Ang "Filibusterismo", ni José Rizal
XXXVII
Ang hiwaga
Todo se sabe.
Kahì’t na pinagkáing̃atan ng̃ labis ay nakaratíng din sa kabatirán ng̃ madlâ ang aling̃awng̃áw, subali’t malakí na ang kaibhán at marami na ang kulang. Yaón ang sanhî ng̃ mg̃a sang-usapan ng̃ sumunód na kagabihán sa bahay ng̃ isáng mayamang mag-aanak na sina Orenda, na nang̃ang̃alakal ng̃ hiyás sa masipag na bayang Sta. Cruz. Siyá na lamang náaatupag ng̃ marami niláng kaibigan. Hindî nang̃aglálarô ng̃ tres-siete, ni nagtutugtugan ng̃ piano, at ang muntîng si Tinay, ang pinakabatà sa lahát ng̃ dalaga, ay nayáyamót sa paglalarông mag-isá ng̃ sungká, na hindî mapag-unawà kung anó’t pinag-uusapan ang mg̃a pangloloob, panghihimagsík, ang mg̃a bayóng ng̃ [335]pulbura, gayóng may maraming magagandáng sigay sa pitóng bahay, na warìng kiníkindatán siyá at ng̃iníng̃itîán ng̃ kaniláng mg̃a mumuntîng bibíg, na nakabuká, upang isubí sa iná. Si Isagani, na kung pumáparoón, ay lagìng nakíkipaglarô sa kaniyá at napadadayàng mátikabó, ay ayaw making̃íg sa kaniyáng kátatawag; pinakíkinggáng tahimik at malamlám ni Isagani ang isinásaysáy ng̃ platerong si Chichoy. Si Momoy, ang katipán ni Sensia, ang pinakamatandâ sa mg̃a Orenda, maliksí at magandáng dalaga kahì’t may kauntîng pagka mapalabirô, ay umalís sa durung̃awang sa gabígabí’y lagìng pook ng̃ pag-uusap niláng magsing-ibig. Ang bagay na itó’y nakamúmuhî sa loro na ang kulung̃an ay nakasabit sa pairap ng̃ bahay, lorong minámahál ng̃ lahát ng̃ tagá bahay sapagkâ’t marunong bumatì sa lahát kung umaga sa pamagitan ng̃ maiinam na salitâng ukol sa pag-ibig. Si kapitana Loleng, ang masipag at matalinong si kapitana Loleng, ay pigil na nakabukás ang kaniyáng aklát talâan, ng̃unì’t hindî makuhang basahin ni masulatan; hindî minámasdán ang mg̃a pinggán, na punô ng̃ mg̃a perlas na lagás, ni ang mg̃a brillante; noon ay nakakalimot at ang pakiking̃íg lamang ang ginágawà. Ang kaniyá nang asawa, ang dakilàng si kapitang Toringoy, galing sa pang̃alang Domingo, ang lalòng maligaya sa boong arabal, na walâng gawâ liban sa magbihis ng̃ mainam, kumain, dumaldál, samantalang ang lahát ng̃ kaanak ay gumágawâ at nagsusumakit, ay hindî tumung̃o sa dati niyáng pinaparoonang pinakikipaglipunan, at pinakíkinggáng natátakóttakòt at nang̃áng̃ambá ang mg̃a kakilakilabot na ibinabalità ng̃ payagót na si Chichoy.
At hindî mangyayaring hindî magkágayón. Si Chichoy ay naghatíd ng̃ iláng gawâ kay D. Timoteo Pelaez, isáng pares na hikaw ng̃ bagong kasál, nang iginígibâ pa namán ang kiosko na ginamit na kakainan ng̃ mg̃a may lalòng mataás na kapangyarihan. Sa dakong itó’y namumutlâ si Chichoy at nanínindíg ang buhók.
—Nakú!—aniya,—mg̃a bayóng ng̃ pulburá sa ilalim ng̃ tungtung̃an, sa bubung̃án, sa ilalim ng̃ dulang, sa loob ng̃ mg̃a uupan, sa lahát ng̃ sulok! Mabuti na lamang at walâ isá mang manggagawàng humihitit!
—At ¿sino ang naglagáy ng̃ mg̃a bayóng na iyon ng̃ pulburá?—ang tanóng ni kapitana Loleng, na may katapang̃an [336]at hindî namumutlâ na gaya ng̃ máng̃ing̃ibíg na si Momoy.
Si Momoy ay dumaló sa kasalan, kayâ’t may katuwiran ang kaniyáng náhulíng pang̃ing̃ilabot. Si Momoy ay nápalapít sa kiosko.
—Iyan ang walâng makapagsabi,—ang sagót ni Chichoy:—¿sino ang dapat magkaroon ng̃ hang̃ád na guluhín ang kapistahan? Walâ kundî íisá lamang, ang sabi ng̃ bantóg na abogadong si G. Pasta na nároong dumalaw, ó isang kagalít ni D. Timoteo ó isáng kaagáw ni Juanito....
Ang mg̃a dalagang Orenda ay biglâng nápaling̃ón kay Isagani: si Isagani’y tahimik na ng̃umitî.
—Magtagò kayó,—ang sabi sa kaniya ni kapitana Loleng;—bakâ kayó pagbintang̃án.... magtagò kayó!
Mulîng ng̃umitî si Isagani at hindî sumagót nang anoman.
—Hindî maalaman ni D. Timoteo—ang patuloy ni Chichoy,—kung sino ang may kagagawán; siyá ang namahalà sa pagpapagawâ, siya at ang kaibigan niyang si Simoun, at walâ na. Sa bahay ay nagkaguló, dumatíng ang teniente ng̃ Veterana, at matapos na ipagbilin sa lahát ang paglilihim ay pinaalís akó. Ng̃unì’t....
—Ng̃unì’t.... ng̃unì’t....—ang bulóng na nang̃ing̃iníg ni Momoy.
—Nakú!—ang sabi ni Sencia na tiningnán ang kaniyang nobio at nang̃ing̃iníg din dahil sa pagka-alaalang náparoon sa pistá:—ang señoritong itó.... kung sakalìng pumutók....
At tiningnán ng̃ matáng galít ang kaniyang iniibig at hinahang̃àan ang kaniyang katapang̃an.
—Kung sakalìng pumutók....
—Walâng mátitiráng buháy sa daang Anloague!—ang dagdág ni kapitang Toringoy na nagpatanáw ng̃ katapang̃an at pagwawalâng bahalà sa kaniyáng ának.
—Akó’y umuuwîng litóng litó,—ang patuloy ni Chichoy,—na iníisip na kahì’t isáng titis lamang, isáng sigarilyo, ay nagkátaóng nahulog ó may sumabog na isáng lámpara, sa mg̃a sandalîng itó’y walâ tayong General, ni Arsobispo, ni anomán, ni mg̃a kawaní man lamang! Abó ang lahát ng̃ nápatung̃o sa pistá kagabí!
—¡Virgen Santísima! ang máginoong itó....
—¡Susmariosep!—ang bulalás ni kapitana Loleng;—ang [337]lahát ng̃ may utang sa atin ay nároroon; susmariosep! At mayroon kamíng isáng bahay na malapit doon. ¿Sino kayâ ang?...
—Ng̃ayón ninyó málalaman,—ang patuloy ni Chichoy na mahinà ang boses,—ng̃unì’t kailang̃an ninyóng ipaglíhim. Ng̃ayóng hapon ay aking nátagpûán ang isá kong kaibigang mánunulat sa isáng káwanihán, at sa pag-uusap namin ng̃ ukol sa bagay na iyan ay sinabi sa akin ang lihim: nabatíd niya sa iláng kawaní.... ¿Sino sa akalà ninyó ang naglagáy ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulbura?
Ikinibít ng̃ marami ang kaniláng balikat; si kapitáng Toringoy lamang ang tuming̃ín nang pasulyáp kay Isagani.
—¿Ang mg̃a prayle?
—¿Ang insík na si Quiroga?
—¿Isáng nag-aaral?
—¿Si Makaraig?
Si kapitang Toringoy ay umuubó at tinitingnán si Isagani.
Si Chichoy ay nakang̃itîng umilíng.
—¡Ang mag-aalahás na si Simoun!
—Si Simoun!!!
Isáng katahimikang anák ng̃ pagkakamanghâ ang sumunód sa mg̃a salitâng iyon. Si Simoun, ang nag-uudyók ng̃ kasamâán sa General, ang mayamang máng̃ang̃alakal na pinaparoonan nilá sa kaniyáng bahay upang bilhán ng̃ mg̃a batóng kalás, si Simoun na tumátanggáp sa mg̃a Orenda nang lubhâng magalang at pinagsasabihan silá ng̃ mg̃a maiínam na pang̃ung̃usap! Dahil ng̃â sa ang balità’y warìng hindî mangyayari, kung kayâ’t pinaniwalàan. Credo quia absurdum, ang sabi ni San Agustin.
—Ng̃unì’t ¿walâ ba si Simoun sa pistá kagabí?—ang tanóng ni Sensia.
—Nároroon,—ang sabi ni Momoy,—ng̃uní’t náalaala ko ng̃â palá! Umalís nang kamí’y maghahapunan. Umalís upang kunin ang kaniyáng handóg sa kasál.
—¿Ng̃unì’t hindî ba kaibigan ng̃ General? ¿hindî ba kasamá ni D. Timoteo?
—Opò, nakipagsamá upang magawâ ang pakay at nang mápatáy ang lahát ng̃ kastilà.
—¡Ah!—ani Sensia,—ng̃ayón ko nalinawan!
[338]—¿Ang alín?
—Ayaw ninyóng paniwalàan si tia Tentay. Si Sîmoun ay siyang diablo na nakábilí sa kaluluwa ng̃ lahát ng̃ kastilà.... sinasabi na ni tia Tentay!
Si kapitana Loleng ay nag-antandâ, hindî mápalagáy na tiningnán ang mg̃a bató na nang̃ang̃anib siyáng makitang magíng baga; hinubád ni kapitáng Toringoy ang sinsíng na galing kay Simoun.
—Si Simoun ay nawalâ nang hindî nag-iwan ng̃ bakás,—ang dagdág ni Chichoy;—hinahanap siya ng̃ guardia sibil.
—Oo!—ang sabi ni Sensia,—hanapin nilá ang demonio!
At nag-antandâ. Ng̃ayón nilá nalinawan ang maraming bagay, ang malakíng kayamanan ni Simoun, ang katang̃ìtang̃ìng amóy ng̃ kaniyáng bahay, amóy asupré. Si Binday, isá sa mg̃a dalagang Orenda, mapaniwalâín at kaigaigayang binibini, ay nakaalaalang nakakita ng̃ mg̃a apóy na bugháw sa bahay ng̃ mag-aalahás, nang isáng hapon na kasama ang iná’y naparoón silá upang mamilí ng̃ bató.
Si Isagani’y taimtím na nakíking̃íg, na walâng kaimík-imík.
—¡Kayâ palá, kagabí....!—ang pabulóng ni Momoy.
—¿Kagabí?—ang ulit ni Sensia na may panibughô’t nasàng makaalám.
Hindî makapang̃ahás na makapagpatuloy si Momoy, ng̃unì’t nawalâ ang kaniyáng takot dahil sa mukhâng ipinatanáw sa kaniyá ni Sensia.
—Kagabí, samantalang kamí’y humahapon, ay nagkaroón ng̃ isáng guló; ang ilaw sa kinakainan ng̃ General ay namatáy. Sinasabing ninakaw ng̃ isáng hindî nákilala kung sino ang lámparang handóg ni Simoun.
—¿Isáng magnanakaw? ¿Isá sa mg̃a Mano Negra?
Si Isagani ay tumindíg at nagpalakadlakad.
—¿At hindî náhuli?
—Lumundág sa ilog; walâng nakakita sa kaniyá. May nagsasabing kastilà raw; anáng ibá’y insík; ang ibá’y indio....
—Inaakalàng sa pamagitan ng̃ lámparang iyón,—ang tugón ni Chichoy;—ay pag-aalabin ang boông bahay, ang púlbura....
Mulîng nang̃iníg si Momoy, ng̃unì’t nang mákitang náramdamán ni Sensia ang kaniyáng katakutan, ay tinangkâng iayos.
[339]—¡Sayang!—ang bulalás na nilakasán ang loób,—¡masamâ ang nágawâ ng̃ magnanakaw! Nang̃amatáy sanang lahát....
Tiningnán siyáng gulilát ni Sensia; ang mg̃a babai’y nang̃ag-angtandâ. Si kapitáng Toringoy na natatakot sa polítika ay umanyông lálayô. Si Isagani ang tinung̃o ni Momoy.
—Kailan ma’y hindî mabuti ang kumuha ng̃ hindî sariling arì,—ang sagót ni Isagani na may matalinghagàng ng̃itî;—kung nálalaman lamang ng̃ magnanakaw na iyón kung anó ang pinapakay at nakapag-isip sana, ay tunay na hindî gágawín ang gayón!
At idinagdág matapos ang muntîng hintô:
—Pantayán man ng̃ kahì’t gaano’y hindî akó lálagáy sa kalagayan niyá.
At nagpatuloy silá sa pagkukuròkurò at pagpapalápalagáy.
Makaraán ang isáng oras, ay nagpaalam na si Isagani sa mag-aanak upang manirahan na sa habàng buhay sa piling ng̃ kaniyáng amaín.