banál na kapalakarán ng̃ Inángbayan! Oo, mg̃a ginoo, itó’y kailang̃an nang dî lamang ng̃ ikabubuti ng̃ kapulùang itó, hindî lamang ng̃ ikabubuti ng̃ boong sangkatauhan, kundî ikabuti ng̃ pang̃alan ng̃ España, ng̃ karang̃alan ng̃ pang̃alang kastilà, ng̃ karang̃alan ng̃ bayang ibero, sapagkâ’t sa ibabaw ng̃ lahát ng̃ bagay ay mg̃a kastilà tayo at ang bandilà ng̃ España” ibp.

[330]At dinuluhan ang sulatín sa ganitóng pangtapós:

“Matahimik na yumao ang matapang na bayani, na humawak sa kapalaran ng̃ bayang itó sa kapanahunang lubhâng maligalig! Matahimik na yumao upáng lumang̃áp ng̃ malunas na simuy ng̃ Manzanares! Kamí rito’y maiiwan na warì’y matatapát na talibà upang dalang̃inan ang kaniyang ala-ala, hang̃àan ang kaniyang matatalinong kapasiyahan, at igantí ang kataksiláng ginawâ sa kaniyang mainam na handóg, na mákukuha rin namin sukdâng kailang̃aning patuyûín ang mg̃a dagat! Ang gayóng maalindóg na relikia ay magíging isáng walâng pagkapawìng tandâ sa bayang itó ng̃ kaniyang karilagán, kalamigáng loob at katapang̃an.”

Ganiyán niya tinapos ang sinulat na may kauntîng kadilimán, at bago mag-umagá ay ipinadalá sa pásulatan, na may tagláy nang kapahintulután ng̃ tagasurì. At natulog na warì’y si Napoleon nang matapos maitakdâ ang paraan ng̃ labanán sa Jena.

Ginísing siya nang nag-uumagá, na ang mg̃a cuartilla ay ibinábalîk at may isáng sulat ng̃ namamahalà, na sinasabing ipinagbawal na mahigpít ng̃ General na pag-usapan ang nangyari at ipinagbilin na pabulaanan ang kahì’t anóng sabisabihan at usap-usapang kumalat, na, ang lahát ay ipalagáy na salísalitâ lamang, mg̃a palanghâ at mg̃a pakápakanâ.

Sa ganáng kay Ben-Zayb, ang gayón, ay pagpatáy sa isá niyang anák na nápakagandá’t nápakatapang, na inianák at inalagàan nang lubhâng malakí ang paghihirap at pagpapagál at ¿saán niya iuukol ng̃ayón ang mainam na pagtatatakáp, ang magandáng paghahayag ng̃ mg̃a paghahandâng may katapang̃an at pagpaparusa? At alalahanin, na sa loob ng̃ isá ó dalawáng buwan ay iiwan niya ang Pilipinas, at ang sinulat na iyon ay hindî mangyayaring lumabás sa España, sapagkâ’t ¿papano ang pagsasabi noon sa mg̃a salarín sa Madrid, sa ang naghaharì doón ay ibáng pagkukurò, humahanap ng̃ mg̃a pangyayaring nakapagpapagaán ng̃ sala, tinítimbáng ang mg̃a pangyayari, may mg̃a jurado, ibp.? Ang mg̃a sulat na gaya ng̃ kaniyá ay kawang̃is ng̃ iláng aguardienteng may lason na ginágawâ sa Europa, na mabuting ipagbilí lamang sa mg̃a taong itím, good for negroes, na ang kaibhán lamang ay ang kung hindî máinóm ng̃ mg̃a maiitím ay hindî nang̃asisirà, samantaláng ang mg̃a sulat ni Ben-Zayb, basahin [331]man ó hindî ng̃ mg̃a pilipino, ay nagkakaroon din ng̃ bisà.

—¡Kung bukas ó makalawá man lamang sana ay may mangyayaring ibáng pagkakasala!—aniyá.

At sa haráp ng̃ pag-aalala doón sa anák niyáng namatáy bago málimbág, mg̃a bukong nababad sa lamíg, at sa pagkakaramdám na ang kaniyáng mg̃a matá’y nababasâ ng̃ luhà, ay nagbihis upang makipagkita sa namamahalà. Kinibít ng̃ namamahalà ang balikat: ipinagbawal ng̃ General, sapagkâ’t kung mapag-alamán na pitóng malalakíng mg̃a dioses ay nagpabayàng mapagnakawan ng̃ isáng balà na, samantalang ikinúkumpáy ang mg̃a tenedor at cuchillo, ay mápapang̃anib ang tibay ng̃ Ináng-bayan! At gayón ding ipinagbiling huwág paghanapin ni ang lámpara ni ang magnanakaw at ipinagbibilin sa mg̃a súsunód sa kaniyá na huwág mang̃ahás na kumain sa alin mang bahay ng̃ ibáng tao nang hindî nalilibid ng̃ mg̃a alabardero at mg̃a bantáy. At sa dahiláng ang mg̃a nakaalám ng̃ kauntì, sa mg̃a nangyari sa bahay ni D. Timoteo ng̃ gabíng iyón, ay mg̃a kawaní at mg̃a kawal ay hindî maliwag ang pabulàanan ang pangyayari sa haráp ng̃ madlâ: nátutukoy sa katibayan ng̃ ináng-bayan. Sa haráp ng̃ pang̃alang itó’y itinung̃ó na punô ng̃ kagiting̃an ni Ben-Zayb ang kaniyáng ulo, na iniisip si Abraham, si Guzman el Bueno ó, si Brutus man lamang at ang ibá pang matatandâng magitíng na nasa kasaysayan.

Ang gayóng karaming paghihirap ay hindî mangyayaring hindî magkákaroón ng̃ gantíng palà. Ang Dios ng̃ mg̃a mámamahayag ay nasiyahán kay Abraham-Ben-Zayb.

Halos kasabáy noon ay dumatíng ang anghel na tagá-balità na tagláy ang tupa, na, anyông isáng pangloloob sa isáng bahay liwaliwan sa baybáy ng̃ ilog Pasig, bahay na tinítirahán ng̃ iláng prayle kung tag-inít! ¡Yaón ang panahón, at si Abraham-Ben-Zayb ay nagpuri sa kaniyáng dios!

—Ang mg̃a tulisán ay nakakuha ng̃ mahigít sa dalawáng libong piso, sinugatan nang malubhâ ang isáng parì at dalawáng alilà.... Ang kura ay nagtanggól sa likurán ng̃ isáng silla, na nagkásirâsirâ sa kaniyáng mg̃a kamáy......

—¡Hintáy, hintáy!—aní Ben-Zayb na nagtátalâ;—apat ó limangpûng tulisáng sa paraang taksíl.... mg̃a rebolber, [332]iták, escopeta, pistola.... leong nanánandata, silla.... putólputól.... sinugatan nang walâng kaawà-awà... sampûng libong piso......

At sa kagalakán, at dahil sa hindî pa lubós na nasisiyahán sa mg̃a balità, ay tumung̃o sa pook na pinangyarihan, na, sa daan ay binabalak ang salaysáy ng̃ paglalaban. ¿Isáng muntîng bigkás na tinuran ng̃ namumunò? ¿Isáng salitâng paalipustâng galing sa bibíg ng̃ parì? Lahát ng̃ pagpaparis at talinghagà, na iniukol sa General, kay P. Irene at kay P. Salvi ay mákakapit sa parìng nasugatan, at ang salaysáy na ukol sa magnanakaw ay sa bawà’t isáng tulisán. Sa pagmumurá ay maaarìng lumawig pa, maaarìng banggitín ang pananampalataya, ang pananalig, ang kaawàan, ang tugtóg ng̃ mg̃a kampanà, ang utang ng̃ mg̃a indio sa mg̃a prayle, malungkót sa sarili at gumamit ng̃ maraming banggít at mg̃a himig na ayos Castelar. Bábasin yaon ng̃ mg̃a dalaga sa siyudad at sásabihing:

—Si Ben-Zayb ay mabang̃ís na gaya ng̃ león at masuyò na gaya ng̃ isáng tupa!

Nang dumatíng sa pook na pinangyarihan, ay napamanghâ siya nang mákita na ang nasugatan, ay dilì ibá’t si P. Camorra, na tinakdâán ng̃ kaniyáng provincial na magdusa sa bahay liwaliwan, sa baybáy ng̃ ilog Pasig, dahil sa kaniyáng pinaggagawâ sa Tianì. May isáng muntîng sugat sa kamáy, isáng bukol sa ulo dahil sa kaniyáng pagkakátiwangwáng; ang mg̃a tulisán ay tatló at ang mg̃a sandata’y pawàng iták; ang halagáng nánakaw ay limang pûng piso.

—¡Hindî mangyayari!—ani Ben-Zayb;—magtigil kayó.... hindî ninyó alám ang inyóng sinasabi!

—¡Hindî ko malalaman, puñales!

—¡Huwag kayóng hang̃ál!.... ang mg̃a tulisán ay mahigít kay sa sinabi ninyó....

—¡Abá! ang manghihitit na itó ng̃ tintá....

Nagkaroon silá ng̃ isáng malakíng pagtatalo. Ang mahalagá kay Ben-Zayb ay ang huwag masirà ang isinulat, palakihín ang mg̃a pangyayari upang kumapit ang kaniyáng mg̃a pinagturán.

Isáng aling̃awng̃áw ang pumutol sa pagtatalo. Ang mg̃a tulisáng nang̃áhuli ay nang̃agpahayag ng̃ malalakíng bagay. Isá sa mg̃a tulisán ni Matanglawin (si kabisang Tales) ay [333]tinipán silá sa Santamesa upang makisama sa kaniyáng pulutóng at looban ang mg̃a kombento at ang mg̃a bahay ng̃ mg̃a mayayaman.... Ang mang̃ung̃ulo sa kanilá’y isáng kastílàng mataas, kayumanggí, maputî ang buhók, na ang sabi’y gágawâ nang gayón sa utos ng̃ General na matalik niyáng kaibigan, pinatibayan pa rin sa kanilá na ang artillería at iláng regimiento ay makikisama sa kanilá, kayâ’t walâ siláng dapat ikatakot. Ang mg̃a tulisán ay patatawarin at ang isáng katlông bahagi ng̃ másamsám ay ibíbigáy sa kanilá. Ang palatandâan ay isáng putók ng̃ kanyón, at sa dahiláng hindî dumatíngdatíng ang kaniláng inaantáy na hudyát, ay inakalà ng̃ mg̃a tulisán na silá’y binirò, ang ilá’y nang̃agsiuwî, ang ilán ay nang̃agsibalîk sa kaníkaniláng bundók at nang̃akòng paghigantihán ang kastilà, na makalawá nang nagkulang sa kaniyáng salitâ. Sa gayón, siláng mg̃a náhuli ay nagnasàng gumawâ, kahì’t sa kaniláng sarili, at linooban ang isáng bahay liwaliwan na nasumpung̃án, at ipinang̃ang̃akòng ibigáy na walâng kakulangkulang ang dalawáng katlông bahagi ng̃ nasamsám kung paghahabulin ng̃ kastilàng maputî ang buhók.

Sa pagkakawangkî sa anyô ni Simoun ng̃ mg̃a tinurang ayos ay ipinalagáy na hindî katotohanan ang mg̃a pahayag na iyon, kayâ’t binigyán ng̃ katakottakot na pahirap ang magnanakaw, sampû ng̃ mákina eléctrica, dahil sa gayóng kahalayhalay na tung̃ayaw. Dátapwâ’t ang balitàng pagkawalâ ng̃ mag-aalahás na nápuná ng̃ lahát ng̃ taga Escolta, at dahil sa pagkakatagpô ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulburá at maraming punlô sa kaniyáng bahay, ay nagkaroon ng̃ warì’y katotohanan ang pahayag ng̃ tulisán at untîuntîng kumalat ang lihim, na nababalot ng̃ ulap, nang̃agbulóng-bulung̃an, umuubó, na ang ting̃í’y nang̃ang̃anib, mg̃a puntos suspensivos at maraming salitâng pinalalakí na ukol sa mg̃a gayóng mg̃a pangyayari. Ang mg̃a nakabatíd ng̃ lihim ay hindî matapos tapos sa pagkakamanghâ, inihahabà ang mg̃a mukhâ, nang̃amumutlâ at kuntì nang nasiràan ng̃ isip ang marami nang mapag-alamán ang iláng bagaybagay na hindî nápuná.

—Mabuti’t nakaligtás tayo! ¿Sino ang makapagsasabi....?

Nang kináhapunan, si Ben-Zayb, na punông punô ng̃ mg̃a rebolber at bala ang mg̃a bulsá, ay dumalaw kay D. Custodio, na natagpûang masigasig na gumagawâ ng̃ isáng panukalà na laban sa mg̃a mag-aalahás na amerikano. Bumulóng [334]na marahang marahan sa taing̃a ng̃ mámamahayag ng̃ mg̃a mahiwagàng salitâ sa pag-itan ng̃ dalawáng palad na pinagtaklóp.

—¿Tunay ba?—ang tanóng ni Ben-Zayb na idinukot ang kamáy sa bulsá, samantalang namumutlâ ng̃ bahagyâ.

—At kahì’t saán mátagpûan....

Tinapos ang salitâ sa isáng galáw na makahulugán. Itinaás ang dalawáng kamáy hanggáng pantáy mukhâ, na ang kanan ay lalò pang baluktót kay sa kaliwâ, ang mg̃a palad ay tung̃o sa ibabâ, ipinikít ang isáng matá at makálawang gumaláw ng̃ papasulóng.

—¡Psst, psst!—ang kaniyáng sipol.

—¿At ang mg̃a brillante?—ang tanóng ni Ben-Zayb.

—Kung mátatagpûan....

At gumawâ ng̃ isá pang kilos sa pamagitan ng̃ mg̃a dalirì ng̃ kanang kamáy, na pinaikit-ikit mulâ sa haráp hanggáng sa likód at mulâ sa labás na papaloób, na warì kilos ng̃ pamaypáy na nátitiklóp, warìng may iniipon, mg̃a labayang umiikit na pumapalís nang patung̃o sa kaniyá, na malinis ang pagkakapangdukot. Sinagót ni Ben-Zayb ng̃ isá ring kilos, na pinapangdilat na mabuti ang mg̃a matá, binalantók ang mg̃a kilay at malakás na lumang̃áp ng̃ hang̃in, na warìng ang hang̃ing nakabubusóg ay nátuklasán na.

—Jhs!!!