Ang "Filibusterismo", ni José Rizal
XXXVIII
Kasawian
Si Matanglawin ay siyáng kilabot sa Lusón. Ang kaniyáng pangkát ay sísipot kung minsan sa isáng lalawigang hindî inaakalàng kaniyáng lulusubin at kung minsan ay biglâng susulpót sa isáng lalawigang humáhandâng maglabán sa kaniyá. Susunugin ang isáng kabyawan sa Batang̃an, sisiràin ang mg̃a pananím; kinabukasan ay pápatayín ang hukóm pamayapà sa Tianì, sa isá pa’y lolooban ang isáng bayan sa Kabite at kukunin ang lahát ng̃ armás sa tribunal. Ang mg̃a lalawigang panggitnâ, mulâ sa Tayabas hanggáng Pangasinan, ay inaabot ng̃ kaniyáng mg̃a kabang̃isan at ang kaniyáng madugông pang̃alan ay umaabot hanggáng Albáy, sa timog, at sa hilagà’y hanggáng Kagayán. Sapagkâ’t inalisán ng̃ sandata ang mg̃a bayánbayán dahil sa pagkukulang ng̃ tiwalà ng̃ isáng mahinàng pamahalàan ay nahuhulog sa kaniyáng mg̃a kamáy na warìng walâng kabuluháng bihag; paglapit niyá, ay iniiwan ng̃ mg̃a manananim ang kaniláng [340]mg̃a bukid, ang mg̃a hayop ay napúpuksâ at isáng bakás na dugô at apóy ang nagiging tandâ ng̃ kaniyáng pagdaraan. Hinahalay ni Matanglawin ang lahát ng̃ mg̃a mahihigpít na kautusáng laban sa mg̃a tulisán: walâng napapahirapan sa mg̃a kautusáng yaón kundî ang mg̃a naninirahan sa mg̃a nayon, na kaniyáng binibihag ó sinasalantâ kung naglalabán, ó kung nakikipagkásundô sa kaniya ay ipinalalamóg ó ipinatatapon ng̃ pamahalàan, kung sakalìng dumáratíng sa pagtatapunan at hindî abutin ng̃ malubhâng sakunâ sa paglalakbáy. Dahil sa gayóng kalagayan ay marami sa mg̃a taga bukid ang sumasailalim sa kaniyang kapangyarihan.
Sanhî sa kakilakilabot na kaparaanang itó, ang naghihing̃alô nang pang̃ang̃alakal ng̃ mg̃a bayan ay nagpatuloy na namatáy ng̃ lubusan. Ang mayaman ay hindî makapang̃ahás na makapaglakbáy, at ang mahihirap ay natatakot na máhuli ng̃ guardia sibil, na, dahil sa nauutusang umusig sa mg̃a tulisán ay madalás na hinuhuli ang unang másumpung̃an at pinahíhirapan ng̃ katakot-takot. Sa kaniyáng dî karapatán, ang pamahalàan ay nagpapakita ng̃ kalakasan sa mg̃a taong kaniyáng pinaghihinalàan, upang, sa kápapahirap, ay huwag máhalatâ ng̃ mg̃a bayan ang kaniyáng kahinàan, ang takot na nagtatakdâ ng̃ mg̃a gayóng kautusán.
Isáng hanay ng̃ mg̃a kaawàawàng itó na pinaghihinalàan, mg̃a anim ó pitó, na nang̃akabalitì ng̃ abot siko at nang̃átatalìng warì’y pilíng nang tao, ay nang̃aglálakád isáng tanghalìng tapát sa isáng daang namamaybáy sa isáng bundók, na dalá ng̃ sampû ó labíng dalawáng guardia na nang̃akabaríl. Lubhâng matindí ang init. Ang mg̃a bayoneta ay nagkikintaban sa araw, ang kanyón ng̃ mg̃a baríl ay nag-iinit, at ang mg̃a dahon ng̃ sambóng na nálalagáy sa mg̃a kapasete ay halos hindî makapagpahina sa tindí ng̃ nakasusunog na araw sa buwan ng̃ Mayo.
Dahil sa hindî máikilos ang mg̃a bisig at nang̃agkakadikitan, upang huwag gumamit ng̃ maraming lubid, ay lumalakad ang mg̃a huli na halos lahát ay walâng takíp sa ulo at mg̃a walâng sapín ang paa: mabuti na ang may isáng panyông nakatalì sa ulo. Hing̃ál na hing̃ál, hiráp, punông punô ng̃ alikabók na nagigíng putik dahil sa pawis, ay náraramdamáng natutunaw ang kaniláng utak, may lumilipanàng ilaw sa kaitaasan, mg̃a badhâng pulá sa himpapawíd. Ang kapatâán [341]at ang panghíhinà ay nálalarawan sa kaniláng pagmumukhâ, ang paghihinagpís, ang pagkagalit, isáng bagay na hindî mawarì, ting̃íng mamámatáy na sumusumpâ, taong naiiníp sa buhay, sa sarili, na nagtutung̃ayáw sa Dios.... Ang mg̃a lalòng nakapagtátagál ay itinútung̃ó ang ulo, ikinúkuskós ang mukhâ sa marumíng likurán ng̃ sinúsundán upang mapahid ang pawis na tumátakíp sa kaniláng mg̃a matá; ang marami’y pípiláy-piláy. Kapag may nakaabala sa lakad dahil sa pagkadapâ ay mádiding̃íg ang isáng tung̃ayaw at lalapit ang isáng sundalo na iniwawasíwas ang isáng sang̃á, na kinuha sa isáng punò, at pinipilit na pinatitindíg sa palò dito’t palo doon. Sa gayó’y tumátakbó ang hanay, na, kaladkád ang nádapâ na nágugumon sa alabók at umuung̃al na hiníhing̃îng siya’y patayín: sa isáng pagkakátaón ay nápapatindíg, nápapatayô, at sakâ ipinatutuloy ang kaniyáng paglakad na umiiyak na warì’y batà at isinúsumpâ ang oras na siya’y nagíng tao.
Ang pilíng na tao ay maminsan minsang humihintô samantalang nang̃agsisiinóm ang mg̃a may dalá sa kanilá, at pagkatapos ay ipatutuloy ang lakad na ang bibíg ay tuyô, ang pag-iisip ay madilím at ang pusò’y punô ng̃ paglait. Ang uhaw ay siyáng pinakamuntîng bagay na inaalintana ng̃ mg̃a kaawàawàng taong iyon.
—¡Lakad, mg̃a anák ng̃ p....!—ang sigáw ng̃ sundalo, na nakapagpanibagong lakás, na ibinigkás ang karaniwang lait ng̃ mg̃a pilipinong pinakadukhâ.
At sumasagitsít ang sang̃á at tumatamà sa likurán ng̃ kahì’t sino, ng̃ lalòng nálalapít, kung minsan ay tumatamà sa isáng mukhâ, nag-iiwan muna ng̃ isáng bakás, pagkatapos ay mapulá, at mayâmayâ’y marumi dahil sa alikabók ng̃ lansang̃an.
—¡Lakad mg̃a duwág!—ang sigáw sa wikàng kastilà na pinalálakíng mabuti ang boses.
—¡Mang̃a duwág!—ang ulit ng̃ aling̃awng̃áw ng̃ bundók.
At tinutulinan ang lakad ng̃ mg̃a duwág, sa silong ng̃ lang̃it na warì’y nagbabagang bakal, sa isáng daáng nakapapasò na iniáabóy ng̃ mabukóng sang̃á na nalúluráy sa malatay na balát. Ang lamíg sa Siberia ay mabuti pa kay sa araw sa buwan ng̃ Mayo sa Pilipinas! Gayón man, sa mg̃a sundalo ay may isáng namúmuhî sa gayóng mg̃a kabang̃isáng walâng kapararakan: [342]lumalakad ng̃ walâng imík at kunót ang kilay na warìng masamâ ang loob. Sa káhulíhulihan, nang mákita na ang guardia ay hindî na nasísiyahán sa sang̃á kundî pinagsisipâ pa ang mg̃a huli na nápaparapâ, ay hindî na nakapagpigil at bugnót na sumigáw nang:
—Hoy, Mautang, bayàan mo na siláng lumakad na mapayapà!
Si Mautang ay luming̃óng nápamanghâ.
—At anó ang mayroón sa iyo, Carolino?—ang tanóng.
—Sa ganáng akin ay walâ, ng̃unì’t naaawà akó!—ang sagót ni Carolino;—mg̃a tao rin iyáng kagaya natin!
—Napagkíkilalang baguhan ka pa!—ang paklí ni Mautang na tumawang may habág,—¿kung gayó’y anó ang inaasal ninyó sa mg̃a máhuli sa labanán?
—Mabuting dî sápalâ kay sa ganiyán!—ang sagót ni Carolino.
Nápahintông sandalî si Mautang, at pagkatapos, warìng nakátagpô ng̃ isásagót ay panatag na tumugón, na:
—A, ang mg̃a huli doon ay mg̃a kaaway at lumalaban, samantalang ang mg̃a itó ay.... itó’y mg̃a kababayan natin!
At lumapit na ibinulóng kay Carolino:
—¡Nápakahang̃ál ka! Ginágawâ sa kanilá ang ganiyán upang magtangkâng lumaban ó tumanan, at sa gayón ay.... pung!
Ang Carolino ay hindî sumagót.
Ang isá sa mg̃a huli ay namanhík na pahintulutan siyáng tumigil sapagkâ’t mayroón lamang gágawíng kailang̃an.
—¡Ang poók na itó’y mapang̃anib!—ang sagót ng̃ kabo, na dî mápalagáy na tinítingnán ang bundók:—sulong!
—Sulong!—ang ulit ni Mautang.
At humaging ang pamalò. Ang hulí ay namilipit at tiningnán siyá ng̃ ting̃íng may sumbát.
—Mabang̃ís ka pa kay sa tunay na kastilà—ang sabi ng̃ balitî.
Tinugón siyá ni Mautang ng̃ iláng palò. Halos sabáy doo’y humaging ang isáng punlô na sinundán ng̃ isáng putók: nabitiwan ni Mautang ang baril, bumitíw ng̃ isáng tung̃ayaw at matapos madalá sa dibdib ang dalawáng kamáy ay umikit at bumagsák. Nákita siyá ng̃ hulí na kumikisáy sa alikabók at linálabasán ng̃ dugô sa bibíg.
[343]—Tigil!—ang sigáw ng̃ kabo na biglâng namutlâ.
Ang mg̃a sundalo’y humintô at tuming̃ín sa kaniláng paligid. Isáng muntîng bugá ng̃ asó ang lumalabás sa isáng kasukalan sa dakong itaás. Humaging ang isá pang punlô, náding̃íg ang isá pang putók at ang kabo’y namaluktót na nagtutung̃ayáw at may sugat sa hità. Ang pulutóng ay binabaka ng̃ mg̃a taong nang̃agkakanlóng sa mg̃a batóng nasa kaitaasan.
Ang kabo, lipós kagalitan, ay tumurò sa dako ng̃ kumpol ng̃ mg̃a balitî, at sumigáw nang:
—Fuego!
Ang mg̃a huli ay nang̃ápaluhód, na punô ng̃ sindák. Sa dahiláng hindî máitaás ang mg̃a kamáy, ay nang̃agmamakaawàng humáhalík sa lupà at iniuuna ang ulo: may tumutukoy sa kaniláng mg̃a anák, may sa kaniyáng iná na walâ nang mag-aampón; ang isá’y nang̃ang̃akò ng̃ salapî, binábanggít ng̃ isá ang ng̃alan ng̃ Dios, ng̃unì’t ang bung̃ang̃à ng̃ mg̃a baril ay nakababâ na at isáng kakilákilabot na putók ang nagpapipi sa kanilá.
Sinimulán na ang pakikipagputukan sa mg̃a nasa sa itaás na untîuntîng linaganapan ng̃ asó. Dahil sa asóng itó at sa kadalang̃an ng̃ putók ay marahil hindî hihigít sa tatló ang baríl ng̃ mg̃a hindî nákikitang kalaban. Samantala namán ay sumasagupà at nagpapaputók ang mg̃a sundalo, nang̃agkakanlóng sa mg̃a punò ng̃ kahoy, humihigâ at nagpupumilit na makapaitaás. Umiilandáng ang mg̃a putol-putól na bató, nababaklî ang sang̃á ng̃ mg̃a punò, natutukláp ang lupà. Ang unang guardia na nagtangkâng makapanhík ay gumulong na may tamà ng̃ punlô sa balikat.
Ang lihim na kalaban ay nakalalamáng dahil sa kinalalagyán; ang mg̃a matatapang na guardia na hindî marunóng tumakbó ay kauntî nang umurong, sapagkâ’t nang̃ahihintô at ayaw mang̃agsisulong. Ang pakikipaglabang iyón sa hindî nákikita ay nakasindák sa kanilá. Walâ siláng nákikita kundî pawàng asó lamang at batuhán; walâng boses ng̃ tao, ni anino man lamang; mawiwikàng nakipaglaban silá sa bundók.
—¡Hale, Carolino! Násaán ang katalasan mong tumudlâ, p....!—ang sigáw ng̃ kabo.
Nang mg̃a sandalîng iyón ay isáng lalaki ang sumipót [344]sa ibabaw ng̃ isáng bató at ikinúkumpáy ang baríl na hawak.
—¡Paputukán iyán!—ang sigáw ng̃ kabo na bumitíw ng̃ isáng malaswâng tung̃ayaw.
Tatlóng guardia ang sumunód, ng̃unì’t ang lalaki’y nakatayô rin; sumisigáw, ng̃unì’t hindî malinawan ang kaniyáng sinasabi.
Ang Carolino ay nápahintô, na warìng nákikilala ang anyông iyón na nababalot ng̃ liwanag ng̃ araw. Ng̃unì’t binantâan siyá ng̃ kabo na tátarakan kung hindî magpapaputók. Tumudlâ ang Carolino at náding̃íg ang isáng putók. Ang taong nasa bató ay umikit at nawalâng kasabáy ang sigáw na nakatulíg sa Carolino.
Isáng kilusán ang nangyari sa kagubatan na warìng nagpanakbuhan ang mg̃a nároroon. Sa gayó’y nang̃agsisalung̃a ang mg̃a sundalo, na walâ nang kalaban. Isá pang lalaki na ikinúkumpay ang isáng sibát ang sumipót sa ibabaw ng̃ mg̃a bató; pinaputukán ng̃ mg̃a sundalo, at ang lalaki’y untî untîng nápayukô, pumigil sa isáng sang̃á, isá pang putók at lumagpák na pasubasob sa bató.
Matuling nang̃agsipang̃unyapít ang mg̃a sundalo, na inilagáy sa dulo ng̃ baríl ang mg̃a bayoneta at laán sa isáng labanáng subûán; ang Carolino’y siyáng tang̃ìng dahandahan ang lakad, na ang ting̃ín ay pasulingsuling, malamlám, na inaalala ang sigáw ng̃ taong nabuwal dahil sa tamà ng̃ punlô. Ang unang dumatíng sa kaitaasan ay nakátagpô ng̃ isáng matandâng naghihing̃alô, na nakatimbuwang sa bató; sinaksák sa katawán ng̃ bayoneta ng̃unî’t hindî man lamang kumisáp ang matandâ: ang matá’y nakatítig sa Carolino, isáng titig na hindî mawarì, at sa tulong ng̃ mabutóng kamáy ay may itinuturò sa kaniyáng nasa likód ng̃ mg̃a bató.
Ang mg̃a sundalo’y nang̃ápaling̃ón at nákitang si Carolino ay maputlâng maputlâ, nakang̃ang̃á at sa paning̃ín ay naglalarawan ng̃ hulíng kisláp ng̃ pag-iisip. Nákilala ng̃ Carolino, na dilì ibá’t si Tanò, ang anák ni kabisang Tales, na galing sa Carolinas, na ang naghihing̃alô ay ang kaniyáng lelong, si matandâng Selo, na, dahil sa hindî siya makausap ay naghahayág sa kaniyá, sa tulong ng̃ mg̃a naghihing̃alông matá, ng̃ isáng kabuhayang lipús ng̃ sákit. At nang bangkáy [345]na ay patuloy din sa pagtuturò ng̃ isáng bagay na nasa likód ng̃ mg̃a bató......